Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT SHEET: Ano ang susunod para sa ABS-CBN matapos mawala ang prangkisa?

Sa pangalawang pagkakataon mula noong 1972, isinara ng gobyerno ang broadcast network ABS-CBN, na mag-aalis sa trabaho ng higit sa 11,000 mga manggagawa sa panahong ang ekonomiya ng bansa ay hinahagupit ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

By VERA Files

Jul 20, 2020

12-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Sa pangalawang pagkakataon mula noong 1972, isinara ng gobyerno ang broadcast network ABS-CBN, na mag-aalis sa trabaho ng higit sa 11,000 mga manggagawa sa panahong ang ekonomiya ng bansa ay hinahagupit ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

Ang botong 70-11 noong Hulyo 10 para tanggihan ang aplikasyon ng higante ng media para sa isa pang 25-taong prangkisa upang magpatuloy ng operasyon, pinagtibay ng committee on legislative franchises ng House of Representative ang tatlong cease and desist order ng National Telecommunications Commission (NTC) na naunang inisyu sa ABS-CBN upang ihinto ang pagsasahimpapawid sa telebisyon at radyo pati na rin sa mga cable at digital platform sa pamamagitan ng Sky Direct at TV Plus.

Isinantabi ng boto ang hindi bababa sa siyam na panukalang batas na nagsusulong ng panibagong prangkisa para sa ABS-CBN. Nakasaad sa Section 49 of the House Rules na ang isang panukalang batas o resolusyon na hindi pinaboran ay magiging “laid on the table.” Sa kaso ng ABS-CBN, pinatay ng boto ang mga panukala, ayon kay Anakalusugan Rep. Michael Defensor, ex-officio member ng komite.

Gayunpaman, naghahanap ng ibang paraan ang mga ligal na eksperto at ilang mambabatas para maibalik sa ere ang network. Kabilang dito ang people’s initiative at isang bagong panukalang batas.

Nabuo ang boto ng komite pagkatapos ng hindi bababa sa 75 pinagsamasamang oras ng mga pampublikong pagdinig sa panahon congressional summer break. Ang mga executive ng ABS-CBN, mga opisyal mula sa mga may kaugnayang ahensya ng gobyerno tulad ng Securities and Exchange Commission (SEC), Bureau of Internal Revenue (BIR), at NTC, bukod sa iba pang mga resource person, ay isinalang sa masusing pagtatanong upang liwanagin ang mga isyu na ibinabato laban sa network.

Mahigpit na sinusubaybayan ng local at international media outlets ang mga pagdinig ng komite at ang proseso ng botohan. Bumubuo ng pandaigdigang interes ang isyu dahil sa patuloy na pag-atake ni Pangulong Rodrigo Duterte sa broadcast network mula pa noong 2017, na nagbanta na ipasasara ito at kalaunan ay iminungkahi na ibenta ito. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Mga pahayag ni Duterte salungat sa sinabi ni Panelo na ‘ayaw’ ng pangulo na isara ng ABS-CBN)

Narito ang limang mga bagay na kailangan mong malaman tungkol sa desisyon ng House franchise committee:

1. Ano ang ibig sabihin ng pagtanggi ng House committee sa aplikasyon ng ABS-CBN na mag-renew ng prangkisa?

Sa ilalim ng Sec. 49, Rule X of the Rules of the House of Representatives, ang mga panukalang batas na hindi sinang-ayunan na isang komite ay “laid on the table.”

Ibig sabihin, habang ang mga panukalang batas ay nananatili sa komite, ang mga ito ay, samakatuwid, “pinatay” at hindi lamang isantabi, tulad ng kinumpirma ni Palawan Rep. Franz Alvarez, chair ng House committee on legislative franchises, sa panghuling pagdinig.

Sabi ni Defensor, kabilang sa mga bumoto laban sa pag-renew ng prangkisa, bilang “parliamentary courtesy,” ang mga mambabatas ay hindi bumoboto ng “no” para hindi tanggihan ang isang panukala, sa halip ito ay “laid na the table” na lamang upang manatili sa komite. Ngunit, para sa isang aplikasyon ng prangkisa, sinabi ni Defensor “ang epekto ay upang patayin ang aplikasyon ng prangkisa.”

Ang kabiguan ng network na magkaroon ng prangkisa na inaprubahan ng komite ay nangangahulugang ang resolusyon ay hindi na makakarating sa plenaryo ng House para sa isang botohan ng lahat ng mga miyembro kung aaprubahan o tatanggihan ito.

