Skip to content
post thumbnail

FACT SHEET: Ano ang naghihintay para sa mga driver na naiwan sa PUV modernization plan?

Sinabi ng LTFRB na ang mga PUV driver at operator na ayaw mag-consolidate ay ituturing na walang lisensiya at maaaring hulihin kapag pumasada sa ruta na gamit ang hindi nakarehistrong sasakyan.

By Psalm Mishael Taruc

Oct 12, 2024

5-minute read

Translate

ifcn badge

Share This Article

:

Mahigit limang buwan matapos lumipas ang pinalawig na Abril 30 na deadline para sa pagsasama-sama ng prangkisa sa ilalim ng Public Transport Modernization Program (PTMP), nananatiling madilim ang hinaharap para sa mga driver at operator ng public utility vehicle (PUV) na hindi sumali o bumuo ng mga kooperatiba.

Sinabi ni Teofilo Guadiz III, chairperson ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), na itinuturing na silang “kolorum” (walang lisensya).

“Pwede na po silang hulihin sa dalawang dahilan: Unang-una po, wala kang prankisa at hindi pag rehistro,” sinabi ni Guadiz sa isang press conference noong Set. 23.

Ang PTMP, na naunang kilala bilang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP), ay isang 10-component na programa na kinabibilangan ng industry consolidation, local public transport route plan, route rationalization at fleet modernization, na naglalayong palitan ang mga tradisyonal na PUV ng mga modernong unit hanggang 2028, sabi ng Department of Transportation (DOTr) sa presentasyon nito noong Hulyo 23 sa harap ng joint Senate committees on public services and finance.

Ito ay isang programa ng gobyerno na ipinag-utos noong 2017 na i-phase out ang mga tradisyunal na jeepney, bus at iba pang PUV na hindi bababa sa 15 taon, at palitan ang mga ito ng mga modernized na sasakyan na sinasabing mas ligtas, mas mahusay at eco-friendly.

Gayunpaman, nais ipahinto ng mga transport group na Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) at Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon (Manibela) ang implementasyon ng PTMP. Nagsagawa sila ng dalawang araw na nationwide transport strike noong Set. 23 at 24, bilang pagprotesta laban sa programang modernisasyon.

Ano ang hinaharap ng mga driver at operator ng PUV na tumangging magsama-sama sa ilalim ng PTMP? Narito ang apat na bagay na kailangan mong malaman:

1. Ilang unit ng PUV ang hindi pa rin kasama sa ilalim ng PTMP?

Sa ngayon, humigit-kumulang 17% o higit sa 32,000 PUV units ang itinuturing na hindi consolidated. Umasa ang PTMP na ang mga prangkisa ng 191,730 units ay magsasama sa mga kooperatiba o korporasyon, sinabi ng DOTr sa kaparehong pagdinig ng Senado.

Gayunpaman, karamihan sa 17% ay hindi na pumapasada ng maraming taon, ayon kay Transportation Undersecretary Jesus Ferdinand Ortega.

“‘Yung totoong numero po na hindi talaga o ayaw mag-consolidate, at pinaguusapan natin ang dalawang grupo[Piston and Manibela], humigit kumulang mga 5% po ‘yon,” aniya sa press conference noong Set. 23. Umaabot ang tinantayang bilang ng mga hindi consolidated na unit sa humigit-kumulang 9,500.

Para sa Manibela, sinabi ni chairperson Mar Valbuena na ang kanilang mga driver na hindi nag consolidate sa ilalim ng programa ay bumibiyahe pa rin sa mahigit 200 ruta sa buong bansa.

“May nag-consolidate man, pero ‘yun eh, mga natakot lang, kasi doon sa lugar ay may mga kalaban silang kooperatiba na kapag hindi sila magko-consolidate, tatanggalin sila sa ruta,” sinabi ni Valbuena.

Ang mga na consolidate na mga Manibela driver na ito ay nakikibahagi pa rin sa mga welga ng transport group, paglilinaw niya.

2. Anong mga opsyon ang ibinibigay ng gobyerno para sa mga hindi nag consolidate na jeepney driver?

“Bibigyan ho namin ng pagkakataon. Maaari silang sumali sa mga umiiral na kooperatiba at korporasyon pero hindi po sila pwedeng bumuo ng korporasyon,” sinabi ni Guadiz.

Idinagdag ni Guadiz, “Binibigyan namin sila ng training sa TESDA [Technical Education and Skills Development Authority] at binibigyan din namin sila ng kompensasyon, parang panimula sa negosyo.”

