Sinabi ni Carlito Galvez Jr., officer-in-charge ng Defense department, nang walang batayan na ang sumasailalim sa mga programa sa pagsasanay sa militar, partikular ang Reserve Officers’ Training Corps (ROTC), ay maaaring “gumaling” sa mga problema sa kalusugan ng isip.
PAHAYAG
Sa pagdinig sa Senado na pabor sa panukalang muling buhayin ang mandatory ROTC noong Peb. 6, sinabi ni Galvez:
“Nakikita ko po ‘yung ROTC program, ang military training program, experiential po ang training niya; ‘yun ang pagkakaiba po ng tinatawag natin sa NSTP (National Service Training Program). Ang experience training ay talagang naisasapuso niya po ang lahat ng ginagawa niya; ‘yung survival instinct nandoon. kaya ‘yung sinasabi natin ‘yung mental problem, maaaring magamot, kasi ‘yung frustration tolerance ng isang tao, tataas.”
Pinagmulan: Senate of the Philippines, Committee on Higher, Technical and Vocational Education (Pebrero 6, 2023), Peb. 6, 2023, panoorin mula 2:02:15 hanggang 02:02:39
ANG KATOTOHANAN
Walang pag-aaral na sumusuporta sa ideya na ang mga programa ng ROTC ay isang “lunas” sa mental health. Itinuturing ito ng mga propesyonal sa sikolohiya bilang isang problematic na pahayag na nagkakalat ng disinformation, binabawasan ang kalubhaan ng mga mental health disorder, at “posibleng magsulong ng stigma” laban sa mga taong dumaranas ng mga psychological na isyu.
Bilang tugon sa tanong ng VERA Files Fact Check, sinabi ng rehistradong psychologist at psychometrist na si Gutsdozer Tancio na ang mga sakit sa pag-iisip ay “pinamamahalaan ng alinman sa psychopharmacological/sa pamamagitan ng gamot o sa pamamagitan ng psychotherapy, ngunit mas mabuti na pareho.”
Sa pagpuna sa paggamit ni Galvez ng salitang “lunas,” sinabi ni Tancio na mayroong pagkakaiba ang “lunas” at “paggamot.”
“Ginamit ko ang terminong ‘pinamamahalaan’ dahil sa puntong ito, ang ilang mga sakit sa pag-iisip, kung hindi karamihan, ay hindi mapapagaling, lalo na ang mga talamak tulad ng schizophrenia, bipolar disorder na may psychosis at iba pa. Gayunpaman, maaari silang ‘gamutin,’ ibig sabihin ang kanilang mga sintomas ay maaaring i-treat para ang tao ay maaaring maka-function muli, ngunit hindi nito inaalis ang pathology per se,” paliwanag niya.
Binanggit ng psychiatrist na si Randy Dellosa ang parehong nuances, na nagsasabing “ito ay isang grandiose ngunit simplistic na pahayag na sabihin na ang ROTC ay isang lunas.”
“Ang paggamot sa mga problema sa kalusugan ng isip ay nangangailangan ng pagkakakilanlan ng mga ugat nito, nagpapalubha na mga salik, at mga nag-trigger, na lahat ay kailangang partikular na matugunan at pamahalaan sa pamamagitan ng gamot, psychotherapy, pamamahala ng stress, at pagbabago ng lifestyle,” sinabi ni Dellosa sa VERA Files Fact Check.
Binigyang-diin niya ang papel ng “matindi at matagal na psychological at physical stress” sa pagpapalubha ng mga problema sa kalusugan ng isip. Sinabi niya na ang pagsasanay sa militar ay “physically taxing at psychologically grueling” at maaaring aktwal na mag-trigger ng pagkakaroon ng mga sakit sa isip.
“Ang mga pahayag ni Secretary Galvez ay maaaring isang tapat, taos-puso at may mabuting layunin na opinyon, ngunit ang pagsusulong ng isang mandatory na programa ng ROTC para sa umano’y mga psychological benefit ay dapat na suportado ng ebidensya mula sa siyentipikong pananaliksik,” dagdag ni Dellosa.
Pinabulaanan din ni Tancio ang pahayag na “pinapataas” ng ROTC ang frustration tolerance o ang kakayahang makatiis sa epekto ng stress.
“Maganda na mataas ang frustration tolerance ng tao. Ngutnit hindi nito ibig sabihin na hindi na magde-develop ng mental issues ‘yung tao dahil ang mental illness ay determinado ng maraming factors tulad ng genes, environment, and marami pang variables,” paliwanag niya.
Idinagdag ni Dellosa na ang frustration tolerance na maaaring mabuo ng ROTC ay partikular na naaangkop sa mga stress ng programa at hindi kinakailangang mga problema sa kalusugan ng isip.
“Halimbawa, ang matagumpay na pagtitiis sa stress ng pagmamartsa sa ilalim ng araw ay hindi nangangahulugan na epektibong pagpaparaya sa stress ng pamumuhay sa isang dysfunctional na pamilya o pagiging nasa isang relasyon sa isang gaslighting partner,” paliwanag niya.
Sa isang press briefing noong Peb. 7, si Department of Health Officer-in-Charge Maria Rosario Singh-Vergeire ay nagsabing ang mga isyu sa kalusugan ng isip ay maaaring hindi pareho sa bawat tao.
“Iba-iba po ang kapasidad ng isang tao na tumugon at maging resilient sa sarili nila. Iba-iba rin po ang kailangan ng bawat tao para sila po ay maging mentally healthy. Hindi ito magiging pareho para sa bawat tao,” sabi niya.
Matapos umani ng kritisismo mula sa mga propesyonal at tagapagtaguyod ng kalusugang pangkaisipan, nilinaw ni Galvez ang kanyang pahayag noong Peb. 7, at kinilala ang kanyang hindi wastong paggamit ng salitang “lunas.”
“Ang nais naming ipahiwatig sa pagdinig ay na sa pamamagitan ng aming pinahusay na programa ng ROTC, mabubuo namin ang lakas ng karakter at katatagan ng aming mga trainees, mga katangian na positibong nagpapaunlad sa kalusugan ng isip,” sabi niya.
Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.
Mga Pinagmulan
Senate of the Philippines, Committee on Higher, Technical and Vocational Education (February 6, 2023), Feb. 6, 2023
Gutsdozer Tancio, Personal Communication, Feb. 8, 2023
Randy Dellosa, Personal Communication, Feb. 8, 2023
Department of Health, Media Forum, Feb. 7, 2023
Defense Secretary clarifies his statement on ROTC curing mental illness
- Manila Bulletin, Galvez clarifies ROTC will build resilience of trainees, not cure mental health issues, Feb. 7, 2023
- Inquirer.net, After drawing flak, Galvez clarifies remark on ROTC ‘curing’ mental health, Feb. 7, 2023
- CNN Philippines, Galvez clarifies ‘ROTC as cure for mental health’ statement, Feb. 7, 2023
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)