Hindi totoo ang sinabi ng media personality na si Raffy Tulfo na pinigilan ni Health Secretary Francisco Duque III ang pribadong sektor sa direktang pagbili ng mga bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa mga vaccine manufacturer.
PAHAYAG
Sa kanyang programa sa radyo-telebisyon na “Wanted sa Radyo” noong Marso 25, binatikos ni Tulfo si Duque dahil sa pakikialam umano nito sa pagkuha ng bakuna ng pribadong sektor.
Sinabi niya:
“Lahat ng malalaking kumpanya na can afford (makakaya) naman [nila], then let them [buy vaccines] (kaya hayaan silang [bumili ng bakuna]) para sa kanilang mga empleyado at malaking savings (tipid) sa gobyerno iyan … Bakit ayaw niyo? Ba’t kinakailangan pang dadaan sa [Department of Health (DOH)]? Para ano, para sa tongpats (patong)? Ikaw talaga Duque ka o … hindi nga Duque, totoo lang. Payagan mo na kasi Duque, alam ko namang kaya mo naman kung gustuhin mo. Kaya mo naman eh, diba? Sabihan mo lang ‘yung mga kasamahan mo…”
Pinagmulan: Raffy Tulfo In Action, WANTED SA RADYO FULL EPISODE | March 25, 2021, Marso 25, 2021, panoorin mula 1:05:16 hanggang 1:06:17
Mula noon ang video ay napanood nang higit sa 275,000 beses. Ngunit ang isang pinaikling anim-na-minutong bersyon na naglalaman ng parehong bahagi ng episode ay muling na-upload sa kanyang opisyal na YouTube channel, Raffy Tulfo in Action, kinabukasan, na napanood ng higit sa 1.109 milyong beses sa platform na iyon lamang, hanggang Abril 15.
ANG KATOTOHANAN
Mali si Tulfo; isang batas, hindi desisyon ng health secretary, ang nagbabawal sa mga pribadong kumpanya na bumili ng mga COVID-19 vaccine nang mag-isa.
Ang Republic Act 11525, na ipinasa ng parehong kapulungan ng Kongreso at nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Pebrero, ay nagbibigay-daan sa pribadong sektor na kumuha ng COVID-19 jabs, ngunit “sa pakikipagtulungan lamang sa DOH at [National Task Force (NTF) Against COVID -19].” Gagawin ito sa pamamagitan ng isang multiparty agreement, na kinabibilangan ng DOH at ng napiling manufacturer ng bakuna.
Ang mga bakuna na bibilhin ng mga pribadong sektor ay dapat na “para sa nag-iisa at eksklusibong paggamit ng mga naturang kumpanya, nang walang pagtatangi sa multiparty agreement,” sa ilalim ng Section 5 ng RA 11525, o “COVID-19 Vaccination Program of 2021.”
Inaatasan ng batas ang mga pribadong kumpanya na unahin ang kanilang kawani na inuri bilang mga healthcare worker, senior citizens, economic frontliners, at essential workers alinsunod sa listahan ng gobyerno ng COVID-19 vaccination priority list. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Marcoleta mali ang pahayag na ‘huli’ ang mga guro sa COVID-19 vaccination priority)
Sa isang pinagsamang pahayag noong Marso 22, sinabi ng DOH at ng NTF na kailangan ang multiparty agreement sapagkat “hinihiling” ng mga manufacturer sa pambansang pamahalaan na garantiyahan na pananagutan nito ang gastos sa mga magiging masamang epekto bunga ng pagbabakuna “bago matapos ang anumang mga procurement deal.” (Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: Vaccine indemnification fund, ipinaliwanag)
Bukod dito, ang lahat ng mga magagamit na bakuna ay nabigyan lamang ng isang emergency use authorization (EUA), na nangangahulugang ang mga jab ay hindi maaaring ibenta commercially, at sa gayon ay dapat na ibigay alinsunod sa prioritization framework ng pambansang pamahalaan, dagdag ng pahayag.
Ang mga EUA ay iniisyu ng Food and Drug Administration (FDA) sa mga panahon ng public health emergencies sa mga gamot o bakuna na may potensyal na maiwasan, masuri, o magamot ang isang sakit tulad ng COVID-19. Ang EUA ay naiiba sa certificate of public registration (CPR) o isang marketing authorization.
Sa isang tweet noong Marso 24 at muling binanggit sa isang expanded na pahayag kinabukasan, sinabi ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na si vaccine czar Carlito Galvez Jr. “ay may malinaw na plano na magdala ng 160 milyong dosis [ng COVID-19 jabs] sa bansa mula sa iba’t ibang mga vaccine manufacturer.” Sa pinagsamang bilang, 15 hanggang 20 milyong dosis ang “para sa pribadong sektor,” na inaasahang darating nang mga batch simula Mayo at Hunyo, dagdag ni Concepcion.
Sinabi ni Galvez, na siya ring NTF chief implementer, sa isang public briefing noong Marso 1 na target ng gobyerno na makakuha ng 161 milyong dosis sa pagtatapos ng taon.
Noong Abril 13, nakapangasiwaan ng gobyerno ang pamamahagi ng higit sa 1.25 milyong dosis ng bakuna, pangunahin sa mga healthcare worker, mga taong may mga comorbidity, at mga senior citizen, mula nang magsimula ang programa ng pagbabakuna ng gobyerno noong Marso 1. (Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: Ano ang aasahan sa sandaling mailabas ang mga bakuna sa COVID-19)
Mga Pinagmulan
Raffy Tulfo in Action, WANTED SA RADYO FULL EPISODE | MARCH 25, 2021, March 25, 2021
Raffy Tulfo In Action, IDOL RAFFY MAY MENSAHE KAY DOH SEC. DR. FRANCISCO DUQUE!, March 25, 2021
Official Gazette, Republic Act 115525
Department of Health, DOH, NTF: PRIVATE SECTOR ALLOWED TO PROCURE COVID-19 VACCINES VIA TRIPARTITE AGREEMENTS, accessed April 13, 2021
Food and Drugs Administration, Clarification on the issuance of Emergency Use Authorization (EUA) from the National Task Force against COVID-19
National Task Force Against COVID019, VACCINE ROLLOUT UPDATE, April 14, 2021
Procurement of private sector
- Philippine Information Agency, Government support was key in private sector access to vaccines, March 25, 2021
- Joey Concepcion, The overall portion for the private sector …, March 24, 2021
Presidential Communications Operations Office, Talk to the People of President Rodrigo Roa Duterte on Coronavirus Disease 2019 (Covid-19), March 1, 2021 (Transcript)
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)