Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Dong Mangudadatu MALI sa “pinakamatagal” na armadong grupo sa mundo

Ang Karen National Liberation Army at ang Ejército de Liberación Nacional ay dalawa sa pinakamatagal na rebeldeng grupo sa buong mundo, mas nauna pa kaysa sa CPP-NPA.

By VERA FILES

Mar 8, 2019

5-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Mali ang pahayag ng Maguindanao 2nd district representative at kandidato pagka-senador na si Zajid “Dong” Mangudadatu na ang pinamatagal na aktibong armadong grupo sa mundo ay nasa Mindanao.

 

PAHAYAG

Sa isang bahagi ng senatorial debate ng GMA Pebrero 9, si Mangudadatu, na tumatakbo sa ilalim ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban), ay nagpaliwanag kung bakit siya bumoto pabor sa ekstensyon ng martial law sa Mindanao:

 

“Alam po natin the longest-running armed group in the world ay nasa atin (Alam natin na ang pinakamatagal na armadong grupo sa mundo ay nasa atin).”

Pinagmulan: GMA News, REPLAY: Debate 2019: The GMA Senatorial Face-Off, Peb. 9, 2019, panoorin mula 1:43:54 hanggang 1:43:59

Hindi binanggit ni Mangudadatu kung aling organisasyon ang tinutukoy niya, ngunit ang pinakamatagal na aktibong armadong grupo ng rebelde sa Mindanao ay ang New People’s Army (NPA), ang puwersang militar ng Communist Party of the Philippines (CPP) na itinatag noong 1968.

ANG KATOTOHANAN

Ang Karen National Liberation Army (KNLA) at ang Ejército de Liberación Nacional (ELN) ay dalawa sa pinakamatagal na rebeldeng grupo sa buong mundo, mas nauna pa kaysa sa CPP-NPA.

Ang KNLA ng Myanmar, ang armadong grupo ng Karen National Union (KNU), isang pampulitikang organisasyon na kumakatawan sa minoryang lipi ng Karen, ay itinatag noong 1947.

Sa isang 2018 na pahayag na inilathala sa Burma Link, isang nonprofit na tagapagtaguyod, ang KNLA, ang pinakamatagal na rebeldeng grupo sa Myanmar, ay inilarawan ang sarili bilang isang “rebolusyonaryong hukbo na nakikipaglaban para sa pagpapalaya ng mga taong Karen.”

Sinabi rin ng pahayag:

 

“For nearly 70 years, it (KNLA) has been struggling to defend the Karen people from all kinds of adversaries, to provide security for their lives and homes, and to reach the goal in the form of a Karen State, free from all kinds of oppressions. However, the goal has still not been reached and the KNLA is still in the state of struggle

(Sa loob ng halos 70 taon, ito (KNLA) ay nakikipaglaban upang ipagtanggol ang mga taong Karen mula sa lahat ng uri ng kalaban, upang magbigay ng seguridad para sa kanilang mga buhay at mga tahanan, at upang maabot ang layunin na bumuo ng isang esdatong Karen, malaya mula sa lahat ng uri ng mga pagmamalupit. Gayunpaman, ang layunin ay hindi pa naabot at ang KNLA ay patuloy sa pakikibaka).”

Pinagmulan: Burma Link, Karen National Liberation Army Statement, Mayo 10, 2018

 

Sa isang Agosto 2018 na ulat, sinabi ng KNU na patuloy itong magsisikap para sa isang kasunduan sa pamahalaan tungo sa kapayapaan tatlong taon matapos itong pumasok sa negosasyong pangkapayapaan. Gayunpaman, sinabi ng isang opisyal ng KNU na ang KNLA ay “patuloy na ipagtanggol ang teritoryo na kasalukuyang hawak nito at lalabanan ang anumang pagtatangka ng militar na kunin ito,” ayon sa iniulat ng ReliefWeb, isang espesyal na serbisyo ng United Nations Office for the Coordination of Humanitarian Affairs na nagbibigay ng impormasyon tungkol sa mga krisis sa buong daigdig.

Ang ELN o National Liberation Army, na itinatag noong 1964, ay tinawag kamakailan na “pinakamatanda at pinakamalawak na paghihimagsik sa Latin America” sa isang 2016 na ulat ng The Guardian. Ito ay pagkatapos na pumirma ng kasunduang pang kapayapaan sa pamahalaan noong Nobyembre 2016 ang mas matagal at mas makapangyarihang katulad nito, ang Revolutionary Armed Forces of Colombia (Farc).

Ang ELN ay pinasimulan ng estudyante at relihiyosong kilusan – kasunod ng isang civil war sa pagitan ng mga liberal at konserbatibong paksyon ng Colombia – na humihingi ng “pagtatayo ng isang rehimeng Christian communist” upang matugunan ang kahirapan.

Ang grupo ay “naghahangad ng reporma sa lupa” at partikular na pinupuntirya ang mga kumpanyang multinasyunal na kumikita sa pagmimina at langis dahil sa “umano’y ‘pagnanakaw ng mga likas na yaman ng bansa’,” ayon sa dokumentadong pag-aaral ng Stanford University, Reuters at Washington Post.

Ang ELN, na idinagdag sa listahan ng Estados Unidos ng mga dayuhang terorista noong 1997, ay inako ang pananagutan sa isang pambobomba ng kotse noong Enero na pumatay ng hindi bababa sa 20 opisyal ng pulisya sa Bogota. Ang CPP-NPA ay kasama sa parehong listahan ng U.S. noong 2002.

 

MGA PINAGMULAN

GMA News, REPLAY: Debate 2019: The GMA Senatorial Face-Off, Feb. 9, 2019

Karen National Union, History

Burma Link, Karen National Liberation Army Statement, May 10, 2018

ReliefWeb, Karen National Union Recommits to Peace Process at Meeting, Aug. 27, 2018

Trackingterrorism.org, Karen National Liberation Army

Stanford.edu, National Liberation Army, Aug. 17, 2015

Insight Crime, ELN, March 3, 2017

Colombia Reports, Profiles: National Liberation Army (ELN), Oct. 27, 2018

The Guardian, Che Guevara era closes as Latin America’s oldest guerrilla army calls it a day, Sept. 25, 2016

Britannica, La Violencia, dictatorship, and democratic restoration

BBC News, Guide to the Philippines conflict, Oct. 8, 2012

Stanford.edu, Communist Party of the Philippines–New People’s Army, Aug. 14, 2015

Britannica, New People’s Army, n.d.

U.S. Department of State, Foreign Terrorist Organizations

The Washington Post, Colombia is trying to end 50 years of war, but one rebel group won’t stop its attacks, Jan. 11, 2018

Reuters, Colombia’s ELN rebels say deadly car bomb was legitimate act of war, Jan. 21, 2019

CNN, ELN claims responsibility for Bogota car bomb that killed 20 at a police academy, Jan. 21, 2019

France24.com, ELN rebels claim responsibility for car bomb attack on Bogota police academy, Jan. 21, 2019

 

(Ang VERA Files Fact Check ay sumusubaybay sa mga maling salaysay at nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at personalidad, at itinatama ang mga ito gamit ang mga tunay na ebidensya. Kami ay ginagabayan ng mga prinsipyo ng International Fact-Checking Network sa Poynter. Para sa karagdagang impormayan bisitahin ang pahinang ito.)


(Ang VERA Files ay bahagi ng Tsek.ph, isang pagtutulungan sa fact-checking na inisyatibo ng akademya at ng media para sa 2019 midterm na halalan sa Pilipinas.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.