Tatlong maling pahayag ang ginawa ni Pangulong Rodrigo Duterte nang sinabi niya na China ang nagmamay-ari ng buong West Philippine Sea, at nakawala sa Pilipinas at napunta sa China ang buong Spratly Islands sa isang standoff noong nakaraang administrasyon.
PAHAYAG
Sa kanyang State of the Nation Address noong Hulyo 22, binalikan ni Duterte ang isa niyang pakikipag-usap kay Chinese Presidenti Xi Jinping, na kung saan ang huli ay nagbabala ng “gulo” kung ang Pilipinas ay nagsisimulang “maghukay” ng langis sa West Philippine Sea.
Sinabi ni Duterte:
“You know, I cannot go there even to bring the (Alam ninyo, hindi ako makakapunta doon kahit na dalhin ang) Coast Guard to drive them away (upang palayasin sila). China also claims the property and he is in possession (Inaangkin din ng China ang lugar at siya ang nagmamay-ari). ‘Yan ang problema. Sila ‘yung in possession and claiming all the resources there as an owner (may-ari at inaangkin ang lahat ng mga mapagkukunan doon bilang may-ari). We are claiming the same but we are not in the position because of that (Tayo ay naghahabol din ngunit wala tayo sa posisyon dahil sa) fiasco noong dalawang nag-standoff doon during the time of my predecessor (nung panahon ng aking hinalinhan) si Albert, ambassador (embahador). If I’m correct. I do not know his real name (Kung tama ako. Hindi ko alam ang kanyang tunay na pangalan).”
[Tala ng editor: Tinutukoy ni Duterte si dating Ambassador Albert Del Rosario, na nagsilbing Foreign Affairs secretary noong nangyari ang sinasabing “fiasco.”]
Idinagdag niya:
“Tayo ang umatras. Pagsabi niya umatras, that was a kind of a compromise (iyon ay isang uri ng kompromiso). Tayo ang umatras. Noong umatras tayo, pumasok sila. Marami na. That day, we lost the (Sa araw na iyon, nawala sa atin ang) Spratly and the (at ang) Panganiban Island. Iyan ang totoo. Walang bolahan ‘yan.”
Pinagmulan: PCOO, 4th State of the Nation Address of President Rodrigo Roa Duterte, Hulyo 22, 2019, panoorin mula 43:57 hanggang 45:17
ANG KATOTOHANAN
Mali si Duterte sa tatlong punto: Una, ang China ay hindi nagmamay-ari ng buong West Philippine Sea; pangalawa, ang standoff na tinutukoy niya ay hindi nangyari sa Spratlys; at pangatlo, hindi “nawala” sa Pilipinas at napunta sa China ang Panganiban Reef noong nakaraang administrasyon.
Kasalukuyang inookupa ng China ang pitong mga bahura sa mayaman sa langis na Kalayaan (Spratly) Island Group: McKennan (Hughes), Mabini (Johnson), Burgos (Gaven Reefs), Calderon (Cuarteron), Kagitingan (Fiery Cross), Zamora (Subi), at Panganiban (Mischief).
Ang Mischief Reef ay isang low-tide elevation, hindi isang isla.
May kontrol din ang China sa Panatag o Scarborough Shoal dahil sa patuloy na pagkakaroon ng mga sasakyang-dagat ng China sa lugar.
Sa pagsalungat sa pahayag ni Duterte, sinabi ni Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na ang mga lugar na ito, “kabilang ang kanilang mga teritoryal na dagat (kung mayroon man), [ay binubuo ng] mas mababa sa pitong porsyento)” ng West Philippine Sea.
Ang iba pang mga nag-aangkin ng teritoryo, kabilang ang Pilipinas, ay sumasakop sa iba pang mga reef at feature sa Spratlys. Ang mga hawak ng Pilipinas ay kinabibilangan ng Pag-asa (Thitu) Island; Likas (West York) Island; Parola (Northeast) Cay; Lawak (Nanshan) Island; Kota (Loaita) Island; Melchora Aquino (Loaita) Cay; Patag (Flat) Island; Rizal (Commodore) Reef; at Ayungin (Second Thomas) Shoal.
