Ipinakakalat ng mga netizen ang isang larawan na nagsasabing pinagbigyan daw ng International Criminal Court (ICC) na pauwiin si dating pangulong Rodrigo Duterte sa Pilipinas. Satire ito.
Ang satire ay pang-aasar o panunuya na ipinagmumukhang totoo ang nakatatawang sitwasyon.
Mula May 5, marami nang netizen ang nag-share ng picture ni Karim A. A. Khan, ICC prosecutor ni Duterte, na may nakasulat na:
“BREAKING!!! ICC Prosecutor Grants Duterte Motion to Return to Philippines. He needs to be home because he needs to discipline his misbehaving children.”
(Nagbabagang balita: Pinagbigyan ng ICC prosecutor na pabalikin sa Pilipinas si Duterte. Kailangan niyang umuwi para disiplinahin ang pasaway niyang mga anak.)

Hindi totoong pinagbigyan ng ICC na pauwiin si Duterte. Nananatili siyang arestado sa The Hague, Netherlands, habang hinihintay sa September ang pagdinig sa kompirmasyon ng mga kaso niya.
Ang Facebook (FB) profile na Balat Sibuyas ang nag-upload ng picture noong May 5. Ang original post ay may mga link sa mga social media account, pero na-crop ang mga ito sa ilan sa mga kumakalat na kopya.
Ang social media bio ng Balat Sibuyas ay:
“Balitang hindi totoo pero dapat siniseryoso #satire #humor.”
Walang kapangyarihan ang prosecutor na pagbigyan ang mga apila. Dahil nasa pre-trial stage na ang kaso, mga judge ang may kapangyarihang pagbigyan o tanggihan ang mga apila.
Wala ring sinabi ang ICC prosecutor tungkol sa pagiging pasaway raw ng mga anak ni Duterte.
Ang satirical picture ay kumalat apat na araw pagtapos iapila ng mga abogado ni Duterte na walang kapangyarihan ang ICC para husgahan ang kaso ni Duterte. Hiniling din ng mga abogado ni Duterte ang mabilisan at walang-kondisyong pagpapalaya sa kanya. Wala pang desisyon ang ICC sa apila.
Noon ding May 1, inapila rin ng tagapayo ni Duterte ang pagtatanggal kina Reine Adélaide Sophie Alapini-Gansou at María del Socorro Flores Liera bilang mga judge sa isyu ng kapangyarihan dahil posible raw na may kinikilingan sila. Tinanggihan ng ICC ang apila at sinabing ang pagtatanggal sa mga judge ay puwede lang hilingin ng mismong mga judge, direkta sa Tagapangulo.
Ang post ng Balat Sibuyas ay mayroon lang 57 reactions at 36 shares, pero maraming mga netizen ang nag-share ng post nang hindi sinasabing satire ito. Ang mga kopya ng post ay ini-upload ng FB page na Gensan channel Tv (ginawa noong Feb. 3, 2022 bilang Pasaway ofw tigang) at FB user na si Sam UB (ginawa noong Feb. 6, 2023 bilang Sam UB Vlogger Tv) ay may lagpas 5,050 reactions, 1,100 comments, 850 shares at 91,000 views. Dalawang TikTok post din ang may lagpas 2,900 reactions, 390 comments, 180 shares at 73,570 views.