Sa pagmamadaling ipasá ang panukala sa vape, binaliktad ng ika-18 Kongreso ang sarili nito nang walang paggalang sa lehislatibong tradisyon o sa nag-iisang kasamahang mariing tumututol.
“Sa kinaugalian, pinapayagan kaming tanungin ang may-panukala habang nag-uulat sa bicam … Binása ang bicameral report lagpas alas nuwebe kagabi [Enero 25] … Wala ’yon sa agenda, kayâ hindi ko alam na pag-uusapan ’yon,” sabi ni Sen. Pia Cayetano, na tumutol sa panukala sa simula pa lang.
“Hindi ako magiging kasabwat sa panukalang nagbabalatkayo bílang pangkalusugang regulasyon,” prinotesta niya sa sesyon ng plenaryo noong Enero 26. “Bersiyon ’yon na sumusuporta sa industriya [ng tabako] at hindi sa sambayanang Filipino.”
Mahalaga ang oras sa mga nagsusulong ng panukala sa vape. Mamamatay ang panukala kung hindi magkakasundo ang Kapulungan ng mga Kinatawan at Senado para pagtibayin ang panukala bago matapos ang ika-18 Kongreso. Nakatakdang magpahinga ang parehong kamara mula Pebrero 5 hanggang Mayo 22 para bigyang daan ang lokal at pambansang halalan sa Mayo 9.
Ang “Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act,” na inendorso kay Pangulong Rodrigo Duterte para pirmahan, ay magpapawalang-bisa sa mga probisyon ng RA 11467 na pinirmahan noong 2020. Ang RA 11467 ay pagbabago sa “sin tax” law, kasáma ang mga proteksiyon sa paggamit, pagbenta, paggawa, pag-angkat, at pamamahagi ng vapes para protektahan ang pambublikong kalusugan. Nakatakdang ipatupad nang buo ngayong Mayo ang pinag-uutos na mga paghihigpit.
Tinatakda bílang pamantayan para protektahan at isulong ang karapatan ng mga tao sa kalusugan, pinabababa ng panukala ang edad ng pag-access sa electronic cigarettes o vapes at heated tobacco products (HTPs) mula 21 pababa sa 18. Tinatanggal nito ang kapangyarihang pangasiwaan ang mga nasabing produkto mula sa Food and Drug Administration (FDA) at nililipat sa Department of Trade and Industry (DTI). Tinatanggal din nito ang two-flavor limit sa electronic juices. At pinapayagan ang mga pagpopondo sa labas ng mga pang-industriyang asosasyon at pangkalakalang pangyayari.
Bílang panukala ng Kapulungan, pinayagan din ng bicameral conference committee ang mga kompanya ng tabako na magsagawa ng mga gawaing may kaugnayan sa corporate social responsibility (CSR). Nilalabag nito ang Framework Convention on Tobacco Control (FCTC), isang pandaigdigang kasunduan ng World Health Organization (WHO), na pinirmahan ng Pilipinas noong Setyembre 2003 at pinagtibay ng Senado noong Hunyo 2005.
Sakop ng pinagtibay na panukala hindi lang ang vapes at HTPs na ginagawa at binebenta ngayon ng industriya ng tabako.
Áyon kay Dr. Ulysses Dorotheo, executive director ng Southeast Asia Tobacco Control Alliance (SEATCA), sakop ng nakabinbing panukala ang mga darating na produkto ng industriya na pasók sa kahulugan ng mga bagong produktong tabako na tinakda sa panukala—“lahat ng hindi sinisindihang sangkap sa anyong solido o likido, at mga inobasyon, gawa man bahagya sa dahon ng tabako bílang hilaw na material, o naglalaman ng nikotina mula sa tabako na layuning gamiting pamalit sa mga sigarilyo o iba pang sinisindihang produktong tabako.”
Minungkahi ng Kapulungan ang pagpasok ng pariralang “at ng kanilang devices, at mga bagong produktong tabako” sa Senate version ng panukala, ang pinagkasunduang working draft ng conferees. Kasáma sa House conferees sa bicam sina Wes Gatchalian, Rufus Rodriguez, Kristine Singson-Meehan, John Reynald Tiangco, Alfredo Garbin Jr., Sharon Garin, Estrellita Suansing, at Stella Quimbo. Ang Senado ay kinatawanan nina Ralph Recto, Juan Miguel Zubiri, at Franklin Drilon.
Nilarawan ng abogadong si Antonio La Vina, dekano ng Ateneo de Manila School of Government, ang biglaang pagbaliktad ng Kongreso bílang “kakaiba”. “Walang kabuluhan ito … Sa usaping legal, káyang palitán ng Kongreso ang batas anumang oras. Minsan, kailangan nilang bumalik nang sobrang bilis para baguhin, [halimbawa], ang mali sa pagkakasulat … Hindi ’to para sa mahahalagang dahilan.”
Pinaalala kay Dr. Maricar Limpin ng minadaling pagtitibay ng panukala sa vape kung paano minaniobra ng ika-12 Kongreso ang pagpapatupad ng RA 9211 o Tobacco Regulation Act of 2003.
“Pag-uulit talaga ’to ng kasaysayan sa sarili nito… inaantala o pinipigilan ang pagpapatupad,” sabi ni Limpin, executive director ng FCTC Alliance Philippines (FCAP) at pangulo ng Philippine College of Physicians. “Pinahihina talaga nito ang legislative process natin dahil hindi pa pinatutupad nang buo ang batas [RA 11467], pinapalitan na nila.”
Naalala ni Limpin na inumpog sa lehislatibong gilingán ang RA 9211 (na pinababa ang bisa) dahil sa inaasahang mahigpit na WHO-FCTC, ang unang pandaigdigang kasunduang nakabase sa ebidensiya, na layuning tugunan ang pandaigdigang epidemya sa tabako.
“Bandáng 1998, nagsimula ang mga pag-uusap sa FCTC, kayâ pinaglaban namin ang ilang probisyong dapat nasa RA 92111 … Pero nang makita nilang maaapbrubahan ang FCTC, pinigilan ng RA 9211 ang FCTC,” naalala ni Limpin, na sumubaybay sa bahagi ng batas para sa FCAP at PCP.
Ang RA 9211 ay sinabatas ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong Hunyo 2003, tatlong buwan bago pinirmahan ng Pilipinas ang WHO-FCTC at dalawang taon bago pinagtibay ng Senado ang kasunduan.
Ang mga estadong pumirma sa kumbensiyon ay inaasahang “magpakita ng politikal na pangakong hindi pahinain ang mga layuning tinakda rito,” áyon sa paunang-salita ng WHO-FCT.
Sa ilalim ng Konstitusyon ng Pilipinas, kapantay ng pambansang batas ang pinagtibay na pandaigdigang kasunduan. “Intindihing may mga pagkakasalungat, may dapat pagtugmain… pagkasuduin, o baguhin sa nakaraang batas,” paliwanag ni La Vina.
Talo ng Kalakalan ang Kalusugan
May ilang magkakasalungat na probisyon ang WHO-FCTC at Tobacco Regulation Act. Isa na rito ang pagpayag sa kinatawan ng industriya ng tabako na maupo sa Inter-Agency Committee on Tobacco (IAC-T). Sa ilalim ng RA 9211, IAC-T ang may “tanging kapangyarihan at tungkuling mamahala at magpatupad ng mga probisyon” ng batas. Ang kalihim ng DTI ang tagapangulo ng komite habang ang kalihim ng Department of Health (DOH) ang bise.
