Hindi bababa sa tatlong mga ahensya ng gobyerno ang nagsasagawa ng magkakahiwalay na imbestigasyon sa paggamit ng Presidential Security Group (PSG) ng mga smuggled at hindi awtorisadong bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa panahong wala pang naaprubahang bakuna, kahit para sa emergency use, sa bansa.
Sinabi ng Food and Drug Administration (FDA) at Bureau of Customs (BOC) na titingnan nila kung paano nakalusot ang mga iligal na bakuna sa mga daungan ng bansa at ginamit para mabakunahan ang mga security escort ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Nag isyu si Justice Secretary Menardo Guevarra ng isang “general instruction” sa National Bureau of Investigation (NBI) na ituon ang imbestigasyon nito sa kung paano pumasok ang mga COVID-19 vaccine sa Pilipinas. Ito ay kasunod ng mga ulat sa media na humigit-kumulang 100,000 mga manggagawang Tsino sa mga kumpanya ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) ang lihim na nabakunahan ng mga hindi nakarehistrong bakuna sa bansa.
Plano ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na magsagawa ng sarili nitong imbestigasyon simula Enero 5, ngunit kinansela ito ni Chief of Staff Gilbert Gapay isang araw matapos na utusan ni Duterte, ang commander-in-chief, ang PSG na huwag makipagtulungan sa Kongreso sa pagsisiyasat nito sa mga ipinuslit na bakuna.
Ang kontrobersya na kinasasangkutan ng PSG ay nagsimula nang sinabi ni Duterte sa isang pampublikong pahayag noong Dis. 26 na “halos lahat” ng mga sundalo ay nabakunahan laban sa COVID-19, ngunit hindi niya sinabi kung aling uri ng bakuna ang ginamit nila. Sa isang banda, sinabi niya na marami ang nabakunahan ng Sinopharm vaccines na gawa ng China ngunit hindi tinukoy kung sino.
Noong Enero 14, inihayag ni FDA Director-General Eric Domingo ang pagbibigay ng kauna-unahang emergency use authorization (EUA) sa COVID-19 vaccine na na-debelop ng Pfizer-BioNTECH. Tatlong iba pang mga kumpanya — AstraZeneca, Gmaleya, at Sinovac — ang may mga nakabinbing aplikasyon sa FDA.
Sa isang pahayag noong Dis. 28, kinumpirma ni PSG Commander Jesus Durante III na ang “ilang” mga close-in aide ni Duterte ay kabilang sa mga sundalo na nabakunahan laban sa COVID-19 noong Setyembre 2020, ngunit sinabi niya na ipinaalam sa pangulo ang tungkol dito noong Oktubre nang maging fully inoculated na ang mga presidential security aide. (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Duterte kinontra ang naunang sariling pahayag, Durante sa pagkakaalam tungkol sa PSG COVID-19 vaccine)
Tumanggi si Durante na kumpirmahin o itanggi kung kasama siya sa mga nabakunahan. Tumanggi din siyang pangalanan ang tatak ng ginamit na bakuna, sino ang “nagbigay” ng mga jab, at kung paano ipinasok ang mga ito sa bansa.
Sa kabila ng mga batikos sa pagkakaroon ng access sa mga COVID-19 vaccine bago ang mga health worker at iba pang mga prayoridad na sektor, ipinagtanggol nina Duterte at iba pang mga opisyal ng Gabinete tulad nina Interior and Local Government Secretary Eduardo Ano at Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pagbabakuna ng mga miyembro ng PSG at binigyang-katwiran na ang kanilang paggamit ng mga hindi awtorisadong bakuna ay upang protektahan ang pangulo laban sa sakit.
Narito ang limang bagay na kailangan mong malaman tungkol sa mga paglabag at mga parusa para sa mga taong sangkot sa paglabag sa mga batas at regulasyon sa paggamit ng mga hindi awtorisadong bakuna:
1. Ang mga taong na-inoculate gamit ang hindi awtorisadong bakuna ay walang ligal na pananagutan.
Parehong sinabi nina Domingo at Guevarra na ang mga indibidwal na nabakunahan ng unregulated COVID-19 vaccines ay walang ligal na pananagutan.
