Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Arroyo nagbago ng paninindigan sa juvenile justice para kay Duterte

Bumaligtad si dating Pangulo at ngayon Speaker Gloria Macapagal Arroyo sa kanyang dating posisyon na ang mga bata hanggang edad 15 ay hindi dapat panagutin sa krimen.

By VERA FILES

Jan 24, 2019

-minute read
ifcn badge

Share This Article

:

Bumaligtad si dating Pangulo at ngayon Speaker Gloria Macapagal Arroyo sa kanyang dating posisyon na ang mga bata hanggang edad 15 ay hindi dapat panagutin sa krimen.

PAHAYAG

Sa isang pahayag na inilabas noong Enero 19, dalawang araw bago ang pagdinig sa House justice committee kaugnay ng pagpapababa ng edad ng kriminal na pananagutan, sinabi ng opisina ni Arroyo:

“Bilang suporta sa kahilingan ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang dating Pangulo at Speaker Gloria Macapagal Arroyo ay isusulong ang pagpasa ng panukalang batas na magbababa sa edad ng kriminal na pananagutan sa siyam mula sa 15 taon.”

Pinagmulan: House of Representatives, SGMA moves to lower age of criminal liability, Enero 19, 2019

Inaprubahan ng House justice committee noong Enero 21 ang kapalit na panukala na magbababa sa edad ng kriminal na responsibilidad sa siyam mula 15 taong gulang.

Tumawag muna si Arroyo ng closed-door meeting sa mga miyembro ng komite bago ang pagdinig na kanya ring dinadaluhan bilang ex-officio member. Tanging si Agusan del Norte 1st District Rep. Lawrence Fortun lamang ang hindi sumang-ayon sa panukalang-batas.

Hayagang sinusuportahan ni Duterte ang mga panukala sa parehong kapulungan ng Kongreso na baguhin ang RA 9344 o ang Juvenile Justice Welfare Act of 2006. Paulit-ulit niyang binabatikos ang batas, na tinawag niyang isang “malaking kawalan ng katarungan” kapag ang mga bata na higit sa 15 taon ngunit wala pang 18 taong gulang lumalabag sa batas, lalo na ang mga paulit-ulit na nagkasala, ay “awtomatikong” pinakakawalan.

Sa ilalim ng kasalukuyang batas, ang mga nagkasalang bata na higit 15 taon ngunit wala pang 18 taong gulang na “kumilos na may pag-intindi” ay hindi libre mula sa kriminal na pananagutan.

FLIPFLOP

Si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang pumirma para maging batas noong 2006 ang RA 9344, na nagtaas ng pinakamababang edad ng kriminal na pananagutan sa 15 taong gulang mula siyam, ang pamantayan na itinakda ng Revised Penal Code.

Ang makasaysayang batas, na ipinahayag ni Arroyo na isang prayoridad ng kanyang administrasyon noong 2005, ay hinirang ng United Nations International Children’s Emergency Fund (UNICEF) bilang isang “pinakahihintay na tagumpay sa pagsulong sa mga karapatan ng bata sa bansa.”

Sa kanyang liham sa Senado noong Set. 19, 2005, pinatotohanan ni Arroyo ang “pangangailangan ng agarang pagpasa” ng batas “upang madaliang matugunan ang pagkaligaw ng landas ng mga kabataan … sa pamamagitan ng isang paradigm shift sa pakikitungo sa mga kabataang nagkasala na nagbibigay-diin sa restorative justice.”

Nag isyu pa si Arroyo ng Executive Order No. 633 noong 2007, na nag-uutos sa Department of Justice na maghain ng petisyon para sa kagyat na pagpapalabas ng mga batang hanggang 15 taong gulang na nasa bilangguan pa.

Noong 2016, ilang mga kinatawan ang nagsumite ng kabuuang anim na panukala na nagbabago sa RA 9344, lahat ay nagnanais na bawasan ang pinakamababang edad ng kriminal na pananagutan mula 15 taong gulang hanggang siyam: House Bills 2, 505, 935, 1609 2009 at 3973..

Sinabi ni House Justice committee chairperson Salvador Leachon na ang inaprubahang pinagsama-samang panukalang batas ay naglalayong protektahan ang mga bata na ginagamit ng mga sindikato upang gumawa ng mga krimen.

Mga pinagmulan:

House of Representatives, SGMA moves to lower age of criminal liability, Jan. 19, 2019

PCOO, Speech of President Rodrigo Duterte during the 1st Subaraw Biodiversity Festival, Puerto Princesa City, Nov. 11, 2018

ABS-CBN News Online, Duterte backs senators pushing to ‘repeal’ the Pangilinan law, Sept. 27, 2018

Reuters.com, Philippine senators oppose the president’s push to lower criminal age to 9, Jan. 22, 2019

Dzrhnews.com.ph, Malacanang: Prez Duterte supports lowering age of criminal liability; wants parents to be liable, Jan. 21, 2019

The Manila Times, Bishop bucks lower age of criminal liability, Jan. 21, 2019

Official Gazette, Juvenile Justice Welfare Act of 2006

Unicef.org, Philippines enacts law on juvenile justice system, May 16, 2006

Congress.gov.ph, Justice committee approves bill lowering age of criminal responsibility to 9, Jan. 21, 2019

Official Gazette, Revised Penal Code

Senate.gov.ph, Journal No. 22, Sept. 21, 2005

Official Gazette, Executive Order No. 633

Congress.gov.ph, House Bill 002

Congress.gov.ph, House Bill 505

Congress.gov.ph, House Bill 935

Congress.gov.ph, House Bill 1609

Congress.gov.ph, House Bill 2009

Congress.gov.ph, House Bill 3973

Rappler.com, House panel OKs bill to lower age of criminal liability to 9 years old, Jan. 21, 2019

Inquirer.net, Amid jeers, House panel OKs lower age of criminal liability, Jan. 21, 2019

Manila Bulletin, House committee approves bill lowering criminal age of liability to nine, Jan. 21, 2019

ABS-CBN News Online, House panel approves bill seeking to lower age of criminal liability to 9, Jan. 21, 2019

Ang VERA Files Fact Check ay sumusubaybay sa mga maling salaysay at nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at personalidad, at itinatama ang mga ito gamit ang mga tunay na ebidensya. Kami ay ginagabayan ng mga prinsipyo ng International Fact-Checking Network sa Poynter. Para sa karagdagang impormayan bisitahin ang pahinang ito.

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.