May bagong gawang Facebook page na nagsasabing si Bong Go, na nangunguna sa pagkasenador, ay mamimigay ng limang libong pisong ayuda sa mga bumoto sa kanya nitong May 12. Peke ito.
Ini-upload nitong May 13, ang unang kopya ng pekeng post ay picture ni Bong Go na may nakasulat na:
“Maraming Salamat Po Sa Suporta!
‘Sa Lahat Ng Nag-Boto Sa Akin Bibigyan Ko Ng Ayuda Na P5K Basahing Maigi Ang Post Namin Kung Paano Ka Maka-Register at MakaKuha.’
P5,000.00 Ayuda Para Sa Lahat.
Mag-Message Sa Akin Para Mabilis Mabigyan.”
Ano bagong kopya, kasama ng dalawa pang Facebook post, ay may caption na:
“Malasakit Center Cash Assistance
Para Sa Lahat Magregister Dito:
Lahat Ng Mag-Reregister Online ay Mayrong P5K Bawat Isa.
Para mabilis makakuha, Mag-Message po sa amin.
Maraming Salamat Sa Pagsuporta
Kay #SenatorBongGo #MayorDuterte #SenatorRodanteMarcoleta #SenatorImeeMarcos #SenatorBamAquino #senatorkikopangilinan #senatorbatodelarosa #senatortitosotto #SenatorPiaCayetano #senatorpinglacson #AkbayanPartylist #DuterteYouthPartylist”

Si Bong Go, ang pangunahing may-akda at may-panukala ng Republic Act 11463 o Malasakit Centers Act of 2019, ay walang announcement tungkol sa sinasabing ayuda sa kanyang official Facebook page, website o kahit anong public communication channels.
Ang Malasakit Centers ay nagsisilbing one-stop shops para sa apat na ahensya: Department of Health, Department of Social Welfare and Development, Philippine Charity Sweepstakes Office, at Philippine Health Insurance Corporation.
Layunin ng Malasakit Centers na mapagamot at mabigyang-ayuda ang mahihirap na pasyente nang hindi na kailangan pang umalis sa ospital para humingi ng tulong sa mga ahensya ng gobyerno.
Inililigaw ng mga post ang mga netizen papunta sa dalawang peking link: isang papunta sa “PDP LABAN (CASH ASSISTANCE)” blog na nangunguha ng pangalan, address, at phone number; at isang papunta sa shopping website.
Ang mga pekeng post ay lumitaw isang araw pagtapos nitong eleksyon.
Ini-upload ng Malasakit Center – Online Application (ginawa nitong May 13, 2025), ang mga pekeng post ay may kabuuang higit 1,120 reactions, 1,430 comments at 2,090 shares.