Isang VERA Files reader ang tumawag ng pansin sa caption ng Manila Times sa isang set ng mga litrato na nagsasabi na ang mga “health worker” sa Manila COVID-19 Field Hospital ay nagbanta na magwelga dahil sa hindi sapat na kabayaran. Hindi ito totoo.
Binago ng kumpanya ng media ang caption kinabukasan, na nagsasaad na ang mga litrato ay kuha sa ibang ospital sa Tondo, Maynila. Gayunpaman, ang na-edit na teksto ay nakaliligaw dahil hindi bababa sa dalawa sa nai-post na mga litrato ang napatunayan na kinuha sa pansamantalang pasilidad.
PAHAYAG
Noong Agosto 14, nag-post ang Manila Times sa Facebook page nito ng pitong litrato ng photographer na si Mike Alquinto na nagpapakita ng isang health worker na nagsasagawa ng isang medical procedure sa isang pasyente na hinihinalang mayroong coronavirus disease 2019 (COVID-19), at ng pansamantalang COVID-19 Field Hospital ng lungsod ng Maynila sa Rizal Park. Ang mga litrato ay may caption na:
“DOH UNDER SIEGE AS HEALTH WORKERS THREATEN LOCKDOWN (DOH UNDER SIEGE HABANG HEALTH WORKERS NAGBABANTA NG LOCKDOWN)
“Health workers are seen outside the Manila Covid-19 field hospital at the Luneta Grandstand, on Aug. 14, 2021. They have threatened to go on ‘medical lockdown’ over low salaries and lack of benefits. Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire assured health workers that the DoH will comply with the deficiencies cited in the Commission on Audit report.”
(Ang mga health worker ay makikita sa labas ng Manila Covid-19 field hospital sa Luneta Grandstand, Agosto 14, 2021. Nagbanta sila na mag ‘medical lockdown’ dahil sa mababang suweldo at kawalan ng mga benepisyo. Tiniyak ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa mga health worker na susundin ng DoH ang mga kakulangan na binanggit sa ulat ng Commision sa Audit.)
Pinagmulan: Manila Times, LOOK: DoH under siege as health workers threaten lockdown (tingnan ang kasaysayan ng pag-edit), Ago. 14, 2021 (Archive)
Ang publication na nakabase sa Maynila ay nag-post din sa website nito ng anim sa pitong litrato na nasa Facebook page nito.
Noong Agosto 15, binago ng Manila Times ang caption ng mga litratong nai-post sa opisyal na Facebook page at website nito, na nagpapahiwatig na ang mga iyon ay talagang nakuha sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center sa Tondo, Maynila (halos 3 kilometro ang layo mula sa field hospital). Ang binagong caption ay nagsabing:
“A health worker swabs and takes a blood sample from a patient at the Gat Andres Bonifacio Hospital in Tondo, Manila on Saturday, Aug. 14, 2021.”
(Ang isang health worker nag-swab at kumukuha ng sample ng dugo mula sa isang pasyente sa Gat Andres Bonifacio Hospital sa Tondo, Maynila noong Sabado, Agosto 14, 2021.)
Pinagmulan: Manila Times, A health worker…, Ago. 14, 2021 (Archived)
ANG KATOTOHANAN
Pinabulaanan ng Manila COVID-19 Field Hospital, sa pamamagitan ng manggagamot na si Arlene Raule-Dominguez, ang officer in charge nito, ang pahayag sa naunang caption ng litrato ng Manila Times na nagbanta ang mga medical staff nito na magsagawa ng isang “medical lockdown.”
Sa isang pahayag noong Agosto 15, na inilabas isang araw matapos kumalat sa online ang ulat ng Manila Times, sinabi ni Raule-Dominguez na ang management ng ospital at mga staff ay nakatuon sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin para sa kanilang mga pasyente at ayaw na makisali sa “pamumulitika.” Sinabi niya na “kinokondena nila ang anumang pagsisikap na sirain ang reputasyon ng mga medical professional ng aming ospital at hamakin ang mga sakripisyo ng bawat isa sa amin sa pamamagitan ng hindi responsable at maling pag-uulat.”
Nilinaw din ni Raule-Dominguez na ang mga litratong nailathala sa Facebook ng isang “publication” na hindi niya pinangalanan ay hindi nagpakita ng tunay na kawani ng Manila COVID-19 Field Hospital. Gayunpaman, inamin niya na ang iba pang mga litrato na nai-post online ay tama ang ipinakitang health facility at ambulansya.
Lumabas ang maling ulat ng Manila Times pagkatapos na magbabala ang ilang labor union noong nakaraang linggo na ang mga hindi nalutas na isyu ng mababang suweldo at hindi sapat na mga benepisyo ng private health workers ay maaaring magresulta sa mass resignation o medical lockdown.
Matapos mabago ang caption ng litrato, ang post ng Manila Times ay mayroon pa rin pagkakamali nang hindi nito linawin na hindi lahat ng mga litrato ni Alquinto ay nakuhanan sa Gat Andres Bonifacio hospital site. Hindi bababa sa dalawa sa pitong litrato na nai-post sa opisyal na Facebook page at isa sa website nito ay napatunayan na nakuhanan sa Manila COVID-19 Field Hospital.
Makikita sa mga litrato ang dalawang taong nakasuot ng personal protective equipment at isang ambulansya na may ilang mga visual marking tulad ng plate nito na 5JT 250, mga salitang “SAH” at “Maynila” (na na-verify na isang ambulansya mula sa Santa Ana Hospital sa lungsod ng Maynila), at dalawang shipping containers na pininturahan ng puti.
Sa paghahambing ng mga litrato sa inilathala ng Philippine Star, noong Agosto 14 din, at opisyal na website ng pamahalaang lungsod ng Maynila, noong Hunyo 25, ang mga litrato ay na-verify na sa Manila COVID-19 Field Hospital, isang 344-bed quarantine na pasilidad para sa mga pasyente ng COVID-19 na nagpapakita ng banayad hanggang katamtamang mga sintomas. Ang pansamantalang pasilidad ay matatagpuan sa harap ng Quirino Grandstand sa Rizal Park.
Ang kumpanya ng media ay hindi rin nagbigay ng anumang abiso ng pagwawasto sa mga mambabasa nito. Hanggang Agosto 17 (9 a.m.), ang mga litrato sa website nito ay tiningnan nang 600 beses at ang Facebook post na ito ay nakakuha ng higit sa 400 likes at reactions, 148 shares, at hindi bababa sa 230 comments, na marami sa mga ito ay tumutuligsa sa maliit na bayad para sa health workers.
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
Manila Times, LOOK: DoH under siege as health workers threaten lockdown, Aug. 14, 2021 (Archived)
People’s Television, Manila Health Department official statement on medical lockdown threat, Aug. 15, 2021
Philippine Star, Health workers wearing protective suits are seen at the Manila Field Hospital in Quirino Grandstand, Manila on Saturday., Aug. 14, 2021
Manila government official website, TINGNAN: Tumanggap na ng mga pasyente ngayong araw, ika-25 ng Hunyo ang Manila COVID-19 Field Hospital | Lungsod ng Maynila, June 25, 2021
Manila Standard, Nurses resign en masse, says group, over unpaid benefits, Aug. 16, 2021
Philstar.com, Nurses, health workers nagbanta ng mass resignation | Pilipino Star Ngayon, Aug. 14, 2021
ABS-CBN News, Grupo ng health workers muling nagbanta ng mass resignation, protesta | TV Patrol, Aug. 16, 2021
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)