Marami ang naguluhan sa biglaang pagdeklara ng Malacanang na special (non-working) holiday ang Pebrero 24. Nalito ang mga pumapasok sa trabaho at eskwela tuwing Sabado.
Sinabi sa Official Gazette of the Philippines na ang Peb. 24 ay special non-working day para gunitain ang ika-37 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution sa halip na sa Peb. 25. Ang Peb. 25 ngayong taon ay araw ng Sabado, na magiging regular na araw ng trabaho at pasok para sa ilang manggagawa at estudyante, salungat sa proklamasyong inilabas noong Nobyembre.
Ang EDSA People Power Revolution ay tumagal ng apat na araw mula Peb. 22 hanggang 25, 1986 nang lumipad ang pamilya Marcos patungong Honolulu, Hawaii kung saan sila na-exile.
Ayon sa Proclamation No. 167, na inilabas ng Malacañang noong Huwebes ng hapon, Peb. 23, ang “pagdiriwang ng EDSA People Power Revolution Anniversary ay maaaring ilipat mula Peb. 25, 2023 (Sabado) sa Peb. 24, 2023 (Biyernes).” Ito raw ay “upang mapakinabangan ng ating mga kababayan ang mga benepisyo ng mas mahabang weekend alinsunod sa prinsipyo ng holiday economics.”
Marami ang nag-akalang ang ibig sabihin nito ay isang mahabang weekend na walang trabaho at klase mula Biyernes hanggang Linggo.
Ngunit nilinaw ng Department of Labor and Employment Bureau of Working Conditions noong Biyernes na ang Proclamation No. 167 ay naglilipat lamang ng special non-working holiday mula Peb. 25, 2023 sa Peb. 24, 2023 at ang Peb. 25 ay “isang ordinaryong araw ng trabaho” pa rin.
Sa isang naka-archive na bersyon ng Official Gazette of the Philippines, ang Peb. 25 ay nakalista bilang special non-working holiday, batay sa Proclamation No. 90 na inilabas noong Nobyembre 2022. Ayon sa Proclamation No. 90 ang prinsipyo ng holiday economics ay ang pagkakaroon ng “mas mahabang weekend [upang] makatulong na hikayatin ang domestic travel at pataasin ang kita sa turismo sa bansa.”
Sa Proclamation No. 167 na pinirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Peb. 23, hindi direktang sinabi na inaamyendahan nito ang mga unang proklamasyon na nagdeklara sa Peb. 25 bilang isang special (non-working) holiday.
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga pinagmulan:
Official Gazette of the Philippines, Proclamation No. 167
Official Gazette of the Philippines, Consistent with the…, Feb. 24, 2023
Department of Labor and Employment-Bureau of Working Conditions, DOLE issues Labor Advisory No. 02, Series of 2023 on the Payment of Wages for the Special (Non-Working) Day on 24 February 2023, pursuant to Proclamation No. 167…, Feb. 24, 2023
Official Gazette of the Philippines, Nationwide Holidays
Bongbong Marcos Official Twitter, Ating idineklarang Non-Working Holiday ang February 24, 2023, Biyernes…, Feb. 23, 2023
Official Gazette of the Philippines, Proclamation No. 90, s. 2022
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)