Malawakang kumakalat sa mga gumagamit ng social media mula noong Mayo ang mga hindi tumpak na mga Facebook post na inaakusahan ang mayamang pamilya Lopez ng “panloloko sa mga Pilipino sa loob ng 34 taon.” Sa pitong pahayag kaugnay ng mga Lopez at kanilang kasaysayan, dalawa ay maling mali, apat ang nangangailangan ng karagdagang konteksto, at ang isa ay walang batayan.
PAHAYAG
Noong Mayo 6, isang araw lamang matapos matanggal sa ere ang higanteng network na ABS-CBN na pagmamay-ari ng mga Lopez dahil sa pagtatapos ng prangkisa — na tinanggihan ng Kongreso na i-renew — ilang mga netizen sa FB ang naglathala ng magkaparehong mga post na pinamagatang “MAS LAMANG ANG MAY ALAM.” Nagbibigay umano ang mga post ng impormasyon tungkol sa angkan ng mga Lopez, na tinukoy ng teksto bilang isang “makapangyarihang oligarch [y] na kumokontrol sa Pilipinas.”
Gamit ang pangkalahatang acronym na “ctto” — o “credit to the owner” — bilang isang pagtatangka na magbanggit ng pinagkukunan ng impormasyon, binitawan ng mga post ang mga sumusunod na pahayag:
- nagmamay-ari ang mga Lopez ng maraming mga kumpanya, kasama na ang electric power distributor na Manila Electric Company o Meralco;
- naglunsad ang mga Lopez ng “iba’t ibang mga black propaganda” laban kay dating Pangulong Diosdado Macapagal na humantong sa pagbagsak ng kanyang administrasyon;
- ang mga Lopez ay dating “malapit” sa yumaong diktador at dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. Gayunman, pumangit ang relasyon nang naisin ni Marcos na kunin ng gobyerno ang “40 porsyento ng buwis” na binabayaran ng mga Lopez, ngunit ipinilit ng pamilya na 15 porsyento lamang ang kaya nitong ibigay “dahil sa marami ang mga kumpanya na kanilang pagmamay-ari;”
- “inilunsad ng mga Lopez ang ilang pag-atake gamit ang black propaganda laban kay Marcos sa pamamagitan ng media,” na naging dahilan ng dating pangulo para “isara ang ABS-CBN;”
- “sinagip” ng gobyerno, sa panahon ni Marcos, ang Meralco matapos na “humingi ng tulong sa gobyerno” ang mga Lopez noong ang kumpanya ay gipit;
- nakipagsabwatan ang mga Lopez sa mga pinuno ng oposisyon na sina Ninoy at Cory Aquino upang maipatupad ang kanilang plano na “ibagsak” ang administrasyong Marcos; at,
- nakuha muli ng mga Lopez ang ABS-CBN at Meralco “nang libre” sa ilalim ng administrasyong Cory Aquino.
Ipinakita ng social media tool na CrowdTangle na humigit-kumulang 1,600 reposts at reshares ng mga FB page at sa mga pampublikong FB group na nagdadala ng mga pahayag, na sama-samang nakakakuha ng higit sa 400,000 na mga interaction mula sa mga netizen hanggang sa ngayon.
ANG KATOTOHANAN
Ang mga pahayag na ang hidwaan sa pagitan ng mga Lopez at Marcos ay dahil mga isyu sa buwis, at ibinalik ni dating Pangulong Corazon “Cory” Aquino sa mga Lopez ang kanilang mga pag-aari nang “libre” pagkatapos ng martial law ay parehong mali.
Ang mga pahayag na “pagmamay-ari” ng mga Lopez ang Meralco, na naglunsad sila ng black propaganda laban kay Macapagal para ibagsak ang kanyang administrasyon, na hiniling nila sa gobyernong Marcos na tulungan silang sagipin ang Meralco, at nakipagsabwatan sila sa mag-asawang Aquino para patalsikin ang diktador ay nangangailangan ng konteksto.
