Habang umiigting ang tensyon sa rehiyon sa patuloy na hindi awtorisadong presensiya ng mga barkong Tsino sa mga maritime area ng Pilipinas, hindi bababa sa pitong maling impormasyon tungkol sa isyu ng West Philippine Sea ang pinakawalan ng blogger na si Sass Rogando Sasot, isang hayagang supporter ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang 2,238-salitang Facebook (FB) post noong Abril 13, si Sasot ay naglabas ng primer kaugnay ng pinagtalunan ng Pilipinas at China sa South China Sea sa Permanent Court of Arbitration (PCA).
Sa ruling nito noong Hulyo 2016, sinabi ng arbitral tribunal na “walang ligal na batayan” ang nine-dash line claim ng China, na sumasaklaw sa halos 80% ng buong South China Sea. Inihayag din nito ang ilang mga maritime feature na nasa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Duterte nagbago ng isip – mula ‘gagamitin’ hanggang sa ‘huwag pansinin’ ang PCA ruling)
Isang mambabasa ang humiling sa VERA Files Fact Check na tingnan ang post ni Sasot, na naibahagi ng hindi kukulangin sa 8,500 beses at nakakuha ng humigit-kumulang na 12,400 interactions hanggang Abril 28. Sa maraming mga pahayag ng blogger, kabilang ang tatlong hindi totoo, dalawa ang nakaliligaw, at dalawa ang nangangailangan ng mahalaga konteksto.
Magbasa pa upang malaman ang tungkol sa bawat pahayag:
Sa ‘limitadong’ hurisdiksyon ng isang coastal state sa EEZ nito
Ang mga karapatan at tungkulin ng isang coastal state, tulad ng Pilipinas, sa sarili nitong EEZ sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) ay hindi limitado lamang sa tatlong puntong binanggit ni Sasot.
Ang isang coastal state, una sa lahat, ay may mga sovereign right na galugarin, gamitin, pangalagaan, at pamahalaan ang likas na yaman sa EEZ nito, at sa iba pang mga aktibidad hinggil sa “pagpapaunlad ng ekonomiya at paggalugad ng zone.” Kasama rito ang produksyon ng enerhiya mula sa tubig, mga alon, at hangin, tulad ng nakasaad sa Article 56 ng convention.
Sa pagpapatupad ng naturang karapatan, maaari itong magpataw ng mga “kinakailangang” hakbang upang “matiyak ang pagsunod sa mga batas at regulasyon” na pinagtibay nito — kabilang ang pagsakay, pag-inspeksyon, pag-aresto, at paglilitis sa hukuman — na umaayon sa UNCLOS.
Saklaw ng EEZ ang lugar na lampas at katabi ng territorial sea ng coastal state, ngunit hindi maaaring umabot nang mas malayo sa 200 nautical miles mula sa mga baseline nito. (Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: West Philippine Sea tensions and the Arroyo presidency)
Sa saklaw ng mga karapatan ng EEZ ng coastal state
Malinaw na inilatag ng Article 56 ng UNCLOS — ang nagbibigay ng detalye ng mga karapatan, hurisdiksyon, at tungkulin ng isang coastal state sa EEZ nito — na ang isang coastal state ay may mga sovereign right para gamitin at pamahalaan ang kapwa nabubuhay at hindi nabubuhay na resources sa “katubigan na katabing-katabi ng seabed at ng seabed at ng subsoil nito.”
Sa ‘propaganda’ ng administrasyong Aquino sa West Philippine Sea
Hindi magkapareho ang West Philippine Sea at South China Sea para sa administrasyong Aquino. Ang West Philippine Sea ay tumutukoy lamang sa mga maritime area na inaangkin ng bansa.
Sa ilalim ng Administrative Order (AO) No. 29, na nilagdaan ni dating pangulong Benigno Aquino III noong Setyembre 2012, ang “maritime waters sa kanlurang bahagi ng kapuluan ng Pilipinas” ay opisyal na binago ang pangalan bilang West Philippine Sea. Kasama rito ang Luzon Sea, ang katubigan sa “paligid, loob, at katabi ng Kalayaan Island Group,” at Bajo De Masinloc (pang-internasyonal na pangalan: Scarborough Shoal).
Sa paunang salita nito, ang AO 29 ay tumutukoy lamang sa mga maritime area na nasa ilalim ng hurisdiksiyon ng bansa, kasama ang 200-nautical mile na EEZ nito, na tinukoy at idinidikta ng mga lokal at international na batas. Wala itong ginawang pag-angkin sa buong South China Sea.
Sa isang panayam sa media ilang araw pagkatapos pirmahan ang AO 29, “nilinaw” pa ni Aquino na ang sakop lamang nito ay ang “mga bahagi ng South China Sea,” ayon sa ulat ng Inquirer.net.