Bukod sa kinatawan ng industriya ng tabako, miyembro rin ng komite ang mga kalihim ng agrikultura, hustisya, pinansiya, environment and natural resources, siyensiya at teknolohiya, edukasyon, tagapamahala ng National Tobacco Administration, at kinatawan ng non-government organization (NGO) na minungkahi ng DOH.
Nakikitang isa sa pinakamalaking balakid sa tunay na pagkontrol sa tabako ang IAC-T na pinamumunuan ng DTI. Áyon kay Limpin, ang kinatawan ng NGO sa IAC-T, sa komite, halos laging tinatalo ng kalakalan ang kalusugan.
Ang mga kinatawan ng kagawaran ng kalusugan at edukasyon lang ang likas na kakampi ng NGO sa komite.
“Kung titingnan mo ang komposisyon, matatalo talaga kami … kahit kailan, hindi pumanig sa amin ang DENR … Ang agrikultura ay laging kinakatawan ng National Tobacco Administration, na kumukuha ng dalawang boto. Ang DOF, dahil hindi ’to usapin ng pagbubuwis kundi mas usapin ng industriya, boto sa kabila … Napaka-objective ng DOST… Laging tumitingin sa punto ng batas ang DOJ,” paliwanag ni Limpin sa pinaghalong English at Filipino.
Kinakatawan ng mga abogado ang Philippine Tobacco Institute, kayâ hindi káyang manalo sa mga usapang legal ang kinatawan ng NGO na hindi abogado, dagdag ni Limpin.
Baguhang kongresista noong ika-12 Kongreso, sabi ni Rozzano Rufino Biazon ng Muntinlupa na ang hulíng anyo ng RA 9211 ay patunay ng napakalakas na “pro-tobacco lobby” na pinamumunuan noon ng mga mambabatas mula sa mga probinsiya sa hilagang Luzon na gumagawa ng tabako.
“Noong 2001, naramdaman ko na … Nagtagumpay ang pro-tobacco lobby sa katotohanang, bílang regulatory body, [gumawa] sila ng komiteng pinamumunuan ng DTI … Sa ganoong kaso, lumabnaw ang awtoridad ng komite, lalo’t pinamumunuan ng DTI,” sabi ni Biazon.
Walang-alam noon sa sining ng paggawa ng batas, naalala ni Limpin na, kasâma ng mga kapwa niya nagsusulong ng kalusugan, hindi nila maintindihan kung bakit DTI ang ginawang tagapangulo ng komite at ni hindi co-chair ang DOH kahit na tungkol sa kalusugan ang panukala.
“Noong panahong ’yon, wala akong alam sa panghihimasok ng industriya, pero halata naming may lobby. Napakalakas ng presensiya ng industriya,” sabi ni Limpin. “Magiliw sa isa’t isa” ang mga kinatawan ng indsutriya at mga kongresista.
Mga Diskarte sa Pag-aantala
Ang namayapang senador na si Juan Flavier, dating kalihim ng DOH na kilala sa kanyang kampanyang “Yosi Kadiri”, ang kampeon ng mga nagsusulong ng kalusugan, na nagtutulak para sa mas malawak at mahigpit na mga regulasyon sa tabako. Unang nahalal sa Senado noong 1995, matindi siyang nagkipaglaban para sa regulasyon ng tabako. Nasa kanyang hulíng termino siya nang ipatupad ang Tobacco Regulation Act noong 2003.
“Ginusto niya ’yong maging legacy. Kayâ sabi niya, ‘Wala akong magawa.’ May isang boto lang siya kayâ humingi siya ng kompromiso … dahil kung hindi, matatapos na ang termino niya at wala pa ring batas sa pagkontrol ng tabako,” naalala ni Limpin.
Personal na alam ni Flavier ang hírap sa pagpapatupad ng mga hakbang sa pagkontrol ng tabako. Nabigo ang mga panukala niya noong ika-10 at -11 Kongreso. Hinatak ng indsutriya ng tabako si Flavier sa korte bílang kalihim ng DOH dahil sa paglabas ng Administrative Order 10 sa mga patakaran at regulasyon sa pagtatak at pag-alok ng mga sigarilyo. Pinanigan ng korte ang industriya; inapela ng DOH ang desisyon.
“Ginusto niyang magkaroon ng mga babalang pangkalusugan sa harap at likod ng paketa dahil ’yon ang AO niya … Pinagtalunan ’yon noon kayâ kinailangan niyang isáma sa RA 9211 … Nang magdesisyon ang korte, dapat ipatutupad na noong 2003, nasabatas na ang RA 9211, kayâ natulak ulit pabalik ang pagpapatupad.” sabi ni Limpin.
Kahit hindi na tinututulan ng indsutriya na nakamamatay ang paninigarilyo, hindi pa rin ito tumitigil na labanan ang mga pagsisikap para mapatupad ang WHO-FCTC, at RA 9211 ang naging angkla nito sa mga kaso nito sa korte. Kahit ang IAC-T, kung saan kinakatwan ang industriya ng tabako, hindi pinalagpas ng tobacco firms na madalas magdemanda.
“Isang araw bago ang pagpapatupad ng batas sa pangkalahatang pagbabawal sa outdoor advertising, kinasuhan ang inter-agency committee … kayâ hindi napatupad ang batas. Indibidwal na mga kompanya ang [nagsampa ng kaso], hindi ang Philippine Tobacco Institute … para ’di sila magmukhang tanga,” sabi ni Limpin, miyembro ng IAC-T bílang kinatawan ng NGO.
Nagsampa ng kaso ang Fortune Tobacco Corp. sa Lungsod ng Marikina, ang home base ng kompanya. Nagdesisyon ang korte ng Marikina pabor sa industriya, na nagtatakdang isáma ang buong sukat ng lupain kung nasaan ang tindahan bílang sakop ng lugar ng pagbebenta. Ibig sabihin, hindi puwedeng ilimita sa panloob na mga pader ng mga tindahan ang mga kagamitan sa pag-aalok ng tabako, salungat sa intepretasyon ng IAC-T sa batas sa pagkontrol ng tabako.
Prestihiyosong law firms ang laging kumakatawan sa industriya ng tabako, habang mga sobra-sa-trabaho at kulang-sa-sahod na mga abogado ng Office of the Solicitor General ang naghawak ng mga kaso ng pamahalaan.
Noong Mayo 2010, inisyu ng DOH ang AO 13 para ipatupad ang Article 11 ng WHO-FCTC, na nag-uutos sa mga kompanya ng tabako na maglagay ng mga larawang babala sa halip na mga nakasulat lang na babala sa mga pangkalusugang epekto ng mga produkto. Ang pagpapatupad ay sobrang lagpas na sa Setyembre 2008 na hulíng araw ng pagsunod sa kasunduan.
Limang pangunahing kompanya ng tabako—Fortune Tobacco, Mighty Corp., Philip Morris Fortune Tobacco Corp., Japan Tobacco International, at Telengtan Brothers & Sons (La Suerte Cigar)—ang nagsampa ng hiwalay na mga demanda sa mga pangunahing lugar ng negsyo nila para pigilan ang pagpapatupad ng AO.