Sa isang press briefing noong Hulyo 23, nilinaw ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. ang pahayag ni Duterte. Sinabi niya na “hindi sinabi” ng pangulo na ang China ay nagmamay-ari “ngunit sila ay nasa posisyon,” na tumutukoy sa mga military installation ng China sa West Philippine Sea bilang “positional advantage.” Hindi ito ang sinasabi ng opisyal na transcript ng talumpati ng pangulo.
Si Palace Spokesperson Salvador Panelo, sa kabilang banda, ay pinanindigan ang pahayag ni Duterte, na nagsabing hindi kinakailangang mangahulugan na pisikal ang pagkakaroon ng pagmamay-ari dahil “mayroong bagay na tulad ng ligal na pag-aari.”
Ang pahayag ni Panelo ay salungat sa 2016 na desisyon ng Permanent Court of Arbitration (PCA) na ang nine-dash line na batay sa makasaysayang karapatan na basehan ng paghahabol ng China sa South China Sea ay “walang ligal na batayan.”
Matapos matawag ng pansin ni Carpio, sinabi ni Panelo na ang ibig niya talagang sabihin ay “constructive possession,” na, aniya, ay kapareho ng paliwanag ni Esperon na “positional advantage.”
Mali ang pahayag ni Duterte ang standoff sa pagitan ng Pilipinas at China noong 2012, sa termino ni Del Rosario bilang kalihim ng Foreign Affairs, nangyari sa Spratlys, mga 220 nautical miles mula sa Palawan. Ito ay talagang nangyari sa Scarborough Shoal, na kilala rin bilang Bajo de Masinloc, isang tradisyunal na pinangingisdaan na halos 120 nautical miles mula sa baybayin ng Zambales.
Ang dalawang lugar ay humigit-kumulang 300 nautical miles o 540 kilometro ang pagitan – halos kaparehong distansya sa pagitan ng Manila at lalawigan ng Sorsogon.
Iligal na sinakop ng China ang Panganiban o Mischief Reef, na bahagi ng Spratlys group of islands, noong 1995, sa termino ni Pangulong Fidel V. Ramos.
BACKSTORY
Ang dalawang buwang standoff sa pagitan ng dalawang bansa ay nagsimula sa pagkakaaresto ng barkong pandigma ng Philippine Navy na BRP Gregorio del Pilar sa walong bangkang pangingisda ng mga Tsino na may maraming endangered marine species, corals, buhay na mga pating, at giant clams malapit sa Scarborough Shoal noong Abril 8 , 2012. Ang mga mangingisdang Tsino ay nag-radyo para humingi ng tulong, at ang China ay nagpadala ng tatlong Chinese Marine Surveillance. Iniutos ni dating Pangulong Benigno Aquino III ang kaagad na pag-alis ng BRP Gregorio del Pilar ayon sa mga panuntunan ng pakikipag-ugnay sa dagat na “puti sa puti, kulay abo sa kulay abo.”
Ang “puti sa puti” ay nangangahulugan na ang mga barkong sibilyan ay makikitungo lamang sa mga barkong sibilyan, sa pagkakataong ito ay ang Philippine Coast Guard (PCG) sa Chinese Marine Surveillance. Ang “kulay abo sa kulay abo” ay nangangahulugang navy sa navy.
Marami pang mga sasakyang-dagat ng Tsino ang dumating. Sa kasagsagan ng standoff, ang mga sasakyang-dagat ng Tsino at bangkang pangingisda ay umabot ng halos 100 kumpara sa tatlo ng Pilipinas; dalawang barko ng PCG at isang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources patrol ship.
Dalawang lihim na negosasyon ang kinilalang nakatulong sa pagtatapos ng standoff: ang pagkikipag-usap ni Kurt Campbell, U.S. Assistant Assistant Secretary of State for East Asian and Pacific Affairs, kay Fu Ying, isang mataas na opisyal ng Foreign Ministry ng China, at ang sikreto at impormal na negosasyon ni Sen. Antonio Trillanes IV sa pagitan nina Aquino at Fu.
Maraming mga bersyon kung paano natapos ang standoff sa tatlong mga barko ng Chinese Coast Guard na natitira sa Scarborough Shoal hanggang sa ngayon. Sinabi ni Del Rosario na ang mga Intsik ay tumalikod sa isang kasunduan na sabay-sabay na pag-alis. Sabi ng China, walang kasunduan. Sinabi ni Trillanes na paunang inutusan ni Del Rosario ang pag-alis ng mga barko ng Pilipinas mula sa Scarborough Shoal.
