Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Ombudsman nag-flip-flop sa paglalathala ng mga COA report

WHAT WAS CLAIMED

Naglabas ng paglilinaw na pahayag ang Office of the Ombudsman noong Setyembre 13 na si Ombudsman Samuel Martires ay humiling sa Kongreso na tanggalin ang isang espesyal na probisyon sa General Appropriations Act na nag-aatas sa Commission on Audit na ilathala ang mga Annual Audit Reports nito.

OUR VERDICT

Flip-flop:

Sa isang pagdinig ng House appropriations committee noong Setyembre 11, hiniling ni Ombudsman Samuel Martires sa Kongreso na tanggalin ang utos sa Commission on Audit na ilathala ang Audit Observation Memorandum nito dahil lumilikha ito ng mga pahiwatig na nasuhulan ang kanyang opisina para ibasura ang kaso samantalang ang kakulangan sa audit ay hindi pagsumite lamang ng mga resibo.
Ang AOM ay isang abiso sa responsableng opisyal ng ahensya ng gobyerno, na nagpapaalam sa kanya ng mga kakulangan na nabanggit sa pag-audit ng confidential at/o intelligence funds. Ang mga AOM ay kailangang bigyan ng komento ng ahensya kaugnay ng mga kakulangan at pagsusumite ng iba pang mga kinakailangang dokumento “sa loob ng makatwirang panahon.”
Ang AAR, sa kabilang banda, ay “ang final output” ng regular na taunang pag-audit ng mga account at operasyon ng ahensya ng gobyerno. Kasama sa AAR ang certificate ng auditor, ang mga financial statement ng ahensya, at ang mga obserbasyon at rekomendasyon ng audit.

By VERA Files

Sep 26, 2023

3-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Matapos manawagan sa Kongreso na tanggalin sa General Appropriations Act ang isang probisyon na nag-aatas sa Commission on Audit (COA) na maglathala ng Audit Observation Memorandum (AOM), binago ni Ombudsman Samuel Martires ang kanyang pahayag pagkalipas ng dalawang araw, na nagsabing ang talagang ibig niyang sabihin ay ang pagtanggal ng requirement na maglathala ng Annual Audit Reports (AAR) ng COA.

Ito ay bilang reaksyon sa mga pahiwatig na ang Office of the Ombudsman ay “tumatanggap ng pera” kapag nagdi-dismiss ito ng kasong graft and corruption na inimbestigahan nito, sinabi ni Martires sa pagdinig ng komite sa House of Representatives sa P5.05-bilyong panukalang budget ng ahensya para sa 2024.

PAHAYAG

Dalawang araw pagkatapos ng kanyang iminungkahing rebisyon sa GAA sa pagdinig ng House appropriations committee noong Set. 11, naglabas ang Office of the Ombudsman ng paglilinaw sa pahayag ni Martires. Sinabi nito:

“In the recent budget hearing of the Office of the Ombudsman before the Committee on Appropriations of the House of Representatives, the Ombudsman mentioned that the Audit Observation Memorandum (AOM) ought not to be published when what he meant was the Annual Audit Report (AAR).”

(“Sa budget hearing kamakailan ng Office of the Ombudsman sa harap ng Committee on Appropriations of the House of Representatives, binanggit ng Ombudsman na hindi dapat ilathala ang Audit Observation Memorandum (AOM) ngunit ang ibig niyang sabihin ay Annual Audit Report (AAR).”)

 

Pinagmulan: Office of the Ombudsman, CLARIFICATORY STATEMENT OF OMBUDSMAN SAMUEL R. MARTIRES (archive), Set. 13, 2023

Ipinaliwanag nito na “hindi pinoprotektahan” ng Office of the Ombudsman “ang nagkakamali at tiwali” na mga opisyal at empleyado ng gobyerno. Sa halip, sinabi ng ahensya na matibay ang paniniwala ng tanggapan nito na ang Final Audit Report lamang ng COA ang dapat na mailathala dahil ang AAR ay “maaari pa ring pag-usapan sa apela sa harap ng Commission on Audit En Banc at ng Korte.”

ANG KATOTOHANAN

Salungat ito sa unang apela ni Martires sa Kongreso nang banggitin niya ang AOM bilang bahagi ng kanyang paliwanag sa mga tungkulin ng Office of the Ombudsman sa pagbibigay ng pampublikong tulong at sa pag-iwas, pagpapatupad at pagsisiyasat ng mga reklamo.

