Mali si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa sa sinabing ang Pilipinas ang bansang may pinakamahabang baybayin sa buong mundo.
PAHAYAG
Sa isang panayam noong Nob. 27 sa CNN Philippines, tinanong si Dela Rosa, dating hepe ng kapulisan, kung paano nakapapasok pa rin sa Pilipinas ang bilyun-bilyong halaga ng iligal na droga mula sa ibang bansa.
Sinabi niya:
“Palagi naman nating sinasabi eh iyong ating bansa eh napaka-porous iyong ating hangganan, di ba? Mayroon tayong pinakamahabang baybayin. And (at) dahil anywhere (kahit saan), along that coastline (sa kahabaan ng baybayin na iyon), makapasok doon iyong nanggagaling sa labas ng mga barko.”
Pinagmulan: CNN Philippines, The Source: Sen. Bato Dela Rosa, Nob. 27, 2019, panoorin mula 3:15 hanggang 4:28
ANG KATOTOHANAN
Salungat sa pahayag ni Dela Rosa, Canada – hindi ang Pilipinas – ang may pinakamahabang baybayin sa buong mundo, na nakasaad sa ulat ng United Nations Environment Programme.
Ang bansang nasa kontinente ng North America ay may 243,042 kilometrong baybayin, ayon sa statistical office ng gobyerno ng Canada, na di hamak na mas mahaba sa 36,289-kilometrong baybayin ng Pilipinas ng halos 200,000 kilometro.
Kahit na sa mga bansang nasa Asia, ang baybayin ng Pilipinas ay mas maiksi pa rin sa baybayin ng Indonesia na 54,720 kilometro.
Ang baybayin ay ang “linya na bumubuo ng hangganan sa pagitan ng lupain at karagatan o isang lawa,” ayon sa Merriam-Webster dictionary.
Ang Pilipinas ay ika-anim sa mga bansang may pinakamahabang baybayin sa buong mundo, ayon sa WORLD FACTBOOK, na pinananatili ng gobyerno ng United States, at WorldAtlas.com, isang educational geography website na nakabase sa Canada.
Mga Pinagmulan
CNN Philippines, The Source: Sen. Bato Dela Rosa, Nov. 27, 2019
United Nations Environment Programme, One year after the launch of #CleanSeas, the tide is turning, April 30, 2018
Statistics Canada, International perspective
National Commission for Culture and the Arts, Philippine Fast Facts
Embassy of the Republic of Indonesia in Washington D.C., Facts & Figures
Merriam-Webster Dictionary, Coastline
Central Intelligence Authority, FIELD LISTING :: COASTLINE
WorldAtlas.com, Countries With The Longest Coastline, last updated on June 18, 2018
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)