Nag post ang People’s Television (PTV) News, ang media network na pinapatakbo ng gobyerno, ng quote card ni dating ambassador Rosario Manalo na may maling petsa, kung saan mali ang sinabi ng huli na Pilipinas ang “pumili” ng arbitration panel sa South China Sea maritime dispute sa China.
Pinalaki ang isyu sa quote card ng isang Facebook page na pinamamahalaan ng dalawang abogadong pro-Duterte, na ipinahihiwatig na ang hindi pakikilahok ng China ay tinanggal ang pagiging legal ng arbitrasyon proceedings.
PAHAYAG
Noong Mayo 10, nag-post ang PTV ng quote card ni Manalo, na umano’y may petsang Hulyo 6, 2019, na nagbibigay ng komento sa kaso na isinampa ng Pilipinas laban sa China sa South China Sea dispute, kung saan ang Permanent Court of Arbitration (PCA) ay nagsilbing “registry.”
Bahagi ng quote card ay nagsabi sa halong Ingles at Filipino:
“Hindi nga iyon arbitration panel. Panel lamang iyon ng Pilipinas, pinili ang mga tao roon at iyan, ang mismong isyu na gusto natin, at binabayaran ‘yun noong panahon nila. Ikaw ba naman kung babayaran ka at andoon ka, hindi ba bibigyan mo yung pabor na desisyon?”
Pinagmulan: PTV official Facebook page, READ: Retired Ambassador Rosario Manalo explains PH-China issues in Philippine seas, Mayo 10, 2021 (Orihinal na link)
Idinagdag ni Manalo, ngayon ay miyembro ng United Nations (UN) Committee on the Elimination of Discrimination Against Women, na ang desisyon “ay hindi [nagtatali] kanino man” at “isang posisyon lamang na tanggap ng Pilipinas.”
Ilang sandali pagkalipas ng tatlong oras, ang Facebook page na Luminous by Trixie Cruz-Angeles & Ahmed Paglinawan ay nag upload ng PTV quote card na may caption na:
“Basically, sinasabi ni madame Ambassador: Paano nga ba makakaruon (sic) ng arbitration? Eh ang ibig sabihin ng arbitration ay yung paguusap (sic) para ma ayos ang isang alitan. Eh wala ang China dun … so sino kausap natin?”
Source: Luminous by Trixie Cruz-Angeles & Ahmed Paglinawan Facebook page, Basically, sinasabi ni madame …, Mayo 10, 2021 (Orihinal na link)
ANG KATOTOHANAN
Taliwas sa pahayag ni Manalo, hindi Pilipinas ang pumili ng lahat ng mga arbitrator sa five-member arbitral panel. Sinundan nito ang proseso ng appointment na inilatag sa UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) — kung saan kapwa ka-partido ang Pilipinas at China — tulad ng nabanggit ng arbitral tribunal sa Award on Jurisdiction and Admissibility.
Sa ilalim ng Annex VII ng UNCLOS, ang mga partido sa isang kaso ng arbitrasyon ay maaaring pumili ng isang arbitrator mula sa isang listahan na “ginawa at pinananatili” ng UN secretary-general para sumali sa arbitration panel, na isa sa mga itinakdang venue sa pag-aayos ng mga pinagtatalunan sa ilalim ng Convention. Ang natitirang tatlong miyembro ay “hinirang ayon sa kasunduan” sa pagitan ng mga partido. Dahil tumanggi ang China na lumahok sa proceedings, ito ay hindi rin nito nagawa.
Samakatuwid, alinsunod sa Convention, hiniling ng Pilipinas sa International Tribunal for the Law of the Sea (ITLOS) — isang “independent judicial body” na itinatag ng UNCLOS — na magtalaga ng arbitrator para sa China, at ang natitirang tatlong miyembro ng panel.
Bukod dito, ang sadyang hindi pakikilahok ng China sa proceedings ay hindi naging hadlang sa arbitral tribunal sa pagdinig at paghuhusga sa kasong isinampa ng Pilipinas.
Malinaw na sinabi sa Article 9, Annex VII ng Convention na ang “kawalan” o “pagkabigo” ng isang partido na ipagtanggol ang kaso nito “ay hindi dapat maging hadlang sa proceedings ng [arbitrasyon].”
Inatasan pa nito ang arbitration panel na “maging tiyak hindi lamang [dahil] may hurisdiksyon ito sa pinagtatalunan kundi pati na rin sa pahayag na itinatag sa katotohanan at sa batas” bago gawin ang award nito sa kaso.
Sa Award on Jurisdiction and Admissibility, sinabi ng tribunal na:
“…the non-participation of China does not bar this Tribunal from proceeding with the arbitration. China is still a party to the arbitration, and … shall be bound by any award the Tribunal issues.”
(…ang hindi paglahok ng China ay hindi hadlang sa Tribunal na ito sa pagpapatuloy ng arbitrasyon. Ang China ay partido pa rin sa arbitrasyon, at … ay dapat na nakatali sa anumang award na iiisyu ng Tribunal.)
