Labag sa 1987 Konstitusyon at sa hindi bababa sa dalawang lokal na batas ang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na “siyempre” papayagan ang mga mangingisda ng China na mangisda sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
PAHAYAG
Sa isang talumpati noong Hunyo 26, tinuligsa ni Duterte si Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio at mga senador ng oposisyon, na naunang nagsabi na ipinagbabawal ng Konstitusyon sa gobyerno ng Pilipinas na pahintulutan ang mga dayuhan na mangisda sa loob ng EEZ ng bansa.
Sinabi niya:
“Alam mo, gusto talaga nila ng gulo. Kasi sabi ko — tanong sila, ‘Will you allow the Chinese to fish (Hahayaan mo ba ang mga Tsino na mangisda)?’ Sabi ko ‘Of course’ (Siyempre).”
Idinagdag niya:
“Eh gusto nila i-prohibit (ipagbawal) ko. Why will I go there and
prohibit them (Bakit ako pupunta doon at pagbawalan sila na the only way to stop them is (ang tanging paraan upang pigilan ang mga ito ay) talagang gamitan mo ng ngipin ‘yan?”Pinagmulan: PCOO, Speech sa 122nd founding anniversary ng Presidential Security Group, Hunyo 26, 2019, panoorin mula
19:10 hanggang 19:36
at 21:10 hanggang 21:27
Ito ang konteksto ng pahayagni Duterte sa isang panayam sa media kung saan sinabi niya na hindi papayag ang China na mapigilan na mangingisda sa loob ng EEZ ng bansa “dahil kami (Pilipinas at China) ay magkaibigan.”
ANG KATOTOHANAN
Ang panukala ni Duterte ay direktang lumalabag sa Saligang Batas ng Pilipinas, sa Fisheries Code, at archipelagic baselines law.
Ang 1987 Konstitusyon, ang pinakamataas na batas ng bansa, ay tahasang sinasabing:
“The State shall protect the nation’s marine wealth in its archipelagic waters, territorial sea, and exclusive economic zone, and reserve its use and enjoyment exclusively to Filipino citizens.”
Translation:
“Dapat pangalagaan ng Estado ang yamang-dagat ng bansa sa mga karagatang pangkapuluan, dagat teritoryal at exclusive economic zone nito, at dapat ilaan ang eksklusibong paggamit at pagtamasa nito sa mga mamamayang Pilipino.”Pinagmulan: Official Gazette, The Constitution of the Republic of the Philippines – Article XII, Section 2
Ito ay muling inulit sa Republic Act 8550 o sa Philippine Fisheries Code:
“The use and exploitation of the fishery and aquatic resources in
Philippine waters (including the country’s EEZ) shall be reserved
exclusively to Filipinos.”
Translation:
“Ang paggamit at pagpapaunlad ng pangingisda at mga yamang dagat sa karagatan ng Pilipinas (kabilang ang EEZ ng bansa) ay dapat na eksklusibo para sa mga Pilipino.”Pinagmulan: Official Gazette, RA 8550 – Chapter II, Section 5
Tanging pagsasaliksik at pag-survey lamang ang mga aktibidad na maaaring “pahintulutan” sa lugar, ngunit ito ay sasailalim pa rin sa
“mahigpit na regulasyon” at gagawin “para lamang sa mga layuning pananaliksik, pang-agham, teknolohiko at edukasyon na makabubuti rin sa mga mamamayang Pilipino,” idinagdag ng batas.
Sinasabi rin ng Section 87 ng Code:
“It shall be unlawful for any foreign person, corporation or entity to fish or operate any fishing vessel in Philippine waters. The entry of any foreign fishing vessel in Philippine waters shall constitute a prima facie evidence that the vessel is engaged in fishing in Philippine waters.”
Translation:
“Lalabag sa batas ang sinumang dayuhan, korporasyon o entidad na mangisda o magpatakbo ng anumang sasakyang pangingisda sa karagatan ng Pilipinas. Ang pagpasok ng anumang dayuhang sasakyang pang-isda sa karagatan ng Pilipinas ay isang prima facie na katibayan na ang barko ay nakikibahagi sa pangingisda sa karagatan ng Pilipinas.”
Kung mahuli, ang mga poacher ay pagmumultahin ng $100,000 at kukumpiskahin ang kanilang huli, gamit at sasakyan sa pangingisda.
Ganoon din, ang Section 3 ng RA9522 o archipelagic baselines law ay nagpapatunay na ang bansa ay may “kapangyarihan, soberanya at hurisdiksiyon sa lahat ng bahagi ng teritoryong pambansa gaya ng nilinaw sa Konstitusyon at sa pamamagitan ng mga probisyon ng naaangkop na mga batas.”
Tinutukoy ng Konstitusyon ang pambansang teritoryo na kasama ang “teritoryal na dagat, seabed, subsoil, insular shelves at iba pang mga lugar sa ilalim ng tubig” na ang bansa ay may “hurisdiksyon.”
Ang Permanent Arbitration Court (PCA) noong 2016 ay nagpasiya na ang ilang mga lugar sa South China Sea ay nasa loob ng EEZ ng Pilipinas. Kasama rito ang Reed Bank, kung saan naganap noong Hunyo 9 ang allision na kinasangkutan ng isang nakaangkla na Filipino fishing boat at isang barko ng China. (Tingnan ang
VERA FILES FACT CHECK: The evolving statements on the Recto Bank allision; a visual timeline)
Gayunpaman, sa ilalim ng internasyonal na batas, ang mga dayuhang estado ay maaaring pahintulutan na mangisda sa loob ng EEZ ng isang bansa.
Sinasabi ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) na ang isang baybaying Estado, tulad ng Pilipinas, ay maaaring magbigay sa mga dayuhang estado ng access sa mga buhay na yaman sa EEZ nito, ngunit dapat na sumunod ang mga ito sa “mga panukala ng konserbasyon at iba pang mga tuntunin at kundisyon na itinatag sa mga batas at regulasyon ng baybayin Estado.”
Samantala, ang Article 2 Section 7 ng Konstitusyon ng Pilipinas ay nagsasaad na sa “relasyon sa iba pang mga estado ang higit na pagsasaalang-alang ay ang pambansang soberanya, integridad ng teritoryo, pambansang interes, at karapatan sa pagpapasya sa sarili.”
Mga Pinagmulan
PresidentialCommunications Operations Office,
Speech during the 122nd founding anniversary of Presidential Security Group, June 26, 2019
Radio Television Malacañang, Media Interview after the Premiere Night of the Movie, ‘Kontradiksyon,’ June 24, 2019
Official Gazette, The Constitution of the Republic of the Philippines
Official Gazette, RA8550
Official Gazette, RA9522
Permanent Arbitration Court, PRESS RELEASE: The South China Sea Arbitration, July 12, 2016
Permanent Arbitration Court, South China Sea Arbitration Award, July 12, 2016
United Nations, UNCLOS Part V: Exclusive Economic Zone
United Nations, United Nations Convention on the Law of the Sea
VERA Files, Primer on the PH-China arbitration, July 12, 2016
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at
kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)