Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Marcos kinontra ang DFA, NTF-WPS sa Ayungin Shoal

Ang Ayungin Shoal ay isang low-tide elevation na hindi maaaring angkinin o maging paksa ng isang sovereignty claim sa ilalim ng international law. Malinaw na nakasaad sa final at binding award sa South China Sea arbitration noong Hulyo 12, 2016 na ang Ayungin Shoal ay "nasa loob ng exclusive economic zone at continental shelf ng Pilipinas" kung saan ang Pilipinas ay may sovereign rights at hurisdiksyon, sinabi ng Department of Foreign Affairs sa isang pahayag, na sinang-ayunan ng National Task Force for the West Philippine Sea.

By VERA Files

Aug 8, 2023

4-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Sa pagsasabing ang magkasalungat na maritime claim ng Pilipinas at China sa Ayungin Shoal ay isang “gray area,” kinontra ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) at ng National Task Force for the West Philippine Sea ( NTF-WPS) na ang desisyon ng arbitral court noong 2016 ay nagdeklara sa lugar bilang hindi maikakailang bahagi ng Philippine exclusive economic zone at continental shelf.

PAHAYAG

Noong Agosto 5, dalawang sasakyang pandagat ng Chinese Coast Guard (CCG) ang gumamit ng water cannon para pigilan ang tatlong bangka ng Philippine Coast Guard (PCG) na pumasok sa Ayungin Shoal para maghatid ng mga supply sa mga sundalong nakatalaga sa BRP Sierra Madre na nabalahaw sa bato mula noong 1999.

Nang hingan ng komento makalipas ang dalawang araw, sinabi ni Marcos:

“Ang position ng China, siyempre sinasabi nila ‘kami ang may-ari nito, eh kaya pinagtatanggol namin.’ Eh, tayo naman sinasabi: ‘Hindi! Kami ang may-ari nito kaya ipinagtatanggol namin.’ Kaya’t ‘yun ang nagiging gray area ngayon.

 

Pinagmulan: Presidential Communications Office, Media Interview by President Ferdinand R. Marcos Jr. in Bulacan (transcript), Ago. 7, 2023, panoorin mula 8:57 hanggang 9:11

Idinagdag ni Marcos na tatawag siya ng command conference para talakayin ang pinakabagong insidenteng ito sa Ayungin Shoal, na kilala sa buong mundo bilang Second Thomas Shoal ngunit tinukoy bilang Ren’ai Reef ng China.

ANG KATOTOHANAN

Ang Ayungin Shoal ay isang low-tide elevation na hindi maaaring angkinin o isailalim sa sovereignty claims. Tahasang ipinahayag sa final at binding award sa South China Sea arbitration noong Hulyo 12, 2016 na ang Ayungin Shoal ay “nasa loob ng exclusive economic zone at continental shelf ng Pilipinas” kung saan ang bansa ay may sovereign rights at hurisdiksyon, sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary Ma. Theresa Lazaro sa Ambassador ng China sa Pilipinas na si Huang Xilian.

Ipinatawag ni Lazaro si Huang sa DFA at ipinarating ang “matinding protesta” ng Pilipinas sa insidente noong Agosto 5.

Naglabas ang NTF-WPS ng hiwalay na pahayag na sinasang-ayunan ang posisyon ng DFA.

“As a low[-] tide elevation, Ayungin Shoal can neither be the subject of a sovereignty claim nor is it capable of appropriation under international law – a fact affirmed by the 2016 Arbitral Award. China cannot, therefore, lawfully exercise sovereignty over it.”

(“Bilang isang low[-] tide elevation, ang Ayungin Shoal ay hindi maaaring maging paksa ng isang sovereignty claim at hindi rin ito maaaring angkinin sa ilalim ng international law – isang katotohanang pinagtibay ng 2016 Arbitral Award. Samakatuwid, ang China ay hindi maaaring legal na gumamit ng soberanya dito.”)

 

Pinagmulan: National Security Council of the Philippines, JOINT STATEMENT OF THE NATIONAL TASK FORCE FOR THE WEST PHILIPPINES SEA NOONG 5 AGOSTO 2023 AYUNGIN SHOAL INCIDENT, Ago. 7, 2023

Sa isang joint press briefing noong Agosto 7 ng DFA at NTF-WPS, sinabi ng DFA na ang Pilipinas ay naghain ng 445 diplomatikong protesta laban sa mga pagpasok ng China sa karagatan ng bansa mula noong 2020. Noong 2023 lamang, 35 diplomatikong protesta, kabilang ang isang note verbal hinggil sa ang pinakahuling insidente sa Ayungin Shoal, ay personal na iniabot ni Lazaro sa Chinese envoy sa kanilang pagpupulong.

Noong araw ding iyon, iginiit ng Chinese Foreign Ministry na bahagi ng China ang Ayungin Shoal, na sinasabing nilabag ng Pilipinas ang soberanya nito. Sinabi rin ng China na nangako ang gobyerno ng Pilipinas na aalisin ang BRP Sierra Madre, ngunit hindi pa nito natutupad makalipas ang 24 taon.

Muling iginiit ni Jonathan Malaya, assistant director general ng National Security Council, na “hindi kailanman aabandonahin” ng Pilipinas ang BRP Sierra Madre, isang permanenteng outpost ng militar na iniulat na nasa sira-sirang kondisyon na.

Noong 1999, sinadyang isadsad ng Philippine Navy ang 100-metrong haba na barko sa Ayungin Shoal bilang tugon sa iligal na pag-okupa ng China sa Mischief Reef (Panganiban Reef) noong 1995.

 

May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).

 

Mga Pinagmulan

Presidential Communications Office, Media Interview by President Ferdinand R. Marcos Jr. in Bulacan (transcript), Aug. 7, 2023

Department of Foreign Affairs, Statement on the Summoning of the Chinese Ambassador to the Philippines by DFA Undersecretary Lazaro on the Morning of 07 August 2023, Aug. 7, 2023

Philippine Coast Guard official Facebook page, WATCH: “The Philippine Coast Guard (PCG) expresses strong condemnation towards the unlawful behavior exhibited by the China Coast Guard vessels , Aug. 8, 2023

National Security Council of the Philippines official Facebook page, JOINT STATEMENT OF THE NATIONAL TASK FORCE FOR THE WEST PHILIPPINES SEA ON THE 5 AUGUST 2023 AYUNGIN SHOAL INCIDENT, Aug. 7, 2023

RTVMalacañang official YouTube channel, Joint Press Briefing of NTF-WPS 08/7/2023, Aug. 7, 2023

United Nations official website, United Nations Convention on the Law of the Sea, accessed Aug. 8, 2023

Chinese embassy in the Philippines official Facebook page, Foreign Ministry Spokesperson’s Remarks on the Statement of the US State Department Concerning Ren’ai Jiao, Aug. 7, 2023

Chinese embassy in the Philippines official Facebook page,  In response to the Philippines’ accusation toward China…, Aug. 7, 2023

Official Gazette official website, DFA statement on China’s allegation that the PH agreed to pull out of Ayungin Shoal | Official Gazette of the Republic of the Philippines, March 14, 2014

ABS-CBN News, On Board the BRP Sierra Madre, accessed Aug. 8, 2023

VERA Files, Will the MDT be operationalized in Ayungin Shoal clash?, Feb. 15, 2023

Supreme Court official website, G.R. No. 212426, Jan. 12, 2016

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.