Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Hamon ni Remulla sa ICC na ipakita ang ‘pattern’ ng mga pagpatay sa giyera sa droga nangangailangan ng konteksto

WHAT WAS CLAIMED

Hinamon ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang International Criminal Court na “ipakita sa amin ang pattern para makakuha kami mula sa kung anumang teorya mayroon sila.”

OUR VERDICT

Kailangan ng konteksto:

Hindi binanggit ni Remulla na noong Setyembre 2021, ang Pre-Trial Chamber I, isang judicial branch ng ICC, ay naglista ng limang “considerations” sa pagtukoy sa pagkakaroon ng sistematiko at malawakang pagpatay sa kampanaya kontra-droga ng administrasyong Duterte.
Noong Enero, inulit ng chamber ang limang pagsasaalang-alang na ito sa pagsagot sa pahayag ng gobyerno ng Pilipinas na walang malawakan at sistematikong pagpatay sa giyera laban sa droga, at ang sitwasyon ay hindi napakabigat para mabigyan-katwiran ang karagdagang aksyon ng ICC.

By VERA Files

Feb 7, 2023

5-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Hinamon ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla ang International Criminal Court (ICC) na ipakita sa gobyerno ng Pilipinas ang “pattern” ng umano’y state-sponsored killings sa ilalim ng war on drugs ng administrasyong Duterte. Kulang ito sa konteksto.

PAHAYAG

Sa isang press conference noong Enero 27, tinanong si Remulla kung may plano ang administrasyong Marcos na iapela ang mga natuklasan ni ICC Prosecutor Karim Khan na ang lokal na imbestigasyon ay “hindi tumutugon sa mga posibleng pattern o patakaran sa likod ng mga pagpatay” na may kaugnayan sa kampanya ng nakaraang administrasyon laban sa ilegal na droga.

Sinabi niya:

“If they want us to investigate the pattern, then they should show us the pattern so that we can pick up from what their theory is.”

(“Kung gusto nilang imbestigahan natin ang pattern, dapat nilang ipakita sa amin ang pattern para makuha natin kung ano ang kanilang teorya.”)

 

Pinagmulan: ANC official YouTube channel, LOOK: DOJ holds press conference as ICC allows resumption of PH drug war probe | ANC, Enero 27, 2023, panoorin mula 13:56 hanggang 14:05

Idinagdag ng Justice Secretary:

“But they should, they cannot subsume upon, they cannot assume jurisdiction in our country without allowing them to do that. And we are not allowing them to take jurisdiction in the country. And first and foremost, we are no longer members of the ICC. That is a complication that is part of the problem right now.”

(“Ngunit kailangan nila, hindi nila maaaring isama, hindi nila maaaring gampanan ang hurisdiksyon sa ating bansa nang hindi natin pinapayagan. At hindi namin pinahihintulutan silang kunin ang hurisdiksyon sa bansa. Unang una sa lahat, hindi na tayo miyembro ng ICC. Iyon ay isang komplikasyon na bahagi ng problema ngayon.”)

 

Pinagmulan: panoorin mula 14:05 hanggang 14:26

ANG KATOTOHANAN

Hindi binanggit ni Remulla na noong Setyembre 2021, ang Pre-Trial Chamber I, isang judicial branch ng ICC, ay naglista ng limang “konsiderasyon” sa pagtukoy sa pagkakaroon ng sistematiko at malawakang pagpatay sa kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte. Ito ay:

  • Mga pahayag na naghihikayat sa mga pagpatay sa ilalim ng drug war ni dating pangulong Rodrigo Duterte at iba pang opisyal
  • Malinaw na kaugnayan sa pagitan ng mga pagpatay at pormal na kampanya ng gobyerno laban sa droga
  • Pagkakaroon ng mga drug watchlist
  • Ang pagkakaloob ng mga gantimpala o promosyon para sa mga salarin
  • Ang kabiguan ng mga pambansang awtoridad na gumawa ng mga makabuluhang hakbang upang imbestigahan o usigin ang mga nasa likod ng pagpatay

Sa desisyon nito noong Enero 26 na nagbigay-daan sa kahilingan ni Khan na ipagpatuloy ang pagsisiyasat, inulit ng chamber ang limang konsiderasyon na ito sa pagtanggi sa pahayag ng gobyerno ng Pilipinas na walang malawakan at sistematikong pagpatay sa digmaan laban sa droga, at ang sitwasyon ay hindi ganoon kabigat para mabigyang-katwiran ang karagdagang aksyon ng ICC.

