Sa pagtatapos ng kanyang anim na taong pagkapangulo, sinabi ni Rodrigo Duterte na “walang sinuman ang makakapigil sa katiwalian.” Wala na sa kapangyarihan, sinasabi niya ngayon na “madali” na kontrolin ang banta na ito.
PAHAYAG
Sa Nob. 6 episode ng talk show ni Duterte na Gikan sa Masa Para sa Masa kasama si Pastor Apollo Quiboloy sa Sonshine Media Network International, tinalakay ni Duterte ang talamak na korapsyon sa gobyerno at tinuruan si Marcos kung paano masusugpo ang banta na ito. Sinabi niya:
“Madali lang naman ‘yan, Pastor; Isang salita lang ‘yan… Granting that [a corruption case exists] or assuming na totoo o hindi, all he has to do or any other government [official], isang sabi mo lang, ‘Do not do it.’ Or, if it’s a contract amounting to billions [of pesos], itong mga government-owned corporation, ‘Ipadala mo ‘yung justification mo for approving or disapproving a contract para malaman ko kung…’ So gano’n lang ‘yan. Wala namang problema.”
(“Madali lang naman ‘yan, Pastor; Isang salita lang ‘yan… Ipagpalagay na [may isang kaso ng korapsyon] o sabihin natin na totoo o hindi, ang kailangan lang niyang gawin o ng kahit na sinong [opisyal ng] gobyerno, isang sabi mo lang, ‘Huwag mong gawin.’ O, kung ito ay a kontrata na nagkakahalaga ng ilang bilyong [piso], itong mga government-owned corporation, ‘Ipadala mo ‘yung paliwanag mo sa pag apruba o di pag apruba ng kontrata para malaman ko kung…’ Kaya gano’n lang ‘yan. Wala namang problema.”)
Pinagmulan: DZAR 1026, LIVE: ‘Gikan sa Masa, Para sa Masa’ kasama si dating Pang. Rodrigo Roa Duterte | Nob. 6, 2023, Nob. 6, 2023, panoorin mula 11:27 hanggang 12:57
ANG KATOTOHANAN
Sa kanyang ikaanim at huling State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 26, 2021, sinabi ni Duterte na ang katiwalian ay “endemic sa gobyerno” at “walang sinuman ang makakapigil” nito. Ipinaliwanag niya:
“Nobody can stop corruption unless you overturn [the] government completely… If I were the next president, if you think there’s a need for you to change everybody in the system, then you declare martial law and fire everybody and allow the new generation to come in to work in government.”
(“Walang sinuman ang makakapigil sa katiwalian maliban kung ganap mong ibagsak [ang] gobyerno… Kung ako ang susunod na pangulo, kung sa tingin mo ay kailangan mong baguhin ang lahat ng tao sa sistema, pagkatapos ay idineklara mo ang batas militar at tanggalin ang lahat at payagan ang bagong henerasyon na pumasok para magtrabaho sa gobyerno.”)
Pinagmulan: RTVMalacanang, President Rodrigo Roa Duterte’s 6th State of the Nation Address, Hulyo 26, 2021, panoorin mula 1:51:36 hanggang 1:52:08
Sa pakikipagpulong sa mga executive ng kanyang partido, Partido Demokratiko Pilipinas-Lakas ng Bayan, at iba pang opisyal ng gobyerno noong nakaraang buwan, inamin din ni Duterte na hindi madaling tugunan ang katiwalian. Sinabi niya:
“You know, I’ve been trying really my very best to curb corruption. Hindi ko maalis ‘yan overnight (I cannot remove that overnight). But I have made some, a little progress in terminating, dismissing individuals. I cannot abolish offices but I can dismiss employees for their malfeasance…”
(“Alam mo, talagang ginagawa ko ang lahat ng aking makakaya para sugpuin ang korapsyon. Hindi ko maalis ‘yan sa isang magdamag. Ngunit nakagawa ako ng ilan, kaunting pagbabago sa pagwawakas, pagpapaalis ng mga indibidwal. Hindi ko maaaring buwagin ang mga opisina ngunit maaari kong tanggalin ang mga empleyado dahil sa kanilang maling gawain…”)
Pinagmulan: Radio Television Malacañang – RTVM, Meeting with PDP-Laban Executives and Other Government Officials, Hulyo 7, 2021, panoorin mula 14:30 hanggang 15:00
Noong nangangampanya siya para sa 2016 presidential elections, paulit-ulit na ipinangako ni Duterte na tatapusin ang korapsyon “sa (loob ng) tatlo hanggang anim na buwan.” Pagkatapos niyang manalo sa pagkapangulo, binigyang-diin niya sa kanyang talumpati sa inaugural na kailangang apurahin ang pagtugon sa katiwalian at nangakong tapusin ito “sa mataas at mababang antas ng gobyerno.”
Nilikha ni Duterte ang Presidential Anti-Corruption Commission noong Oktubre 2017 para imbestigahan ang mga kasong administratibo na may kinalaman sa graft and corruption. Labing-isang buwan pagkatapos ng kanyang ikalawang SONA noong 2017, sinibak ni Duterte ang ilang mga opisyal ng gobyerno dahil sa umano’y pagkakasangkot sa katiwalian.
Nang dumating ang 2018, mahigit isang taon na ang nakalipas sa kanyang sariling deadline para itigil ang katiwalian, sinimulan ni Duterte na gumawa ng dramatikong pagbaligtad sa kanyang pangako sa kampanya.
“Sabi ko na hindi ko kaya itong korapsyon… Akala ko sa kapangyarihan na ibinigay sa akin ng konstitusyon, kaya ko… Kahit bigyan mo ako ng 20 taon hindi ko magagawa,” sinabi niya sa ika-121 anibersaryo ng Philippine Navy noong 2019.
(Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: Ang ‘walang katapusang’ laban ni Duterte kontra droga at korapsyon sa sarili niyang pananalita)
May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).
Mga Pinagmulan
DZAR 1026, LIVE: ‘Gikan sa Masa, Para sa Masa’ kasama si dating Pang. Rodrigo Roa Duterte | November 6, 2023, Nov. 6, 2023
Radio Television Malacañang – RTVM, Meeting with PDP-Laban Executives and Other Government Officials, July 7, 2021
RTVMalacanang, President Rodrigo Roa Duterte’s 6th State of the Nation Address, July 26, 2021
Official Gazette of the Philippines, Inaugural address of President Rodrigo Roa Duterte, June 30, 2016
Official Gazette of the Philippines, Executive Order No. 43, Oct. 4, 2017
RTVMalacañang, 121st Philippine Navy Anniversary (Speech) 6/17/2019, June 17, 2019
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)