Ang Ayungin Shoal (internasyonal na pangalan: Second Thomas Shoal) ay bahagi ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas batay sa 2016 arbitral ruling sa Hague, taliwas sa pahayag ng ambassador ng United States (U.S.) sa China na si Nicholas Burns na ito ay isang “sovereign territory” ng Pilipinas.
Nagkamali rin si Burns sa pagsasabing ang International Court of Justice (ICJ) ang naglabas ng desisyon sa kaso ng South China Sea arbitration.
(Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: Anim na maling kuro-kuro tungkol sa arbitral award ng Pilipinas sa South China Sea)
PAHAYAG
Nagsalita si Burns sa isang online na talakayan tungkol sa kasalukuyang estado ng relasyon ng U.S.-China sa East West Center na nakabase sa Honolulu noong Marso 15. Tinanong siya tungkol sa “strategic na layunin” ng Beijing sa patuloy na pagtaas ng pressure nito sa Pilipinas dahil sa pinagtatalunang South China Sea at “kung gaano kalayo ang kanilang gagawin sa pagsubok sa kagustuhan ng U.S.” na ipagtanggol ang dating kolonya nito.
Sinabi ng ambassador na ang U.S. ay “tunay na nababahala” sa “coercive pressure” ng China sa Pilipinas, at binanggit ang “tense standoffs” sa Second Thomas Shoal at Scarborough Shoal nitong mga nakaraang buwan. Inaangkin ng Beijing ang pagmamay-ari ng parehong shoals.
Idinagdag niya:
“[I]t’s important for everybody… [t]o understand that the International Court of Justice [ICJ], which is the relevant legal body, ruled in July 2016 decisively in favor of the Philippines. And so, that territory is a sovereign territory of the Philippines and that China’s legal basis, legal claim to it, has no basis in international law.”
(“Mahalaga para sa lahat… na maunawaan na ang International Court of Justice [ICJ], ang nauugnay na legal body, ay nagpasya noong Hulyo 2016 nang mapagpasyang pabor sa Pilipinas. Kaya, ang teritoryong iyon ay isang soberanong teritoryo ng Pilipinas at ang legal na batayan ng China, ang legal na pag-angkin dito, ay walang batayan sa internasyonal na batas.”
Pinagmulan: East-West Center, Ambassador Burns on the State of U.S.-China Relations, panoorin mula 37:12 hanggang 37:38
ANG KATOTOHANAN
Isang ad hoc arbitral tribunal, hindi ang ICJ, ang nagpasya sa kaso ng Pilipinas laban sa China na hindi sumasaklaw sa mga isyu sa soberanya ng teritoryo.
Ang Permanent Court of Arbitration, na nagsilbing registry ng arbitral case, ay isang administratibong katawan na nagsisiguro ng mapayapang paglutas ng mga hindi pagkakaunawaan sa mga treaty at kasunduan, gaya ng United Nations Convention on the Law of the Sea.
Sa kabilang banda, ang ICJ ay ang pangunahing judicial organ ng United Nations na nag-aayos ng mga legal na hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga estado ayon sa internasyonal na batas.
(Basahin ang VERA FILES FACT CHECK: Which court ruled on the West Philippine Sea dispute?)
Sa 2016 arbitral award, idineklara ang Second Thomas Shoal na bahagi ng 200-nautical mile EEZ at continental shelf ng Pilipinas.
Ang isang estado ay may mga eksklusibong karapatan sa loob ng EEZ nito “na galugarin, samantalahin, pangalagaan at pamahalaan ang mga likas na yaman, gayundin ang pagtatayo ng mga artipisyal na isla, isagawa ang pangangalaga sa kapaligiran at magsagawa ng marine scientific research,” paliwanag ni international law expert Romel Bagares.
Hindi nagdesisyon ang tribunal sa status ng Scarborough Shoal ngunit nilinaw nito na isa itong tradisyonal na fishing ground para sa Pilipinas at China, bukod sa iba pang mga bansa.
Binanggit nito na ang China ay “labag sa batas na humadlang” sa mga mangingisdang Pilipino na makisali sa tradisyonal na pangingisda sa Scarborough Shoal mula noong Mayo 2012.
(Basahin ang VERA FILES FACT CHECK: Pro-Duterte blogger mali-mali ang pahayag tungkol sa West Philippine Sea, arbitral ruling)
BACKSTORY
Paulit-ulit na binalewala ng China ang arbitral ruling, habang kinukunsidera naman ito ng Pilipinas bilang reaffirmation ng mga claim nito sa West Philippine Sea.
Noong Marso 25, inakusahan ng Chinese Embassy sa Pilipinas ang mga resupply vessel para sa mga tripulante ng nabalahurang BRP Sierra Madre ng “trespassing” sa tubig ng Ayungin Shoal.
(Basahin ang Why China blocks bringing of construction supplies to BRP Sierra Madre in Ayungin Shoal)
May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).
Mga Pinagmulan
Permanent Court of Arbitration, The South China Sea Arbitration, July 12, 2016
International Court of Justice, The Court | INTERNATIONAL COURT OF JUSTICE, Accessed April 3, 2024
China Embassy of the Philippines, The Chinese Embassy in the Philippines lodges representations with the Philippine side over the illegal trespassing of Philippine resupply vessels into Ren’ai Jiao waters, March 25, 2024
Reuters, Philippines accuses China of dangerous manoeuvres near Scarborough Shoal, Feb. 11, 2024
South China Morning Post, China’s coastguard claims it drove off Philippine ship from disputed Scarborough Shoal, Feb. 22, 2024
Reuters, Philippines summons China diplomat over ‘aggressive’ actions in South China Sea | Reuters, March 4, 2024
AP News, Philippine and Chinese vessels collide in disputed South China Sea and 4 Filipino crew are injured, March 6, 2024
Al Jazeera, Philippines accuses China of new water cannon attacks in South China Sea, March 24, 2024
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)