Mali ang sinabi ni outgoing Sorsogon Governor Francis “Chiz” Escudero, na babalik sa Senado para sa ikatlong termino, na ang Cordillera Administrative Region (CAR) ay isa sa dalawang pinakamahirap na rehiyon sa Pilipinas.
PAHAYAG
Sa kanyang tatlong taong termino bilang gobernador, sinabi ni Escudero na “natuklasan” niya na ang pambansang pamahalaan ay nakikialam ng “sobra” sa mga gawain ng mga local government units (LGUs) ayon sa itinatadhana ng 1987 Constitution at Local Government Code of 1991:
“May mga nagsusulong ng pederalismo sa ating bansa, samantala ang awtonomiya ay hindi pa nga lubusang naibibigay talaga sa mga lokal na pamahalaan.
Tanong: … Sapat na ba ito para talagang itulak mo ang pederalismo o iyan ay masyadong minamadali?
Escudero: Iyan ay masyadong malayo, malayo pa … susubukan kong sagutin nang maikli para hindi sabihin na ako ay tutol dito. Ang pinakamalapit nating eksperimento sa pederalismo ay ang CAR — Cordillera [Administrative] Region at BARMM [Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao]. Ito ang dalawang autonomous na rehiyon na makikita sa ating Konstitusyon. Hindi pa nga lubusang naipatutupad ang Cordillera. Natalo ito sa dalawa o tatlong plebisito. Ang BARMM, hanggang sa huling termino, sinusubukan pa rin natin itong maging perpekto. Kung ni hindi pa natin maperpekto ang awtonomiya o ang pinakamalapit sa pederalismo sa dalawang rehiyong ito, [na] nananatiling pinakamahihirap na rehiyon sa ating bansa, bakit natin ito i-e-eksperimento sa lahat ng rehiyon ng bansa?”
Pinagmulan: ABS-CBN News official YouTube channel, Dateline Philippines | ANC (6 Hunyo 2022), Hunyo 6, 2022, panoorin mula 21:56 hanggang 22:55
Sinabi ni Escudero na “maraming trabaho” ang kailangan pang gawin bago isaalang-alang ang panukala para sa pederalismo sa bansa.
ANG KATOTOHANAN
Taliwas sa pahayag ni Escudero, ang pinakahuling datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) ay nagpapakita na ang CAR ang ikatlong rehiyon na may pinakamababang pagtatantiya ng poverty incidence sa mga pamilyang Pilipino.
Sa pinakahuling poverty statistics report, ipinakita ng PSA na 12.10% ng mga pamilya sa CAR ang nabigong kumita ng minimum na P14,023 upang matugunan ang kanilang pangunahing pangangailangan sa pagkain at hindi pagkain mula Enero hanggang Hunyo 2021. Ang CAR ay dating ikalima sa First Semester 2018 poverty statistics report ng PSA. Ang taunang estadistika ng kahirapan para sa 2021 ay hindi pa inilalabas.
Nagmula ang datos ng PSA sa unang pagbisita ng 2021 Family Income and Expenditure Survey na kinasasangkutan ng 174,007 pamilya na kalat sa 117 sampling domains sa buong bansa.
Sa kabilang banda, tama ang sinabi ni Escudero na ang BARMM ay kabilang sa mga pinakamahirap na rehiyon. Muling nai-ranggo ang BARMM bilang No. 1 sa mga rehiyon na may pinakamataas na insidente ng kahirapan, kung saan 39.4% ng mga pamilya ang nabigong kumita ng minimum na P14,126 sa unang anim na buwan ng 2021.
Gayunpaman, sinabi ng PSA na ang BARMM, na dating kilala bilang Autonomous Region in Muslim Mindanao, ay nagtala ng pinakamataas na makabuluhang pag-unlad mula sa 55.9% ng mga pamilyang dumaranas ng kahirapan sa unang semestre ng 2018 hanggang 39.4% sa unang semestre ng 2021. Iniugnay ng National Economic Development Authority ang pagbuti ng sitwasyon sa BARMM sa mas kaunting paghihigpit sa quarantine at ang pag-usad sa proseso ng kapayapaan sa rehiyon.
Sa buong bansa, sinabi ng PSA na humigit-kumulang 18% ng mga pamilyang Pilipino ang nabigong kumita ng buwanang average na kita na P12,082 at matugunan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan sa pagkain at hindi pagkain sa unang kalahati ng 2021. Tinatayang 23.7% o 26.14 milyon ng populasyon ay itinuturing na mahirap.
Sa 17 rehiyon, ang National Capital Region at Region IV-A (CALABARZON) ay muling nai-ranggo bilang No. 1 at 2, ayon sa pagkakasunod, sa may pinakamababang poverty incidence sa unang semestre ng 2021.
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
Francis “Chiz” Escudero, SINO SI CHIZ, Na-access noong Hunyo 8, 2022
Commission on Elections, Senatorial Summary Statement of Votes by Region (By Rank), Na-access noong Hunyo 8, 2022
ABS-CBN News official YouTube channel, Dateline Philippines | ANC (6 June 2022), Hunyo 6, 2022
Philippine Statistics Authority, First Semester 2021 Official Poverty Statistics of the Philippines, Disyembre 17, 2021
Philippine Statistics Authority, Family Income and Expenditure Survey (FIES), Na-access noong Hunyo 8, 2022
National Economic Development Authority, STATEMENT ON THE 2021 FIRST SEMESTER OFFICIAL POVERTY STATISTICS, Disyembre 17, 2021
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)