Panghuli, ang pahayag na ginamit ng mga Lopez ang media upang ikalat ang black propaganda laban kay Marcos — na naging dahilan ng namayapang diktador na ipasara ang ABS-CBN — ay walang patunay.
Ipagpatuloy ang pagbasa para mas malaman ang tungkol sa bawat pahayag:
Sa ‘pagmamay-ari’ ng Meralco
Sa ‘pagmamay-ari’ ng MeralcoPara sabihin na ang mga Lopez ang “nagmamay-ari” ng Meralco ay hindi tumpak. Ang First Philippine Holdings Corporation na pag-aari ng mga Lopez ay mayroong minority share na 3.94 porsyento sa Meralco.
Ang Beacon Electric Asset Holdings, Inc., subsidiary ng isang korporasyon na pagmamay-ari ng tycoon at Meralco Chairman Manuel V. Pangilinan, ang may pinakamalaking share — o 34.96 porsyento — ng kumpanya ng kuryente.
Ang parent company ng Beacon, ang Metro Pacific Investments Corporation, ay nagmamay-ari ng karagdagang 10.5 porsyento at ang ikatlong pinakamalaking shareholder ng Meralco. Pangalawa na may 29.56 porsyento ng shares ay ang JG Summit Holdings, Inc. ng yumaong bilyunaryong negosyante na si John Gokongwei Jr.
Noong 1961, pinangunahan ni Eugenio Lopez Sr. ang isang grupo ng mga negosyanteng Pilipino at binili ang Meralco, na naging “kauna-unahang pangunahing kumpanyang Amerikano na naging ‘Filipinized’,” ayon sa website ng kumpanya.
Gayunpaman noong 2009, sa paglalarawan ni Oscar Lopez — anak ni Lopez Sr. — na isang “kinakailangang desisyon sa negosyo,” ipinagbili ng pamilya ang 20 porsyento ng kanilang shares sa Meralco sa Philippine Long Distance Telephone Co. (PLDT) Group na pinangunahan ni Pangilinan.
Natapyasan nito ang mga share ng Lopez sa kumpanya ng elektrisidad na naging 13 porsyento lamang, at ginawang nag-iisang pinakamalaking shareholder ng Meralco ang grupo ni Pangilinan, na may tinatayang 30 porsyento ng shares sa panahong iyon.
Pagkalipas ng tatlong taon, ipinaubaya ni dating Ambassador to Japan Manuel Lopez, ang chairman ng Meralco noon, ang chairmanship ng kumpanya kay Pangilinan, na nagtapos ng pamumuno ng mga Lopez sa pangunahing distributor ng kuryente ng bansa.
Sa pag-atake kay Pangulong Macapagal gamit ang black propaganda
Sa kanyang artikulo tungkol sa pulitika ng pagkakamag-anak sa Pilipinas pagkatapos ng World War II, isinulat ng istoryador na si Mina Roces na si Macapagal, sa isang pagtatangka umano na tanggalin ang malalalim na ugat ng impluwensya ng mga mayayamang pamilya sa politika na gumagamit ng kanilang “kapangyarihang pampulitika upang bumuo ng mga emperyo ng negosyo,” ay naglunsad ng “matinding atake” sa mga Lopez at kanilang mga kakampi sa negosyo sa kanyang apat na taong termino.
Ang “pag-atake” at “pambabatikos” ng pangulo ay naglagay sa mga Lopez “sa depensibo at naharang ang kanilang pagsisikap na magtagumpay sa negosyo,” na napilitan silang ibenta ang dalawa sa kanilang mga korporasyon at dalawang sugar mills, ayon sa artikulo ni Roces na pinamagatang “Kinship Politics in Post-War Philippines: The Lopez Family,” na inilathala noong 2000 sa Modern Asian Studies journal ng Cambridge University sa United Kingdom.
Sa panahon ng kampanya na tungo sa pambansang halalan noong 1965, ang diaryo na pag-aari ng mga Lopez, ang The Manila Chronicle, ay naglathala ng pang-araw-araw na balita tungkol sa kampanyang Marcos-Lopez habang “tuloy-tuloy at walang-awang inaatake” si Macapagal, na noon ay tumatakbo muli para maging pangulo, sinabi ng artikulo. Ang tandem ng Nacionalista Party ang nanalo kinalaunan sa halalan.
