Isang infographic ang nagbigay kredito sa dating Kabayan Party-list representative na si Harry Roque bilang may-akda ng Universal Health Care Law. Nangangailangan ito ng konteksto dahil isa lamang siya sa mahigit isandaang iba pang mambabatas na nakalista bilang mga may-akda.
Ang House Bill (HB) No. 5784, na inihain noong 17th Congress (Hulyo 2016 – Hunyo 2019), ay pinanday ng 116 mga miyembro ng House habang 13 senador ang bumuo ng bersyon ng Senado ng panukala.
PAHAYAG
Noong Dis. 8, ang Facebook page ni Roque, isang senatorial aspirant sa 2022 elections, ay nagsabi na ang dating tagapagsalita ng Palasyo ang “may-akda” ng batas, na “nagbigay sa mga Pilipino ng pantay na access sa de-kalidad at abot-kayang serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan.”
Nakasaad sa caption:
“Have you been hospitalized and went out without paying a single centavo? That’s because Harry Roque went to work. #ActionMan”
(Naospital ka na ba at lumabas nang hindi nagbabayad ng kahit isang sentimo? Iyon ay dahil nagtrabaho si Harry Roque. #ActionMan)
Pinagmulan: Harry Roque official Facebook page, Have you been hospitalized… (Naka-archive), Dis. 8, 2021
Habang nagpasalamat kay Roque ang ilang netizens, ang iba naman ay nagreklamo sa hindi magandang pasilidad ng ospital. Ang mga implementing rules and regulations ng batas ay binatikos din bilang “basura” na nangangamoy katiwalian at pang-aabuso.
ANG KATOTOHANAN
Nabigo ang mga post sa FB na bigyan ng kredito ang iba pang mga may-akda ng panukala sa House at Senado.
Si Roque ay isa sa 11 pangunahing may-akda ng House Bill (HB) No. 5784, isang pinagsama-samang mga magkatulad na panukalang batas na inihain sa 17th Congress, ayon sa Committee Report No. 273.
Ang iba pang may-akda ng panukala ay sina Reps. Angelina Tan, Vilma Santos-Recto, Ron P. Salo, Rose Marie “Baby” J. Arenas, Evelina G. Escudero, Cheryl P. Deloso-Montalla, Josephine Ramirez-Sato, Estrelita B. Suansing, Victoria Isabel G. Noel, at Dephine Gan Lee.
Si Roque ang orihinal na naghain ng HB No. 225, habang ang iba ay mayroong HB Nos. 1975, 5120, at 5560. Ang lahat ng ito ay tuluyang pinagsama sa HB No. 5784.
Nang maaprubahan ang HB 5784 sa ikatlo at huling pagbasa, ang bilang ng mga may-akda ay tumaas sa 116.
Bersyon ng Senado
Siyam na senador ang pinangalanang may-akda ng Senate Bill No. 1898: dating senador JV Ejercito, Sens. Ralph Recto, Joel Villanueva, Sherwin Gatchalian, Cynthia Villar, Nancy Binay, Leila De Lima, Juan Edgardo “Sonny” Angara, at Risa Hontiveros, batay sa Senate Committee Report No. 401.
Sina Senate President Vicente Sotto III, Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Minority Leader Franklin Drilon, gayundin si Sen. Manny Pacquiao, ay idinagdag bilang mga co-author ng panukalang batas nang umabot ito sa ikatlo at huling pagbasa.
Umani ng mahigit 1,500 reactions, 66 comments, at 68 shares ang FB post ni Roque habang sinusulat ito.
Ito ay lumabas noong Dis. 8, sa parehong araw na nag-upload ang FB page ni Roque ng isang post na nagpapakilala sa dating tagapagsalita ng Palasyo bilang may-akda ng Free Irrigation Service Act noong siya ay isang kongresista.
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
Harry Roque official Facebook page, Have you been hospitalized… (Archived), Dec. 8, 2021
House of Representatives, Committee Report No. 273, May 30, 2017
House of Representatives, HB No. 5784 third reading copy, accessed Dec. 13, 2021
House of Representatives, HB No. 225, June 30, 2016
Senate of the Philippines, Committee Report No. 401, July 31, 2018
Senate of the Philippines, SB No. 1896 third reading copy, Oct. 17, 2018
Harry Roque official Facebook page, Mahal ni Harry Roque ang mga magsasaka…, Dec. 8, 2021
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)