Sa isang pakikipanayam sa ANC, ang cable news channel ng ABS-CBN, sinabi ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, deputy minority leader ng House at ex-officio member ng komite, ang pagtanggi sa prangkisa ay nangangahulugan na ang airwave frequency ng network ay maaari na ngayong maibigay ng NTC sa isa pang mayroong prangkisa.

Naglabas ang NTC, ang namamahala sa lahat ng mga telecommunication service provider, ng tatlong cease and desist order laban sa ABS-CBN at mga subsidiary nito na TV Plus (Channel 43) at SkyDirect noong Mayo 5 at Hunyo 30 kasunod ng pagtatapos ng prangkisa nito noong Mayo 4.

2. Paano bumoto ang franchise committee?

Napakalaking bahagi ng 85-miyembrong voting panel – 46 regular at 39 ex-officio – ng House franchises committee ang bumoto ng pabor sa resolusyon na inihanda ng technical working group (TWG) na nagmungkahing tanggihan ang isang bagong prangkisa ng ABS-CBN.

Ang bilang ng mga boto ay nagpapakita na 70 kinatawan ang pumabor sa resolusyon na isantabi ang siyam na panukalang batas na nagsusulong ng maibagong prangkisa, habang 11 ang sumalungat, isa ang abstain, at dalawang ang nag inhibit.

Sa Sec. 31, ang Rule XI ng House rules, ang isang komite ay binubuo ng regular at ex-officio members, pati na rin ang mga may-akda ng panukalang batas na pinag-aaralan. Ang mga regular na miyembro ay ang mga nahalal mula sa majority at minority blocs, habang ang mga ex-officio member ay mga opisyal ng House, tulad ng House speaker, deputy speakers, at mga minority at majority leader, na pinapayagan na sumali sa komite, o iyong mga itinalaga ng ibang mga kinatawan. Hindi tulad ng regular at ex-officio members, ang mga may-akda ng panukalang batas ay walang kapangyarihan na bumoto.

Ang buong bilang ng mga boto ay hindi pa nai-upload sa opisyal na website ng House.

3. Ano ang mga isyu na ibinato laban sa network?

Kabilang sa mga isyu na tinalakay ng franchise committee, kasama ang committee on good government at public accountability, sa 12 public hearing na ginanap nito simula Marso 10 ay ang sinasabing paglabag sa ilalim ng nakaraang prangkisa ng ABS-CBN, tulad ng hindi pagsunod sa iniutos na proseso sa pagbabalik ng mga ari-arian sa network mula sa pamahalaan pagkatapos ng martial law, citizenship, labor malpractice, tax avoidance, paggamit ng Philippine Depositary Receipts, at biased reporting.

Sa mga pagdinig, ang mga kinatawan ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno ay tinawag din upang linawin ang mga isyu laban sa network.

Noong Hulyo 1, sinabi ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Assistant Commissioner Manuel Mapoy sa komite na ang ABS-CBN ay “regular na nagbabayad ng corporate taxes nito sa mga nakaraang taon.” Sinabi ni Mapoy na ang network ay nagbabayad ng hindi bababa sa P15.3 bilyong buwis mula 2016 hanggang 2019.

Sa isa pang pagdinig noong Hunyo 30, sinabi ni Labor Undersecretary Ann Dione na ang ABS-CBN ay ganap na sumusunod sa batas, na may 60 porsyento ng 108 o 109 ng umano’y iligal na mga kaso ng tanggalan sa trabaho ang pumabor sa mga manggagawa. Gayunpaman, binatikos ng Department of Labor and Employment ang network sa isang pahayag noong Hulyo 1 dahil sa umano’y tangkang paglinlang sa mga mambabatas sa pamamagitan ng pagsabing ito ay isang “compliant company” samantalang ang ginawa lamang nitong mga hakbang ay upang maituwid ang mga paglabag sa labor laws at standards na natagpuan ng mga labor inspector.

4. Ano ang susunod para sa ABS-CBN matapos ang pagtanggi sa aplikasyon nito para sa bagong prangkisa?

Sinabi ni Albay Rep. Edcel Lagman, na nagsumite ng panukalang batas para sa panibagong prangkisa ng network, na ang pagpapanukala ng bago batas ay ang “tamang [susunod] na hakbang” dahil walang ligal na probisyon na nagbabawal dito, ngunit ang mga may-panukala ay kailangang “makita ang [pampulitika ] klima” bago gawin ang gayong hakbang.