Ang standoff at ang patuloy na presensya ng tatlong barko ng Chinese Coast Guard sa Scarborough Shoal ay kabilang sa mga dahilan na binanggit ng Pilipinas nang simulan nito ang mga kaso laban sa Beijing sa Permanent Court of Arbitration (PCA) sa The Hague.
Noong 2016, nagpasya ang PCA na ang China ay “nanghimasok” sa tradisyunal na mga karapatan sa pangingisda ng Pilipinas sa shoal sa pamamagitan ng “pagpigil sa pagpasok” ng mga mangingisdang Pilipino.
Sinabi rin nito na ang China ay “labag sa batas na lumikha ng isang malubhang panganib ng pagbangga” sa dalawang okasyon noong Abril at Mayo 2012 nang ang mga sasakyang-dagat nito ay “sinubukang pisikal na hadlangan ang mga sasakyang-dagat ng Pilipino sa paglapit o pagpasok sa Shoal.”
Mga Pinagmulan
Presidential Communications Operations Office, 4th State of the Nation Address of President Rodrigo Roa Duterte, July 22, 2019
On WPS possession
-
- Asia Maritime Transparency Initiative, China Island Tracker
- Asia Maritime Transparency Initiative, UNDER PRESSURE: PHILIPPINE CONSTRUCTION PROVOKES A PARAMILITARY RESPONSE, Feb. 6, 2019
- ABS-CBN News, China not in possession of the West Philippine Sea: Carpio, July 23, 2019
- Rappler.com, Carpio rebuts Duterte: China ‘not in possession’ of West Philippine Sea, July 23, 2019
- Inquirer.net, Carpio fact-checks Duterte: China ‘not in possession’ of West PH Sea, July 23, 2019
- Philstar.com, Esperon: Duterte said China ‘in position’ in West Philippine Sea, not ‘in possession’, July 23, 2019
- Inquirer.net, China not in possession of sea but in position, says Esperon, July 24, 2019
- ABS-CBN News, Esperon, Lorenzana clarify China ‘in position,’ not ‘possession’ of West PH Sea, July 23, 2019
- Presidential Communications Operations Office, Press Briefing with Presidential Spokesperson and Chief Presidential Counsel Secretary Salvador Panelo, July 23, 2019
- Presidential Communications Operations Office, Press Briefing with Presidential Spokesperson and Chief Presidential Counsel Secretary Salvador Panelo, July 25, 2019
On 2012 stand-off
-
- Official Gazette, Philippine position on Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal) and the waters within its vicinity, April 18, 2012
- Official Gazette, Presidential Decree 1596, June 11, 1978
- Parispe.dfa.gov.ph, PALAWAN
On Mischief Reef
-
- Official Gazette, DFA statement on China’s allegation that the PH agreed to pull out of Ayungin Shoal, March 14, 2014
- Associated Press, Spratly Islands – China/Philippines ‘Incident’ – 1995, July 21, 2015
- Asia Maritime Transparency Initiative, Mischief Reef
Backstory
-
- Department of Foreign Affairs, JOINT PRESS CONFERENCE OF FOREIGN AFFAIRS SECRETARY ALBERT F. DEL ROSARIO, PHILIPPINE NAVY FLAG OFFICER IN COMMAND ADMIRAL ALEXANDER PAMA, AND PHILIPPINE COAST GUARD COMMANDANT ADMIRAL EDMUND TAN ON THE INCIDENT AT PANATAG (SCARBOROUGH) SHOAL, April 11, 2012
- Antonio Trillanes IV, Summary of the Backchannel Talks (12 May to 16 Aug 2012)
- Asia Maritime Transparency Initiative, COUNTER-COERCION SERIES: THE SCARBOROUGH SHOAL STAND-OFF, May 22, 2017
Permanent Court of Arbitration, South China Sea Arbitration Award (pp. 325-327 and 399-401), July 12, 2016
Permanent Court of Arbitration, PRESS RELEASE: South China Sea Arbitration Award, June 12, 2016
Permanent Arbitration Court, The Philippines’ Memorial – Volume I (p. 8), March 30, 2014
Geoportal.gov.ph, Philippine Map
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)