Nagbago ng paninindigan si Iloilo 1st district Rep. Janette Garin sa bisa ng programa ng Department of Health (DOH) kontra dengue na tinatawag na Enhanced 4S Strategy. Mula sa pagtaguyod nito bilang “susi” laban sa pagkalat ng dengue noong siya ay health secretary, si Garin ngayon ay naniniwala na bahagya lamang ang epekto ng estratehiya.
PAHAYAG
Sa briefing noong Agosto 28 tungkol sa P160.15-bilyong panukalang budget ng DOH sa House of Representatives, sinabi ni Garin, na siyang senior deputy minority leader:
“Maganda naman po ang paglilinis at dapat ipagpatuloy natin ito pero ‘wag po nating linlangin ang taumbayan…Bottomline is [World Health Organization] (WHO) has given the world the five pillars to address (ay nagbigay ang WHO ng limang haligi sa pagtugon sa) dengue…Pero ang totoo po, (ang) 4S will work at a very minimal level (ay napakaliit ang magagawa) dahil dalawang dekada na, wala pang nangyayari.”
Pinagmulan: House of Representatives, Budget Briefing of the Committee on Appropriations (Department of Health), Agosto 28, 2019, panoorin mula 44:25 hanggang 45:25
Sinabi ni Garin ito matapos na purihin ni Health Secretary Francisco Duque ang cleanliness program ng kanyang departamento laban sa sakit na dala ng lamok. “Search and Destroy, Seek Early Consultation, Self Protection Measures, Say yes to fogging only during outbreaks” ang ibig sabihin ng 4S.
Sa isang pahayag na nai-post noong Agosto 2 sa kanyang opisyal na Facebook page, sinabi ni Garin na ang DOH ay dapat maging “mas proactive” at hindi lang umasa sa 4S sa paglaban sa dengue. Pagkalipas ng dalawang araw, sa isang pakikipanayam sa CNN Philippines, ang dating health secretary ay nanawagan sa DOH na ipagamit sa mga may nais gumamit ang Dengvaxia — isang bakuna sa dengue na nagkaladkad sa kanya noon sa isang pambansang kontrobersya.
ANG KATOTOHANAN
Isinulong ni Garin ang 4S bilang health secretary mula Disyembre 2014 hanggang Hunyo 30, 2016, para mapigilan ang pagkalat ng dengue sa bansa, sinabing kalinisan ang “susi” laban sa mga nasabing sakit.
Noong Marso 2016, tatlong buwan bago umalis sa DOH, inulit niya ang pagtulak sa 4S matapos iulat ng United States Centers for Disease Control and Prevention (CDC) na isang Amerikano ang napatunayang positibo sa Zika virus, isa pang sakit na dala ng lamok, pagkatapos bumalik mula sa isang pagbisita sa Pilipinas. Sinabi niya:
“We reiterate that cleanliness is still the key against mosquito-borne diseases. The public is reminded to be vigilant and pre-cautious in eliminating mosquito breeding places through the ‘4S campaign’
(Inuulit namin na ang kalinisan pa rin ang susi laban sa mga sakit na dala ng lamok. Pinaaalalahanan ang publiko na maging mapagmatyag at maingat sa pagtanggal ng mga lugar na maaaring pag-anakan ng lamok sa pamamagitan ng ‘4S campaign’).”
Pinagmulan: Official Gazette, Health department on the Zika case from the PH, Marso 7, 2016
Ilang buwan bago nito, sa isang pakikipanayam sa GMA News noong Set. 1, 2015, nanawagan si Garin sa publiko nang dumarami ang mga kaso dengue na pairalin ang kalinisan, tulad ng wastong pagtatapon ng mga bote, upang maiwasan ang mga lamok na nagdadala ng dengue mula sa mga “bukas na lugar” kung saan maaaring naiipon ang tubig. Sinabi niya na “vector control,” pati na rin ang pagbabakuna, ay maaaring makatulong sa paglaban sa dengue.
Sa isang October 2015 Official Gazette press release, muli niyang isinulong ang 4S strategy sa paglulunsad ng dengue prevention program na Brigada para sa Kalinisan kasama ang Department of Education at Department of Social Welfare and Development. Sinipi sa press release ang kanyang pahayag:
“Kung sama-sama tayo na lilinisin ang ating kapaligiran, kayang-kaya nating sugpuin ang dengue.”
Pinagmulan: Official Gazette, The government combats dengue in schools nationwide, Okt. 28, 2015
Sinabi rin niya:
“The first step to prevent dengue is within our homes (Ang unang hakbang upang maiwasan ang dengue ay nasa loob ng ating mga tahanan)…[L]et us make it a practice and instill cleanliness in our surroundings (Gawin natin itong pagsasanay at panatilihin ang kalinisan sa ating paligid). It is not only your family who will benefit with this habit, but the safety of our entire community as well (Hindi lamang ang iyong pamilya ang makikinabang sa gawi na ito, kundi ang kaligtasan ng aming buong pamayanan din).”
