Nagpost ang isang Facebook (FB) page ng ad raw nina Karen Davila at Doc Willie Ong para sa isang lunas sa sakit na prostatitis. Peke ito at manipulado gamit ang artificial intelligence (AI).
May mambabasang lumapit sa VERA Files para ipa-fact check ang video ad na inupload noon pang March 26. Pinagmumukha ng video na ini-interview ni Davila si Ong tungkol sa gamot na ang tawag ay Vitaman Plus. Ipinalabas rin nitong may pasyenteng nagpatunay na gumaling siya dahil sa Vitaman Plus.
Sa ika-17 segundo ng video, makikita si “Doc Willie” na nagsasabing:
“Oo, totoo. Ang Vitaman Plus ay nakakapagpagaling ng prostatitis. Marami na akong gamot na inirekomenda, pero itong Vitaman Plus ang pinakasulit at mabisa sa lahat.”
Ineengganyo rin ang mga netizen na pumunta sa mga website na nasa post, kung saan sila puwedeng bumili ng Vitaman Plus.
Ang video na ito ay isa na namang pekeng ad na gumamit ng AI para lokohin ang mga netizen. Pinapupunta sila nito sa isang website na nagbebenta ng mga unregistered health product na nangangako ng mabilisang paggaling.
Ang Vitaman Plus ay hindi rehistrado sa Food and Drug Administration.
Ang mga clip ng interview kay Doc Wille ay inedit mula sa vlog ni Davila noong 2021 tungkol sa buhay ni Doc Willie at pagtakbo niya sa pagkabise-presidente noong 2022. Wala silang nabanggit na kahit anong tunkgol sa prostatitis o gamot dito.
Ginamit din ang AI para gayahin ang boses at i-ayon ang galaw ng mga bibig nina Davila at Doc Willie sa script.
Peke rin at manipulado gamit ang AI ang patotoo ng pasyente. Galing ito sa episode ng Kapuso Mo Jessica Soho noong 2019 tungkol sa lalaking may alkoholismo.
Nasusubaybayan ng VERA Files Fact Check ang pagdami ng mga pekeng ad na gumagamit ng AI para gayahin ang boses at manipulahin ang mga clip ng mga sikat na personalidad.
Ang ad na inupload ng FB page na Dr. Michelle Talisik – Urologist (ginawa noong March 26) ay nagkaroon ng 8,400 reactions, 4,200 comments, 650 shares at 2,300,000 views.