Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Walang ipinakitang ebidensya, Roque sinabing kinasuhan ni Joma Sison si Duterte sa ICC

Sinabi ni Palace Spokesperson Harry Roque na si Jose Maria “Joma” Sison, founding chairperson ng Communist Party of the Philippines, ay kabilang sa mga nagsumite ng komunikasyon sa International Criminal Court (ICC) hinggil sa mga nangyaring pagpatay kaugnay ng giyera laban sa droga ni Pangulong Rodrigo Duterte.

By VERA Files

Jun 22, 2021

5-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Sinabi ni Palace Spokesperson Harry Roque na si Jose Maria “Joma” Sison, founding chairperson ng Communist Party of the Philippines, ay kabilang sa mga nagsumite ng komunikasyon sa International Criminal Court (ICC) hinggil sa mga nangyaring pagpatay kaugnay ng giyera laban sa droga ni Pangulong Rodrigo Duterte.

PAHAYAG

Sa isang press briefing noong Hunyo 15 kasama si Police Director General Guillermo Eleazar sa Camp Crame, mariing binatikos ni Roque ang hakbang sa ICC na paimbestigahan ang mga pagpatay na naiugnay sa kampanya ni Duterte laban sa iligal na droga.

Sinabi niya na ang Pilipinas ay “hindi makikipagtulungan” sa Korte, na nakabase sa The Hague, Netherlands, at idinagdag na:

“Paano sila makakasampa ng kaso? Makakasampa ba sila ng kaso on the basis of what Joma Sison said alone (base lamang sa sinabi ni Joma Sison)? On the basis of what Sonny Trillanes said alone (Batay lang sa sinabi ni Sonny Trillanes)? Paano ngayon ‘yan?”

Pinagmulan: PTV, WATCH: Press briefing with Spokesperson Harry Roque and Chief PNP PGen Guillermo Lorenzo Eleazar, Hunyo 15, 2021, panoorin mula 37:14 to 37:28 (transcript)

ANG KATOTOHANAN

Hindi isinisiwalat ng ICC Office of the Prosecutor (OTP) sa publiko ang pagkakakilanlan ng mga tao, grupo, o estado na nagsumite ng komunikasyon, para sa kanilang “safety, well being, and privacy,” ayon sa policy paper on preliminary examinations nito. Ang tanging pagkakataon na maaari nitong “kumpirmahin sa publiko ang pagtanggap” ng isang komunikasyon ay kapag “ipinaalam na ito ng nagbigay sa publiko.”

Gamit ang keyword search, walang nakitang opisyal na pronouncement o balita na nagbanggit kay Sison, isang political refugee sa the Netherlands, na kabilang sa mga nagsumite ng komunikasyon sa ICC kaugnay ng giyera sa droga ni Duterte.

Sa isang pahayag sa Ingles sa VERA Files Fact Check, pinabulaanan ni Sison ang akusasyon ni Roque: “Hindi ako nag-file ng komunikasyon laban kay Duterte. Walang sinuman na may nakolektang ebidensya ang lumapit sa akin para pumirma sa anumang komunikasyon sa ICC.” Tinawag niya si Roque na isang “morally unscrupulous shyster” at “bloated liar.”

Isang araw bago siya magretiro noong Hunyo 15, iminungkahi ni dating ICC prosecutor Fatou Bensouda, na humingi ng “judicial authorization” upang imbestigahan ang giyera laban sa droga ni Duterte, sa ICC Pre-Trial Chamber na payagan din ang pagsisiyasat ng “magkatulad na mga pattern” ng pagpatay sa lungsod ni Duterte at rehiyon ng Davao mula 2011 hanggang 2016 at ang kanyang pambansang kampanya sa droga mula Hulyo 2016 hanggang Marso 17, 2019, ang petsa kung kailan nagkabisa ang pag-alis ng Pilipinas sa Rome Statute. (Tingnan ang Gov’t officials, police conspired to carry out Duterte’s war on drugs — ICC prosecutor)

Kung aaprubahan ng chamber ang kahilingan ni Bensouda, ang kanyang kahalili, si Karim Khan, ang magsasagawa ng pagsisiyasat.

