Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Pahayag ni Andanar na walang representasyon sa PH ang Iceland ay MALI

Mali si Presidential Communications Secretary Martin Andanar sa pagsasabi na ang Iceland ay walang diplomatikong kinatawan sa Pilipinas.

By VERA Files

Jul 31, 2019

5-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Mali si Presidential Communications Secretary Martin Andanar sa pagsasabi na ang Iceland ay walang diplomatikong kinatawan sa Pilipinas.

PAHAYAG

Sa isang panayam ng media bago ang ika-apat na State of the Nation Address ng Pangulo, kinuwestiyon ni Andanar ang resolusyong pinamunuan ng Iceland na pinagtibay ng United Nations Human Rights Council na imbestigahan ang sitwasyon ng karapatang pantao sa Pilipinas.

Sinabi niya:

“Meron bang (diplomatic) mission ang Iceland — meron ba silang embahada sa Pilipinas? Wala, zero, nothing (wala), nil (was), wala as in nothing (wala). Papaano ka magbibigay ng draft resolution sa isang bansa na hindi ka man lang represented (kinakatawan)?

Idinagdag niya:

“Wala silang representation (representasyon). Wala silang mission (misyon). Walang embahada…”

Pinagmulan: Super Radyo DZBB 594khz, LIVE sa DZBB: Presidential Communications Operations Office Sec. Martin Andanar kaugnay ng ika-apat na State of the Nation Address ni Pang. Rodrigo Duterte, Hulyo 22, 2019, panoorin mula 21:03 hanggang 21:53

ANG KATOTOHANAN

Walang embahada sa Pilipinas ang Iceland. Gayunpaman, mayroon itong representasyon sa pamamagitan ng isang itinalagang honorary consul general.

Si Honorary Consul General Elizabeth Sy, na umaakto sa ilalim ng hurisdiksyon ng Icelandic Embassy sa Tokyo, Japan, ay nakabase sa Makati City.

Ang honorary consul ay isang opisyal na napili mula sa mga “kwalipikadong pribadong tao” at hinirang ng kalihim ng Foreign Affairs sa mga lugar na walang embahada o konsulado, ayon sa Republic Act No. 7157 o Philippine Foreign Service Act of 1991.

Ang diplomatikong misyon ay “malawak na tumutukoy sa kabuuan ng opisyal na representasyon sa isang banyagang estado, kabilang ang mga sibilyan at militar na mga tauhan sa ilalim ng pangangasiwa ng embahador,” sabi ng University of the Philippines Center for International Studies (UP CIS) sa VERA Files sa isang email noong Hulyo 31.

Sa ilalim ng Vienna Convention on Diplomatic Relations, ang trabaho ng isang diplomatikong misyon ay protektahan ang mga interes, mag-ulat ng mga kondisyon at nangyayari sa isang bansa, at kumatawan at makipag-ayos sa ngalan ng nagpadalang estado. Ginagamit din ito upang maitaguyod at mabuo ang mga pakikipagkapwa, pang-ekonomiya, kultural, at pang-agham na ugnayan sa pagitan ng dalawang bansa.

“Ang misyon ng estado sa ibang bansa ay ang diplomatikong kinatawan nito. Madalas itong ginagamit na halinhinan,” sinabi ng UP CIS.

Samantala, ang Pilipinas, ay kinakatawan sa Iceland sa pamamagitan ng Embahada ng Pilipinas sa Oslo, Norway. Si Honorary Consul Maria Priscilla Zanoria ang kumakatawan sa Pilipinas sa Iceland.

Ang mga diplomatikong relasyon sa pagitan ng dalawang bansa ay umiral mula pa noong 1999, ayon sa Department of Foreign Affairs.

Ang resolusyon ng UNHCR ay nagpahayag ng “pagkabahala” sa mga paratang ng mga paglabag sa karapatang pantao sa bansa, “lalo na sa mga kinasasangkutan ng pagpatay, enforced disappearances, di-makatwirang pag-aresto, [pananakot] at pag-uusig sa o karahasan laban sa” mga miyembro ng civil society.

Napansin din nito ang patuloy na kampanya laban sa iligal na droga na binabato ng mga “paratang ng pagpatay sa libu-libong tao na sinasabing kasangkot sa kalakalan sa at paggamit ng droga.”

“Hinimok” ng resolusyon ang pamahalaan ng Pilipinas na “gawin ang lahat ng kinakailangang hakbang upang maiwasan ang extrajudicial killings at enforced disappearances”at “parusahan ang mga nagkasala.”

Hiniling din nito sa UN High Commissioner on Human Rights na maghanda ng isang “komprehensibong nakasulat na ulat” sa kalagayan ng karapatang pantao sa bansa, na ihaharap sa Council sa ika-44 na sesyon nito.

Mainit na tinanggap ng mga kritiko ng giyera laban sa droga ng pamahalaang Pilipinas ang resolusyon. Gayunpaman, ang pamahalaan ng Pilipinas ay nagpahayag ng pagkadismaya sa pagtanggap ng UNHCR sa resolusyon.

Inihayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo noong Hulyo 16 na “seryosong isinasaalang-alang” ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagputol ng diplomatikong relasyon sa Iceland. Ngunit si Foreign Secretary Secretary Teddy Boy Locsin Jr., sa parehong araw, ay sinabi sa Twitter na ang Pilipinas ay hindi puputulin ang diplomatikong relasyon sa ibang mga bansa o aalis sa UNHRC dahil sa “katungkulan nitong turuan ng tamang asal ang mga Europeo.”

Ang Pilipinas at Iceland ay parehong miyembro ng Council.

 

Mga Pinagmulan

Government of Iceland, Diplomatic Missions

Government of Iceland, Embassy’s Jurisdiction

Department of Foreign Affairs, Europe

Official Gazette, Republic Act No. 7157

United Nations, Vienna Convention on Consular Relations 1963

United Nations, Vienna Convention on Diplomatic Relations (1961)

University of the Philippines Center for International Studies, Online interview, July 31, 2019

Embassy of the Philippines in Oslo, Norway, Philippines-Iceland Relations

Embassy of the Philippines, Reykjavik, Iceland: Philippine Consulate

United Nations Human Rights Council, Promotion and protection of human rights in the Philippines, July 5, 2019

United Nations Human Rights Council, L.20 – Promotion and protection of human rights in the Philippines, July 11, 2019

RTVM on Youtube, 28th Anniversary of the Bureau of Jail Management and Penology (Speech) 7/12/2019, July 15, 2019

Office of the Presidential Spokesperson official Facebook page, On the adoption of the Iceland resolution, July 12, 2019

Office of the Presidential Spokesperson official Facebook page, Duterte ‘mulls’ severing diplomatic ties with Iceland – Palace, July 16, 2019

Teddy Boy Locsin Jr. official Twitter account, UNHRC, July 16, 2019

Presidential Communications Operations Office, Press Briefing, NEB, Malacañang, July 15, 2019, July 15, 2019

Amnesty International, Philippines: UN resolution builds pressure on architects of deadly “war on drugs”, July 11 2019

Human Rights Watch, Philippines: UN Takes Critical Step Toward Accountability, July 11, 2019

Karapatan, UN HRC Adoption of Reso on PH a Sign of Defiance vs Govt’s Fake News, Disinformation and Threats, July 12, 2019

United Nations Human Rights Council, Current Membership of the Human Rights Council for the 13th cycle, 1 January – 31 December 2019

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.