Pinagmulan: Department of Health (Philippines), DOH TIES UP WITH DEPED, DSWD, DILG IN BRIGADA KALINISAN PARA SA KALUSUGAN, Okt. 28, 2015
Ang dengue, ayon sa DOH, ay ang “pinakamabilis na kumakalat na vector-borne disease” sa mundo na ikinakalat sa araw ng nangangagat na mga lamok na Aedes aegypti at Aedes albopictus.
Ang estratehiyang 4S ng DOH sa ilalim ng National Dengue Prevention and Control Program ay naaayon sa Global Strategy for Dengue Prevention and Control 2012-2020 ng WHO na nagbabalangkas ng limang elemento sa pagbabawas ng “pasanin ng dengue” sa buong mundo. Ayon sa WHO, ang epektibong vector control ay “kritikal sa pagkamit at pagpapanatili ng pagbawas ng namamatay na nauugnay sa dengue.”
Idinagdag nito:
“Preventive and vector control interventions aim to reduce dengue transmission, thereby decreasing the incidence of the infection and preventing outbreaks of the disease
(Layunin ng mga preventive at vector control intervention na bawasan ang pagkalat ng dengue, nang sa gayon ay mabawasan ang insidente ng impeksyon at maiwasan ang pagkalat ng sakit).”
Pinagmulan: World Health Organization, WHO’s Global Strategy for Dengue Prevention and Control 2012-2020, 2012
Kinikilala ng WHO ang iba pang mga diskarte laban sa dengue tulad ng sustainable vector control — na kinabibilangan ng paggamit ng mga insecticide at pag-aalis ng mga lugar na maaaring pag-anakan ng mga lamok — at pagbabakuna, bukod sa iba pa, bilang isa sa mga pamamaraan upang maiwasan ang pagkalat ng virus ng dengue. Ang pagbabakuna ay kabilang din sa limang elemento na ibinalangkas ng WHO bilang diskarte sa pag-iwas at pagkontrol sa dengue.
Ang pinakahuling ulat tungkol sa paglaganap ng dengue ng National Disaster Risk Reduction and Management, na sumusuporta sa DOH sa pagsisikap nito laban sa dengue, ay nagpapakita na mayroong hindi bababa sa 130,012 na mga kaso ng dengue at 540 na pagkamatay na naiulat sa bansa hanggang Agosto 10.
Mga Pinagmulan
House of Representatives, BUDGET BRIEFING OF THE COMMITTEE ON APPROPRIATIONS (DEPARTMENT OF HEALTH), Aug. 28, 2019
Congress of the Philippines, Lawmakers grill DOH officials on RH promotion, expired drugs, PhilHealth system, Aug. 28, 2019
Dr. Janette Loreto-Garin official Facebook page, Ang pangunahing stratehiya ng DOH sa pagsugpo ng Dengue ay 4S pa rin…, Aug. 2, 2019
CNN Philippines, The Source: Janette Garin, Aug. 4, 2019
ABS-CBN News, Ex-DOH chief hits PAO probe on Dengvaxia, Jan 15, 2018
Department of Health, DENGUE PREVENTION AND CONTROL PROGRAM
GMA News, BT: DOH: Bilang ng kaso ng dengue sa Pilipinas, tumaas, Sept. 1, 2015
Official Gazette, The government combats dengue in schools nationwide, October 28, 2015
Department of Health (Philippines) official Facebook page, DOH TIES UP WITH DEPED, DSWD, DILG IN BRIGADA KALINISAN PARA SA KALUSUGAN, Oct. 28, 2015
Official Gazette, DOH unveils Aksyon Barangay kontra dengue as Luzon braces for surge, August 25, 2011
Official Gazette, Health department on the Zika case from the PH, March 7, 2016
World Health Organization, GLOBAL STRATEGY FOR DENGUE PREVENTION AND CONTROL for 2012-2020, 2012
World Health Organization, Global Strategic Framework for Integrated Vector Management, 2004
World Health Organization, Dengue and severe dengue, April 15, 2019
Pediatric Infectious Disease Society of the Philippines, Inc, Dengue Disease Bulletin, Aug. 5, 2010
Department of Health, DOH DECLARES NATIONAL DENGUE EPIDEMIC, Aug, 6, 2019
National Disaster Risk Reduction and Management Council, SitRep No. 15 re Dengue Outbreak, Aug, 10, 2019
ANC 24/7, PH Health agency declares national dengue epidemic, Aug. 6, 2019
Department of Health, DENGVAXIA HOTLINE AND DENGUE EXPRESS LANE
Department of Health, DOH REMINDS PUBLIC TO DO THE 4-S AGAINST DENGUE
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)