Iginiit ng kolumnistang si Alex Magno ng Philippine Star na nakapanayam ng mamamahayag na si Jessica Soho ng GMA-7 si presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong 2016.
Hiniling ng isang mambabasa sa VERA Files na alamin ang katotohanan sa likod ng pahayag ni Magno. Ito ay hindi totoo.
PAHAYAG
Sa kanyang kolum noong Enero 27, binanggit ni Magno ang mga pagkakataon na ang mga nakaraang kandidato sa pagkapangulo ay tumanggi na lumahok sa mga panayam o debate, tulad ng yumaong Fernando Poe Jr. at noo’y senador Benigno Simeon Aquino III, sa gitna ng mga pagbatikos laban kay Marcos Jr. dahil sa pagtanggi sa mga panayam. Sinabi niya:
“No one remembered that when Marcos submitted to a Jessica Soho interview in 2016, the venue was filled with LP supporters who heckled his every answer.”
(Walang nakaalala na noong magpa-interview si Marcos kay Jessica Soho noong 2016, ang venue ay napuno ng mga tagasuporta ng LP na kumukutya ng bawat sagot niya.)
Idinagdag ni Magno, na nagsilbi bilang board director sa Development Bank of the Philippines (DBP) noong termino ni pangulong Gloria Macapagal-Arroyo:
“Nor did anyone bother to check the audience turnout. According to YouTube, the Jessica Soho-Leni episode has garnered 76 thousand views. By contrast, the Boy Abunda-BBM episode has 3.6 million views and (is) running.”
(Wala rin namang nag-abalang tingnan ang audience turnout. Ayon sa YouTube, umani ng 76,000 views ang Jessica Soho-Leni episode. Sa kabaligtaran, ang Boy Abunda-BBM episode ay may 3.6 million views at tumatakbo pa [hanggang ngayon].)
Pinagmulan: Alex Magno, ”First Person” Column entitled “Pageant” on the Philippine Star, Enero 27, 2022 (archive)
ANG KATOTOHANAN
Taliwas sa pahayag ni Magno, hindi nakapanayam ni Soho si Marcos Jr. noong 2016 nang tumakbo siya bilang bise presidente, ayon sa GMA-7.
Sa isang pahayag noong Peb. 11 na ipinadala sa VERA Files, sinabi ng The Jessica Soho Presidential Interviews team na ang huling panayam ni Soho kay Marcos Jr. ay noong 2011 para sa programang State of the Nation. (Basahin ang pahayag ng GMA News and Public Affairs dito)
Sa pitong minutong panayam na na-upload sa YouTube noong Marso 4, 2011, mariing itinanggi ni Marcos Jr. ang pagkakasangkot ng kanyang yumaong ama, si Ferdinand Marcos Sr., sa anumang pang-aabuso sa karapatang pantao noong mga taon ng batas militar.
Ang panayam ni Soho ay nangyari dalawang araw matapos ang unang 12 sa 7,526 biktima ng paglabag ng karapatang pantao sa ilalim ng rehimeng Marcos Sr. ay tumanggap ng $1,000 (humigit-kumulang P43,000) bawat isa bilang kabayaran mula sa $10-million award sa class suit na inihain sa US District Court of Hawaii.
Sa panayam ni Soho noong 2011 kay Marcos Jr., sinabi ni Myla Eder, na nagsilbi bilang executive producer ng programang State of the Nation mula Marso 2011 hanggang Marso 2015, na walang nangyaring kantiyawan. Si Eder, na ngayon ay nagtatrabaho bilang miyembro ng Tsek.ph, isang collaborative project ng mga fact-checking organization para sa 2022 elections, ay nagsabi:
“I can attest that there was no heckling during the 2011 interview as I was the EP of SONA at that time. The only people present during the interview, aside from Ma’am Jess, were the segment producer, researcher and camera crew.”
(Kaya kong patunayan na walang kantiyawan na nangyari noong 2011 interview dahil ako ang EP ng SONA noon. Ang mga tanging tao na nasa interview, bukod kay Ma’am Jess, ay ang mga segment producer, researcher at camera crew.)
Itinampok sa Enero 22 episode ng The Jessica Soho Presidential Interviews sina Vice President Leni Robredo, Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, Sen. Manny Pacquiao at Sen. Panfilo Lacson. Tumanggi si Marcos Jr. na lumahok sa panayam, at sinabing si Soho ay “may bias laban sa mga Marcos.”
Dagdag pa, kinuwestiyon ng team ang mga istatistikang binanggit ni Magno sa paghahambing ng YouTube views na nakuha ng mahigit dalawang oras na panayam ni Soho sa apat na iba pang presidential contenders at ang panayam noong Enero 25 ng talk show host na si Boy Abunda kay Marcos Jr. Sinabi niya na ang mga panayam ni Soho ay umabot sa halos pitong milyong views nang malathala ang kolum ni Magno noong Enero 27.
Noong Pebrero 11 (4:42 p.m.), nakakuha na ng 8.41 million views ang presidential interview ni Soho habang umabot sa 11.83 million views ang interview ni Abunda.
Maliwanag na tinutukoy ni Magno ang kulang-sa-dalawang minutong bahagi ng panayam kay Robredo na na-upload sa YouTube noong Enero 22 at may 76,168 views, at inihambing ito sa mahigit isang oras na one-on-one ni Abunda kay Marcos noong Enero 25.
Nauna nang pinabulaanan ng VERA Files Fact Check ang isa pang pahayag ni Magno sa kaparehong kolum noong Enero 27 na hindi lumahok si Aquino sa anumang debate noong panahon ng kanyang kampanya sa pagkapangulo noong 2010. Basahin ito dito: VERA FILES FACT CHECK: Columnist Magno falsely claims PNoy skipped 2010 presidential debates
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
Alex Magno, Column entitled “Pageant” on The Philippine Star, Jan. 27, 2022 (archive)
GMA News and Public Affairs, The Jessica Soho Presidential Interviews statement of fact | GMA News Online, Feb. 11, 2022
ABS-CBN News, 12 rights victims under Marcos receive $1,000 each | ABS-CBN News, Feb, 28, 2011
New York Times, First Payments Are Made to Victims of Marcos Rule, March 2, 2011
Gulf News, Victims get $1,000 compensation for suffering under Marcos rule, March 1, 2011
GMA News, Jessica Soho interviews Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. on State of the Nation, March 4, 2011
GMA Public Affairs, The Jessica Soho Presidential Interviews, Jan. 22, 2022
The Boy Abunda Talk channel, The 2022 Presidential One-On-One Interviews with Boy Abunda featuring Former Senator Bongbong Marcos, Jan. 25, 2022
GMA News, VP Leni Robredo, sumagot sa mga tanong tungkol sa prinsipyo | Jessica Soho Presidential Interviews, Jan. 22, 2022
Myla Eder, LinkedIn profile, Accessed Feb. 11, 2022
Tsek.ph, About Tsek.ph, Accessed Feb. 11, 2022
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)