Walang malinaw na katibayan na ang mga Lopez ay nakibahagi sa “black propaganda” para talunin si Macapagal.
Ang black propaganda, na tinukoy ng Amerikanong sociologist na si Howard Becker sa kanyang artikulo noong 1949 na pinamagatang “The Nature and Consequences of Black Propaganda,” ay propaganda na pinalalabas ng propagandizer — sa kasong ito, ang tambalang Marcos-Lopez — na nagmula sa “isang source sa loob ng propagandized,” si Macapagal (sa halimbawang ito).
Habang ang mga ulat nina Roces at Richard Butwell, isang scholar tungkol sa pulitika sa mga bansa sa Southeast Asia, ay nagpapakita na may batuhan ng putik mula sa parehong mga kampo sa panahon ng kampanya, walang pahiwatig na inilunsad ng tandem nina Marcos-Lopez ang mga pag-atake mula sa loob ng kampo ni Macapagal.
Sa hidwaan sa pagitan ng mga Lopez at Marcos dahil sa mga isyu sa buwis
Ang hidwaan sa pagitan ng mga Lopez at Marcos ay dala ng alitan sa pagmamay-ari ng isang lubricating oil facility — hindi buwis — kung saan humihingi ang pangulo ng 40 porsyentong bahagi, isang panukala na tinanggihan ng mga Lopez sa pamamagitan ng pag-aalok ng 15 porsyento sa pangulo.
Tinalakay ng istoryador na si Joseph Paul Scalice, sa kanyang dissertation noong 2017 tungkol sa martial law ni Marcos, ang tensyon sa pagitan ng dalawang kampo noong krisis sa ekonomiya noong 1970:
“The business interests of the Lopez family felt the impact of rising prices and they sought relief from the Marcos government; Marcos in turn sought a larger share of ownership in a lubricating oil facility the Lopez brothers were intending to buy. In exchange for approving the deal he asked for forty percent ownership, but the Lopez brothers insisted on fifteen percent.
(Naramdaman ng mga negosyo ng pamilyang Lopez ang epekto ng tumataas na presyo at humingi sila ng tulong mula sa gobyerno ni Marcos; humingi naman si Marcos ng mas malaking bahagi ng pagmamay-ari ng isang lubricating oil facility na balak bilhin ng magkakapatid na Lopez. Bilang kapalit ng pag-apruba sa kasunduan ay humiling siya ng 40 porsyento na pagmamay-ari, ngunit 15 porsyento lang nais ibigay ng mga magkakapatid na Lopez.)”
Ang pagtanggi na ito ay nagresulta sa isang “lantarang hidwaan sa pulitika” sa pagitan nina Marcos at ng mga Lopez sa unang isang-kapat ng taong iyon, sinabi ni Scalice. Itinaas ng pangulo ang buwis sa pag-import sa krudo, na nagpataas nang husto sa mga gastos sa pagpapatakbo ng Meralco na pagmamay-ari noon ng mga Lopez.
Ang lubricating oil facility na nabanggit sa dissertation, ang Philippine Petroleum Corporation, ay “ang unang lubricating oil base stock refiner ng bansa,” na itinatag noong Setyembre 1969 ng mga Lopez. Nabili ito ng Pilipinas Shell Petroleum Corporation noong kalagitnaan ng 1980s.
Sa ‘black propaganda’ ng mga Lopez laban kay Marcos at ang pagsasara ng ABS-CBN
Ang tandem na Marcos-Lopez ay nagkaroon ng “di pagkakasundo” kasunod ng halalan noong 1969, ayon sa dissertation ni Scalice.
Isang ulat ng New York Times noong 1975 ang nagsabi na naramdaman ng pangulo noon na “hindi niya magagawang pag-ibayuhin ang kanyang kapangyarihan” dahil sa impluwensya ng mga Lopez, habang ang huli ay “naniniwala … ang kanilang yaman at kapangyarihan ay malalagay sa panganib” kung magagawa ni Marcos na manatili sa kanyang posisyon.