Hindi bababa sa isang miyembro ng House, si Batangas Rep. Vilma Santos-Recto, kabilang sa mga bumoto na pabor sa ABS-CBN, ang nangako na mag isponsor ng isa pang panukalang batas upang maibalik ang network sa ere.

Ang isa pang diskarte na iminungkahi ng mga tagasuporta ng ABS-CBN ay ang people’s initiative, isang karapatan na ginagarantiyahan ng konstitusyon na nagpapahintulot sa mga pribadong indibidwal na “direktang magpanukala o gumawa ng batas o aprubahan o tanggihan ang anumang pagkilos o batas o bahagi nito na ipinasa ng Kongreso o local legislative body” o kahit na baguhin ang Konstitusyon.

Sa ilalim ng Republic Act No. 6735, o ang Initiative and Referendum Act, ang people’s initiative ay nagsisimula sa isang petisyon na dapat pirmahan ng hindi bababa sa 10 porsyento ng kabuuang bilang ng mga rehistradong botante, kung saan ang bawat legislative district (may kabuuang 238) ay dapat kinakatawan ng hindi bababa sa tatlong porsyento.

Ang mga pirma ay isusumite sa Commission on Elections (Comelec) upang tiyakin at mapatunayan, at para sa pag-iskedyul at pagsasagawa ng isang referendum.

Ang isang ipinanukalang batas, pag-apruba, susog o pagtanggi sa isang pambansang batas ay dapat aprubahan ng mayorya ng mga boto ng lahat ng mga rehistradong botante sa bansa.

Sa isang panayam ng media matapos ang botohan ng komite ng House, sinabi ni University of Santo Tomas law professor Enrique Dela Cruz na mahihirapan ang inisyatibo na magtagumpay kung mag kampanya laban dito si Dutere, na nananatiling popular batay sa mga survey.

5. Ano ang kahulugan ng hindi pag renew ng prangkisa ng ABS-CBN sa press freedom?

Habang iginigiit ng komite ng House na ang isyu ng prangkisa ay hindi tungkol sa kalayaan sa pamamahayag, iba ang paninindigan ng mga lokal at international na organisasyon ng media, civil society at human rights groups, at ang mga media practitioner.

Sa isang pahayag noong Hulyo 13, sinabi ng Commission on Human Rights na ang pagtanggi sa prangkisa ng network sa huli ay “nakakaapekto nang labis sa gawain ng media bilang tagapaghatid ng malayang pananalita at impormasyon” dahil “nagbibigay ito ng isang chilling effect sa kalayaan ng pamamahayag.”

Tinawag ng Human Rights Watch ang huling pagdinig bilang isang “black day for media freedom” sa bansa na dati nang itinuturing na “balwarte ng kalayaan sa pamamayahag at demokrasya sa rehiyon.”

Sa isang pahayag ng pagkakaisa, sinabi ng higit sa 1,000 mamamahayag at manggagawa ng media sa lahat ng platforms mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa, noong Hulyo 17, ang pagtanggi sa bagong prangkisa para sa ABS-CBN:

“…sounds the death knell to a credible source of news and a huge attack on press freedom in the country (ay hudyat ng kamatayan ng isang mapagkakatiwalaang mapagkukunan ng balita at isang matinding pag-atake sa kalayaan ng pamamahayag sa bansa).”

Nagbabala sila na ang kasaysayan ay magiging “malupit” sa mga mambabatas na bumoto laban sa renewal at “ang tanging ‘makasaysayan’ na kanilang nagawa ay gawin ang kapulungan na isang kasangkapan para sa pagsasakatuparan ng isang personal na paghihiganti.”

Sinabi ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), sa bahagi nito, na ang Kapulungan ng ika-18 Kongreso ay “ipinahayag ang sarili na (isang) kaaway ng demokrasya.”

Si Duterte ay nagbanta na hadlangan ang pag-renew ng prangkisa ng network noon pang 2017, nang inakusahan niya ang ABS-CBN ng “panunuba” sa kanya dahil sa hindi pag ere ng kanyang mga bayad na patalastas noong panahon ng kampanya para sa 2016 presidential elections. (Tignan ang VERA FILES FACT CHECK: Mga nakaraang pahayag ni Duterte pinasisinungalingan ang sinabi ni Roque na ‘neutral’ ang presidente sa isyu ng ABS-CBN; VERA FILES FACT CHECK: Hindi lang si Duterte ang presidente na umatake sa Inquirer, ABS-CBN)

Ang kanyang mga panunuligsa laban sa network ay nagpatuloy, at, sa isang talumpati noong Disyembre 2019, sinabi ng pangulo na kanyang “titiyakin” na ang network ay “mawawala.”

