Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Background info ng PNA sa pagbawi ni Sabio ng komunikasyon sa ICC nakaliligaw

Mali ang Philippine News Agency (PNA), ang "web-based newswire service" ng Estado, sa ulat nito na ang kasalukuyang paunang pagsusuri ng International Criminal Court (ICC) sa giyera laban sa droga ng gobyernong Duterte ay "batay" sa impormasyong ibinigay ng abogadong si Jude Sabio.

By VERA Files

Jan 24, 2020

5-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Mali ang Philippine News Agency (PNA), ang “web-based newswire service” ng Estado, sa ulat nito na ang kasalukuyang paunang pagsusuri ng International Criminal Court (ICC) sa giyera laban sa droga ng gobyernong Duterte ay “batay” sa impormasyong ibinigay ng abogadong si Jude Sabio.

PAHAYAG

Sa isang ulat noong Enero 15, isang araw pagkatapos sabihin ni Sabio na plano niyang iurong ang kanyang ICC communication laban kay Pangulong Rodrigo Duterte, bukod sa iba pa, isinulat ng PNA:

In February 2018, the ICC launched a preliminary examination of Duterte’s crackdown on illegal drugs based on Sabio’s communication that accuses the President of committing crimes against humanity for the killings of thousands of drug offenders from July 1, 2016 to Mar. 31, 2017.

(Noong Pebrero 2018, naglunsad ang ICC ng paunang pagsusuri sa paghihigpit ni Duterte sa mga iligal na droga batay sa komunikasyon ni Sabio na inaakusahan ang Pangulo ng mga krimen laban sa sangkatauhan dahil sa pagpatay sa libu-libong mga nasangkot sa droga mula Hulyo 1, 2016 hanggang Marso 31, 2017).”

Pinagmulan: Philippine News Agency, Dropped communication vs. Duterte ‘sucker punch’ to ICC: Andanar, Enero 15, 2020

Si Sabio ay dating abogado ng hitman na naging witness na si Edgar Matobato, na nagdawit kay Duterte sa Davao Death Squad, o DDS, nang ang huli ay mayor pa ng Davao City nang mahigit 22 taon.

Sa isang affidavit na nilagdaan noong Enero 14 na nagsasaad ng kanyang hangarin na bawiin ang isinumite sa ICC, sinabi ng abogado na ang dokumento ay pawang “propagandang pampulitima” ng oposisyon.

 

ANG KATOTOHANAN

Ang paunang pagsusuri sa korte sa mga sinasabing mga krimen laban sa sangkatauhan na ginawa sa giyera ng gobyerno laban sa iligal na droga ay batay sa “maraming bilang ng mga komunikasyon at ulat,” hindi lamang sa isinumite ni Sabio.

Sa 2019 report nito, ang tanggapan ng tagausig ng ICC, na pinamumunuan ni Fatou Bensouda, ay nagsabing ito ay “nakatipon, nakatanggap, at nakapagsuri ng impormasyon mula sa iba’t ibang mga mapagkukunan.” Bukod sa mga komunikasyon, tulad ng kay Sabio, ang tanggapan:

“…reviewed hundreds of media and academic articles, reports, databases, legal submissions, primary documents, press releases and public statements by intergovernmental, governmental and non-governmental organizations, and other relevant sources.

(… (ay) sumuri ng daan-daang mga artikulo sa media at pang-akademiko, ulat, database, mga legal submission, pangunahing dokumento, press release at pahayag sa publiko ng intergovernmental, governmental at non-governmental organization, at iba pang mga kaugnay na mapagkukunan).”

Pinagmulan: International Criminal Court, Report on Preliminary Examination Activities 2019, Dis. 5, 2019

Bukod dito, ang tanggapan ni Bensouda ay “may kamalayan” sa “nakababahalang ulat ng extra-judicial killings ng umano’y mga drug dealer” sa Pilipinas mula noong Oktubre 2016. Nang panahong iyon, nagbigay na ng babala ang tagausig na ang kanyang tanggapan ay “matamang” susubaybayan ang sitwasyon sa bansa at:

“…record any instance of incitement or resort to violence with a view to assessing whether a preliminary examination into the situation of the Philippines needs to be opened (irerekord ang anumang halimbawa ng pag-uudyok o paggamit ng karahasan upang pag-aralan kung ang isang paunang pagsusuri sa sitwasyon ng Pilipinas ay kailangang buksan).”