#VERAFIED FLIP-FLOP: Ombudsman nag-flip-flop sa paglalathala ng mga COA report Set. 13, 2023 In the recent budget hearing of the Office of the Ombudsman before the Committee on Appropriations of the House of Representatives, the Ombudsman mentioned that the Audit Observation Memorandum (AOM) ought not to be published when what he meant was the Annual Audit Report (AAR). Office of the Ombudsman Set. 11, 2023 Kung pwede po ay alisin na sa special provisions or sa general provisions ng GAA [General Appropriations Act] ‘yung pagpa-publish ng Audit Observation Memorandum. Ito pong audit observation memorandum ay nagko-cause po ng gulo. Ombudsman Samuel Martires

Sinabi ni Martires:

Kung pwede po ay alisin na sa special provisions or sa general provisions ng GAA [General Appropriations Act] ‘yung pagpa-publish ng Audit Observation Memorandum. Ito pong audit observation memorandum ay nagko-cause po ng gulo.”

(“Kung pwede po ay alisin na sa special provisions o sa general provisions ng GAA [General Appropriations Act] ‘yung pagpapa-lathala ng Audit Observation Memorandum. Ito pong audit observation memorandum ay nagiging sanhi po ng gulo.”)

 

Pinagmulan: House of Representatives, FY 2024 Budget Briefings (Committee) Office of the Ombudsman (OMB), Set. 11, 2023, panoorin mula 1:13:28 hanggang 1:13:54

Sinabi ni Martires na ang mga ulat ng balita na batay sa mga AOM ay lumilikha ng “mga pahiwatig” mula sa publiko na ang kanyang opisina ay nasuhulan upang ibasura ang reklamo tungkol sa mga iregularidad sa proyekto kahit ang tanging dahilan kung bakit na-flag ng COA ang proyektong iyon ay dahil sa hindi pagsusumite ng mga resibo.

Idinagdag niya:

“I leave this to Congress na alisin natin ito kasi pag nag-file po ng kaso sa Ombudsman [at] dinismiss namin ang kaso kasi wala naman [graft and corruption act], anong sasabihin? ‘Nalagyan na naman ang Ombudsman.’ Eh, ‘pag ganyan ho sana, sana totoo po na may naglalagay sa Ombudsman.”

(“Ipinauubaya ko ito sa Kongreso na alisin natin ito kasi pag nagsampa po ng kaso sa Ombudsman [at] ibinasura namin ang kaso kasi wala naman [graft and corruption act], anong sasabihin? ‘Nalagyan na naman ang Ombudsman.’ Eh, ‘pag ganyan ho sana, sana totoo po na may naglalagay sa Ombudsman.”)

 

Pinagmulan: panoorin mula 1:14:21 hanggang 1:14:44

Ang AOM ay isang abiso sa responsableng opisyal ng ahensya ng gobyerno, na nagpapaalam sa kanya ng mga kakulangan sa nabanggit na pag-audit ng confidential at/o intelligence funds. Ang mga AOM ay nangangailangan ng komento ng ahensya sa mga kakulangan at pagsusumite ng iba pang mga kinakailangang dokumento “sa loob ng makatwirang panahon.”

Ang AAR, sa kabilang banda, ay “ang final output” ng regular na taunang pag-audit ng mga account at operasyon ng ahensya ng gobyerno. Kasama sa AAR ang certificate ng auditor, ang mga financial statement ng ahensya at ang mga obserbasyon at rekomendasyon ng audit.

BACKSTORY

Sa katunayan, inaatasan ang COA sa ilalim ng Saligang Batas na magsumite sa Kongreso at sa pangulo ng taunang ulat ng audit ng bawat ahensiya ng pambansang pamahalaan, local government unit, government-owned and controlled corporation, at mga non-government entity na napapailalim sa audit nito.

Ito ay nakabalangkas din sa mga special provision ng GAA — ang annual expenditure program ng gobyerno — partikular sa 2022 at 2023.

 

May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).

 

Mga Pinagmulan

Commission on Audit, Circular No. 2009-006, Sept. 15, 2009

Official Gazette of the Philippines, Article IX Sec. D, Feb. 2, 1987

Department of Budget and Management, XXXII. Commission on Audit, Jan. 3, 2022

Department of Budget and Management, XXXIII. Commission on Audit, Dec. 26, 2022

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.