Iginiit sa pamamagitan ng isang tweet ng kolumnistang si Jerry Suico Tundag ng pahayagang The Freeman na nakabase sa Cebu ang maling pahayag na “tinanggap” ni presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang desisyon ng Presidential Electoral Tribunal (PET) na ibasura ang kabuuan ng kanyang protesta laban kay Vice President Leni Robredo anim na taon na ang nakararaan.
PAHAYAG
Sinabi ni Tundag, dating editor-in-chief ng pahayagan:
“When #BBM lost in 2016 (many say he was cheated), he went through the process of a protest and accepted the verdict.”
(Nang matalo si #BBM noong 2016 (maraming nagsasabi na dinaya siya), dumaan siya sa proseso ng isang protesta at tinanggap ang hatol.)
Pinagmulan: Jerry Suico Tundag Twitter Account, “When #BBM lost in 2016…,” Abril 25, 2022
Pagkatapos ay binuhay niya ang isang pekeng quote, na iniuugnay kay Robredo, na nagsasabing:
“Leni, doing poorly in all surveys, says the only way she’ll lose is if she is cheated. There’ll be trouble, it s (sic) said. This shows the stuff of which they’re made.”
(Sinasabi ni Leni, na hindi maganda rating sa lahat ng survey, na ang tanging paraan na matatalo siya ay kung siya ay dayain. Magkakaroon ng gulo, sabi ni (sic). Ipinapakita nito kung anong klase silang tao.)
ANG KATOTOHANAN
Nagkakaisang ibinasura ng PET ang “buong electoral protest” ng dating senador noong Peb. 16, 2021. Wala pang tatlong buwan at noong Mayo 11, naghain si Marcos Jr. ng motion for reconsideration, na hinihiling sa tribunal na suriin ang kanyang ikatlong cause of action na hinahangad na ipawalang-bisa ang resulta ng 2016 vice presidential race sa Lanao del Sur, Maguindanao, at Basilan.
(Tignan VERA FILES FACT SHEET: Pag-unawa sa pagbabasura ng PET sa poll protest ni Marcos laban kay Robredo)
Dala rin ng tweet ni Tundag ang pekeng quote na iniuugnay kay Robredo. Pinabulaanan kamakailan ng VERA Files Fact Check ang mga naturang pahayag, na kumakalat online (Basahin ang VERA FILES FACT CHECK: Robredo DID NOT threaten chaos if she loses, has NO alliance with NPA).
BACKSTORY
Binanggit sa poll protest ng dating senador ang “terorismo, pananakot[,] at panliligalig sa mga botante gayundin ang pre-shading ng mga balota sa lahat ng 2,756 ipinoprotestang clustered precincts na nasa mga nabanggit na lugar” bilang mga dahilan ng pagpapawalang-bisa ng eleksyon sa Lanao del Sur, Maguindanao, at Basilan.
Gayunpaman, ibinasura ng PET ang argumento matapos mabigo ang kampo ni Marcos Jr. na magbigay ng ebidensya na nagpapatunay sa mga pahayag nito ng “mga iregularidad sa eleksyon” sa tatlong lugar.
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
Jerry Suico Tundag Twitter Account, When #BBM lost in 2016…,” April 25, 2022
Supreme Court, Press Briefer, Feb. 16, 2021
CNN Philippines, Bongbong Marcos files motion challenging PET’s junking of poll protest. May 11, 2021
Inquirer.net, Marcos prods PET to reverse dismissal of poll protest vs VP Robredo, May 11, 2021
ABS-CBN News, Bongbong asks PET to reconsider ruling junking election protest vs VP Robredo, May 11, 2021
Supreme Court E-library, PET Case No. 005, Feb. 16, 2021
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)