Nakasaad sa isang bahagi ng artikulo, na inilathala noong Set. 13, 2012:
“‘It is important to clarify which portions we claim as ours versus the entirety of the South China Sea,’ Mr. Aquino said, explaining to reporters the need to officially rename the area because some countries call it by other names.”
(Mahalagang linawin kung aling mga bahagi ang ating inaangkin bilang atin kumpara sa kabuuan ng South China Sea,’ sinabi ni G. Aquino, na ipinaliwanag sa mga mamamahayag na kailangang opisyal na palitan ang pangalan ng lugar dahil ang ilang mga bansa ay tinatawag ito sa iba pang mga pangalan.)
Sa PCA ruling kung sino ang ‘nagmamay-ari’ ng South China Sea
Sinabi ito kaagad ni Sasot pagkatapos ng mali niyang pahayag na walang pinagkaiba para sa administrasyong Aquino ang buong South China Sea sa West Philippine Sea.
Hindi inaangkin ng Pilipinas ang “pagmamay-ari” o hurisdiksyon sa buong South China Sea, at hindi rin nito hiniling sa arbitral tribunal na ideklarang ganoon.
Gayunpaman, sinabi ng korte na:
“…no legal basis for any Chinese historic rights, or sovereign rights and jurisdiction beyond those provided for in [UNCLOS], in the waters [and resources] of the South China Sea encompassed by the ‘nine-dash line’.”
(…walang ligal na batayan para sa anumang Chinese historic rights, o sovereign rights at hurisdiksyon na lampas sa itinadhana sa [UNCLOS], sa mga tubig [at mga resource] ng South China Sea na sakop ng ‘nine-dash line’.)
Ngunit ang China, hanggang ngayon, ay binabaliwala ang arbitral ruling at patuloy na sinasakop at kinokontrol ang iba’t ibang mga feature sa loob ng “nine-dash line.” (Tingnan ang Carpio: PH must work with other countries vs China over disputed territory)
Sa pagpapaalis sa China mula sa PH EEZ
Sa 2016 ruling nito tungkol sa South China Sea dispute, sinabi ng arbitral tribunal na ang China ay “nilabag ang sovereign rights ng Pilipinas” sa EEZ nito sa pamamagitan ng:
- paghadlang sa pangingisda at petroleum exploration ng Pilipinas;
- pagtatayo ng mga artificial island; at,
- pagkabigo na pigilan ang mga mangingisdang Tsino sa pangingisda sa zone.
Sa isang FB post noong Abril 16 na pinasisinungalingan point-by-point ang mga pahayag ni Sasot, sinabi ni Jay Batongbacal, director ng Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea sa University of the Philippines, na nangangahulugang “mali sila (China), wala silang karapatan manatili [doon] kung ayaw natin.”
Bilang isang partido sa UNCLOS, ang China, sa pagpapatupad ng kanyang mga karapatan, ay dapat na “sumunod sa mga batas at regulasyon” na pinagtibay ng Pilipinas (na alinsunod sa convention) sa loob ng EEZ ng huli, tulad ng nakasaad sa Article 58.
Sa obligasyong magbahagi ng mga buhay na resources sa EEZ
Sa katunayan, inoobliga ng UNCLOS ang coastal state na bigyan ang iba pang mga estado ng access sa sobrang isda nito kung wala itong kakayahang anihin ang kabuuang pinapayagan huli ng mga buhay na resource sa EEZ nito.
Gayunpaman, ang mga mamamayan ng iba pang mga estado na mangingisda sa EEZ ng isang coastal state ay dapat pa ring “sumunod sa mga conservation measure [ng huli] at sa iba pang mga tuntunin at kundisyon na itinatag sa [mga] batas at regulasyon nito” na naaayon sa convention.
Maaaring kasama rito ang paglilisensya ng mga mangingisda, mga sasakyang pandagat at kagamitan ng pangingisda, at ang pagbabayad ng mga fee at iba pang mga uri ng kabayaran; pagkontrol sa mga panahon at lugar ng pangingisda; at pagtukoy ng impormasyong kinakailangan ng mga fishing vessel, bukod sa iba pa.
Sa kabilang banda, ang 1987 Philippine Constitution ay malinaw na inuutos sa estado na:
“…protect the nation’s maritime wealth in archipelagic waters, territorial sea, and [EEZ], and reserve its use and enjoyment exclusively to Filipino citizens.”
(…pangalagaan ang yamang-dagat ng bansa sa mga karagatang pangkapuluan, dagat teritoryal at [EEZ], at dapat ilaan ang eksklusibong paggamit at pagtatamasa nito sa mga mamamayang Filipino.)
