Sa isang pagbaligtad, itinanggi ng Malacañang ang pagkakaroon ng isang “verbal fishing deal” sa pagitan nina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping sa mga maritime area ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
PAHAYAG
Sa isang pahayag noong Abril 23, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque:
“There is no truth to the speculation of a purported ‘verbal fishing agreement’ between President Rodrigo Roa Duterte and President Xi Jin Ping, nor that Chinese vessels were encouraged to stay in [the] West Philippine Sea despite the diplomatic protests and strongly worded statements of Philippine government officials. This is without basis and is quite simply, conjecture.”
(Walang katotohanan sa haka-haka tungkol sa sinasabing ‘pinag-usapang kasunduan sa pangingisda’ sa pagitan nina Pangulong Rodrigo Roa Duterte at Pangulong Xi Jin Ping, na ang mga barkong Tsino ay hinimok na manatili sa West Philippine Sea sa kabila ng mga diplomatic protest at matapang na mga pahayag ng mga opisyal ng gobyerno ng Pilipinas. Ito ay walang batayan at simpleng haka-haka.)
Pinagmulan: Presidential Communications Operations Office (PCOO), On the West Philippine Sea (Archived), Abril 23, 2021
Sinabi ng tagapagsalita na ang isang kasunduan sa pangingisda “ay magagawa lamang sa pamamagitan ng isang tratado,” na “dapat na nakasulat” sa ilalim ng Vienna Convention on the Law on Treaties, at “walang umiiral na ganitong tratado o kasunduan” sa pagitan ng Pilipinas at China.
Iginigiit na ang pangulo “ay hindi pinapayagan ang labag sa batas na komersyal na pangingisda ng anumang estado sa karagatan ng Pilipinas,” nanawagan si Roque sa publiko na “tigilan na ang paggawa ng mga malisyosong haka-haka at maling pahayag para walang saysay na painitin ang sitwasyon.”
Lumabas ang pahayag ni Roque isang araw matapos sabihin ni retired Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio sa kanyang kolum sa Philippine Daily Inquirer na ang “malakas na diplomatic protest” at “matinding babala” na inilabas ng mga opisyal ng Pilipinas laban sa patuloy na presensiya ng mga barkong Tsino sa iba`t ibang bahagi ng West Philippine Sea ay “hindi sineseryoso ng mga Tsino sapagkat alam nila na mayroong kasunduan sa pangingisda” sa pangulo.
ANG KATOTOHANAN
Mismong ang pangulo ang nagsabi sa isang talumpati noong Hunyo 2019 na “syempre” papayagan niya ang Chinese nationals na mangisda sa loob ng katubigan ng Pilipinas. Sinabi niya na ito ay ang kanyang “kasunduan” kay Xi para hayaan ang mga Pilipino na mangisda nang hindi nasasaktan sa kontrolado ng China na Scarborough Shoal, na kasunod na ipinaliwanag ni dating presidential spokesperson Salvador Panelo.
Sa parehong talumpati sa pagdiriwang ng ika-122 taong anibersaryo ng Presidential Security Group sa Malacañang, sinabi ni Duterte:
“‘Yan ang pinag-usapan namin noon … And that was [why] we were allowed to fish again. It was a mutual agreement (At [kaya] pinayagan tayong mangisda ulit. Ito ay isang mutual agreement). Sige bigayan tayo. Fish ka doon, fish ako dito.”
Pinagmulan: PCOO, Speech of President Rodrigo Roa Duterte During the 122nd Founding Anniversary Celebration of the Presidential Security Group (Archived), Hunyo 26, 2019, panoorin mula 21:10 hanggang 21:27
Walang binanggit ang pangulo na pagkakaiba ng komersyal at hindi pang-komersyal na pangingisda sa kanyang talumpati. (Tingnan ang Carpio: SONA makes PH-China verbal fishing deal ‘legally binding’ but violates PH charter)
Ginawa niya ang mga pahayag matapos ang insidente sa dagat kung saan ang isang bangkang pangingisda ng mga Pilipino ang nalubog ng isang sasakyang pandagat ng Tsino sa Recto Bank (pang-internasyonal na pangalan: Reed Bank), iniwan ang 22 Pilipinong mangingisda sa gitna ng karagatan. (Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: Ang nagbabagong mga pahayag sa Recto Bank allision: isang timeline)
Wala pang isang linggo kasunod ng sinabi ni Duterte, tiniyak ni Panelo sa isang press briefing na ang tinatawag na “verbal agreement” sa pagitan ng dalawang lider:
“[T]he President … believes that aggressively enforcing the arbitral award will only precipitate or trigger an armed conflict that could escalate into continuing bloody encounters detrimental to the national interest. Hence, he has resorted to diplomatic negotiations that may reap the desired windfall from the arbitral ruling. If you remember, before in the Scarborough [Shoal], we could not fish; our fishermen were being driven away but after that agreement with the president, they’re not being molested.”
