Hindi totoo ang sinabi ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na ang “higit sa karamihan” ng mga Pilipino ay kulang sa edukasyon. Ito ay pinasinungalingan mismo ng 2015 Census of Population.
PAHAYAG
Sa isang pagdinig sa Senado noong Enero 17, sinabi ni Panelo na ang mga Pilipino ay maaaring hindi pa handa para sa isang plebisito sa charter change dahil ang “higit sa karamihan” sa kanila ay walang pinag-aralan:
“Ang karamihan po o higit sa karamihan ng ating mga kababayan ay hindi edukado. Walang edukasyon.”
Pinagmulan: Pagdinig ng Senado sa charter change, Enero 17, 2018, live na video ng ABS-CBN, panoorin mula 1:05:20-1:05:25
Ito ang dahilan kung bakit marami ang madaling mahimok, mabili o takutin sa panahon ng mga halalan, idinagdag ni Panelo:
“Iyan ang dahilan kung bakit nandito tayo sa ganitong kalagayan. Pagdating sa botohan, bakit ba madaling ma-impluwensyahan? Bakit madaling mabili? Bakit madaling matakot? Eh hindi kasi karamihan may edukasyon.”
Pinagmulan: Pagdinig ng Senado sa charter change, Enero 17, 2018, live na video ng ABS-CBN News, panoorin mula 1:05:25-1:06:04
FACT
Ang 3.28 porsiyento lamang ng kabuuang 90 milyong Pilipino na may edad na 5 pataas, o malapit sa 3 milyong indibidwal, ang hindi nagtapos sa anumang antas ng grado, ayon sa mga resulta ng 2015 census.
Ang napakalaking bahagi ng karamihan ay may iba’t ibang grado ng natapos na edukasyon: 2.5 milyon ang pre-school; 46,000 espesyal na edukasyon; mga 30.2 milyon ang nakatapos ng elementarya; mga 32.9 milyon ang nakatapos nghigh school; at mga 21.5 milyon umabot ng post-secondary hanggang postgraduate na edukasyon.
Ang antas ng edukasyon ng mga 128,000 indibidwal ay “hindi nakasaad.”
Ang bilang ng mga Pilipino na hindi nakatapos ng anumang antas ng grado ay bumaba mula sa 3.3 milyon sa census noong 2010 na binubuo ng 4 na porsiyento ng kabuuang 81.9 milyon na edad 5 at pataas.
Ang mga census ay “isang kumpletong isa isang pagbibilang ng mga kabahayan sa bansa” na idinisenyo upang “gumawa ng imbentaryo ng populasyon ng buong Pilipinas,” ayon sa Philippine Statistics Authority, ang nangungunang ahensya na nagsasagawa nito.
Mga pinagkunan:
Philippine Statistics Authority, 2015 Census of Population, Total Population 5 Years Old and Over by Highest Grade/Year Completed, Sex, Age, and Region
PSA, What is the 2015 Census of Population?
PSA, The Educational Attainment of the Household Population (Results from the 2010 Census)