Isang graphic na nagtatampok ng hindi kumpletong sagot ni Vice President at presidential candidate Leni Robredo sa isang tanong sa isang panayam sa radyo ang in-upload ng ilang Facebook (FB) accounts, kabilang ang isang FB page ng isang dating Palace media consultant, para magmukha siyang tanga. Ito ay nakaliligaw.
Hindi inilagay sa graphic ang buong sagot ni Robredo sa follow-up na tanong sa isang what-if crisis scenario.
PAHAYAG
Noong Peb. 5, ang FB page na Luminous by Trixie Cruz-Angeles & Ahmed Paglinawan, na pinamamahalaan ng dalawang abogado, ang nag-post ng graphic na may cartoon ng mukha ni Robredo.
Tampok sa larawan ang isang bahagi ng sagot ni Robredo sa follow-up na tanong ni radio anchor Deo Macalma sa panayam ng tatakbong pangulo ng DZRH noong Peb. 2, na may naka-overlay na text:
“DZRH: ‘Ano ang sasabihin mo kay Biden kung may CIA report na lulusubin ng China ang Pilipinas?’
‘Ibibigay ko kay Pres. Biden ang report.’
– Leni Robredo, DZRH TV, February 2, 2022”
Pinagmulan: Luminous by Trixie Cruz-Angeles & Ahmed Paglinawan Facebook page, Waiting for their Department of Explanations in 3…2…1…, Peb. 5, 2022
Si Cruz-Angeles ay dating nagtrabaho bilang isang social media consultant sa Presidential Communications Operations Office (PCOO).
Sa pagkomento sa post, maraming netizens ang bumatikos kay Robredo sa pagiging “idiot (tanga)” habang ang iba ay inilarawan siya bilang “lutang na lutang.”
Ang FB post ay umani na ng mahigit 16,000 reactions, 2,900 comments at 2,400 shares. Ang mismong graphic ay na-upload ng hindi bababa sa 151 FB groups at pages, kasama ang verified page ng singer na si Richard Poon, simula noong araw pagkatapos ng panayam sa radyo. Sa pangkalahatan, nakakuha ito ng higit sa 32,000 interactions, ayon sa social media monitoring tool na CrowdTangle.
ANG KATOTOHANAN
Ang FB post ay hindi kasama ang orihinal na batayan ng mga tanong at pinutol ang mga bahagi ng tugon ni Robredo.
Sa panayam ng DZRH, tinanong si Robredo kung ano ang kanyang gagawin sa isang hypothetical crisis na sitwasyon kung saan siya, bilang pangulo, bago ang isang pribadong pagpupulong kay United States (U.S.) President Joe Biden, ay makatanggap ng ulat mula sa Central Intelligence Agency (CIA) na nagsasaad na plano ng China na salakayin ang Pag-asa Island sa West Philippine Sea gamit ang 300 armada ng militar sa susunod na limang araw.
Sumagot si Robredo na sa kanyang unang 100 araw, “siguraduhin” niya na ang sandatahang lakas ng Pilipinas ay “handa” para hindi ito “magulantang” sa naturang pagbabanta. Binanggit niya ang Mutual Defense Treaty ng bansa sa U.S., kung saan ang dalawang bansa ay nangakong magtutulungan sa mga oras ng “foreign aggression.”
Sinabi rin ng bise presidente na titiyakin niya na ang presensya ng bansa sa West Philippine Sea ay “kitang-kita,” at ang kanyang gobyerno ay magbibigay sa mga mangingisda ng “sapat na kakayahan at sapat na kagamitan” upang magpatuloy sa pangingisda sa lugar “nang walang takot.”
Kalaunan sa panayam, sinundan ni Macalma ng tanong kung ano ang sasabihin ni Robredo kay Biden sa ganitong senaryo. Sumagot siya:
“Ibibigay ko sa kanya ‘yung intelligence report na binigay sa akin at sasabihin ko sa kanya na, ‘Ito ‘yung binigay sa akin ng iyong Central Intelligence Agency,’ at siguro hindi ko naman siya kailangang ipaalala (sic) na mayroon tayong Mutual Defense Treaty na kapag kinakailangan natin sila ay dapat nakahanda silang tulungan tayo.”
Pinagmulan: DZRH News Television, Bakit Ikaw? DZRH Presidential job interview with VP Leni Robredo (Transcript), Peb. 3, 2022, panoorin mula 1:03:35 hanggang 1:03:54
Ang Luminous by Trixie Cruz-Angeles at Ahmed Paglinawan ay may kasaysayan ng pagkakalat ng disinformation. (Basahin ang VERA FILES FACT CHECK: Litrato ni Isko Moreno na naka ‘dextrose’ binuhay ng dating PCOO social media consultant, mga netizen nangangailangan ng konteksto at VERA FILES FACT CHECK: PH hindi ‘namili’ ng buong panel sa South China Sea arbitration case)
Ang post nina Cruz-Angeles at Paglinawan ay lumabas isang araw matapos lumahok si Robredo sa live presidential forum ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas.
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
Luminous by Trixie Cruz-Angeles & Ahmed Paglinawan Facebook page, Waiting for their Department of Explanations in 3…2…1…, Feb. 5, 2022
DZRH News Television, Bakit Ikaw? DZRH Presidential job interview with VP Leni Robredo, Feb. 3, 2022
Office of the Vice President, Vice President Leni Robredo at the Bakit Ikaw? The DZRH Presidential Job Interview, Feb. 2, 2022
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)