Sinabi ng International Criminal Court (ICC) noong Dis. 5 na “nais nitong wakasan” sa 2020 ang paunang pagsusuri nito sa mga umano’y krimen laban sa sangkatauhan na isinagawa ng gobyernong Duterte kaugnay ng giyera laban sa iligal na droga.
Sa 2019 ulat nito sa paunang mga aktibidad sa pagsusuri, ang ICC Office of the Prosecutor, sa pangunguna ni Fatou Bensouda, ay nagsabi:
“During the reporting period, the Office significantly advanced its assessment of whether there is a reasonable basis to proceed under article 15(3) of the Statute. During 2020, the Office will aim to finalise the preliminary examination in order to enable the Prosecutor to reach a decision on whether to seek authorisation to open an investigation into the situation in the Philippines.
(Sa panahon ng pag-uulat, umusad nang husto ang Opisina sa pagtatasa kung mayroong isang makatwirang batayan para ituloy sa ilalim ng article 15 (3) ng Statute. Sa 2020, layon ng Opisina na wakasan ang paunang pagsusuri upang matulungan ang Prosecutor na makagawa ng desisyon kung hihingi ng pahintulot upang buksan ang isang imbestigasyon sa sitwasyon sa Pilipinas.)”
Pinagmulan: International Criminal Court, Report on Preliminary Examination Activities 2019, Dis. 5, 2019
Ang paunang pagsusuri — isang proseso para matukoy kung mayroong “makatwirang batayan” para magpatuloy sa pagsisiyasat – na nakatuon sa mga paratang na si Pangulong Rodrigo Duterte at senior na miyembro ng mga ahensya na nagpapatupad ng batas at iba pang mga ahensya ng gobyerno ay “aktibong isinulong at hinikayat ang pagpatay sa hinihinalang o sinasabing mga gumagamit ng bawal na gamot at / o mga nagbebenta,” sabi ng ulat.
Inilunsad ni Bensouda ang paunang pagsusuri sa Pilipinas noong Peb. 8, 2018. Pagkalipas ng isang buwan, sinimulan ng gobyernong Duterte ang pag-alis nito mula sa Rome Statute, ang kasunduan na lumikha ng ICC. Noong Marso ngayong taon, ang bansa ay hindi na miyembro ng High Court.
Narito ang tatlong bagay na kailangan mong malaman tungkol sa 2019 na ulat ng ICC.
1. Ang opisina ng prosecutor ng ICC ay naglalayong wakasan ang ‘admissibility‘ ng mga potensyal na kaso.
Sa Article 17 ng Rome Statute ang tanggapan ng prosecutor ng ICC ay kailangang masuri kung ang isang kaso naaayon sa mga alituntunin ng complementarity at gravity, bago itinuturing ng korte na ito “katanggap-tanggap.”
Nangangahulugan ito na dapat patunayan ng prosecutor na:
-
- ang pambansang ligal na sistema ng isang Estado – sa kasong ito, ang Pilipinas – ay nabigo o “ayaw o hindi tunay na isinasagawa” mga paglilitis, upang mapatunayan ang complementarity; at
- ang kaso ay may “sapat na bigat” upang bigyang-katwiran ang karagdagang aksyon ng korte.
Pinuna ng tanggapan ni Bensouda na, batay sa open source information, nagkaroon lamang ng “limitadong bilang ng mga imbestigasyon at pag-uusig” na sinimulan sa pambansang antas na may kaugnayan sa kampanya laban sa droga.
Pinansin nito na mga isinampang kasong kriminal ay laban sa “ilang mga indibidwal” na “typical low-level, physical perpetrators.” Binanggit din nito ang tatlong mga pulis na hinatulan noong Nobyembre noong nakaraang taon dahil sa pagpatay sa 17-taong-gulang na si Kian Delos Santos.
Sinabi din ng tanggapan ng prosecutor ng ICC na ito ay “nagsusuri … nang may sobrang pag-iingat” ng mga pagdinig ng komite ng Senado sa umano’y extra-judicial killings at iba pang pambansang kaganapan.
2. Kung ang pag-uusig ay makahanap ng ‘sapat na ebidensya,’ ito ay ‘hihingi ng pahintulot’ upang ipagpatuloy ang pagsisiyasat.
Kung ang Pre-Trial Chamber ng korte, na binubuo ng tatlong hukom, ay magpasya na mayroong “makatuwirang batayan” mula sa ebidensya na ipinakita ng tanggapan ng prosecutor, maglalabas ito ng alinman sa isang summons, kung naniniwala itong ang akusado ay “makipagtulungan at pupunta sa korte nang kusang-loob,” o warrant of arrest, kung mayroon itong dahilan para maniwala na ang mga suspek ay:
-
- tumangging humarap nang kusang-loob sa korte;
- [ilalagay sa] panganib ang mga paglilitis o pagsisiyasat; o
- magpapatuloy sa paggawa ng mga krimen kung hindi aarestuhin.