Kinatwiran ng mga kompanya ng tabako na puwede lang ipatupad ang Article 11 kapag pinagana ng pambansang batas. Ang katwiran nila: malinaw na nakasaad sa RA 9211 na “walang ibang nakalimbag na mga babala, bukod sa kailangang babalang pangkalusugan [“BAWAL IBENTA SA MGA BATA”], ang dapat ilagay sa mga pakete ng sigarilyo.” Nagdesisyon ang mga korte pabor sa mga kompanya ng tabako; inapila ng DOH ang desisyon sa Korte Suprema.
Naging kuwestiyonable sa petisyon ng DOH ang bahagi ng RA 10643, o ang Graphic Health Warnings on Tobacco Products, noong Hulyo 2014. Noon, tatlong taon nang inaantala ang pagpapatupad ng AO 13.
FDA at Tobacco Lobby
Noong 20212, nakapuntos ng isang malaking legal na tagumpay ang industriya ng tabako. Nagtagumpay ito sa pagharang ng awtoridad ng FDA sa mga produktong tabako at industriya ng tabako. Nagdesisyon ang Las Pinas Regional Trial Court na IAC-T ang may tanging awtoridad para pangasiwaan ang mga produktong tabako sa ilalim ng RA 9211, at ang paglalagay ng mga ito sa ilalim ng pamamahala ng FDA ay manghihimasok sa jurisdiction ng IAC-T.
Tinaas ng FDA ang isyu sa Korte Suprema; nakabinbin pa rin ang kaso.
Naglathala ang ahensiya ng bagong implementing rules and regulations (IRR).
Sa interpelasyon sa panukala sa vape noong Setyembre 2021, habang tinutugunan ni Cayetano ang mga kasamahang nagtutulak para sa jurisdiction ng DTI o IAC-T sa mga bagong produktong tabakong “gaya lang ng sigarilyo”, binaggit niyang dapat sakop ng RA 9711 o FDA Act ang mga sigarilyo.
“If his honor ay ginagamit ’yang basehan, pinaaalam ko sa publiko, pinaaalam ko sa mga kasamahan natin na produkto ng cigarette company lobby [ang dahilan kung bakit] ’to wala sa ilalim ng FDA ngayon … nag-lobby ang industriya laban sa jurisdiction ng FDA,” sabi ni Cayetano kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto, ang pangunahing nagsusulong ng panukala sa vape.
Sa ilalim ng RA 9711, FDA ang tinalagang pangunahing ahensiyang namamahala sa mga pangkalusugang produkto sa bansa. Inatasan itong “tiyakin ang kaligtasan, bisa, o kalidad ng mga pangkalusugang produkto, kasáma ang mga pagkain, gamot, pampaganda, device, biological bakuna, in-vitro diagnostic reagent, radiation-emitting devices or equipment, at delikadong household/urban substance, kasáma ang mga pamatay-peste, laruan, o mga kinokunsumong produktong puwedeng makaapekto sa kalusugan, na kailangan ng mga regulasyong tinakda ng FDA.”
Binigyan ang FDA ng kapangyarihang pangasiwaan ang vapes at heated tobacco products (HTPs) noong unang regular na sesyon ng ika-18 Kongreso nang isabatas nito ang RA 11467, na pinirmahan ni Duterte noong Enero 2020. Si Cayetano ang may-panukala.
Pagsasalegal ng mga Vape at HTP sa Pamamagitan ng Pagbubuwis
Áyon kay Dorotheo, kompromisong panukala ang RA 11467 para tiyakin ang pagtaas ng mga buwis sa sigarilyo. Sabi niya, ang mga kagawaran ng pananalapi at kalusugan ay nagtutulak lang para sa matataas na buwis sa mga sigarilyo, pero sa hulíng minuto, nagpasok si Recto ng probisyong nagbubuwis sa e-cigarettes at HTPs sa halagang higit mas mababa sa mga sigarilyo. Ang katwiran: “95% mas mababa ang panganib” ang mga produktong ito kaysa sa mga sigarilyo—na pinasinungalingan ng mga awtoridad sa kalusugan.
Naniniwala si Biazon na dapat nasa ilalim ng RA 9211 ang HTPs na gumagamit ng tabako, at dapat pinatawan ng mas matataas na buwis gaya ng mga sigarilyo. Pero sináma ito sa vapes at mga alternatibo sa tabako.
“’Pangho-hostage na klase ’yon ng diskarte dahil kung hindi ’yon maaprubahan, puwedeng hindi maaprubahan ang mataas na buwis sa mga sigarilyo. Kayâ sabi ng DOF at DOH, ‘papayag kami … tatanggapin namin para makuha natin ang matataas na buwis sa mga sigarilyo’,” sabi ni Dorotheo. “Sa pagbubuwis sa kanila, nagiging lehitimo sila (e-cigarettes at HTPs). Hindi sila puwedeng ipagbawal.”
Sinabing ginagamit din ang parehong diskarte sa ibang bansa gaya ng Indonesia, na hindi nagkaroon ng kahit anong regulasyon sa mga bagong produktong tabako hanggang nagdesisyon ang ministeryo ng pananalapi na magpataw ng mga buwis na nagsasalegal ng mga produktong “kasalanan”.
Sa pakiusap ng mga mambabatas, binigyan ang industriya ng tabako ng 18 buwan mula sa pag-isyu ng IRR para sundin ang requirements ng RA 11467. Kasáma sa mga nanatiling hindi pa napatutupad ang mga tinututulang probisyon gaya ng jurisdiction ng FDA sa vapes at HTPs, 21-taóng-gulang na pinakamababang edad ng pag- access, at two-flavor limit sa electronic juice.
Duterte: Nakalalason ang Vapes at HTPs
Dalawang buwan bago pirmahan ang RA 11467 noong 2020, inanunsiyo ni Duterte, na kilalang kontra-sigarilyo, na ipagbabawal niya ang vapes at HTPs dahil nakalalason ang mga ito.
Wala pang dalawang linggo bago ang mga pahayag ng pangulo kontra sa pagve-vape, inanunsiyo ng FDA ang pansamantalang pagtigil sa pagpapatupad ng AO 7, ang mga binagong patakaran at regulasyon sa mga vape at HTP, para sumunod nang may injunction na inisyu ng Pasig Regional Trial Court kasunod ng petisyon ng isang nagtitinda ng vape. Inisyu ang AO 7 para suportahan ang Executive Order (EO) 26, na pinirmahan ni Duterte noong 2017, na nag-utos ng pambansang pagbabawal ng paninigarilyo sa publiko, kasáma ang pagve-vape at paggamit ng HTPs.
Pero noong Pebrero 2020, tinupad ni Duterte ang sinabi niya at inisyu ang EO 106, na nagbabawal sa paggawa, pamamahagi, pag-alok, at pagbenta ng mga hindi rehistradong e-cigarettes at HTPs at paggamit ng mga ito sa mga pampublikong lugar. Sa sulat niya sa pangulo ng Senado at tagapagsalita ng Kapulungan, inatasan ni Duterte ang FDA na magbalangkas ng mga pakay na regulasyon at mga kaugnay na ahensiya para agarang paandarin ang EO 106.
Kinikilala ng mga nagsusulong ng kalusugan ang RA 11476 na tagumpay laban sa industriya ng tabako, pero panandalian ang pagkatuwa. Nang magbukas noong Hulyo 2020 ang pangalawang regular na sesyon ng ika-18 Kongreso, inuna para masabatas ang mga panukala sa vape, karamihan’y pagbabago sa hindi pa rin napatutupad na mga probisyon ng RA 11467. Karamihan ng mga mungkahing pagbabago ay mga regulasyon na sumusunod sa disenyo ng RA 9211 at binibigyan ng jurisdiction ang DTI.