“Sa ilalim ng ating mga umiiral na batas, ang isang tao na malaya at kusang-loob na na-inoculate ang kanyang sarili ng isang hindi nakarehistro o hindi pinahintulutang gamot o bakuna ay hindi magkakaroon ng anumang pananagutang kriminal, maliban kung siya mismo ang naging sanhi ng labag sa batas na pagkuha o nagtataguyod ng paggamit nito ng ibang tao,” sinabi ni Guevarra sa media.
Sinabi ni Durante na ang PSG ay “naghanap ng mapagkukunan … nanghingi … humiling ng” mga bakunang ginamit sa kanyang tauhan, ngunit idinagdag na “walang pampublikong pondo” ang ginugol sa pagkuha ng mga iyon. Nang hinimok na tukuyin ang pinagmulan ng bakuna, sinabi lamang niya, “maaaring ito ay isang tao, maaaring ito ay isang estado, o maaari itong maging sinuman.”
Sinabi ni Guevarra na mahalaga na ang mga regulasyon sa pag-angkat ng bakuna at pangangasiwa ay “mahigpit na ipinatutupad para sa pakinabang ng bawat isa,” bagaman ang isyu kung makakakuha ba ng bakuna, sinabi niya, ay isang “isyu ng personal na kaligtasan.”
Noong Abril 2020 pa, nagbabala ang FDA sa publiko na huwag kumuha ng hindi awtorisadong COVID-19 vaccine dahil “walang garantiya sa kaligtasan, kalidad, at pagiging epektibo ang nasabing bakuna dahil hindi pa ito sumailalim sa kinakailangang teknikal na pagsusuri ng FDA.” (Tingnan ang VERA FILES FACT CHECK: Posts claiming PH has ‘approved’ COVID-19 cure FALSE)
2. Ang mga health practitioner na namamahala ng mga hindi pinahintulutang bakuna mawawalan ng kanilang professional license.
Ang mga “may alam o kusang nag turok ng hindi nakarehistrong bakuna” ay mananagot sa ilalim ng Republic Act (RA) 2382, o ang Medical Practice Act of 1959, ayon kay Guevarra.
Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na ang kanyang ahensya, sa pakikipag-ugnayan sa Professional Regulatory Commission (PRC), ay iimbestigahan ang iligal na pangangasiwa ng mga hindi awtorisadong bakuna ng mga doktor at iba pang mga medical professional, na nahaharap sa pagbawi ng kanilang mga medical license.
Pinagbabawalan ng Philippine Medical Association (PMA), ang nag-iisang propesyonal na samahan ng mga doktor sa bansa na akreditado ng PRC, ang mga miyembro nito na mag-alok o magbigay ng mga hindi nakarehistrong bakuna sa kanilang mga pasyente habang at pagkatapos ng pandemic, batay sa mga patnubay na inilabas noong nakaraang taon, na ngayon bahagi na ng code of ethics ng samahan para sa mga medical professionals.
Sa ilalim ng Section 24 ng RA 2382, ang mga doktor na mapapatunayang lumalabag sa anumang probisyon ng code of ethics ng PMA ay pagagalitan at ang kanilang mga lisensya ay sususpindihin o babawiin.
Nang tanungin kung isang medical worker ang nagturok ng mga hindi rehistradong bakuna sa mga close-in security aide ni Duterte, sinabi ni Durante na ang mga sundalo ang nag-injection ng mga bakuna sa kanilang sarili, kahit na ang PSG ay mayroong sariling medical team. Tinanong ulit kung sino ang gumabay sa mga sundalo kung paano gamitin ang bakuna, mabilis na sumagot ang pinuno ng PSG: “Ang lahat ay nasa manual.”