Pinagmulan: Official Gazette, 1987 Constitution – Article XII, Section 2
Muli itong binanggit sa Republic Act 8550 o ang Philippine Fisheries Code, na nagsabing ang “paggamit at pagpapaunlad ng pangisdaan at yamang dagat ng Pilipinas (kasama na ang EEZ ng bansa at mga continental shelf) ay nakalaan lamang sa mga Pilipino. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Pagpayag sa China na mangisda sa PH EEZ labag sa Konstitusyon, mga lokal na batas; VERA FILES FACT CHECK: Malacañang wala raw ‘verbal fishing deal’ si Duterte sa China)
Sa PCA ruling sa Spratlys
Totoo na hindi nagpasya ang arbitral tribunal kung aling estado ang may “pagmamay-ari” sa buong Spratly Island Group, o sa mga high-tide maritime feature nito. Ang South China Sea arbitration ay tumutok lamang sa likas na katangian ng pinagtatalunang maritime features sa lugar, at mga maritime entitlement na nabubuo nito sa ilalim ng UNCLOS.
Kaya, nakita ng tribunal na “wala sa Spratly Islands ang may kakayahang makabuo ng extended maritime zone (EEZ at continental shelf),” at “kapag pinagsama-sama hindi ito makakabuo ng maritime zones bilang isang unit.”
“Ito ay maaaring maging mahalagang dahilan kung at kapag ang tanong kung sino ang nagmamay-ari ng isla sa island chain ay talagang isinumite sa iba pang international arbitration proceeding,” sinabi sa Ingles ng abogadong si Romel Bagares, na nagtuturo ng international law sa Lyceum Philippines University College of Law, sa isang komentaryo sa VERA Files noong 2016.
Patuloy na iginigiit ng China ang “hindi matututulang sovereignty” nito sa buong Spratly Island Group, na tinutukoy nito bilang Nansha Islands. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Paghingi ng tawad ng asosasyong Tsino mali sa pagsasabi na ang Recto Bank ay teritoryo ng China)
Sa kabilang banda, ang Pilipinas ay patuloy na iginiit ang pag-angkin sa Kalayaan Island Group, na binubuo ng higit sa “50 features at mga nakapaligid na katubigan” sa Spratlys. Ang lugar ay pinaniniwalaan na “kapwa mahalaga sa ekonomiya at mahalaga sa istratehiko para sa mga layunin ng pambansang seguridad,” ayon sa isang primer tungkol sa West Philippine Sea noong 2013 ng Institute for Maritime and Ocean Affairs.
Gayunman, sinabi ni Bagares sa VERA Files Fact Check sa isang pakikipanayam sa email na, dahil sa arbitral award, ang Pilipinas ay “kailangang gawin muli” ang itinakdang mga baseline nito sa paligid ng Kalayaan Island Group, tulad ng nakasaad sa Presidential Decree 1596 (na inilabas noong 1978), “sapagkat ang arbitral tribunal ay, sa katunayan, idineklara na hindi tugma ang mga baseline na ito” sa UNCLOS.
“Ito … ay isang mahalagang punto na maraming mga policy-making sector sa gobyerno ang tila patuloy na nakakaligtaan o hindi naiintindihan,” dagdag niya sa Ingles.
Gayunpaman, dahil nakitang wala sa mga feature na inaangkin ng China sa Spratly Island Group ang may kakayahang makabuo ng sarili nitong EEZ, idineklara ng tribunal ang ilang mga low-tide feature — tulad ng Panganiban (Mischief) Reef at Ayungin (Second Thomas) Shoal — na “bahagi ng [EEZ] at continental shelf ng Pilipinas.”
Mga Pinagmulan
For the Motherland – Sass Rogando Sasot Facebook page, MGA KATANUNGAN TUNGKOL SA PHILIPPINES VS. CHINA ARBITRATION CASE (archived), April 13, 2021
Permanent Court of Arbitration, PRESS RELEASE: SOUTH CHINA SEA ARBITRATION, July 12, 2016
Permanent Court of Arbitration, South China Sea Arbitral Award, July 12, 2016
United Nations, UNCLOS, Accessed on April 21, 2021
United Nations, UNCLOS: PART V EXCLUSIVE ECONOMIC ZONE, Accessed on April 21, 2021
Official Gazette, Administrative Order 29, Sept. 5, 2012
Official Gazette, Presidential Decree 1596, June 11, 1978
Institute for Maritime and Ocean Affairs, The West Philippine Sea: A Territorial and Maritime Jurisdiction Disputes from a Filipino Perspective, July 15, 2013
Inquirer.net, It’s official: Aquino signs order on West Philippine Sea, Sept. 13, 2012
Jay Batongbacal Facebook account, “I’ve been asked for comments about this particular post twice on different groups, so let me just put them here…,” April 16, 2021
United Nations Treaty Collection, United Nations Convention on the Law of the Sea, Accessed April 27, 2021
Official Gazette, 1987 Constitution – Article XII, Section 2
Official Gazette, Republic Act 8550, Feb. 25, 1998
Department of Foreign Affairs, DFA PROTESTS ANEW ILLEGAL PRESENCE OF CHINESE VESSELS IN PHILIPPINE WATERS, April 23, 2021
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)