May Facebook netizens na nagsasabing hindi tuloy ang pasukan sa June 16 dahil sa pagkalat ng monkeypox. Peke ito.
Ini-upload noong June 1 ang video na may logo ng Presidential Communications Office (PCO) at may nakasulat na:
“WALANG PASOK June 16 2025 class suspended due to mpox virus.”
Noon ding June 1 ay may isa pang netizen na nag-post ng isang katulad na imahe na may logo naman ng Department of Education at may caption na:
“ANNOUNCEMENT!! PLEASE SHARE!! CLass suspended on June 16, 2025 due to MPOX, dahilan nito ay upang See more…”

Peke ang mga ito. Hindi sinuspinde ng PCO, DepEd, o kahit anong ahensya ang pasukan sa June 16.
Ang pekeng announcement ay may link sa isang shopping website. Pinakalat ito pagkatapos ibalita ang mga kaso ng mpox sa iba’t ibang rehiyon ng Pilipinas. Noong May 24 ay binalita ng Zamboanga Sibugay Provincial Health Office ang unang kaso ng mpox sa kanilang probinsiya. Matapos ang apat na araw ay binalita naman ng City at Provincial Health Offices ng Iloilo ang tig-isang kaso ng mpox sa kanilang lungsod at probinsiya.
Mula nakaraang taon hanggang nitong nakaraang buwan ay 911 kaso ng mpox ang naitala ng Department of Health sa Pilipinas.
Ang FB video ay may 2,000,000 views, 23,000 reactions, at 20,000 shares. Iyong isang katulad na imahe naman ay may lagpas 760 shares, 30 reactions, at 20 comments.