Inasahan ng dating direktor-heneral ng FDA na si Eric Domingo ang mosyon.
“Alam naming pagtutuunan [ang regulatory provisions] dahil kahit habang nililitis ang [RA] 11467, ilang kongresista at senador na ang nagtatanong—bakit masyadong mataas ang age limit, bakit may paghihigpit sa flavors … Kahit sa batas na pinasá, alam naming ’yong mga probisyon pa rin ang dapat naming protektahan,” sabi ni Domingo. “Saktong kung kailan patapos na ang transition period, naglabas sila nitong bagong panukala at alam naming planado ’yon.”
Kalamangan sa Bílang vs. Siyentipikong Datos
Sa Kapulungan ng mga Kinatawan, walang kakulangan ng mga tagasuporta ng industriya ng tabako. Noong Mayo 2018, tinaggap ng ika-17 Kongreso ang House Resolution 1885, na nag-uudyok sa DOH na isulong ang mga hakbang na nagpapababa ng panganib bílang bahagi ng pambansang estratehiya sa pagkontrol ng tabako, partikular ang paggamit ng e-cigarettes bílang alternatibo para sa mga naninigarilyo.
Ang mga lehislatibong paglilitis na humulma sa panukala sa vape ng Kapulungan ay hindi nag-iwan ng duda kung nakaninong panig ang karamihan ng mga mambabatas ng ika-18 Kongreso.
Inimbita bílang ekspertong panelist sa mga pagdinig, naalala ni Dr. Rizalina Gonzalez, tagapangulo ng Philippine Pediatric Society – Tobacco Control Advocacy Group, ang ilang mambabatas na tahasang binabalewala ang mga pag-aaral na hindi sumusuporta sa kanilang posisyon.
Isang mababatas ang ’di umano’y nagsabi sa kanya: “Hindi mo alam ang sinasabi mo, Doktor.” Isa pang nagsabi nang tahasan: “Hind ko paniniwalaan ’yan.”
Áyon kay Dorotheo, isang kinatawan ng partido ang nagalit sa FDA sa pagsasabing “lason ang nikotina.”
“’Wag mo sabihin sa ’king lason ’yon; kundi, hindi kita pakikinggan,” sabi raw ng mambabatas.
Dagdag niya: “Technically, tama ’yon. Kung magbubuklat ka ng libro sa pharmacology, talagang kina-classify na lason ang nikotina.”
Ilang dekadang sangkot sa adbokasiyang pagkontrol sa tabako, sabi ni Dorotheo, “Kahit kailan, hindi táyo nagkaro’n noon ng kongresistang ganoon magsalita.”
Naobserbahan ni Gonzalez na, sa kabiláng panig, mas bukás at magalang ang mga mambabatas sa mga ekspertong kumakatawan sa industriya ng tabako.
Naalala niyang kahit maaga silang dumarating ni Dorotheo, “pinupuwesto kami sa malayong dulo at katabi ng mga mambabatas lahat ng kasáma ng industriya … paulit-ulit nilang sinasabi, ‘may mga bisita táyo rito at pakinggan natin sila, nanggaling silang lahat sa Singapore’.”
Sa kabila ng malamig, kundiman masáma, na trato sa mga nagsusulong ng kalusugan sa Kapulungan, hindi pa rin makapaniwala si Domingo sa katotohanang binaliktad ng Konreso ang sarili nito sa loob ng 18 buwan, nang hindi man lang pinatutupad ang mga nakaraang aprubadong probisyon.
“’Yong mismong parehong Kapulungan, parehong Senado … ang nagpasá. Pinakita namin sa kanila ang parehong datos, at updated pa, pero natalo kami ngayon … Hindi kami nanggaling kung saan lang. Pinag-aralan namin ang mga ito nang mabuti, tinanong namin ang mga eksperto … Ang hírap intindihin kung paano nangyari ’to,” sabi ng dating pinuno ng FDA.
Bukod sa mga dokumentong pinakita
ng DOH at FDA, nagpása rin ang WHO ng maraming datos at nagbigay ng napakalalakas na posisyon laban sa pagve-vape.
“Mga nasa industriya ng tabako ang tanging makikinabang dito,” sabi ni Domingo.
Natalo ang mga nagsusulong ng kalusugan dahil kulang sila sa bílang sa Kongreso.
“Kritikal talagang magkaroon ng bílang. ’Yon ang ang tatrabahuhin ng isang interest group. Alam natin mula sa kasaysayan na ang gawain ng industriya ng tabako ay talagang agresibong kunin ang mga tao sa panig nila, at ang kinalabasan ay maraming nasa panig ng regulasyon ng DTI. ’Yon ang nagyari. Sa antas ng komite, sa simula, doon nila kailangan ng mga bílang,” paliwanag ni Biazon.
Hindi Nakikitang mga Kamay sa Likod ng mga Panukala
Ang mga panukala sa vape ay unang sinangguni sa komite sa kalusugan na pinamunuan ni Angelina “Helen” Tan, kinatawan ng probinsiya ng Quezon. Nang sinampa ang mga mungkahing nagtutulak sa DTI jurisdiction sa mga vape, magkakasámang sinangguni ang mga panukala para isáma ang komite sa kalakalan. Nang ipása ang panukala sa technical working group (TWG), nagkusa ang komite sa kalakalan.
Tinuturing ng mga tagasulong ng kalusugan si Tan bílang kakampi. Pero naobserbahan nila ang “kakaibang hindi agresibong kilos” ni Tan noong mga pagdinig.
Sabi ni Ralph Degollacion, project manager ng Health Justice Philippines, mukhang ginigipit si Tan ng nakatataas at mas makapangyarihang miyembro ng Kapulungan. “Bukás na lihim sa Kapulungan ng mga Kinatawan na pagdating sa mga panukalang may kinalaman sa tabako, ang Northern Luzon Alliance ang namununo nito.”
Sinubukan ng VERA Files na kunin ang panig ni Tan, pero walang narinig mula sa kanya. Tumatakbong gobernador sa probinsiya ng Quezon ang mambabatas.
Karamihan sa mga usapan at gawain sa panukala sa vape ng Kapulungan ay ginawa sa TWG, kung saan aktibong lumahok ang mga mambabatas. Sa ibang pagkakataon, binubuo ang TWG ng karamiha’y technical legislative staff na naatasang pagsamahin ang mga panukalang pinag-usapan sa komite kung saan nangyari ang mga debate.
Hindi gaya sa mga pagdinig sa komite, hindi dokumentado ang mga paglilitis ng TWG at nakatulong ito sa paghulma ng panukala sa vape.
“May ilang mambabatas na mas marahas sa pagsasalita o pagdedesisyon na puwdeng maging hindi popular o mapakita na talagang makasasama sa mga maaapektuhan ang agenda niya … ’Yon ang nagyari … at nasa kanila ang bílang,” sabi ni Biazon.
Nang ipuntong FDA dapat ang mamahala sa mga bagong produktong tabako dahil ang pagsasabing “mas ligtas na alternatibo sa paninigarilyo ang vapes at HTP s” ay may kinalaman sa kalusugan, nag-shortcut ’di umano ang mga nagbigay ng proposisyon. “Binago nila ang kahulugan. Tinanggal nila ang termino sa batas, pinagmumukhang may kinalaman ’to sa kalusugan,” sabi ng mambabatas mula Muntinlupa.
