Sa pagtugon sa pagtuligsa ni dating Pangulong Benigno Aquino III sa kanyang giyera laban sa droga, bumanat si Pangulong Rodrigo Duterte, at ipinagmalaki ang rekord ng kanyang administrasyon kumpara sa kay Aquino.
ANG PAHAYAG
Sa isang speech noong Aug. 4 sa Barangay Kilala, Marawi City, sinabi ni Duterte, na nagbabasa mula sa isang piraso ng papel:
“Yung koleksyon ko sa shabu, sa isang taon, nakuha ko mga … Ang kanyang sa–buong anim na taon niya–ah isang taon, sila lamang–nakakuha sila ng 4 bilyong 83. Sa isang taon ko, nung matatapos na ako, nung isang taon na ako, nakumpiska o nakakuha ng 18.52 bilyon.”
Pinagkunan: Speech of President Rodrigo Roa Duterte during his Visit to the Joint Special Operations Task Force Trident, panuorin mula 3:04 to 3:41
FACT
Ang bilang ni Duterte ay tila nakuha mula sa datos ng Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA), na nagbigay sa VERA Files ng buod ng “Comparative Anti-Drug Accomplishments” nito.
Ngunit ang pahayag ng presidente ay nakapanlilinlang, at pinalalaki ang mga inaasahang pakinabang ng kanyang administrasyon sa giyera laban sa mga bawal na gamot.
Sa simula, mali si Duterte sa pagsabi na P4.83 bilyon ang halaga ng shabu na nakumpiska ng administrasyon ni Aquino at P18.52 bilyon naman ang halaga sa ilalim ni Duterte.
Hindi ito ang mga tamang halaga ng nakumpiskang shabu.
Sa halip, ang mga ito ay halaga ng lahat ng mga “nakumpiskang droga at ebidensiyan na hindi droga,” at kung gayon kasama ang mga halaga ng nasamsam na ecstasy at cocaine; sinirang plantasyon ng marijuana; at binuwag na mga bodega ng kemikal, mga lihim na laboratoryo, mga drug den at mga bilihan ng bawal na gamot, ayon sa ulat ng PDEA.
Kung ang tinutukoy ni Duterte ay shabu lamang, ang halagang ng nakumpiska sa ilalim ni Aquino ay P0.94 bilyon at P12.62 bilyon sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Hindi gaanong halata, ngunit hindi pa rin wasto, ang paraan ng paghahambing na ginamit ni Duterte upang maipakita kung paano naging mas mahusay umano ang kanyang trabaho kaysa sa kanyang hinalinhan.
Ang malaki at biglaang pagtaas ng halaga ng shabu — pati na rin ang kabuuang halaga ng lahat ng mga nakumpiskang droga at ebidensiyang hindi droga — ay hindi nangangahulugang ang pangangasiwa ng administrasyon ni Duterte ay mas epektibo, o mas mabisa kaysa kay Aquino.
Ito ay dahil ang giyera ni Duterte laban sa mga iligal na droga ay lubhang nagpataas ng presyo ng mga iligal na droga, kaya napalaki din ang kabuuang halaga ng mga bawal na gamot na nakumpiska.
Sa isang press release noong Oktubre 6, 2016, sinabi ni PDEA Director General Isidro Lapeña na ang presyo ng shabu sa kalye ay tumaas sa “pinakamataas mula noong 2002 matapos paigtingin ang kampanya ng laban sa ipinagbabawal na gamot.”
Sinabi niya na ang kasalukuyang presyo sa kalye ng shabu ay umaabot na ngayon sa P1,200 hanggang P25,000 kada gramo, o mas mataas ng 127 porsiyento sa halaga mula Enero hanggang Hunyo 2016, ang huling semestre ng administrasyong Aquino.
Sa pagtuligsa kay Duterte, ang dating Pangulong Aquino mismo ay nagbitaw rin ng maling pahayag. Sinabi niya sa mga reporter noong ikawalong anibersaryo ng kamatayan ng kanyang ina, si dating Pangulong Corazon Aquino:
“Ang sabihin ko lang, nung kami 1.8 million tapos sa isang taon nitong all-outna kampanya laban sa drugs, 1.8 pa rin ang sinasabi ng survey. At survey na nila ‘yan,”
Mga pinagkunan: ABS-CBN News Online, CNN Philippines, Philstar.com
Ang mga datos ay pareho dahil galin sa parehong ang mga ito sa parehong survey ng Dangerous Drugs Board (DDB), na ginawa noong panahon ni Aquino, ngunit inilabas lamang noong Setyembre ng nakaraang taon.
Sources:
PDEA says shabu prices more than doubled as war on drugs intensifies
Comparative Accomplishments July 2015 to July 2016 VS July 2016 to June 2017
Anti-Drug Accomplishments under President Benigno Aquino III
Anti-Drug Accomplishments under PRRD from July 2016 to July 9, 2017
Philippine Drug Enforcement Agency
ABS-CBN NEWS Online. Aquino questions effectiveness of Duterte’s war on drugs
CNN Philippines. Gov’t hits back at Pres. Aquino’s drug war comments: Let results speak for themselves
Philstar.com. Duterte fires back at Aquino over comments on drug war
Presidential Communications Operations Office. From Presidential Spokesperson Ernie Abella: On ex-politician’s comment “parang wala yatang nangyari”