Ang mga komunikasyon na ipinapadala sa ICC ay naglalaman ng impormasyon tungkol sa mga hinihinalang krimen, tulad ng genocide o crimes against humanity, na nangyayari sa isang estado o bansa na maaaring mapailalim sa hurisdiksyon ng korte. Sinusuri ng OTP ang mga komunikasyon upang kilalanin ang mga potensyal na krimen at posibleng gamitin ang mga iyon bilang batayan sa paglulunsad ng isang paunang pagsusuri o pagsisiyasat.

Sa 2018 annual report on preliminary examinations, inihayag ng OTP na nakatanggap ito ng 52 mga komunikasyon hinggil sa pagsisiyasat sa umano’y extrajudicial killings sa Pilipinas sa ilalim ng kampanya kontra-droga ni Duterte. Iilan lamang na mga indibidwal at grupo ang nagpahayag sa publiko ng kanilang pagsumite sa ICC. Kabilang sa mga ito sina dating senador Antonio Trillanes IV at mga pamilya ng mga biktima ng giyera sa droga na suportado ng mga human rights group na Rise Up for Life and Rights at National Union of People’s Lawyers. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Pahayag ni Panelo sa hurisdiksyon ng ICC, batayan ng drug war probe mali, nakaliligaw)

Si Trillanes, kasama ang dating kinatawan ng Magdalo party list na si Gary Alejano ay unang nagsumite ng komunikasyon sa ICC noong Hunyo 2017 bilang supplement sa komunikasyon ng yumaong abogado na si Jude Sabio na dalawang buwan na naunang inihain.

Inakusahan ni Sabio, na nagsilbing abugado ng umaming Davao Death Squad (DDS) hitman na si Edgar Matobato, si Duterte ng crimes against humanity dahil sa laganap na extrajudicial killings sa kanyang 22-taong panunungkulan bilang mayor ng Davao City hanggang sa kanyang pagkapangulo. Binawi ni Sabio ang kanyang komunikasyon kalaunan, na sinabing ginagamit ito bilang isang “pampulitikang propaganda [ng] oposisyon.” (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Background info ng PNA sa pagbawi ni Sabio ng komunikasyon sa ICC nakaliligaw)

 

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

 

Mga Pinagmulan

RTVMalacanang, WATCH: Press briefing with Spokesperson Harry Roque and Chief PNP PGen Guillermo Lorenzo Eleazar, June 15, 2021 (transcript)

International Criminal Court, Policy Paper on Preliminary Examinations, Accessed June 18, 2021

International Criminal Court, Regulations of the Office of the Prosecutor, Accessed June 18, 2021

Personal communication with Joma Sison, June 15, 2021

Personal Facebook account of Joma Sison, Accessed June 18, 2021

International Criminal Court, Statement of the Prosecutor, Fatou Bensouda, on her request to open an investigation of the Situation in the Philippines, June 14, 2021

International Criminal Court, Who’s Who, Accessed June 18, 2021

United Nations, Rome Statute of the International Criminal Court, Accessed June 18, 2021

International Criminal Court, Swearing-in ceremony: Speech of new ICC Prosecutor Karim Asad Ahmad Khan QC, 16 June 2021, June 16, 2021

International Criminal Court, Annex to the “Paper on some policy issues before the Office of the Prosecutor”: Referrals and Communications, Accessed June 18, 2021

International Criminal Court, Rome Statute of the International Criminal Court, Accessed June 18 2021

International Criminal Court, Office of the Prosecutor, Accessed June 18, 2021

International Criminal Court, 2018 Preliminary Examination Activities report, Accessed June 18, 2021

Senate of the Philippines, Press Release – Trillanes, Magdalo charge Duterte at ICC, June 6, 2017

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.