Pagkatapos, si Vice President Fernando Lopez, kasama ang iba pang mga “naghaharing elite,” ay pinondohan ang mga kilusang protesta, na humingi ng pagpapatalsik kay Marcos “sa pamamagitan ng iba’t ibang mga paraan,” sinabi ni Scalice.
Ang historian at aktibista na si Renato Constantino, isang kolumnista ng Manila Chronicle na pagmamay-ari ng mga Lopez, ay sumulat ng mga artikulo laban kay Marcos. Gayunpaman, sinabi ni Scalice na ang mga kolum ni Constantino ay “hindi isang political expose,” dahil ang ilang mga news media ng Pilipinas sa panahong iyon ay nag-uulat na rin laban kay Marcos.
Dahil ang mga akusasyon ng kampo ni Lopez laban kay Marcos ay hindi nagmula sa loob ng kampo ng pangulo noon, ang mga ito ay hindi umaangkop sa kahulugan ng black propaganda.
Ang pagsasara ng ABS-CBN sa panahon ng martial law ay hindi rin isang namumukod-tanging kaso. Ang Letter of Instruction No. 1 ni Marcos, na inisyu matapos niyang ideklara ang martial law noong 1972, ay nag-utos sa mga puwersa ng estado na “sakupin at kontrolin” ang lahat ng mga pribadong tanggapan ng media, kabilang ang ABS-CBN, upang hindi nila magamit ito “para sa mga propaganda laban sa gobyerno.”
Sa pagliligtas ni Marcos sa mga Lopez at Meralco
Ang pagtaas ng buwis sa pag-import sa krudo na ipinataw ni Marcos noong Disyembre 1970 ay humantong sa matinding pagtaas ng mga gastos sa pagpapatakbo ng Meralco, na muling nagpalubha ng hidwaan sa pagitan ng pangulo at ng mga Lopez.
Sinabi ng manunulat at istoryador na si Raul Rodrigo, na binanggit ni Scalice sa kanyang pagsasaliksik, na noong 1971, ang kumpanya ay nagkaroon ng isang “malaking utang na dolyar” na masyadong mahirap bayaran at ang “tanging paraan” para mabuhay ang kumpanya ay sa pamamagitan ng “pagkakaroon ng isang rate increase” mula sa gobyerno — lalo na’t kailangan ng karagdagang P1 bilyon para sa isang planong expansion ng Meralco sa susunod na pitong taon.
Noong Mayo 1972, binigyan ng Public Service Commission ang Meralco ng rate increase na 36.5 porsyento, na humantong sa pansamantalang pagkakasundo ng dalawang kampo — na si Marcos ay nakipagtagpo pa sa mga Lopez para makipagkamay, sulat ni Scalice.
Gayunman, idineklara ni Marcos ang martial law pagkaraan ng apat na buwan at ipinakulong si Eugenio “Geny” Lopez Jr., isa pang anak ni Lopez Sr., dahil sa kanyang pakikilahok sa balak umanong pagpatay sa pangulo.
Sa pakikipagsabwatan ng mga Lopez sa kina Ninoy at Cory Aquino para ibagsak ang administrasyong Marcos
Ang dating Pangulong Cory Aquino, na inilarawan mismo ni Marcos bilang isang “simpleng maybahay,” ay pumasok lamang sa larangan ng pulitika nono snap presidential elections, tatlong taon matapos mapatay ang kanyang asawang si Ninoy — ang nangungunang kalaban ni Marcos — sa kanyang pagbabalik sa bansa noong Agosto 1983 mula sa exile.
Si Cory ay tumakbo bilang panlaban ng oposisyon ngunit natalo sa halalan ng 1986, na nadungisan ng “malawakang dayaan sa botohan at laganap na pandaraya.” Ang kanyang pagkatalo ay humantong sa unang People Power ng bansa na nagpabagsak sa diktadurang Marcos.
