Buhay ang founder ng Communist Party of the Philippines (CPP) na si Jose Maria “Joma” Sison, taliwas sa pahayag ni Communications Undersecretary Lorraine Marie Badoy sa isang Facebook (FB) post noong Peb. 25.
Kinumpirma ito mismo ni Sison sa isang pahayag na ipinadala sa VERA Files Fact Check.
PAHAYAG
Noong Peb. 24, limang indibidwal — na tinukoy ng mga pwersa ng estado bilang mga miyembro ng armadong grupo ng CPP, ang News People’s Army (NPA) — ang napatay sa isang armadong engkwentro umano sa New Bataan, Davao De Oro. Kabilang sa mga nasawi si Chad Booc, isang University of the Philippines alumnus at volunteer titser sa eskwelahan ng mga Lumad na Alternative Learning Center for Agricultural and Livelihood Development.
Kinabukasan, naglabas si Badoy, na isa ring tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, ng 424-salitang FB post kung saan inihalintulad niya si Booc kay Sison, na tinawag niyang mga “terorista.”
Ito ang bahagi ng sinulat niya:
“Some people can’t be called ‘human’ and they have forfeited their right to live among people who revere and love life. Joma Sison is one of them. Buti deds na (It’s a relief [he’s] dead). And Chad Booc is another.”
(Ang ilang mga tao ay hindi matatawag na ‘tao’ at nawala ang kanilang karapatang mabuhay kasama ng mga taong gumagalang at nagmamahal sa buhay. Isa na rito si Joma Sison. Buti deds na. At isa pa si Chad Booc.)
Pinagmulan: Lorraine Marie T. Badoy official Facebook account, “No Tears For Terrorists,” Peb. 25, 2022 (Naka-archive)
Ang post ay umani ng 2,300 reactions, 172 comments, at 545 shares mula sa mga netizens hanggang noong Marso 2.
ANG KATOTOHANAN
“Buhay pa ako,” nag-email si Sison sa VERA Files Fact Check noong Feb. 27, dalawang araw matapos ilathala ni Badoy ang kanyang hindi totoong post.
Sinabi ni Sison na naging guest speaker siya sa isang online forum tungkol sa fascism na inorganisa ng People’s Resource for International Solidarity and Mass Mobilization kamakailan. Na live stream ang forum noong Peb. 26, simula 9:35 p.m., oras sa Pilipinas, sa FB page na Peoples’ Fightback Against Fascism. Nagkaroon din ito ng live question and answer session kasama si Sison.
Sa unang bahagi ng buwang ito, nag-flag ang VERA Files Fact Check ng ilang online na post na mali ring sinasabi na namatay na si Sison. Sa pagtugon sa mga death hoax, sinabi ni Sison sa isang hiwalay na pahayag na siya ay “walang sakit na nagbabanta sa kanyang buhay, ilang mga pamamaga lamang sa mga binti dahil sa rheumatoid arthritis [na] nawawala sa loob lamang ng 2 hanggang 4 na araw pagkatapos ng paggagamot.”
(Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Joma Sison is NOT dead, denies rumors)
Mahigit 30 taon nang naka-self-exile sa Netherlands si Sison. Tumakas siya sa Pilipinas noong 1987 kasunod ng hindi nagtagumpay na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng kanyang grupo at ng gobyerno ng yumaong pangulong Corazon Aquino.
Noong Disyembre 2017, idineklara ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang CPP-NPA bilang isang “teroristang organisasyon.” Inilista din ng gobyerno ng United States at ng European Union ang CPP-NPA bilang isang teroristang grupo.
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
Philippine News Agency, 5 rebels killed in Davao de Oro clash, Feb. 25, 2022
1001 Pag-asa Brigade Facebook Page, “Topic: Encounter transpired on February 24, 2022 in Barangay Andap, New Bataan, Davao De Oro,” Feb. 26, 2022
University of the Philippines, From computers to communities, Jan. 10, 2019
Lorraine Marie T. Badoy official Facebook account, “No Tears For Terrorists,” Feb. 25, 2022
Jose Maria Sison, personal correspondence, Feb. 27, 2022
Peoples’ Fightback Against Fascism Facebook Page, FAQ on Fascism, Feb. 26, 2022
The Official Gazette, Proclamation No. 374, s. 2017, Dec. 5, 2017
United States Department of State, Foreign Terrorist Organizations, Accessed on Feb. 28, 2022
European Union, Official Journal of the European Union, July 31, 2020
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)