Sa yugto ng pre-trial, ang mga hukom ay magpapasya kung may sapat na ebidensya para “mapatunayan na may matibay na batayan” sa kaso upang magpatuloy sa aktwal na paglilitis. Kung hindi man sila ay “magpapasya na isara ang kaso o hihingi sa tagausig ng karagdagang katibayan” o susugan ang mga paratang.
Ang mga pagpapasyang ito ay maaari pa ring iapila “sa ilalim ng mga tiyak na kundisyon at sa pahintulot ng mga hukom.”
Sa kabilang banda, kung ang prosecutor ay magdesisyon na walang makatwirang batayan para sa isang pagsisiyasat, kailangan niyang ipa-alam sa mga nagbigay ng impormasyon sa kanyang tanggapan.
Ngunit nakasaad sa Article 15 ng Statute na ito ay hindi “humahadlang sa prosecutor na ipagsaalang-alang ang karagdagang impormasyon” na isinumite sa kanya tungkol sa parehong sitwasyon, dahil sa mga bagong totoong impormasyon o katibayan.
3. Inulit ng ulat na nasasakupan nito ang giyera laban sa droga ni Duterte.
Ang tanggapan ng prosecutor ay muling inulit ang ulat nito noong 2019 na ang korte ay may hurisdiksyon sa mga krimen na nagawa sa teritoryo ng Pilipinas o ng mga mamamayan nito mula sa oras na inaprubahan ng bansa ang Rome Statute noong Nobyembre 2011, hanggang sa nagkabisa ang pagtiwalag nito noong Marso ng taong ito. (Tingnan PH gov’t inaction on 5,000 deaths related to drug war bolsters case vs Duterte in ICC, lawyer says)
Gayunman, paulit-ulit na sinabi ni Duterte na ang Stature ay hindi kailanman ipinatupad sa bansa dahil hindi ito nai-lathala sa Official Gazette na ipinaguutos ng mga batas ng Pilipinas; ang pinakahuli ay sa isang talumpati noong Nob. 30 kung saan sinabi niyang hindi siya maaaring usigin ng ICC [kahit] “sa loob ng ilang libong taon.”
Ang 1997 executive order ni dating Pangulong Fidel Ramos, na nagbibigay ng mga alituntunin sa negosasyon at pagpapatibay ng mga internasyonal na kasunduan, ay walang binabanggit na kinakailangan ang publication para magkabisa ang mga kasunduan.
Sa kabilang banda, ang tanggapan ni Bensouda, sa parehong 2019 report, ay ibinasura dahil sa kawalan ng hurisdiksyon ang komunikasyon na isinampa ni dating Ombudsman Conchita Carpio Morales at dating Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario laban kay Chinese President Xi Jinping dahil sa sinasabing mga krimen laban sa sangkatauhan na may kaugnayan sa mga aktibidad ng China sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas. Kasama dito ang “pagharang para makapasok ang mga Pilipinong mangingisda” sa mga bakuran ng pangingisda sa Scarborough Shoal at pagkakasangkot sa “napakalaking ilegal na reclamation at artificial island-building” sa Spratlys, na pumipinsala sa lamang dagat.
Sinabi ni Bensouda na ang EEZ ng isang bansa “ay hindi maaaring maging katumbas ng teritoryo ng isang Estado” batay sa interpretasyon ng kanyang tanggapan sa naaangkop na probisyon sa Rome Statute.
Sinusubaybayan ng VERA Files Fact Check ang ilang mga maling pahayag at flip-flop na ginawa ni Duterte at iba pang mga opisyal tungkol sa korte mula pa noong 2016. Narito ang isang listahan:
- ICC can strip of Duterte’s immunity
- Can Duterte invoke territoriality on matters related to crimes specified in Rome Statute?
- Calida falsely claims Duterte immunity exempts him from ICC probe, accuses CHR of bragging about probing the president
- PHL’s notice of withdrawal from ICC is the latest in a string of inconsistent Palace responses to war on drugs probe
- Panelo’s claim about the U.S. and ICC misleading
- Duterte says PH was ‘not ever’ a member of the ICC. Is that so?
- Panelo wrong on ICC again, claims PHL contributes 28% of tribunal funds
- In his 1st media briefing as Palace spokesman, Panelo makes two wrong claims on the ICC
- Panelo flip-flops on PH’s withdrawal from ICC
- Duterte FALSELY CLAIMS the EU created the ICC
- Duterte makes three false claims about the ICC
- Duterte mistakes UN court for ICC
Mga Pinagmulan
International Criminal Court, Report on Preliminary Examination Activities 2019, Dec. 5, 2019
International Criminal Court, Policy Paper on Preliminary Examinations, November 2013
International Criminal Court, Statement of the Prosecutor of the International Criminal Court, Fatou Bensouda, on opening Preliminary Examinations into the situations in the Philippines and in Venezuela, Feb. 8, 2018
International Criminal Court, Rome Statute of the International Criminal Court
International Criminal Court, Executive Summary: The principle of complementarity in practice
International Criminal Court, Pre-Trial stage
Inquirer.net, Correcting misconceptions on ICC, March 26, 2018
Official Gazette, Executive Order 459, Nov. 25, 1997
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)