Hindi totoo ang sinabi ng abogadong si Larry Gadon na si retired International Criminal Court (ICC) chief prosecutor Fatou Bensouda ay idineklarang persona non grata ng United States (U.S.) dahil sa “pag-imbento” ng mga kaso ng mga paglabag sa karapatang pantao.
PAHAYAG
Sa isang video noong Hunyo 18 na nai-post sa kanyang opisyal na Facebook (FB) account, inakusahan ni Gadon si Bensouda ng “paggawa ng ingay” tungkol sa pagpatay na nauugnay sa giyera laban sa droga ni Pangulong Rodrigo Duterte para makapagpatuloy lamang siya sa payroll ng ICC.
Sinabi niya na si Bensouda “ay hindi dapat paniwalaan” at siya ay “walang kredibilidad,” at binanggit na siya ay taga Gambia, na kinutya ni Gadon bilang isang “paatras” at “third world” na bansa.
Sa video, sinabi niya:
“In fact (Sa katunayan), even (kahit) sa U.S., siya ay na-censure na at siya ay dineklara na persona non grata na siya ay gumagawa lamang ng mga kuwento diyan sa mga human rights (karapatang pantao)…violations (mga paglabag) na iyan.”
Pinagmulan: Atty Larry Gadon official Facebook page, PERA , SALAPI , KWARTA !... (Archived), Hunyo 18, 2021, panoorin mula 01:58 hanggang 02:13
Idinagdag ni Gadon, na nasuspinde sa legal practice sa loob ng tatlong buwan ng Supreme Court noong 2019 dahil sa paglabag sa Code of Professional Responsibility, na ang korte na nakabase sa Hague ay “hindi dapat makialam sa mga kaganapan sa Pilipinas” sapagkat ang bansa ay umalis na sa Rome Statute, ang kasunduang pang-internasyonal na lumikha sa ICC.
Ang mali-maling video ng abugado ay nakakuha ng 6,400 reactions, 300 comments, at 56,000 views sa FB hanggang Hunyo 30. Nai-post ito muli ng YouTube channel na Showbiz Fanaticz, na nakakuha ng 78,000 views.
ANG KATOTOHANAN
Ang pahayag ni Gadon ay hindi totoo.
Ang economic sanctions at visa restrictions ay ipinataw kay Bensouda sa panahon ng pangangasiwa ni dating US president Donald Trump noong Setyembre 2020. Ngunit tinanggal ito noong Abril 2021 sa ilalim ng termino ng kahalili niyang si Joe Biden.
Noong Set. 2, 2020, sina Bensouda at Phakiso Mochochoko, ang director ng jurisdiction, complementarity and cooperation division ng ICC, ay isinama sa Specially Designated Nationals (SDN) list ng U.S. Office of Foreign Assets Control. Na-block nito ang kanilang mga asset at pinigilan ang mga mamamayan ng US na makitungo sa kanila. Pinagbawalan din silang bigyan ng mga visa.
Ang parehong mga aksyon ay batay sa isang Hunyo 11, 2020 executive order (EO) ni Trump, na nagpapataw ng mga economic sanction at mga entry restriction sa “sinumang dayuhan” na direktang nakikibahagi sa pagsisikap ng ICC upang siyasatin, arestuhin, pigilan, o usigin ang sinumang US personnel dahil sa war crimes na ginawa umano ng US militar sa Afghanistan.
Ayon sa EO ni Trump, ang mga sanction ay ipinataw sa dalawang opisyal sapagkat ang ICC ay wala raw hurisdiksyon upang siyasatin o usigin ang mga US personnel, na taliwas sa pahayag ni Gadon na ito ay dahil sa “gawa-gawang” mga kaso ni Bensouda laban sa U.S.
Noong Abril 1, binawi ng administrasyong Biden ang utos ni Trump. Makalipas ang apat na araw, tinanggal mula sa listahan ng SDN sina Bensouda at Mochochoko.
Pinanindigan ng administrasyong Biden na habang “matindi ang hindi nito pagsang-ayon” sa pagsisiyasat ng ICC sa mga opisyal ng U.S., hindi ito naniniwala sa pagpapataw ng mga sanction para matugunan ang isyu.
