Skip to content
post thumbnail

Text of Senator Villar’s vote and explanation

TEXT of Senator Villar's vote and explanation

By verafiles

May 29, 2012

-minute read

Share This Article

:

Nahirapan po ako sa aking desisyon na ito. Pinapanood ko pong mabuti ang mga hearings natin. Nalulungkot po ako sa maraming mga bagay na nangyayari noon. Dito sa properties po, nabasa natin na 45. Hindi ko po binilang iyan. Lima lamang ang aking binilang. Doon sa 82 accounts, hindi ko rin po binilang iyon. Apat lamang po ang aking binilang. Doon sa $12 million, hindi ko rin po matanggap iyon. Ang binilang ko lamang at $2.4 million.

Ang desisyon ko po ay base sa kanyang inamin na kanyang pag-aari. Ito po ay ang $2.4 million at iyung P80 million. Dito po medyo ako nahirapan dahil alam po naman natin na ang posisyon po ng pangunahing mahistrado ng ating Korte Suprema ay siyang merong pinakamataas na batayan ng integridad.

Nabalitaan ko po iyong isang empleyado na nahatulan dahil hindi nagdeklara ng kanyang tindahan. Nahirapan po ako diyan. Bagamat mabigat po sa aking kalooban, talagang naniniwala kasi ako na dapat ideklara ang FCDU account dahil iyon ay pag-aari pa rin.

Noong dumating po si Chief Justice Corona, ako po ay naawa sa kanya. Doon pa lamang sa mga hearings, talagang naawa na ako kay CJ Corona dahil sa pagbukas ko ng diyaryo, headline na siya. Hindi pa man po siya guilty ay parang meron nang conclusion ang ating media at ang mga tao. Kaya naglabasan nap o iyong kanyang mga properties, 82 accounts, $12 million, subalit noong mapatunayan naman po na hindi ganoon kalayo, mga nasa page 14 na lamang.

Naalala ko rin po kasi nangyari rin po sa akin iyan noong ako po ay tumakbo sa pagkapangulo. Katakot-takot na kasinungalingan din ang aking inabot; katakot-takot na bintang. Nariyang meron daw akong bahay sa Utah na pagkalaki-laking mansion, hindi pa naman ako nakakarating sa Utah. Tanggi ako nang tanggi subalit wala namang nakikinig. Nandoong hindi raw ako mahirap. Ako ba ay magtitinda ng hipon kung hindi ako mahirap? Kung ako ay mayaman? Nililiwanag ko po na ako ay mahirap at tingnan po ninyo ang buhay namin sa Tondo. Subalit napaniwala po ang marami sa ating mamamayan.

Ito po ay sinasabi ko hindi dahil mayroon akong sama ng loob kaninuman. Naaalala ko lang kapag tinititigan ko si CJ Corona. Nandyan na rin po ang C-5, ang Daang Hari Road na ngayon po ay ginagamit ng milyun-milyong Filipino. Nakikinabang po sila. Hindi po ako nakinabang diyan. Isinama ko pa lahat nang miyembro ng media sa kalye na iyan. Itinuro ko pong lahat iyan. Hindi po ako nakinabang diyan subalit ito po ay nagamit na isyu.

Villaroyo daw ako. Pinakamalaking kasinungalingan iyan. Alam po ng mga kasamahan natin sa House na bumoto ang aking asawa laban kay GMA sa impeachment. Nagkampanya ang Nacionalista Party para ma-impeach ang Pangulong Arroyo. Alam po naman natin na ako ang namuno ng imbestigasyon ng Jueteng laban sa Pangulong Arroyo. Alam natin na NP member ang namuno ng imbestigasyon ng ZTE, si Alan Cayetano. Alam natin na NP member ang namuno ng pag-imbestiga sa Hello Garci. Iyan pong mga miyembro na iyan, kinunsulta ako, sabi ko, go ahead.

Napakaraming beses ko pong kinwestyon ang Pangulong Arroyo sa Supreme Court. Subalit sa kabila niyan, sinabing ako ay Villarroyo at ano mang tanggi ang gawin ko, alam naman na may kandidato noon si Pangulong Arroyo na iba, ay wala pong mangyari dahip po may konklusyon na ang media.

Inuulit ko po na wala na akong sama ng loob. Nakalimutan ko na po iyan. Danga’t nga lamang naalala ko nung makita ko si CJ Corona noong huling araw. Marami pa ho iyan at ayaw ko na lamang banggitin ngayon. Siguro po hindi ito ang tamang panahon. Kaya naman dapat din tayong mag-ingat. Ang pagwasak po ng pangalan ng isang tao ay isang bagay na dahan-dahan po tayo. Hindi naman po kailangan iyan. Dito naman ang isyu ay simple lamang. Ang isyu po dito ay kung dapat idineklara sa SALN ang dollar deposits. Sa dami-dami po ng sinabi, doon lamang nalimita ang isyu at dito po kami halos lahat gumawa ng desisyon. Sapagkat hindi naman po namin matanggap na hindi kailangang ideklara ang FCDU account.

Bagamat ako po ay bumoto ng Guilty, naniniwala po ako na mabuting tao si CJ Corona. Ito ay isnag error in judgement. Inuulit ko po, napakataas po ng antas ng integridad na kailangan sa posisyon ng pangunahing mahistrado ng Korte Suprema.

Pabayaan nyo pong ibigay ko rin ang obserbasyon ko sa mga nangyari noon. Ako ay nalulungkot din at sana hindi na mangyari sa mga darating na panahon, na ang iligal na pagkuha ng mga ebidensya ay parang normal o binabalewala natin. Napakahalaga po niyan sa ating sistema ng hustisya. Napakahalaga na ang isang ebidensya na hindi legal ang pagkuha ay hindi pwedeng tanggapin. Sana po hindi na maulit iyong mga Little Lady, yung mga Mailbox, mga Mr. Anonymous. Iyan po, sabi nga ni Cong. Farinas, mga palusot. Huwag naman sanang maulit iyan sa mga darating na panahon.

At huwag na rin sanang maulit iyong walang pakundangan na paggamit ng mga ahensya ng gobyerno. Mahalaga rin po na mahalin natin ang kalayaan ng ating mga institusyon. Iyan po ay magpapalakas ng ating demokrasya. Mahalaga po sa aking ang mga bagay na iyan at inuulit ko po, naniniwala ako, mabuting tao si CJ Corona. Subalit dito po sa issue ng FCDU account, nagkamali po siya rito.

Naniniwala po ako na dapat pantay-pantay ang implementasyon ng batas na ito, mayaman man o mahirap, miyembro man ng Korte Suprema o pangkaraniwang mamamayan kaya po ako ay bumoto ng Guilty.

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.