Isang istorya online noon Abril 23 tungkol sa Boracay na ibinahagi ni Presidential Communications Assistant Secretary Margaux “Mocha” Uson sa kanyang pahina sa Facebook ang nakaloloko sa mga mambabasa gamit ang headline at thumbnail na litrato.
STATEMENT
Ang istorya, na inilathala sa website na Good News Network (GNN) Philippines, ay may sumusunod na headline:
“Dahil sa paglilinis ng Boracay, nadiskubre ng pamahalaang Duterte na 2/3 ng 100 tonelada ng basura araw-araw ay nai-ipon pala sa Isla”
Pinagmulan: Good News Network Philippines
Ang thumbnail na litrato nito ay nagpapakita ng isang maruming beach:
FACT
Ang parehong headline at thumbnail na litrato ng kwento ng GNN Philippines ay nakakalinlang.
Ang nilalaman ay kinopya, gamit ang eksaktong mga salita, sa ulat ng PTV News noong Abril 23, ngunit binago ang headline.
Ang headline ng ulat ng PTV:
“Waste treatment facility kailangang-kailangan sa Boracay”
Pinagmulan: PTV News, Waste treatment facility urgently needed in Boracay
Ang unang talata nito, na hindi sumusuporta sa headline ng GNN Philippines, ay nagsabi:
“MANILA – Isang opisyal ng Department of Environment and Natural Resources ang nagsabi na mayroong isang kagyat na pangangailangan na magtayo ng waste treatment facility sa Boracay Island at nagbigay ng babala na tinatayang isang-katlo lamang ng tinatayang 100 toneladang basura sa araw-araw ang nadadala sa mainland Aklan para sa maitapon.”
Ang thumbnail na litrato na ginamit sa GNN Philippines ay wala sa ulat ng PTV.
Ito ay isang stock photo noong 2012 na ibinebenta ng $ 12 sa website na iStock ng Getty Images na may caption na:
“Boracay island, Philippines, 22. Marso 2012 – isang maruming Bulabog beach sa isla ng Boracay, Pilipinas. Ilang maliliit na bangka at beach ang nasa background”
Pinagmulan: iStock by Getty Images, Trash at Philippine beach – Stock image
Ang litrato ay ginamit nang dati ng Smithsonian.com na tinukoy ang pinagmulan, at ng Mashable na inilagay ang taon na kinunan ang larawan.
Ang ulat ng GNN Philippines ay hindi nagbigay ng anumang indikasyon kung kailan at kung saan kinunan ang litrato.
Ang Boracay, isang popular na destinasyon ng turista, ay nakatakdang isara sa mga bisita sa loob ng anim na buwan simula ngayon.
Si Uson ang gumawa ng pinakamalaking trapiko para sa nakaliligaw na istorya ng GNN Philippines nang ipamahagi niya ito noong Abril 25 sa kanyang pahina sa Facebook.
Ang kanyang post ay nakakuha ng 22, social media interactions, halos 96 porsiyento ng kabuuang 27,719 na interactions na nakuha ng kuwento, ayon sa datos mula sa Facebook analytics tool Crowdtangle.
Si Uson ay may higit sa 5.6 milyong tagasunod sa kanyang pahina sa Facebook.
Siya ang namumuno sa opisina ng social media communications ng Palasyo.
Ang iba pang mga generator ng trapiko ng nakaliligaw na GNN Philippines ay kinabibilangan ng mga pahina ng Facebook na President Rodrigo Duterte Facebook Army; TEAM DUTERTE FOR FEDERALISM; CRUELTY OF NOYNOY “ABNOY” AQUINO AND HIS GOVERNMENT; Balitang OFW’s; Pinoy OFW Abroad; at Duterte Diehard Supporters United Kingdom.
Mga pinagmulan ng impormasyon:
PTV News, Waste treatment facility urgently needed in Boracay
iStock Images, Trash at Philippine beach – Stock image
Smithsonian.com, The Ocean’s Great Garbage Patches Might Have Exit Doors
Mashable, Philippines temporarily closes popular holiday island to tourists due to pollution