Pinagmulan: Permanent Court of Arbitration, Award on Jurisdiction and Admissibility, Okt. 29, 2015
Inihain ng Pilipinas ang arbitration case laban sa China noong Enero 2013, pitong buwan matapos ang standoff na tumagal ng dalawang buwan sa pagitan ng dalawang bansa sa pinag-aagawang Scarborough Shoal (tinatawag sa bansa na Panatag Shoal o Bajo de Masinloc), isang tradisyonal na lugar ng pangingisda na matatagpuan sa South China Sea. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Tatlong bagay na mali si Duterte sa PH-China maritime standoff)
Hiniling nito sa tribunal na ipawalang-bisa, bukod sa iba pa, ang malawak na “nine-dash line” na basehan ng pag-aangkin ng China na sumasaklaw sa halos buong South China Sea, na kung saan naroon ang West Philippine Sea. (Tingnan ang Primer on the PH-China Arbitration)
Sa 501-pahinang award sa merito ng kaso na inisyu noong Hulyo 2016, inulit ng arbitration panel na mayroon itong hurisdiksyon sa pinagtatalunan sa kabila ng “hindi pagsali” ng China sa proceedings.
Sinabi ng tribunal na hindi nito “simpleng tinanggap ang mga ebidensya at pahayag ng participating party (Pilipinas) bilang default,” at binanggit pa ang ilang mga hakbang na ginawa nito upang “mapangalagaan ang procedural rights ng China.”
Sinabi ng panel na binigyan nito ng pansin ang position paper na inisyu noong Disyembre 2014 ng foreign ministry ng China, na nagsabing hindi nito kinikilala ang pagdulog ng Pilipinas sa arbitrasyon at ang hurisdiksyon ng tribunal; ang pampublikong pahayag ng mga opisyal ng China tungkol sa bagay na ito; at, mga natanggap na komunikasyon mula sa Chinese ambassador to the Netherlands, kung saan nakabase ang PCA.
Kinailangang balikatin din ng Pilipinas ang bahagi ng China sa mga gastos sa arbitrasyon, dahil sa hindi pakikilahok ng huli, tulad ng iniuutos sa ilalim ng UNCLOS.
Noong Hulyo 12, 2016, ibinaba ng arbitration panel ang “final and binding” award, na nagsabing ang “nine-dash line” claim ng China ay “walang ligal na batayan.”
Inihayag din ng tribunal, bukod sa iba pa, na nilabag ng China ang sovereign rights ng Pilipinas sa exclusive economic zone nito sa pamamagitan ng panghihimasok sa pangingisda at oil exploration ng huli, pagtatayo ng mga artificial island, at hindi pagpigil sa mga mangingisdang Tsino na mag-operate sa lugar.
Maling petsa
Samantala, maling iniugnay ng PTV ang petsa ng pahayag ni Manalo sa kanyang May 10 quote card at sa isang artikulo ng balita na inilathala nito sa parehong araw, kung saan sinabi nito na ginawa ng dating ambassador ang pahayag noong Hulyo 12, 2019.
Ngunit, sa pamamagitan ng isang masusing pagsasaliksik gamit ang Google Advanced Search, napag-alaman ng VERA Files Fact Check na ang ni Manalo ay nangyari sa isang “Tapatan sa Aristocrat” media forum noong Okt. 16, 2017.
Mga Pinagmulan
Luminous by Trixie Cruz-Angeles & Ahmed Paglinawan Facebook page, Basically, sinasabi ni madame … , May 10, 2021 (Original link)
Luminous by Trixie Cruz-Angeles & Ahmed Paglinawan Facebook page, Personally, I will support…, Aug. 23, 2020
Luminous by Trixie Cruz-Angeles & Ahmed Paglinawan Facebook page, Mas maigi …, April 12, 2021
PTV, READ: Retired Ambassador Rosario Manalo explains PH-China issues in Philippine seas., May 10, 2021 (Original link)
PTV, Former Amb. Manalo: Arbitration on WPS “not set up correctly”, , May 10, 2021 (Original link)
United Nations, Membership of the Committee on the Elimination of Discrimination against Women, Accessed May 21, 2021
Permanent Court of Arbitration, The South China Sea Arbitration (The Republic of Philippines v. The People’s Republic of China), Accessed May 25, 2021
Permanent Court of Arbitration, THE SOUTH CHINA SEA ARBITRATION (THE REPUBLIC OF THE PHILIPPINES V. THE PEOPLE’S REPUBLIC OF CHINA), July 12, 2016
United Nations, United Nations Convention on the Law of the Sea, Accessed May 21, 2021
United Nations, Status of the UNCLOS, Accessed May 21, 2021
Permanent Court of Arbitration, About Us, Accessed May 21, 2021
Permanent Court of Arbitration, Award, July 12, 2016
Permanent Court of Arbitration, Award on Jurisdiction and admissibility, Oct. 29, 2015
Scarborough Shoal standoff
- Official Gazette, Philippine position on Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal) and the waters within its vicinity, April 18, 2012
- Inquirer.net, What Went Before: Panatag Shoal standoff, April 21, 2021
- Reuters, Philippines pulls ships from disputed shoal due to weather, June 16, 2012
- GMA News Online, A year after Panatag stand-off, shoal firmly controlled by China, April 23, 2013
International Tribunal for the Law of the Sea, INTERNATIONAL TRIBUNAL FOR THE LAW OF THE SEA, Accessed May 25, 2021
Areopagus Communication, Is ASEAN still relevant?, Oct. 29, 2017
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)