Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT SHEET: Ang vaccine czar, ipinaliwanag

Habang naghahanda ang bansa para sa huling yugto ng mga clinical trial para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccines na magsisimula sa Disyembre, itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Presidential Peace Adviser Carlito Galvez Jr. bilang vaccine czar.

By VERA Files

Nov 10, 2020

8-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Habang naghahanda ang bansa para sa huling yugto ng mga clinical trial para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccines na magsisimula sa Disyembre, itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Presidential Peace Adviser Carlito Galvez Jr. bilang vaccine czar.

Sa isang briefing noong Nob. 2 sa Malacañang, sinabi ng pangulo: “Gusto ko lang ng isang linya ng awtoridad na magmumula dito sa Task Force sa pagbili ng bakuna … Ibinigay ko ‘yan kay Secretary Galvez.”

“Malaki ang aking pananalig kay Charlie na talagang magkaroon ng mga solusyon sa problema,” dagdag niya.

Si Galvez ay bahagi ng National Task Force (NTF) laban sa COVID-19. Ang kanyang bagong posisyon ay dagdag sa kanyang mga responsibilidad bilang punong tagapagpatupad ng National Action Plan upang i-contain, isolate, at mitigate ang epekto ng COVID-19. Bilang punong tagapagpatupad, siya ang namumuno sa pagpapatupad ng “mahigpit na pagsunod at pagpapatupad ng kapwa pampubliko at pribadong sektor sa mga alituntunin at protocol” na ipinalabas ng Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases (IATF), na pinamunuan ng Department of Health (DOH).

Sa isang pahayag na nai-post sa Facebook noong Nob. 3 na binabati si Galvez dahil sa kanyang appointment, sinabi ng dating special adviser ng NTF na si Tony Leachon: “Ito ay magiging isang mahirap na trabaho dahil magiging masyadong marami ang kanyang trabaho na maaaring malagay są alanganin ang kanyang malaking trabaho bilang Chief Implementer ng NTF vs COVID-19.”

Kasali si Galvez sa apat na iba pang mga czar sa ilalim ng NTF: Bases Conversion and Development Authority chief Vince Dizon, chief testing czar; Baguio City Mayor Benjamin Magalong, chief tracing czar; Public Works and Highways Secretary Mark Villar, chief isolation czar; at Health Undersecretary Bong Vega, chief treatment czar.

Unang nagpakita bilang vaccine czar si Galvez sa isang press briefing noong Nob. 3, kung saan ipinakita niya ang Philippine National Vaccine Roadmap na naglalaman ng pitong yugto na plano para sa COVID-19 Immunization Program ng gobyerno.

Matapos manawagan ang ilang mga health professional at advocacy group para sa paglikha ng isang technical committee ng mga multi-disciplinary expert ー tulad ng sinabi ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto ー inihayag ni Galvez sa isang public briefing noong Nob. 5 na bubuo ng isang “core group” ng vaccine expert panel, at mga dalubhasa sa logistics, impormasyon, diplomatic arrangement, at procurement upang maiugnay ang mga pambansang pagsisikap sa mga lokal na antas.

Ano nga ba ang tungkulin ng vaccine czar sa kasalukuyang tugon ng bansa sa COVID-19 pandemic? Narito ang dalawang bagay na dapat mong malaman.

1. Ano ba ang vaccine czar?

Ang pagtatalaga ng isang vaccine czar ay kabilang sa “mga bagong diskarte” na pinagtibay ng bansa upang makayanan ang COVID-19 pandemic, na ang saklaw at abot ay mas malaki kaysa sa mga nakaraang epidemicーSARS, MERS-CoV, at Ebolaーna naranasan sa bansa, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Singh-Vergeire sa VERA Files sa isang sulat noong Nob. 5.

Ang kanyang “pangunahing pananagutan” ay ang “pagbili, negosasyon, at pamamahagi,” pati na rin ang “pag-institutionalize ng end-to-end vaccine delivery” ng COVID-19 vaccine, idinagdag ni Vergeire.

Binabalangkas ng Resolution ng IATF No. 83 ang mga tungkulin ng vaccine czar:

Sinabi ni Vergeire na ang World Health Organization (WHO) Solidarity Vaccine Trials at mga independent trial “ay may kani-kanilang mga principal investigator at Contract Research Organization na direktang magbabantay at susubaybayan ang mga nasabing trial,” at ang vaccine czar ay responsable para sa “koordinasyon sa iba’t ibang ahensya, aktor, at mga technical working group sa ngalan ng DOH.”

Sa kanyang Nob. 3 Facebook post, sinabi ni Leachon, dating pangulo ng Philippine College of Physicians, na ang vaccine czar ay nangangailangan ng “malawak na karanasan” sa pharmaceutical medicine, regulatory at clinical affairs, public health, clinical research sa vaccination, epidemiology, procurement, supply chain at distribution ー bukod sa “malawak na karanasan sa pamumuno sa logistics sa parehong domestic at international arena.”

“Si Galvez ay marahil para sa armas at, syempre, pag-deploy ng mga tao sa panahon ng giyera. Hindi ako sigurado kung maihahambing ito sa paglulunsad ng isang produkto ー isang bakuna ー na kung saan ay nangangailangan ng kadalubhasaan sa medisina,” sinabi ni Leachon sa VERA Files sa isang panayam sa telepono noong Nob. 5.

Habang si Galvez, isang dating chief of staff ng Armed Forces of the Philippines na nananatiling pinuno ng Office of Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP), ay may background sa negosasyong pangkapayapaan, wala siyang track record sa larangan ng medisina.