Áyon sa mga pahayag ng mga dumalo sa mga pagdinig, ang mga nagsusulong ng panukala sa vape ay mariing sinusuportahan ang mga kinatawan ng industriya, inuulit ang pagsang-ayon nila sa mga punto. Hindi nagpatalo ang ilang kinatawan ng partido Binigyan nila ang usapin ng makakalusugang argumento—bigyan ng karapatan ang mga naninigarilyong gustong tumigil.
Pero ilang mambabatas ang sumobra—binása ang mga argumento at position paper ng industriya ng tabako para ipaliwanag ang tindig nila.
Sa kasagsagan ng mga pagdinig, nakita sa social media ang mga litrato ng mga mambabatas na dumalo sa pagpupulong sa United Kingdom at nakipagsalusalo sa mga abogado ng Philip Morris. Ilan sa mga sumáma sa London ang mga may-akda ng mga panukala sa vape. Kasáma sa mga argumentong ginamit ng mga nagsusulong ng vape ay base sa mga pag-aaral na ginawa sa UK.
Pagbili ng Suporta
Binabanggit ng isang pagsusuri sa ugali ng industriya ng tabako sa Pilipinas mula 1960s ang reputasyon ng bansa sa katiwalian. Sabi ng pag-aaral, áyon sa isang dokumento ng Philip Morris noong 1962, “Puwedeng bayáran ang mga pangunahing politiko para pakawalan ang tabako mula sa pagkakapigil ditong mabenta.”
Tinanong kung produkto ng pagbili ng suporta ang panukala sa vape, sabi ni Biazon, “Wala akong patunay. Alam ko lang kung paano ang sistema at ano’ng mga kahinaan at pagkakataon, kayâ masasabi kong oo, posibleng nangyari ’yon.”
Inamin din ni Biazon na wala siyang matibay na ebidensiya sa panghihimasok ng industriya ng tabako pero “nararamdaman kong may aktibong pakikilahok ng isang lobby ngayong alam ko ang sistema.”
May napakalaking pressure para ipasá ang panukala sa vape na magpapahina sa mga pangkalusugang proteksiyon sa RA 11467 bago ang buong pagpapatupad nito sa Mayo.
“Hindi natapos [ang mga atake]. Tuwing may ginagawa ang Department of Health o FDA na kahit ano para subukang pamahaláan ang mga nasabing produkto, laging may napakalakas na paglaban,” sabi ni Domingo.
Pagkuwestiyon sa Kredibilidad ng FDA
Malupit na inatake ang FDA sa kasagsagan ng mga pagdinig sa panukala sa vape dahil sa pagtanggap ng $150,430 (humigit-kumulang P7.5 milyon) grant mula sa Bloomberg Philanthropies at The International Union Against Tuberculosis and Lung Disease (The Union) para paigtingin ang kakayahang mamahala ng ahensiya. Mula Pebrero 2017 hanggang Hunyo 2020 ang tagal ng proyekto.
Non-profit organizations ang Bloomberg Philanthropies at The Union na aktibong sangkot sa pandaigdigang laban kontra tabako.
Giniit ng mga mambabatas na katumbas ng “dayuhang panghihimasok”, na “nagpahina” sa soberanya ng bansa ang grant mula sa mga organisasyong ito. Tatlong batas ang ’di umano’y nilabag ng FDA dahil sa pagtanggap ng grant: Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees (Sec 70, RA 6713); Foreign Agents Act (Sec 11, Batas Pambansa 39); at Anti-Graft and Corrupt Practices Act (Sec 3[e], RA 3019).
Tinanong nina Deputy Speaker ng Ilocos Sur Deogracias Savellano (kinikilalang totoong pinuno ng pro-tobacco Northern Luzon Alliance) at Estrellita Suansing (Kinatawan ng Nueva Ecija) ang komite sa mabuting pamamahala na imbestigahan ang “kuwestiyonableng resibo ng pribadong pondo ng FDA.”
Ginisa noong pagtatanong, sinipi ng mga opisyal ng FDA ang RA 9711, na pinapayagan ang ahensiya na tumanggap ng mga grant, donasyon, at lahat ng iba pang kaloob mula sa mga lokal at panlabas na pinagmumulan basta’t sumusunod sa mga may kinalámang batas at patakaran. Buong-suring kuniwenta ang mga pondong bumibili ng mga reagent at nagtatayo ng information technology system. Binalik sa nagpondo ang hindi nagamit na P1.6 milyon.
“Sinasabi nilang may conflict of interest, pero may mga patakaran ang Civil Service kung aling grants ang pinapayagan … Tiningnan ko ang mga dokumento, sinunod lahat ng FDA ang at [sinigurong] walang conflict of interest,” sabi ni Domingo.
Laging nakikipagtrabaho ang ahensiya at DOH sa mga may kaparehong layunin, sabi ng dating pinuno ng FDA. Dahil walang anumang mabuting dulot sa kalusugan ang tabako, sabi ni Domingo, “natural na kaaway” ito kung kalusugan ang sinasaalang-alang.
Humihingi ang mga mambabatas ng balanseng polisiya sa pagtugon sa mga alalahanín ng industriya ng tabako at pampublikong kalusugan. Iba-ibang argumento ang pinagpalagay para protektahan ang industriya—para pataasin ang buwis, makagawa ng mga trabaho, depensahan ang karapatang pantao o kalayaang pumili, suportahan ang sining at palakasan, payagan ang corporate social responsibility para tulungan ang mga nangangailangan, at iba pa.
Pero para kay Domingo, malinaw ang pagpili: “Pagdating sa pampublikong kalusugan, dapat laging pinakamahalaga ang pampublikong kalusugan, dapat laging nasa taas ng kahit ano.”
Hanggang ngayon, hindi makalimutan ni Rodley Carza, hepe ng DOH Policy and Technology Division, kung paaano kinutya ang mga opisyal ng FDA noong mga pagdinig ng Kapulungan. “Sariwa pa sa isip ko. Nakikitang tinatakot ang mga kinatawan gáling sa sangay ng ehekutibo. Nakikita [ko] talagang hindi nakikinig [ang mga mambabatas].”
“’Di natin masabi ang motibasyon nila sa likod nito, pero patuloy nating inuulit na talagang sinasalungat ng panukala ang intensiyon ng nararapat na batas,” sabi ni Carza.
“Naramdaman kong habang tinitulak namin ang FDA, inatake ang FDA para [kuwestiyuin] ang kredibilidad nito,” sabi ni Biazon.
Legal na Pagmamaniubra vs. Pagkontrol sa Tabako
Naniniwala si Domingo na legal na pagmamaniubra ang atake sa FDA para pahinain ang loob at pigilan ang mga táong may parehong mga interes na magkaisa para sa parehong layunin. Sabi niya, sinusubukan din sa ibang bansa ang ganitong estratehiya.
Noong pagtatanong ng komite sa mabuting pamamahala, kinuwestiyon ng mga mambabatas ang pagkalehitimo ng Joint Memorandum Circular (JMC) 2010-01 on the Protection of the Bureaucracy Against Tobacco Industry Interference, sa pamamagitan ng pagbanggit ng “procedural informities” nito.
