Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Duterte pinangalandakan ang maling impormasyon na sinibak si Tagle sa posisyon

Mali si Pangulong Rodrigo Duterte nang sinabi niyang tinanggal ni Pope Francis sa posisyon si dating Archbishop Luis Antonio Tagle dahil sa pamumulitika.

By VERA Files

Mar 11, 2020

4-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Mali si Pangulong Rodrigo Duterte nang sinabi niyang tinanggal ni Pope Francis sa posisyon si dating Archbishop Luis Antonio Tagle dahil sa pamumulitika.

PAHAYAG

Sa isang talumpati noong Marso 10 sa League of Municipalities of the Philippines, nagbitaw ng biglaang pahayag si Duterte at tinira si Tagle at ang Simbahang Katoliko.

Binanggit ang librong “Altar of Secrets: Sex, Politics, and Money in the Philippine Catholic Church,” sinabi ng pangulo na ang institusyon ay nag-ambag ng pondo sa mga “dilawan,” ang kulay na nauugnay sa oposisyon, at idinagdag:

“Kaya nagalit si Pope kasi nakialam sa politika. ‘Yan ang totoo diyan. Kaya ang ibinigay sa atin, officer-in-charge na lang. Wala tayong bishop (obispo). Tagle was out. He was investigated (Wala na si Tagle. Siya ay iniimbestigahan).”

Pinagmulan: Presidential Communications Operations Office, Speech of President Rodrigo Roa Duterte during the 2020 General Assembly of the League of Municipalities of the Philippines, Marso 10, 2020, panoorin mula 34:10 hanggang 34:58

Pagkatapos sinabi ni Duterte:

“Yan ang open secret diyan sa… Eh ako Presidente, siyempre malaman ko. Kasi nakikinig ako sa lahat.”

ANG KATOTOHANAN

Taliwas sa pahayag ng pangulo, umalis si Tagle sa Maynila dahil siya ay hinirang bilang Prefect of the Congregation for the Evangelization of Peoples (na kilala rin bilang Propaganda Fide) sa Vatican, at hindi dahil siya ay “iniimbestigahan.”

Ang dating arsobispo ng Maynila, na umalis sa bansa noong Pebrero matapos na itinalaga ng Santo Papa noong Dis. 8, 2019, ay ang unang Pilipino at pangalawang taga Asia na mamumuno sa “mahalagang” dicastery kasunod ng yumaong Indian Cardinal na si Ivan Dias, ayon sa ulat ng Vatican News, ang opisyal na publication ng Holy See.

Ang Congregation for the Evangelization of Peoples ay may pananagutan sa pagtaguyod at pagsasaayos ng gawaing misyonero sa buong mundo at sa gayon ay nagsisilbi bilang “ordinaryo at eksklusibong instrumento ng Santo Papa at ng Holy See sa pagsasakatuparan nito sa lahat ng mga misyon ng Simbahan at …kooperasyon ng mga misyonero.”

Sa hiwalay na ulat, sinabi ng Vatican News na ang appointment ni Tagle ay isang tanda ng “labis na atensyon sa kontinente ng Asia” ni Pope Francis.

Ang “Altar of Secrets: Sex, Politics, and Money in the Philippine Catholic Church” ng mamamahayag na si Aries Rufo — na tungkol sa “mga pagkakamali” ng Simbahan at kung paano naiimpluwensyahan ng institusyon ang politika sa bansa — ay nalathala noong Hunyo 2013, higit anim na taon bago umalis si Tagle sa Maynila para sa Vatican.

Ang mga pinuno ng Simbahan, kasama si Tagle, ay lumantad na laban sa mga pagpatay sa ilalim ng kampanya kontra ilegal na droga ni Duterte. Sa isang bukas na liham noong Agosto 2017, habang “sumang-ayon” si Tagle na ang mga iligal na droga ay, sa katunayan, isang “panganib,” nanawagan siya sa “mga pumapatay kahit na iyung walang laban, lalo na ang mga nagtatakip ng kanilang mga mukha … na ihinto na pag-aaksaya sa buhay ng tao.”

Paulit-ulit ang paninirang-puri ni Duterte sa Simbahan sa kanyang mga talumpati, na umabot pa sa pagtawag sa Diyos ng “hangal.”

 

Mga Pinagmulan

Presidential Communications Operations Office, Speech of President Rodrigo Duterte during the 2020 General Assembly of the League of Municipalities of the Philippines, March 10, 2020

Holy See Press Office, TAGLE Card. Luis Antonio Gokim

Vatican News, Cardinal Tagle leaves Philippines to take up Vatican post, Feb. 10, 2020

Vatican News, Cardinal Tagle is the new Prefect of Propaganda Fide, Dec 8, 2019

Holy See Press Office, The Congregation for the Evangelization of Peoples

Goodreads, Altar of Secrets: Sex, Politics, and Money in the Philippine Catholic Church

The Roman Catholic Archdiocese of Lingayen-Dagupan, LET HUMANITY IN US SPEAK!, Aug. 7, 2016

Reuters, Anger simmers in the Philippines over Duterte’s drug war, Aug. 20, 2017

Inquirer.net, Villegas: You can’t solve drug problem by killing people, Feb. 13, 2017

The Roman Catholic Archdiocese of Manila, Invitation to Reflect, Pray and Act, August 19, 2017

RTVM, Oath-Taking of the Newly Elected Punong Barangay of Region X (Speech), June 25, 2018

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.