Pinagmulan: International Criminal Court, Statement of the Prosecutor of the International Criminal Court, Fatou Bensouda concerning the situation in the Republic of the Philippines,Okt. 13, 2016

Isinumite ni Sabio ang kanyang 77-pahinang komunikasyon noong Abril 24, 2017. Malinaw na tinalakay ng dokumento ang sinasabing pagkakasangkot ni Duterte sa DDS, at kasama rin ang madugong digmaan laban sa droga sa ilalim ng panguluhan ni Duterte. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Can Duterte invoke territoriality on matters related to crimes specified in the Rome Statute?)

Sinimulan ni Bensouda ang paunang pagsusuri sa Pilipinas matapos ang halos 10 buwan, noong Peb. 8, 2018.

Ang tanggapan ng tagausig ng ICC sa isang ulat noong 2018 ay nagsabing nakatanggap na ito ng 52 komunikasyon tungkol sa giyera laban sa droga ng gobyernong Duterte. Ang mga ito ay nagmula sa iba’t ibang mga grupo at indibidwal, kabilang ang mga pamilya ng mga biktima.

Hindi rin tama ang ulat ng PNA kaugnay ng mga petsang pinag-aaralan ng ICC, na tinanggal ang halos dalawang buong taon. Ang paunang pagsusuri ng korte ay mula Hulyo 1, 2016 hanggang Marso 16, 2019 — hindi hanggang Marso 31, 2017 lamang – ang araw bago kumalas ang Pilipinas mula sa Roma Statute, ang kasunduan na lumikha ng ICC, ay naging ganap.

Nangangahulugan ito na ang anumang impormasyon tungkol sa mga kaugnay na krimen na sinasabing ginawa ni Duterte at iba pang mga opisyal sa loob ng panahong iyon ay isasaalang-alang ng tanggapan ni Bensouda sa pagpapasya kung hihingi o hindi ng pahintulot upang ipagpatuloy ang isang imbestigasyon. (Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: Update sa paunang pagsusuri ng ICC sa giyera kontra droga, ipinaliwanag)

Nakabase sa The Hague, Netherlands, ang ICC ay isang malayang institusyon na nagsisiyasat, nagsasakdal, at umuusig sa mga indibidwal na akusado ng genocide, mga krimen laban sa sangkatauhan, mga krimen sa digmaan, at mga krimen ng pagsalakay.

Ang Pilipinas ay kabilang sa 120 mga bansa na bumotong pabor sa kasunduan (sa gayon, pagtatatag ng korte) noong 1998. Opisyal na naging epektibo ito sa bansa noong Nob. 11, 2011. (VERA FILES CHECK: Sabi ni Duterte ang PH ay ‘hindi kailanman’ naging miyembro ng ICC. Ganoon ba?)

Sinimulan ng gobyernong Duterte ang pagkalas sa kasunduan noong Marso 17, 2018, isang buwan matapos ilunsad ni Bensouda ang isang paunang pagsusuri sa giyera laban sa droga ng administrasyon.

 

Mga Pinagmulan

Philippine News Agency, Dropped communication vs. Duterte ‘sucker punch’ to ICC: Andanar, Jan. 15, 2020

GMA News Online, Lawyer Jude Sabio withdraws one of ICC cases vs Duterte, Jan. 14, 2020

Inquirer.net, Lawyer withdraws ICC complaint vs Duterte, says it’s just ‘propaganda’, Jan. 15, 2020

Manila Bulletin, Sabio withdrawing ICC complaint vs Duterte, Jan. 14, 2020

International Criminal Court, Report on Preliminary Examination Activities 2019, Dec. 5, 2019

International Criminal Court, Statement of the Prosecutor of the International Criminal Court, Fatou Bensouda concerning the situation in the Republic of the Philippines, Oct. 13, 2016

International Criminal Court, Report on Preliminary Examination Activities 2018, Dec. 5, 2018

International Criminal Court, Understanding the International Criminal Court

United Nations, UN DIPLOMATIC CONFERENCE CONCLUDES IN ROME WITH DECISION TO ESTABLISH PERMANENT INTERNATIONAL CRIMINAL COURT, July 20, 1998

United Nations Treaty Collection, Rome Statute of the International Criminal Court, Philippines: Withdrawal

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.