Inisyu ng DOH at Civil Service Commission noong Hunyo 2010, ang JMC ay pagpapatupad ng probisyon ng WHO-FCTC provision na nagbabawal sa “hindi kailangang pakikipag-ugnayan” sa industriya ng tabako. Pinirmahan ng dating tagapangulo ng CSC Francisco Duque III at kalihim ng DOH Esperanza Cabral, sakop ng memorando ang lahat ng opisyal at empleyado ng pamahalaan, kasáma ang mga mambabatas, anumang katayuan.
Kinakatwiran ng mga mambabatas na collegial body ang CSC at walang karapatang pumirma si Duque sa ngalan ng buong kapulungan nang walang anumang pahintulot. Pinawalang-bisa ng procedural lapse ang JMC mula simula, giit nila.
Pero áyon kay La Vina, hindi puwedeng ideklara ng Kongreso na walang-bisa o legal ang batas ng ehekutibo. Desisyon ng hukuman ang kailangan para baliktarin ito.
Puwede ring pumirma ang tagapangulo ng CSC para sa buong komisyon dahil sa pagpapalagay na may go-signal siya mula sa kapulungan, paliwanag ni La Vina. “Wala namang joint memorandums sa pagitan ng dalawang ahensiya kung saan pumirma lahat ng commisioner, ’di ba?”
Pinamumunuan ngayon ni Duque ang DOH. Pinintasan ito noong mga pagdinig sa FDA grant dahil sa gitna ng pandemya, tinanggihan nito (dahil sa JMC) ang 30 respirators na donasyon ng pribadong foundation na nauugnay sa industriya ng tabako. Tinawag ni Rufus Rodriguez, Kinatawan ng Cagayan de Oro, ang desisyon ng DOH na “kapabayaang kriminal”.
Inulat ng Kagawaran ng Kalusugan na pinangasiwaan nito ang mabilis na pagpapadala ng mga makina noong kalagitnaan ng 2021 sa sampung pribadong ospital (na tinukoy ng nag-abuloy) para sa mga pasyenteng may Covid-19.
Kaliwa’t kanan ang mga organisasyong nauugnay sa industriya ng tabako sa pagbibigay ng mga donasyon sa mga ahensiya ng pamahalaan at mga nasasakupan ng mga pulitiko, na labag sa JMC at WHO-FCTC.
Pinapayagan ng inendorsong panukala sa vape ang industriya ng tabako na magsagawa ng mga may kinalaman sa CSR, na sisira sa proteksiyong sinusubukang itayo ng JMC at WHO-FCTC sa pagitan ng burukrasya at industriya ng tabako.
Para kay Carza, malinaw na indikasyon ng panghihimasok ng industriya ng tabako ang pagtatangkang baguhin o bawiin ang JMC.
“Sa nagdaang mga taon, nakikita nating tumataas ang panghihimasok ng industriya ng tabako, na narararansan natin at sobrang nakaaalarma ’yon para sa atin. Nakikita natin ang ebidensiya. May resolusyon ang Kapulungan na nagdedeklara nito o nangangatwirang wala talaga ito sa konstitusyon,” sabi niya. “Walang anumang desisyon ang korte na talagang nagpapawalang-bisa sa nasabing polisiya. Nananatili pa rin táyo sa pagprotekta ng burukrasya mula sa panghihimasok ng industriya ng tabako.”
Nakapagtataka, na-upload sa isang website sa US at portal ng isang local media agency ang draft report sa FDA grant inquiry ng komite sa mabuting pamamahala at pampublikong pananagutan, dalawang buwan bago ito pinása sa Tagapagsalita at pinadala ang mga kopya nito sa mga ahensiya.
Buzzer-beater
Pinasa ang House Bill (HB) 9007 o Non-Combustible Nicotine Delivery Systems Regulation Act sa pangalawang pagbása noong Mayo 19, 2021, at nása pangatlong pagbása paglipas ng isang linggo, na may 192 pagsang-ayon, 34 na pagtutol, at 4 na hindi pagboto.
Buzzer-beater ang pag-apruba sa panukalang consolidation ng 23 measures na co-authored ng 154 kinatawan. Pinasá ito walong raw na lang bago ang sine die adjournment ng pangalawang regular na sesyon ng ika-18 Kongreso.
Sinangguni ang panukala sa vape sa komite sa kalakalan, na pinamumunuan ni Sen. Aquilino Pimentel III.
Hindi nagsayáng ng oras si Recto, na namuno sa subcommittee sa ilalim ng trade panel, at nagsagawa ng mga pagdinig sa panukala sa vape na maraming pagkakapareho sa HB 9007—tinatanggal ang kapangyarihang mamahala ng FDA at nililipat sa DTI, pinabababa ang edad ng pag-acces mula 21 papuntang 18 taóng gulang, pinapayagan ang maraming e-juice flavors at pag-aalok sa internet, at iba pa.
Ang nangyari sa minungkahing mga hakbang sa vape sa Kapulungan ay inulit sa Senado. Ang mga nagsampa kasáma ang komite sa kalusugan sa ilalim ni Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go, sa hulí, ay napunta sa komite ng kalakalan.
Kinuwestiyon ng nagulat na Cayetano ang paglipat. Isang mariing tagapagtanggol ng vape, sinagot ni Recto na desisyon ng plenaryo ang paglipat. At áyon kay Zubiri, hindi tumutol si Go. Si Go ay special assistant noon ni Pangulong Duterte na kilalang kontra sa paninigarilyo at pagve-vape.
“Sa isang pagdinig lang, naglabas ang subcommittee ni Sen. Recto ng consolidated bill para sa pangalawang pagbása,” inalála ni Dorotheo, na deka-dekada nang masinop na sinusubaybayan ang mga pagdinig ng Kongreso sa pakontrol ng tabako.
Mula sa probinsiya ng Batangas, kung nasaan ang $300-milyong planta ng Philip Morris, si Recto ang may-panukala ng SB 2238, ang katapat na panukala ng HB 9007 sa Senado.
Noong interpelasyon sa SB 2239, na ni-live-stream sa Facebook, giniit ni Recto na mas mababa ang panganib ng vape kayâ magandang alternatibo sa mga produktong tabako. Pinahayag niyang mas bumuti ang pakiramdam niya mula nang lumipat sa vapes. Nang tanungin ni Go kung bakit hindi pa rin siya tumitigil sa bisyo, sagot ni Recto, “malapit na,” at dinagdag na proseso ang pagtigil.
Áyon kay Recto, nasa pinakamagandang posisyon ang DTI para pangasiwaan ang vapes at HTPs dahil “consumer” products ang mga ito—“electronic product,” “hindi gamot”. Sabi ni Sen. Imee Marcos ng Ilocos Norte, probinsiyang gumagawa ng tabako, walang pharmaceutical claims ang mga bagong produktong tabako kayâ dapat nasa ilalim ng DTI.
Tinukoy rin ni Recto ang pagtatanong na ginawa ng Kaplungan, na giniit na may pinapanigan ang FDA habang wala ang DTI.
Ginigiit na consumer products ang vapes at DTI ang may kakayahang pangasiwaan itong mga bagong produktong tabako, sanabi ni Recto noong Disyembre 6, 2021 sa sesyon sa plenaryo, “sa pagkakaintindi ko, binili na [ng DTI] ang kagamitan para ligtas na mapangasiwaan ang mga produktong ito.”