(Ang Pangulo … naniniwala na ang agresibong pagpapatupad ng arbitral award ay hahantong lamang o magsisimula ng isang armadong tunggalian na maaaring magtuloy sa madugong mga engkwentro na makakasama sa pambansang interes. Samakatuwid, gumamit siya ng negosasyong diplomatiko na maaaring umani ng ninanais na grasya mula sa arbitral ruling. Kung naaalala mo, dati sa Scarborough [Shoal], hindi tayo maaaring mangisda; ang ating mga mangingisda ay itinataboy ngunit pagkatapos ng kasunduang iyon sa pangulo, hindi na sila ginugulo.)
Pinagmulan: PCOO, Press Briefing of Presidential Spokesperson and Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador S. Panelo (Archived), Hulyo 2, 2019, panoorin mula 10:09 hanggang 11:02
Tinanong kung dapat bang “hayaan” ng Pilipinas ang mga mangingisdang Tsino na “samantalahin ang ating [exclusive economic zone (EEZ)],” sinabi ni Panelo, na chief legal counsel din noon, na sinabi:
“Well, that’s part of the agreement of the president in order not to trigger any armed conflict between the two sides.”
(Bahagi iyon ng kasunduan ng pangulo para maiwasan ang anumang armadong hidwaan sa pagitan ng dalawang panig.)
Pinagmulan: panoorin mula 14:58 hanggang 15:13
Pagkatapos ay nagpatuloy ang dating tagapagsalita: “Ito ay isang verbal agreement [ngunit] huwag kalimutan na ang mga bilateral meeting ay nakarekord, kaya mayroon kaming tala ng kasunduang iyon.” (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Ang nagbabagong paninindigan ng Palasyo sa pagpapahintulot sa China na mangingisda sa PH EEZ)
Ang Recto Bank ay nasa loob ng 200-nautical-mile EEZ ng Pilipinas, kung saan mayroon itong mga sovereign right na galugarin, samantalahin, obserbahan, at pamahalaan ang likas na yaman, tulad ng nakasaad sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS). (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Paghingi ng tawad ng asosasyong Tsino mali sa pagsasabi na ang Recto Bank ay teritoryo ng China)
Samantala, nakita ng Permanent Court of Arbitration, sa desisyon nito noong 2016 tungkol sa alitan sa South China Sea sa pagitan ng Pilipinas at China, na ang huli ay “lumabag sa tungkulin na igalang ang tradisyunal na mga karapatan sa pangingisda ng mga mangingisdang Pilipino sa pamamagitan ng pagpigil sa pag-access sa [Scarborough] Shoal makaraan ang Mayo 2012.” (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Tatlong bagay na mali si Duterte sa PH-China maritime standoff)
Sa ilalim ng 1987 Constitution, ang estado ay inatasan na “ireserba … ang paggamit at kasiyahan” ng yamang dagat nito sa katubigan ng Pilipinas, kasama na ang EEZ, “eksklusibo sa mga mamamayang Pilipino.” (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Pagpayag sa China na mangisda sa PH EEZ labag sa Konstitusyon, mga lokal na batas)
Mga Pinagmulan
PCOO, On the West Philippine Sea, April 23, 2021
United Nations, Vienna Convention on the Law of Treaties, 1969
Inquirer.net, Why Chinese fishermen are in the WPS, April 22, 2021
Department of Foreign Affairs, DFA protests anew illegal presence of Chinese vessels in Philippine waters, April 23, 2021
PCOO, Speech of President Rodrigo Roa Duterte During the 122nd Founding Anniversary Celebration of the Presidential Security Group (transcript), June 26, 2019
PCOO, Press Briefing of Presidential Spokesperson and Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador S. Panelo (transcript), July 2, 2019
United Nations, United Nations Convention on the Law of the Sea: Part V Exclusive Economic Zone, Accessed April 24, 2021
Permanent Court of Arbitration, Press Release: South China Sea Arbitration Award, July 12, 2016
Official Gazette, 1987 Constitution – Article XII, Section 2
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)