Sa kanyang kahilingan noong Hunyo 14 na buksan ang isang pagsisiyasat tungkol sa mga pagpatay sa Pilipinas na ginawa mula Hulyo 1, 2016 hanggang Marso 16, 2019 sa konteksto ng giyera kontra droga ni Duterte, iginiit muli ni Bensouda ang hurisdiksyon ng ICC upang siyasatin ang mga hinihinalang krimen na nangyari noong ang bansa ay bahagi pa ng Statute. (Tingnan ang Gov’t officials, police conspired to carry out Duterte’s war on drugs — ICC prosecutor)
Ang Rome Statute ay umiral sa Pilipinas noong Oktubre 2011. Ang pag-atras ng bansa, na pinasimulan ng gobyernong Duterte, ay nagsimula noong Marso 17, 2019.
Sa ilalim ng Article 127 ng Statute:
“[A State’s] withdrawal shall not affect any cooperation with the Court in connection with criminal investigations and proceedings in relation to which the withdrawing State had a duty to cooperate and which were commenced prior to the date on which the withdrawal became effective…”
(Ang pag-atras ng [estado] ay hindi makakaapekto sa anumang pakikipagtulungan sa Hukuman na may koneksyon sa mga pagsisiyasat sa krimen at proceedings na may kaugnayan sa kung saan ang umaatras na estado ay may katungkulan na tumulong at sinimulan bago ang petsa kung saan naging epektibo ang pag-atras…)
Pinagmulan: International Criminal Court, Rome Statute – Art. 127 (2).
Binanggit ni Bensouda sa kanyang kahilingan ang desisyon noong Oktubre 2017 ng ICC Pre-Trial Chamber tungkol sa sitwasyon sa Burundi, kung saan binuksan ang isang pagsisiyasat kahit na ang estado ng Africa ay umalis sa Rome Statute habang nagpapatuloy ang paunang pagsusuri. Ang hurisdiksyon ng ICC ay hindi rin napapailalim sa anumang limitasyon sa oras. (Tingnan ang Ang ICC at ang Pinoy Part 1)
(Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Can Duterte invoke territoriality on matters related to crimes specified in the Rome Statute?, VERA FILES FACT CHECK: Pahayag ni Panelo sa hurisdiksyon ng ICC, batayan ng drug war probe mali, nakaliligaw)
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
Atty Larry Gadon official Facebook page, PERA , SALAPI , KWARTA !…, (Archived), June 18, 2021
U.S. Department of the Treasury, Blocking Property of Certain Persons Associated with the International Criminal Court Designations, Sept. 2, 2020
U.S. Department of the Treasury, Specially Designated Nationals And Blocked Persons List (SDN) Human Readable Lists, June 21, 2021
Department of State official Twitter Account, Today, @SecPompeo delivered remarks on multilateralism…, Sept. 2, 2020
U.S. Department of the Treasury, Executive Order 13298 of June 11, 2020, Accessed June 23, 2021
The White House, Executive Order on the Termination of Emergency With Respect to the International Criminal Court, April 1, 2021
U.S. Department of the Treasury, Termination of Emergency With Respect to the International Criminal Court, April 5, 2021
U.S. Department of State, Ending Sanctions and Visa Restrictions against Personnel of the International Criminal Court, April 2, 2021
International Criminal Court, Statement of the Prosecutor, Fatou Bensouda, on her request to open an investigation of the Situation in the Philippines, June 14, 2021
International Criminal Court, Rome Statute of the International Criminal Court, Accessed June 25, 2021
United Nations, Rome Statute of the International Criminal Court: Philippines Withdrawal, March 18, 2019
International Criminal Court, Rome Statute – Art. 127(2), AccessedJune 24, 2021
International Criminal Court, Decision Pursuant to Article 15 of the Rome Statute on the Authorization of an Investigation into the Situation in the Republic of Burundi, Nov. 9, 2017
International Criminal Court, Report on Preliminary Examination Activities – Burundi, Accessed June 24, 2021
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)