Nagulat si Cayetano sa pahayag. “Sinasabi niya bang kahit wala táyong batas na pumapayag sa DTI, gagawin nila ang ganoong klase ng pamumuhunan … Kukuwestiyunin ko ang mga ’yon … Titingnan ko ang mga binilíng ’yon dahil hindi ’yon puwede. Wala silang awtoridad sa ilalim ng umiiral na batas … maliban kung siniguro sa kanila ng tobacco lobby o sinuman na babaliktarin ang batas na ito.”
Sumagot si Recto: “Nagsasabi lang ako ng katotohanan. Hindi ako ang bumili nito para sa DTI. Ang DTI ang may kagamitan. Bago ang sin tax law, ang pagkakaintindi ko, pinamamahalaan na ng DTI ang produktong ito.”
Hindi pinamahalaan ng DTI ang vapes at HTPs bago ang sin tax law. Nasa ilalim ng FDA ang pamamahala sa mga produktong ito, base sa batas ng FDA at Consumer Act. Noong 2014, sa pamamagitan ng AO 8, kinilala ng DOH ang vapes bílang pharmaceutical products na dapat pangasiwaan ng FDA. Inisyu ng DOH noong 2019, ang pinatutupad na mga patakaran at regulasyon sa paggawa at pagbenta ng e-cigarettes ay binigyan ang mga gumagawa, nagbebenta, namamahagi, at nagluluwas ng hanggang Oktubre 2018 para sumunod at magparehistro sa FDA. Pero naghayag ang FDA ng pansamantalang pagtigil ng pagpapatupad ng AO 7 noong Nobyembre 7, 2019, dahil sa preliminary injunction na nilabas ng Pasig Regional Trial Court.
Noong mga pagdinig ng Senado sa sin tax law noong 2019, kinalulungkot ni Sen. Francis Tolentino na “wala pa ring mga regulasyon ang bansa sa mga produkto, dahil nakabinbin pa rin sa Kongreso ang mga panukalang may layuning palakasin at bigyang-kapangyarihan ang FDA, at para pansinin ng FDA ang mga regulasyon ng ibang bansa.”
“Mga Anak” ng Industriya ng Sigarilyo
Sinagot ni Cayetano ang punto-per-puntong depensa ni Recto, sa pagsasabing ang mga probisyong tinutulak ng mga kasamahan niya ay ginagawang “madaling tablan” ng tobacco lobby ang mga miyembro ng kamara. Tinawag niya ang mga bagong produktong tabako bílang anak ng industriya ng tabako at bagong hangganan ng panghihimasok ng tabako.
“Walang mali sa mismong industriya na lehitimong kinikilala sa Piliinas para ipakilala ang kanilang mga posisyon. Kinakausap natin sila pero, pakiramdaman ko, malungkot na katotohanan na nilalantand natin ang sarili natin sa ganyang klase ng panggigipit kahit napagkasunduan na natin ito sa batas.
“Sa pagbukas ulit nito, binibigyan lang nito ng lugar ang bawat napakalakas na industriya na makaimpluwensiya ng mga kasamahan natin. At pinagsisishan kong nilagay natin ang sarili natin sa ganoong klase ng posisyon. Dahil nagdesisyon na táyo, at kasalukuyang batas ang desisyong ’yon … Mga politikal na desisyon ito na ginagawa natin dahil malalakas itong lobby group… Ni wala táyo sa magkaibang Kongreso. Táyo ang parehong mga miyembro ng Kongreso na nagsimulang pag-usapan ang mga puntong ito kung kailan puwede nating pinag-uusapan ang iba pang problema,” sabi ni Cayetano, tagapangulo ng ways and means committee.
Laging magkalaban sina Cayetano at Recto sa mga paglilitis. Pinuna ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na ang debate (kung DTI o FDA ba ang dapat may jurisdiction sa mga vape) ay higit isang oras na pero wala pa ring pagkakasundo. Pinagpabotohan ni Zubiri ang panukalang probisyon para makapagpatuloy ang kamara sa mga pagbabago.
Limang panukalang pagbabago ang kalauna’y pinagbotohan:
- Deklarasyon ng polisiya: gamitin ang mga pandaigdigang pamantayan sa produkto at kalusugan sa pamamahala ng vapes at HTPs.
- Kahulugan ng vaporized nicotine and non-nicotine products: panatilihin ang kaibahan ng vapes at HTPs. Vapor products ang vapes; mga produktong tabako ang HTPs.
- Pinakamababang edad ng pag-access: panatilihin ang pinakamababang edad ng pag-access sa 21 taóng gulang.
- Pagpaparehistro ng produkto: ilagay ang pagpaparehistro sa ilalim ng FDA at DTI.
- Exclusive jurisdiction ng DTI para pangasiwaan ang mga produktong ito: panatilihin ang kasalukuyang jurisdiction ng FDA (sa kaligtasan ng devices) at DTI.
Pinahihina ng mga Boto ang mga Regulasyon
Si Cayetano at Go lang ang bumoto sa lahat ng mungkahing pagbabago sa SB 2239. Pero noong hulíng boto sa panukala, hindi bumoto si Go at si Cayetano ang naging nag-iisang lumalaban sa vape mula umpisa.
Ang panukala ng Senado sa vape ay pinása sa pangatlo at hulíng pagbása; may 19 na pagsang-ayon, 2 pagtutol, at 2 hindi pagboto.
“Binabaliktad ng Senate Bill 2239 ang protective measures na táyo bílang Kongreso, bílang Senado, ang naglagay. Bakit natin babaliktarin ito?” tanong ni Cayetano. “Noong deliberation ng sin tax bill noong nakaraang dalawang taon … tinaggap ng lahat, sa pagkakaalala ko, na sin product ang mga ito. Walang pagtatalo roon. Katunayan, ang tanong ay kung gaano nakasasamâ ang mga ito.”
“Iniimbento ulit natin ngayon ang mga patakaran ng mga ahensiya ng gobyerno natin … Anong trabaho mayroon ang Kagawaran ng Kalakalan at Industriya para pangasiwaan ang kalusugan?” tanong ulit ni Cayetano pagtapos aprubahan ng mga kasamahan niya sa Senado ang panukala sa vape.
Isang review sa journal ng Senado ang nagpapakitang inaprubahan ang SB 1074 sa pangatlong pagbása noong unang regular na sesyon ng ika-18 Kongreso, na may 20 pagsang-ayon at walang pagtutol. Ang panukala ay nagpataw ng mga buwis sa alak, vapes at HTPs, at nagsáma ng mga probisyon sa pamamahala, na binago ngayon ng kamara sa pamamagitan ng SB 2239.
Minungkahi ni Sen. Emmanuel Pacquiao na isailalim sa pamamahala ng FDA ang vapes at HTPs. Pero áyon Zubiri, tumutol si Recto dahil mga produktong tabako ang HTPs kayâ dapat pinamamahalaan ng IAC-T. Nilinaw ni Sotto na tinutukoy lang ni Recto ang pag-uulit dahil may umiiral nang Tobacco Regulation Act.
“Hinayag ni Senador Recto na ang dahilan bakit niya gustong masangkot ang Kagawaran ng Kalakalan at Industriya ay dahil ito ang dapat maging namumunong ahensiya hangga’t isyu ng kaligtasan ng gadgets ang tinutukoy,” sabi ng journal.
