Tinuligsa ni Sen. JV Ejercito ang isang video na nagpapakita ng mga batang estudyante na pinagsisiksikang parang mga sardinas sa likod ng isang pribadong sasakyan sa Binondo, Manila. Tinawag niya itong “isang kaso ng child abuse.”
“Ang gawaing ito ay hindi katanggap-tanggap dahil maaaring malagay sa peligro ang kalusugan at buhay ng bata. Maaari itong ituring na kaso ng pang-aabuso,” sinabi ni Ejercito noong Okt. 1 sa VERA Files.
Tumutugon ang senador sa isang report ng ABS-CBN TV Patrol noong Set. 28 na nagpapakita ng anim na bata na magkakatabing pinatatayo ng kanilang mga guro sa likod ng isang SUV.
Matapos ang ilang minuto, isinarang maigi ang pinto ng SUV, indikasyon na aalis na ang sasakyan.
Ayon sa Land Transportation Franchise and Regulatory Board (LTFRB), tanging mga bus, mini-bus, coaster, coach at mga van na may mga upuang nakaharap sa daan at kani-kanyang mga seat belt ang maaaring magsakay ng mga batang estudyante.
Sinabi ni Ejercito sa isang email sa VERA Files na ang hindi katanggap-tanggap na mga gawaing ito ay ipagba-bawal na sa sandaling maisabatas ang panukalang naglalayong protektahan ang mga batang sumasakay sa mga pribadong sasakyan.
Nakabimbin sa plenary ngayon ang Senate Bill 1447 o “Child Safety in Motor Vehicles Act of 2017″ na panukala si Ejercito. Nag-uutos ito sa mga may-ari ng pribadong sasakyan na may mga anak na edad 12 at mas bata, na gumamit ng car seat o child restraint na tugma sa kanilang laki, taas at bigat.
Ang mga child restraint — ang pangkalahatang tawag sa mga car seat, booster seats at car beds — ay mga gamit pangkaligtasan na espesyal na idinisenyo para tiyakin ang kaligtasan ng mga bata sa sasakyan kung magkaroon ng banggan o biglaang pagpreno.
Kapag tama ang pagkakagamit, nababawasan ng mga ito ang tsansa ng pagkamatay ng mga sanggol sa isang banggaan ng tinatayang 70 porsiyento. Hanggang 80 porsiyento naman ang bawas ng tsansa sa mga maliliit na mga bata, ayon sa World Health Organization.
Hindi kasama sa kasalukuyang batas kaugnay ng seat belt ang paggamit ng espesyal na upuang pang sasakyan para sa mga bata.
From 2006 to 2014, an average of 671 Filipino children aged 14 and below died each year in road crashes, data from the Philippine Statistics Authority show. Road crashes are the second leading cause of death for Filipinos 17 years and below, according to the Department of Health.
Mula 2006 hanggang 2014, may average na 671 batang Filipino na edad 14 at mas bata ang namatay bawat taon sa banggaan sa kalsada, ayon sa datos mula sa Philippine Statistics Authority. Ang banggaan sa kalsada ang ikalawang sanhi ng kamatayan sa mga Pinoy na 17 taon at mas bata, ayon sa Department of Health.
“Sa pag pasa ng panukalang ito, maaarin nating maprotektahan ang mga bata sa ating mga kalsada,” sinabi ni Ejercito na pinatutungkulan ang Senate Bill 1447. “At tiyak, ang pagsisiksikan ng mga bata sa loob ng SUV ay hindi papayagan.”
Bukod sa pag-uutos na gumamit ng upuang pangsasakyan para sa bata, ipinagbabawal din ng panukala ang pag-iwan ng mga bata sa sasakyan na walang kasama at ang pag upo nila sa harap ng pribadong sasakyan.
“Ang ating kabataan ang kinabukasan ng bansa; kailangan natin silang bigyan ng lubos na proteksyon at pangangalaga,” sinabi ng senador.