Ang TESDA ay mayroong Tsuper Iskolar program na nagbibigay ng libreng skills training at assessment sa mga jeepney driver at iba pang stakeholder sa transport industry na nawalan ng hanap-buhay dahil sa modernization program, batay sa isang media release na may petsang Abril 4, 2019.

Gayunpaman, sinabi ni Valbuena na naniniwala siya na ang inisyatiba na ito ay hindi pinakinabangan ng mga driver na pinag-uusapan, at binanggit na wala sa mga Manibela driver ang nagpatala sa programa.

3. Ano ang naghihintay sa mga driver na naiwan sa proseso ng modernisasyon?

Sinabi ni Jerico Macalalad, isang 23-taong-gulang na isang taon pa lamang ang karanasan bilang jeepney driver: “Hindi ko pa masasabi kung saan kami pupulutin kasi pare-parehas kami sigurong mahihirapan maghanap ng hanap-buhay.”

“Siguro ‘yung mga bata, pwede pa do’n pero medyo may edad na, hindi na kaya,” sinabi ni Ceasar Rillo, isang 64-taong-gulang na driver. Ipinaliwanag niya na ang mga driver na hindi nakapagtapos sa kolehiyo ay mahihirapang maghanap ng trabaho kung matutuloy ang PTMP.

Sinabi ni Ferdie Medina, isang jeepney driver sa loob ng mahigit dalawang dekada, na ang takdang araw na sahod na P500 hanggang P600 para sa mga jeepney driver sa ilalim ng programa ay hindi sapat para suportahan ang mga pangunahing pangangailangan ng kanyang tatlong anak, dalawa sa kanila ay nag-aaral pa.

Sa parehong pagdinig ng Senado, sinabi ni Guadiz na ang DOTr ay nagbibigay ng P280,000 equity subsidy para sa pagkuha ng modernong unit, na nangangailangan ng P42-bilyong pondo hanggang 2030 upang palitan ang mga 150,000 jeepney. Tutulungan din ng ahensya ang mga kooperatiba sa pamamagitan ng capacity-building training sa compliance, fleet management, financial plan at driver safety and ethics.

Gayunpaman, ang budget na hiniling ng DOTr para sa equity subsidy ay staggered hanggang 2030 kung kailan matatapos ang modernization. Sinabi ni Ortega na mula noong 2018, naglaan ang ahensya ng P4 bilyon para sa equity subsidy. Humihiling ang DOTr sa Kongreso ng P4.9 bilyon para sa 2025.

Pinuna ni Senate President Francis Escudero ang ahensya sa pagtatakda ng deadline ng consolidation bago sila magkaroon ng sapat na pondo para ma-subsidize ang pagpapalit ng lahat ng traditional units.

Sinabi niya, “Bakit hindi niyo isabay ‘yung phaseout depende sa pondo na meron kayong ia-alok sa mga magmo-modernize?”

4. Ano ang makapagsasama sa programa ng mga hindi consolidated na jeepney driver?

“Pasahurin nila kami ng [P]1,500 isang araw, magmo-modern kami,” sinabi ni Popoy Dela Cruz, isang jeepney driver na tumanggi na mag consolidate.

Paliwanag ni Dela Cruz, ang nakapirming suweldo ay kawalan ng kita sa mga driver. Ibinabawas ang gastusin sa gasolina, pagkain at iba pang gastusin sa isang araw ng pagmamaneho ng jeepney, ang isang tsuper ay natitirahan ng P600 hanggang P1,000 araw-araw na kita.

“Ibig sabihin kasi ng P600, P700 na kinikita…nasa bulsa na ‘yon. Labas na lahat ng gastusin,” ani Dela Cruz.

Ngunit sa nakapirming suweldo, sinabi ni Medina, “Hindi na pwedeng tumaas. Hanggang doon lang ang sahod mo.”

Iginiit ng mga jeepney driver na patuloy nilang poprotektahan ang kanilang kabuhayan. Magpapatuloy daw ang mga protestang rally laban sa modernization program na magpapatalsik sa marami sa kanila.

Check out these sources

 

On the April 30 consolidation deadline

Radio Television Malacañang – RTVM Facebook page, PCO Press Briefing with DOTr, LTO, LTFRB & TRB, Sept. 23, 2024

Mody Floranda Facebook page, Press Conference, Sept. 21, 2024

Senate of the Philippines YouTube page, Committee on Public Services, July 23, 2024

Technical Education and Skills Development Authority, TESDA, DOTr launch Tsuper Iskolar” Drivers, other PUV modernization stakeholders tapped as scholars, April 4, 2019

Mar Valbuena, Personal communication (call), Sept. 26, 2024

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.