Ang mga pahayag na naghihikayat sa pagpaslang sa mga pinaghihinalaang drug offender alinsunod sa drug war nina Duterte, Dela Rosa at iba pang opisyal ay itinuturing na mga indikasyon ng state-sponsored killings, sinabi ng chamber sa desisyon noong Setyembre 2021 na nagpapahintulot sa pagbubukas ng drug war probe.

Ang isa pang konsiderasyon ay ang “malinaw na kaugnayan” sa pagitan ng mga pagpatay at kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte. Sinabi nito na nagkaroon ng “malinaw na pagdami ng [naiulat na] mga pagpatay” ng pinaghihinalaang drug personalities matapos ang pag ups ni Duterte bilang presidente at ang paglabas ng Command Memorandum Circular No. 16 noong 2016, na tumutukoy sa tinatawag na “Project: Double Barrel” ng Philippine National Police.

“Dagdag pa rito, ang pagbaba sa bilang ng mga pagpatay kasunod ng dalawang pagkakataon ng pagsuspinde ng tinatawag na ‘war on drugs’ campaign noong Enero-Marso 2017 at muli noong Oktubre-Disyembre 2017 ay nagbibigay ng suporta sa paniniwala na ang mga pagpatay ay naganap sa pagpapatupad ng, o dahil sa, opisyal na patakaran,” sinabi ng chamber sa isang 41-pahinang desisyon.

Kabilang sa iba pang mga kadahilanan ang pagkakaroon ng mga watchlist ng mga sinasabing drug personality, ang pagbibigay ng mga pabuya o promosyon sa mga salarin at ang pagkabigo ng mga pambansang awtoridad na gumawa ng mga makabuluhang hakbang upang imbestigahan o usigin ang mga na likod ng pagpatay.

Bagama’t kinilala ng chamber ang mga pagsisikap ng gobyerno, “hindi pa rin ito nasisiyahan” dahil ang “kabuuan” ng mga lokal na pagsisiyasat at paglilitis ay “hindi sapat na sumasalamin” sa pagsisiyasat ni Khan. Nabanggit din nito na karamihan sa mga kaso ay nakatuon sa mababang ranggo na mga tauhan ng pagpapatupad ng batas.

“Ang mga lokal na paglilitis sa Pilipinas ay hindi sapat na sumasalamin sa inaasahang saklaw ng pagsisiyasat ng Korte, dahil tinutugunan lamang nila ang mga pisikal, mababang ranggo na mga salarin at sa kasalukuyan ay hindi umaabot sa sinumang matataas na opisyal,” sabi nito.

BACKSTORY

Iniimbestigahan ni Khan ang umano’y mga krimen laban sa sangkatauhan, tulad ng pagpatay at torture, na naganap sa giyera laban sa droga ng administrasyong Duterte mula Hulyo 1, 2016 hanggang Marso 16, 2019. Tinantya niya na may 12,000 hanggang 30,000 pinatay na mga pinaghihinalaang drug personalities sa digmaan laban sa droga. Pinayagan din ng Pre-Trial Chamber I ang prosecutor na palawakin ang imbestigasyon sa mga pagpatay at iba pang kaugnay na krimen sa rehiyon ng Davao mula Nobyembre 2011 hanggang Hunyo 2016.

Pansamantalang sinuspinde ang imbestigasyon ng ICC noong Nobyembre 2021 sa kahilingan ng gobyerno ng Pilipinas kay Khan na ipagpaliban at hayaan ang mga lokal na awtoridad. (Basahin ang ICC resumes full-blown investigation into Duterte administration’s drug war)

 

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

 

Mga Pinagmulan

ANC official YouTube channel, LOOK: DOJ holds press conference as ICC allows resumption of PH drug war probe | ANC, Jan. 27, 2023

International Criminal Court official website, Public Redacted Version of “Authorisation pursuant to article 18(2) of the Statute to resume the investigation”, Jan. 26, 2023

International Criminal Court official website, Decision on the Prosecutor’s request for authorisation of an investigation pursuant to Article 15(3) of the Statute, Sept. 15, 2021

Philippine National Police official website, CMC 2016-16 PNP ANTI-ILLEGAL DRUGS CAMPAIGN PLAN PROJECT DOUBLE BARREL, July 1, 2016

International Criminal Court official website, Annex A (Deferral request of the Philippine government), Nov. 18, 2021

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.