“Wala tayo karaniwang [na] vaccine czar. Kadalasan ang Secretary of Health ang namamahala. Para sa anumang epidemya, dapat isang tao na may kadalubhasaan sa medisina. At pagkatapos kukuha ka ng mga taong tutulong sa iyo,” dagdag ni Leachon.

Dahil sa limitadong dosis na ilulunsad sa WHO COVAX Facility, isang global initiative upang makagawa at mamahagi ng mga bakuna para sa higit sa 172 na mga bansa, sinabi din ni Leachon na dapat asahan ng vaccine czar ang “nangungunang hamon sa logistics” dahil ang Pilipinas ay may “napakababang logistical base” sa mga ultra-freezing na kinakailangan sa pag-iimbak ng mga bakuna.

2. Paano naaangkop ang vaccine czar sa tugon ng bansa sa COVID-19 pandemic?

Tulad ng sinabi ni Duterte sa briefing noong Nob. 2, nais niya lamang ng “isang linya ng awtoridad” para sa pagbili ng mga bakuna.

Sa isang DOH media forum noong Nob. 4, tiniyak ni Vergeire sa publiko na ang appointment ni Galvez “ay hindi magbabago ng anupaman” sa proseso ng regulasyon ng bansa upang “matiyak na ang mga bakunang ito ay magiging ligtas at mabisa”:

No processes will be changed (Walang proseso na mababago), madadagdagan lang po siguro because we now have this vaccine czar, our leader (dahil meron na tayong vaccine czar, ang ating pununo). Baka maga-add (mag dagdag) siya ng more expeditious (mas madaling paraan) na mga proseso para mas mabilis po tayo.”

Pinagmulan: Department of Health, DOH Beat COVID-19 Media Forum | Nobyembre 04, 2020, Nob. 4, 2020, panoorin mula 36:27 hanggang 36:41

Sinabi ni Vergeire na magpapatuloy na makikipagtulungan si Galvez sa iba pang mga ahensya, kabilang ang DOH, Department of Science and Technology (DOST), Food and Drug Administration (FDA), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Foreign Affairs, at Bureau of Investments, bukod sa iba pa.

Ngayon na kasama si Galvez sa pagkilos, ang kanyang papel sa kasalukuyang pagtugon sa pandemic ay mas katulad sa isang “conductor ng isang symphony orchestra,” sabi ni Leachon.

Mangunguna si Galvez sa COVID-19 Vaccine Cluster ng NTF na binubuo ng anim na task group na nakatuon sa pagpapaunlad ng bakuna, procurement ng bakuna at finance, at vaccine deployment at roll out, ayon kay Health Secretary Francisco Duque III noong Nob. 9 sa press briefing ng DOH.

Kasama ng mga task group na ito, sinabi ni Galvez na magkakaroon din ng tatlong independent advisory groups: ang Health Technology Assessment Committee (HTAC), ang National Immunization Technical Advisory Group (NITAG), at ang National Adverse Events Following Immunization Committee (NAEFIC).

Sa isang pakikipanayam sa email sa VERA Files noong Nob. 4, sinabi ni Philippine Foundation for Vaccination (PFV) Executive Director Lulu Bravo, na kabilang sa mga nanawagan para sa isang technical advisory group na binubuo ng mga dalubhasa ng iba’t ibang disiplina, na kaya’t hindi ito isang tao kundi isang grupo na boboto sa lahat ng mga isyu upang “maging transparent at kapani-paniwala.”

Bagaman hindi pa pumipili si Galvez ng mga miyembro ng COVID-19 Vaccine Cluster, sinabi nina Bravo at Leachon na ang conflict of interest ay mahalagang ipagsaalang-alang sa proseso ng pagpili.

Hanggang noong Nob. 10, wala pang bakuna na nabuo at naaprubahan para sa pamamahagi para sa COVID-19, ngunit ayon kay Galvez, mayroong hindi bababa sa 17 na kasalukuyang sinusuri ng DOST, DOH, at ng Vaccine Experts Panel.

 

Mga Pinagmulan

Galvez appointed as vaccine czar

Galvez as Chief Implementer of the National Task Force vs COVID-19

Vaccine czar’s qualifications and responsibilities

Profile of Galvez

Philippine National Vaccine Roadmap

COVID-19 Vaccine trials in the Philippines

Department of Health, Beat COVID-19 Media Forum, Oct. 30, 2020

Department of Health, Beat COVID-19 Media Forum, Nov. 4, 2020

Department of Health, Beat COVID-19 Media Forum, Nov. 9, 2020

Presidential Communications Operations Office, Gov’t assigns PH anti-COVID czars – Presidential Communications Operations Office, July 13, 2020

Malaya, Experts advisory group for COVID vaccine distribution proposed, Oct. 27, 2020

World Health Organization, Draft landscape of COVID-19 candidate vaccines, Nov. 3, 2020

Sen. Ralph Recto, Vaccines “not a job for one Superman, but for a broad Justice League”, Nov. 4, 2020

Official Gazette, Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases Resolution No. 15

Official Gazette, Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases Resolution No. 39

Official Gazette, Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases Resolution No. 44

Official Gazette, Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases Resolution No. 68

Official Gazette, Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases Resolution No. 82

Official Gazette, Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases Resolution No. 83

People’s Television, Press briefing with Presidential Spokesperson Harry Roque, Nov. 3, 2020

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

 

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.