Mali ang binanggit na police-to-population ratio sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ng kandidato pagka-senador na si Samira Gutoc-Tomawis, isang dating miyembro ng Bangsamoro Transition Commission.
PAHAYAG
Sa Peb. 9 GMA News senatorial debate, si Gutoc, na dating miyembro ng ARMM legislative assembly at ngayon ay tumatakbo sa ilalim ng Liberal Party, ay nagsalita tungkol sa kanyang track record sa pagtatrabaho para sa kapayapaan sa Mindanao:
“Naging grassroots leader tayo, chairman ng anti-crime movement sa Marawi City para po labanan ang terorismo. Marami pong trabaho ang gagawin; we only have one police for 3,000 persons in our municipalities and cities in ARMM (mayroon lamang kaming isang pulis para sa 3,000 katao sa aming mga munisipyo at lungsod sa ARMM).”
Pinagmulan: GMA News, REPLAY: Debate 2019: The GMA Senatorial Face-Off, Peb. 9, 2019, panoorin mula 30:34 hanggang 30:56
ANG KATOTOHANAN
Hindi sinusuportahan ng opisyal na datos ng pulisya ang pahayag ni Gutoc.
Noong Dis. 31, 2018, ang police-to-population ratio sa ARMM ay 1: 565, o isang pulis para sa bawat 565 residente, pinakikita ng datos mula sa Philippine National Police (PNP).
Hindi ito malayo sa pamantayang ginagamit ng PNP na isang opisyal para sa bawat 500 residente, na itinakda ng batas noong 1990:
“On the average nationwide, the manning levels of the PNP shall be approximately in accordance with a police-to-population ratio of one policeman for every 500 persons (Karaniwan sa buong bansa, ang antas ng paglalagay ng tao ng PNP ay dapat humigit-kumulang ayon sa police-to-population ratio na isang pulis para sa bawat 500 katao).”
Pinagmulan: Official Gazette, Department of Interior and Local Government Act of 1990
Wala sa 17 rehiyon sa bansa ang tugma o kahit na malapit sa 1:3,000 ratio ni Gutoc. Ang rehiyon ng Calabarzon (Calamba, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon), ang pinakamalayo sa 1:500 na pamantayan, ay may ratio na 1: 1,225 o isang pulis para sa bawat 1,225 residente.
Tanging ang Cordillera Administrative Region (CAR) at Caraga Region ang lumampas sa pamantayan sa 1:313 at 1:446, ayon sa pagkakabanggit.
Sa 15 rehiyon na nabigong maabot ang pamantayan, ang ARMM ang ikaapat na pinakamababang bilang ng mga kulang na tauhan. Ang kakulangan ng tauhan ay malalaman sa pamamagitan ng pagbabawas sa aktwal na bilang ng tauhan mula sa “angkop na angkop” na bilang, na tinututukoy ng PNP sa rehiyon batay sa populasyon, kasunod ng ratio na 1:500
Bukod sa kapal ng populasyon, sinabi ng batas na “ang aktwal na lakas ng [pulisya] sa mga lungsod at munisipyo ay dapat depende sa estado ng kapayapaan at kaayusan” at “aktwal na mga pangangailangan ng serbisyo” sa partikular na lugar. Ito ay sa kondisyong ang police-to-population ratio ay hindi bababa sa 1: 1,000 at ang mga lunsod o bayan lugar ay magkakaroon ng mas mataas na hanay ng pinakamaliit na ratio.
MGA PINAGMULAN
GMA News, REPLAY: Debate 2019: The GMA Senatorial Face-Off, Feb. 9, 2019
Philippine National Police, Schedule on Police to Population Ratio as of Dec. 31, 2018
Official Gazette, Republic Act 6975, Sec. 27
United Nations, Report of the Office of Internal Oversight Services on the comprehensive audit of the United Nations Interim Administration Mission in Kosovo mandate implementation, April 18, 2008
N-peace.net, Samira Gutoc-Tomawis