Nanalo ang amyenda ni Pacquiao nang may sampung pagsang-ayon, siyam na pagtutol, at isang hindi pagboto. Pinaliwanag ni Sotto na sumang-ayon siya kahit hindi siya pabor sa panukala dahil gusto niyang magpakita ng suporta kay Cayetano.
Unang naaprubahan ang panukala ni Tolentino na nagpapababa sa edad ng pag-access sa 25 taóng gulang. Pero umapila si Zubiri at kalauna’y’ bumoto ang lupon na ibaba ito sa 21 taóng gulang.
Sa buong mga deliberasyon, mariing tinutulak ni Recto ang mga bagong produktong tabako bílang alternatibong may mas mababang pinsala kaysa sa karaniwan at nakagisnang mga sigarilyo. Sinang-ayunan siya nina Zubiri at Sotto. Sa kabiláng panig, gustong ipagbawal ni Tolentino ang vapes at HTPs hanggang mapatunayan ng siyensiya ang mga pangkalusugang alinlangan. Sinipi niya ang WHO circular na hindi marekomenda ang mga bagong produktong tabako dahil sa mga hindi alam na mga salik na nauugnay sa paggamit ng mga ito.
May potensiyal ang vapes at HTPs na pahinaan ang umiiral na mga hakbang sa pagkontrol ng tabako, sabi ni Tolentino, na naglingkod bílang tagapangulo ng Metro Manila Development Authority (MMDA) mula 2010 hanggang 2015.
Bílang tagapangulo ng MMDA, nilunsad niya ang kampaya laban sa paninigarilyo, na nag-utos sa pag-aresto sa mga nahúling naningarilyo sa mga pampublikong lugar sa kahabaan ng mga pangunahin at sekondaryang mga kalsada sa lungsod at mga lugar na hindi nakalista sa RA 9211. Nakatanggap ang MMDA ng $180,000 grant mula sa Bloomberg Philanthropies para sa kampanya nito laban sa paninigarilyo.
Noong 2011, nag-isyu ang Mandaluyong Regional Trial Court ng preliminary injunction laban sa anti-smoking drive ng ahensiya, kasunod ng mga paghúli sa mga lumabag. Tinaas ang kaso sa Court of Appeals na nagdesisyon laban sa MMDA paglipas ng apat na taon.
Political Environment: Sagabal sa Pagpapatupad ng FCTC
Ang napakaraming kaso sa korte sa nagdaang mga taon, na mula sa mga magkasalungat na probisyon ng RA 9211 at WHO-FCTC, ay puwedeng naiwasan at napamahalaan sa pamamagitan ng polisiya, lehislatibo, at siyentipikong gawain, sabi ni Carza.
Sa isa sa mga desisyong pabor sa industriya ng tabako, sinabi ng korte na hindi self-executing ang WHO-FCTC. Hangga’t walang mga batas o pagbabagong nagtutugma sa magkakasalungat na probisyon ng pandaigdigang kasunduan at umiiral na pambansang batas, walang magagawa ang korte kundi panindigan ang nananaig na RA 9211.
Sa pana-panahon nitong mga ulat sa Conference of Parties, ang nangangasiwang lupon ng WHO-FCTC, laging kinikilala ng pamahalaan ng Pilipinas ang “political environment” bílang hadlang sa pagpapatupad ng kumbensiyon.
Tingin ni Carza, mga gabay laban sa panghihimasok ng industriya ng tabako ang pinakamahirap ipatupad na probisyon sa WHO-FCTC. “Kakailanganin ng maraming political will ang panghihimasok ng indsutriya ng tabako. Talagang wala sa kontrol ng ahensiya ang pagsunod sa partikular na prinsipyo,” sabi niya.
Kahit natalo sila sa Kongreso, hindi sumusuko ang mga nagsusulong ng kalusugan. Sabi ni Limpin, ang FCAP ay magsasampa ng kaso sa Korte Suprema para kuwestiyuin ang pagiging konstitusyonal ng pnukala kung paninindigan ni Duterte ang mga sinabi niya at pirmahan ang panukala sa vape.
“At the very least, hindi ko káyang sukuan ang FDA. Tingin ko, ’di kailangang DTI. Intensiyon ko ’yon [pagsampa ng kaso], plano ko. Naaprubahan na ’yon ng kapulungan.”
Usapin ng Búhay at Kamatayan
Para kay Domingo, kailangang pigilan ang panukala sa vape dahil búhay at kamatayan ang usapan.
“’Di natin alam noon ang mga delikadong epekto ng mga sigarilyo; basta na lang natin tinagggap. Lumaki ang industriya hanggang napagtanto nating kalahati ng populasyon ang namamatay dahil dito. Kayâ masyado nang huli.
“Parang nakikita nating 40 taon mula ngayon, itong [vapes at HTPs] ang papatay sa lahat o manghuhumaling sa lahat para manigarlyo, at magkakaroon ng maraming problema.”
Pinatutunayan ng kasaysayan ang pag-aalalá ng dating director ng FDA. Ilang dekada nang alam ng mga kompanya ng tabako ang mga panganib ng paninigarilyo pero nagsabwatan ang mga ito na itago sa publiko. Milyon-milyon ang namatay dahil sa mga sakit na may kinalaman sa paninigarilyo mula 1950s nang magkaroon ng mga pag-aalalá kung ligtas ba ang paggamit ng mga produktong tabako.
Pinakita rin ng mga dokumento (mula sa mga kaso sa US na nilabas sa publiko noong 1998 sa ilalim ng Settlement Agreement sa pagitan ng Minnesota at limang malalaking kompanya ng tabako) na pinagtuunan din ng industriya ang mga bata.
Sa makasaysayang desisyon noong 2006, sinabi ni US District Judge Gladys Kessler na may “napakalaking ebidensiya” na ang mga kompanya ng tabako ay “inalok at binenta ang nakamamatay nilang mga produkto nang may panloloko, may isang layunin para yumaman, at walang pagsasaalang-alang sa panlipunang pinsala.”
Áyon sa DOH, 87,6000 Pilipino ang namamatay bawat taon sa mga sakit na may kinalaman sa tabako, habang umaábot ang kabuuang pangkalusugang gastos sa P180 bilyon taon-taon.
Nagbabala si Domingo na ang pagbibigay sa vapes at HTP ng pagkakataong hindi pagdudahan ang mga ito ay puwedeng makapaminsala
May ilan nang kaso ng malulubhang pinsala sa baga na naugnay sa paggamit ng mga bagong produktong tabako. Sabi niya, gugugol ng ilang panahon bago tiyak na mapatunayan ang mga pangmatagalang epekto ng vapes at HTPs.
“Ngayon ang talagang magandang panahon para simulan nating kontrolin at pamahaláan ito, at lalo pang alamin ang tungkol dito bago magka-access ang lahat. Kung hindi natin ito papansinin, pagtapos ng 40 taon, maaalala natin na noong 2020, nagkaroon táyo ng pagkakataon; may batas na namamahala rito pero pinalitan natin—at ito ang nagyari 30 taon makalipas. Iyon ay talagang nakalulungkot.”
—
* Sinubukan ng VERA Files na kunin ang panig ng PMFTC, Inc., ang kaakibat sa Pilipinas ng Philip Morris International at may kontrol ng mahigit 90% ng pambansang merkado. Pero tinanggihan nito ang aming paanyaya sa isang panayam at komento sa mga tanong “hanggang [ang panukala sa vape ay] opisyal nang ipatupad ng Palasyo.”