Ang political science expert na si Mark Thompson, na binanggit ni Scalice, ay nagsabing “limang pangunahing paksyon” — ang pamilyang Aquino, Laurel, Osmeña, Roxas, at Lopez — ay “nagsanib-puwersa “ upang labanan si Marcos sa pagitan ng 1970 at 1972.
Pinondohan ng “alyadong elite na oposisyon” ang mga protesta upang “yanigin si Marcos” at tumulong sa “plano, magbayad, at magbigay ng magandang press coverage ang mga rally,” bukod sa iba pa, sinabi ng ulat.
Matapos ipasailalim ng pangulo ang bansa sa martial law noong Setyembre 1972, ang mga anti-Marcos rally ay huminto. Gayunpaman, ang mga piling miyembro ng iba`t ibang mga pampulitikang grupo — kabilang ang Liberal Party, National Union for Liberation, at Nacionalista Party — ay gumawa ng kanilang sariling alyansa upang labanan ang diktadura, ayon sa isang artikulo noong 1981 na inilathala sa Asian Survey journal ng University of California.
Sa pagbabalik ni Pangulong Aquino ng ABS-CBN at Meralco sa mga Lopez ‘nang libre’
Ayon kay Roces, “inilantad” ng kolumnistang si Hilarion Henares Jr. ng Philippine Daily Inquirer sa isang artikulo noong Hulyo 1988 ang tungkol sa paglipat ng Meralco shares sa mga Lopez sa mababang halaga, kasama ang ilan sa ibinalik na shares “na walang perang inilabas” mula sa pamilya Lopez.
Isinantabi ng administrasyong Aquino ang transaksyon dahil sa expose, na naging dahilan para ang mga Lopez ay “magbigay ng malaking bahagi ng kanilang kita sa gobyerno,” sinabi ni Roces.
Ang kolumnistang si Federico D. Pascual Jr. ng The Philippine Star, sa isang artikulo noong 2002, ay sinabi rin na nakuha ng mga Lopez ang “ilan — hindi lahat” ng kanilang assets sa Meralco post-martial law, matapos itong maibenta sa halagang P10,000 lamang sa isang dummy foundation ng mga Marcos noong 1973.
Sa ulat ng ABS-CBN noong 2008, sinabi ni dating finance secretary at noo’y ambassador to the United Kingdom Edgardo Espiritu na isang review committee ang binuo ng gobyernong Aquino upang mapag-usapan kung paano maibabalik ang Meralco sa mga Lopez. Sinabi ni Espiritu, na nagsilbing pinuno ng review committee, na ang pamilya ay nagbayad ng “dagdag na P2 bilyon bukod sa naunang mga pagbabayad” upang makuha muli ang ilang shares sa Meralco.
Tungkol naman sa ABS-CBN, iginiit ng kampo ni Lopez na hindi kailanman nawala ang pagmamay-ari ng pamilya sa network.
Noong Enero 1987, ang ABS-CBN ay pumasok sa isang “Agreement to Arbitrate” sa administrasyong Aquino matapos hilingin ng kumpanya ng media sa gobyerno, sa pamamagitan ni dating Sen. Lorenzo Tañada, na ibalik ang mga istasyon ng telebisyon at radyo.
Ipinagtibay ng Supreme Court ang bisa ng kasunduan makalipas ang dalawang taon, sa isang desisyon na nagbasura sa isang petisyon na humihiling na mapawalang-saysay nito.
Ang mga paglalahad na ito ay inulit sa pagdinig ng komite sa Kamara noong Hunyo 15 tungkol sa pag renew ng prangkisa ng higanteng media, kung saan sinabi ni ABS-CBN counsel Arecio Rendor Jr. na ang network ay “hindi kailanman ipagbili o inilipat [ang pagmamay-ari nito],” kahit noong panahon ng martial law ni Marcos. (Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: Ano ang susunod para sa ABS-CBN matapos mawala ang prangkisa?)
Ang pahayag na ito ay sinuportahan nina Justice Assistant Secretary Nicholas Ty at Presidential Commission on Good Government (PCGG) Commissioner John Agbayani, na kapwa inanyayahan bilang resource persons sa parehong pagdinig.