Ang pagbabanta ni Duterte laban sa ABS-CBN ay nadawit din sa quo warranto petition na inihain sa Korte Suprema ni Solicitor General Jose Calida noong Pebrero. Inakusahan ni Calida ang network ng paglabag sa prangkisa na ibinigay ng kongreso sa pamamagitan ng pag isyu ng mga PDR sa mga dayuhan at paglulunsad ng pay-per-view KBO channel sa set-top box device na TV Plus. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Pahayag ng SolGen na ‘lumabag” ang ABS-CBN sa pagbabawal sa foreign ownership nangangailangan ng konteksto)

Sa buwan ding iyon, sinabi ng dating aide ni Duterte at ngayon Senador Christopher Lawrence “Bong” Go sa isang pagdinig sa Senado sa prangkisa ng ABS-CBN na ang pangulo ay “nasaktan” at “nababoy” ng “black propaganda” sa mga patalastas ni dating Sen. Antonio Trillanes IV at naipalabas sa network.

Humingi ng paumahin si ABS-CBN president at CEO Carlo Katigbak sa pangulo sa ngalan ng network dahil nasaktan siya, na tinanggap ng huli.

Pinaninindigan ng Malacanang na nanatiling neutral si Duterte sa isyu. Gayunpaman, isang ulat kamakailan ng Inquirer ang nagpakita sa pangulo na nagsabi sa isang talumpati na kanyang “binuwag ang oligarkiya” sa Pilipinas, na tinutukoy ang mga Lopez na nagmamay-ari ng ABS-CBN, “nang hindi nagdedeklara ng martial law.”

 

Mga Pinagmulan

House of Representatives, The House Committee on Legislative Franchises today adopts the House Resolution…., July 10, 2020

House of Representatives, RULES OF THE HOUSE OF REPRESENTATIVES, Accessed July 10, 2020

House of Representatives, Comm. on Legislative Franchises Joint with Comm. on Good Government and Public Accountability Day 14, July 10, 2020

NTC shutting down ABS-CBN

Business Mirror, READ | House TWG Report recommending rejection of ABS-CBN franchise renewal, July 10, 2020

House committee voting tally

Congress of the Philippines, Franchise denied, July 10, 2020

Business Mirror, FINDINGS AND RECOMMENDATIONS, July 2020

ABS-CBN paying taxes

ABS-CBN ‘s labor compliance

ANC 24/7, PH House Lawmaker Lagman: Denial of ABS-CBN franchise a partisan decision | ANC, July 10,

ANC 24/7, Santos-Recto: I am willing to sponsor another ABS-CBN Franchise Bill | ANC (13 July 2020), July 13, 2020

Official Gazette, The 1987 Constitution, July 13, 2020

Official Gazette, Republic Act No. 6735, Accessed July 13, 2020

ANC 24/7, PH Law Professor: People’s initiative to grant ABS-CBN franchise possible but difficult | ANC, July 11, 2020

Popularity of Duterte

Human Rights Watch Philippines, Philippines: Duterte Seeks to Shut Network, July 10, 2020

Commission on Human Rights, Statement of the Commission on Human Rights on the decision, July 11, 2020

National Union of Journalists of the Philippines, [Statement] The will of the people will prevail, July 10, 2020

Rappler.com, Duterte to block renewal of ABS-CBN franchise, April 17, 2017

RTVMalacanang, Speech of President Rodrigo Roa Duterte during the oath-taking of the newly appointed government officials, Dec. 3, 2019

Senate of the Philippines, Press Release – Bong Go confronts ABS-CBN for airing ‘black propaganda’ against PRRD; network issues apology, Feb. 24, 2020

Advertisements paid by Antonio Trillanes IV

House of Representatives, Comm on Legislative Franchises Joint with Comm on Good Government and Public Accountability Day 12, July 6, 2020

Presidential Communications Operations Office, It’s up to Lower House to tackle ABS-CBN’s franchise renewal, says President Duterte, Feb. 27, 2020

Presidential Communications Operations Office, On the House resolution on ABS-CBN Corporation – Presidential Communications Operations Office, July 10, 2020

Inquirer.net, Duterte sets off fresh tirades vs ABS-CBN after network lost franchise bid, July 15, 2020

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flop, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.