Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Apollo Quiboloy binawi ang suporta kay Marcos, hiniling ang kanyang pagbibitiw

WHAT WAS CLAIMED

Nanawagan si Pastor Apollo Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ sect na magbitiw si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

OUR VERDICT

Flip-flop:

Noong Pebrero 2022, inendorso ni Quiboloy ang kandidatura ni Marcos bilang standard bearer ng UniTeam kasama si Sara Duterte bilang bise presidente.

By VERA Files

Feb 26, 2024

4-minute read

BASAHIN SA INGLES

ifcn badge

Share This Article

:

Matapos suportahan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang kandidatura sa 2022 presidential election, nanawagan ngayon si pastor Apollo Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sect na magbitiw siya sa pwesto.

PAHAYAG

Sinagot ni Quiboloy, na nahaharap sa mga alegasyon ng sex-trafficking, ang kanyang mga kritiko sa isang na-upload na audio message noong Peb. 21 na nagpapaliwanag ng kanyang pagliban ilang araw matapos maglabas ng subpoena ang Senado para makadalo siya sa isang pagdinig. Ang pastor, isang self-appointed na anak ng diyos, ay nagsabing siya ay nagtatago at inakusahan si Marcos ng pakikipagsabwatan sa gobyerno ng United States (U.S.) para siya ay arestuhin. Idinagdag niya:

You are no longer worthy to be our trusted leader. Mabuti pa, hanggang maaga pa, Bongbong Marcos, Liza Marcos, Martin Romualdez, bumaba na kayo sa posisyon. Mag-resign na kayo! Sapagkat hindi hihinto ang tinig na ito habang naririyan pa kayo.

(“Hindi ka na karapat-dapat na maging mapagkakatiwalaang pinuno namin. Mabuti pa, hanggang maaga pa, Bongbong Marcos, Liza Marcos, Martin Romualdez, bumaba na kayo sa posisyon. Mag-resign na kayo! Sapagkat hindi hihinto ang tinig na ito habang naririyan pa kayo.”)

Pinagmulan: Sonshine Media, PANOORIN: Full statement of Pastor Apollo C. Quiboloy, Peb. 21, 2024, panoorin mula 33:17 hanggang 33:40

ANG KATOTOHANAN

Noong Peb. 1, 2022, humarap si Quiboloy sa isang campaign rally sa Davao City kasama ang ngayon’y naging Vice President Sara Duterte, kung saan inendorso niya si Marcos. Sinabi niya:

Marami po nagtatanong, Ano ang susuportahan ng Kingdom of Jesus Christ?Ngayon na ang tamang panahon na ipaabot ko sa inyo ang aking suporta. 100% ako po ay sumusuporta sa UniTeam,  kasama po ang aking pinakamamahal, pinalanggang mayor sa Davao City nga karon modagan bilang vice president sa UniTeam; BBM Marcos, ug tanan mga senatorial slate nila.”

(“Marami po nagtatanong, Ano ang susuportahan ng Kingdom of Jesus Christ?Ngayon na ang tamang panahon na ipaabot ko sa inyo ang aking suporta. 100% po ako ay sumusuporta sa UniTeam, kasama po ang aking pinakamamahal, pinalanggang mayor sa Davao City na ngayon ay modagan bilang vice president sa UniTeam; BBM Marcos, at lahat mga senatorial slate nila.”)

Pinagmulan: Rappler, Apollo Quiboloy endorses UniTeam at “Mahalin Natin Ang Pilipinas Ride” kick off in Davao City, panoorin mula 0:31 hanggang 1:11

Binawi ni pastor Apollo Quiboloy ng sektang Kingdom of Jesus Christ (KOJC) ang suporta niya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at nanawagan na magbitiw sa pwesto ang pangulo matapos niya itong akusahan na nakipagsabwatan sa gobyerno ng US para arestuhin siya. Inendorso ni Quiboloy si Marcos sa kanyang pagtakbo bilang pangulo noong 2022.

BACKSTORY

Iniimbestigahan na ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality ang umano’y sexual at child abuses na ginawa ni Quiboloy sa ilang miyembro ng kanyang religious group.

Si Quiboloy, isang spiritual adviser ni dating pangulong Rodrigo Duterte, ay nasa listahan ng “most wanted” ng U.S. Federal Bureau of Investigation dahil sa “severe human rights breaches,” kabilang ang kanyang umano’y pagkakasangkot sa sex trafficking ng mga batang babae.

Noong Dis. 21, 2023, sinuspinde ng National Telecommunications Commission (NTC) ang operasyon ng Sonshine Media Network International (SMNI), ang broadcasting arm ng KOJC, sa loob ng 30 araw dahil sa umano’y paglabag sa mga tuntunin at kundisyon ng prangkisa ng Swara Sug Media Corp., na nagpapatakbo ng SMNI. Noong nakaraang buwan, ang suspensyon ay pinalawig nang walang itinakdang katapusan kasunod ng hindi pagsunod ng network sa naunang suspension order.

Ang suspensyon ay nangyari pagkatapos na imbestigahan ng House of Representatives ang SMNI at napagalaman na nilabag ng Swara Sug ang hindi bababa sa tatlong partikular na probisyon ng legislative franchise nito – sadyang nagpapakalat ng maling impormasyon, ang paglipat ng mga share nang walang paunang pag-apruba ng kongreso at hindi pag-aalok ng hindi bababa sa 30% ng outstanding stock nito.

Sa pagtakbo ng imbestigasyon nito, ikinulong ng House ang dalawa sa mga anchor nito na sina Jeffrey Celiz at Lorraine Badoy, na na-cite in contempt matapos ang paulit-ulit na pagtanggi na tukuyin ang pinagmulan ng impormasyon na umabot umano ng P1.8 bilyon ang travel expenses ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez.

Si Duterte ay nagkaroon ng lingguhang talk show na pinamagatang Gikan sa Masa, Para sa Masa” sa SMNI na sinuspinde ng Movie and Television Review and Classification Board noong Disyembre dahil sa pag-ere umano mga death threat, kalapastanganan at maling ulat, na nagta-target sa ilang opisyal at kritiko.

 

May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).

Mga Pinagmulan

Senate issues subpoena against Quiboloy

On the suspension of SMNIs franchise

On the suspension of SMNI anchors and programs

On House investigation of SMNI franchise

U.S. Federal Bureau of Investigation, Apollo Carreon Quiboloy, Accessed Feb. 23, 2024

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.