Sinabi ni Rendor na ang pagbabalik ng ABS-CBN sa mga Lopez matapos ang martial law ay inaprubahan ng Office of the President, ng PCGG, at ng Board of Arbitrators, at pinagtibay ng Regional Trial Court at ng Supreme Court.
Mga Pinagmulan
Philippine Stock Exchange Electronic Disclosure Generation Technology, Manila Electric Company Public Ownership Report, July 13, 2020
Philippine Stock Exchange Electronic Disclosure Generation Technology, Metro Pacific Investments Corporation, March 20, 2006
Philippine Stock Exchange Electronic Disclosure Generation Technology, JG Summit Holdings, Inc., Nov. 23, 1990
Meralco, History, n.d.
First Philippine Holdings Corporation, Press Statement of Oscar M. Lopez on behalf of the Lopez Family, March 19, 2009
ABS-CBN News, Lopez family: Sale of Meralco stake “a business decision”, March 19, 2009
GMA News Online, Meralco’s single largest shareholder is PLDT, March 14, 2009
Philstar.com, PLDT buys 20% Lopez stake in Meralco, March 14, 2009
Inquirer.net, Lopez steps down as Meralco chairman, May 30, 2012
Rappler, Meralco turns over new leaf as Lopez steps down as chair, May 29, 2012
ABS-CBN News, Lopez steps down as Meralco chairman, May 29, 2012
Roces, M. (2000). Kinship Politics in Post-War Philippines: The Lopez Family, 1945-1989. Modern Asian Studies, 34(1), 197; 202-203; 215; 207. Retrieved Aug. 27, 2020, from http://www.jstor.org/stable/313115
University of New South Wales, Mina Roces, n.d.
Becker, H. (1949). The Nature and Consequences of Black Propaganda. American Sociological Review, 14(2), 221. Retrieved Aug. 27 2020, from http://www.jstor.org/stable/2086855
Butwell, R. (1966). The Philippines: Changing of the Guard. Asian Survey, 6(1), 45. Retrieved Aug. 27, 2020, from https://www.jstor.org/stable/2642259?read-now=1&seq;=1#page_scan_tab_contents
Joseph Paul Scalice, Crisis of Revolutionary Leadership: Martial Law and the Communist Parties of the Philippines, 1959–1974, pp. 430; 395; 431; 437; 438; 432-433. July 2017
ABS-CBN News, Opening Remarks of Oscar M. Lopez, May 31, 2010
Pilipinas Shell Petroleum Corporation, Who We Are, n.d.
The New York Times, Rich Family Loses Power in Bitter Feud With Marcos, April 22, 1975
Lexico.com, “black propaganda,” n.d.
Collins Dictionary, “black propaganda,” n.d.
The Official Gazette, Letter of Instruction No. 1, s. 1972, Sept. 22, 1972
The Official Gazette, Letter of Instruction No. 15, s. 1972, Sept. 29, 1972
Bulatlat.com, Cory Aquino’s Place in History, Aug. 1, 2009
Philippines Commission on Women, State of the Filipino Women Report 2015 Highlights, Feb. 18, 2016
Foreign Policy, The Philippines says goodbye to a symbol of democracy, Aug. 3, 2009
Malacanang.gov.ph, Presidential Museum and Library: Elections of 1986, Accessed Sept. 4, 2020
Neher, C. (1981). The Philippines in 1980: The Gathering Storm. Asian Survey, 21(2), 266. Retrieved Aug. 27, 2020 from https://www.jstor.org/stable/2643771?read-now=1&seq;=1#page_scan_tab_contents
Philstar.com, Lopezes didn’t get back Meralco on silver platter, June 13, 2002
ABS-CBN News, ‘Lopezes paid Aquino govt to regain Meralco’, May 22, 2008
Supreme Court of the Philippines Electronic Library, G.R. No. 78389, Oct. 16, 1989
House of Representatives, Comm on Legislative Franchises Joint with Comm on Good Government and Public Accountability Day 6, June 15, 2020
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)