3. Ang mga smuggler at nagbebenta ay mananagot sa ilalim ng health, customs, at iba pang kaugnay na mga batas.
Ang Section 11 ng RA 3720, na sinusugan ng RA 9711 o Food and Drug Administration Act of 2009, ay nagbabawal at pinapaparusahan ang “paggawa, pag-import, pag-export, pagbebenta, pag-aalok ng benta, pamamahagi, transfer, non-consumer use, promosyon, advertisement, o sponsorship” ng anumang hindi awtorisadong bakuna sa bansa.
Ang FDA director general ay maaaring ikansela o suspindihin ang anumang pahintulot, magpataw ng multa mula P50,000 hanggang P500,000, at mag-order ng pagwasak ng mga produktong lumalabag sa RA 9711.
Ang RA 10863, o ang Customs Modernization and Tariff Act, ay nagbabawal sa pagpasok ng mga walang lisensyang bakuna, ayon kay BOC Assistant Commissioner Vincent Maronilla.
Sinabi ni Maronilla na ang mga nagdala ng “ipinagbabawal na mga gamot,” ay nahaharap sa administratibo at kriminal na pananagutan batay sa mga espesyal na batas, habang maaaring managot naman ang mga opisyal na napatunayang may mga administratibong pagkukulang.
4. Tanging ang national government ang maaaring bumili nang direkta sa mga banyagang kumpanya ng gamot ng mga bakunang may EUA
Maliban sa pambansang pamahalaan, ang ibang mga entity tulad ng mga local government unit (LGU) o pribadong entity ay hindi pinahihintulutan na bumili nang direkta mula sa mga kumpanya ng mga bakuna para sa emergency use. Ang mga EUA ay hindi katumbas sa isang “marketing authorization,” ayon kay Domingo.
“Ang pwede pa lang bumili niyan ay pambansang gobyerno kasi EUA pa lang siya. Nagiging available lang sa merkado ang isang produkto kapag nabigyan na siya ng certificate of registration. At hindi pa mabibigyan itong mga bakunang ito ng [certificate of product registration (CPR)] kasi hindi pa naman talaga epektibo o technically tapos ang kanilang mga klinikal na pagsubok … hanggang trial III pa lang iyang mga ‘yan,” paliwanag ni Health Undersecretary Maria Rosario Singh-Vergeire.
Sa pamamagitan ng Executive Order 12, series 2020, pinahintulutan ni Duterte si Domingo na maglabas ng EUA para sa mga kwalipikadong bakuna bilang tugon sa COVID-19 pandemic, bago pa man makumpleto ang mga Phase IV na clinical trial. Maibebenta lamang ng mga tagagawa ang mga bakuna sa regular na merkado pagkatapos matagumpay na matapos ang lahat ng mga klinikal na pagsubok at nakakuha ng isang CPR mula sa FDA.
Muling iginiit ni Vergeire na kailangan na makipagtulungan sa pambansang pamahalaan matapos ang ilang mga LGU tulad ng Makati City na inihayag noong Enero na sila ay naglaan ng pondo upang bumili ng mga COVID-19 vaccine para sa kanilang mga nasasakupan.
Habang ang mga LGU at pribadong organisasyon ay tinatapos ang mga kasunduan sa mga kumpanyang nagde-debelop ng mga bakuna, ang proseso ng pagkuha ay ginagawa pa rin sa pamamagitan ng pambansang pamahalaan.
Sa tanong ng mga mambabatas kung bakit mukhang “monopolyo” ng pambansang pamahalaan ang pagbili ng mga bakuna, sinabi ng mga opisyal tulad ni Secretary Carlito Galvez Jr. at Domingo sa pagdinig sa Senado noong Enero 11 na hinihigpitan ng mga batas sa procurement, mga alalahanin sa kaligtasan, at EUA, na hindi pahintulot para sa commercial marketing, ang mga LGU at pribadong kumpanya sa direktang pagbili ng mga bakuna.
Noong Nobyembre 2020, itinalaga ni Duterte si Galvez, na namumuno rin sa National Task Force (NTF) Against COVID-19, bilang “vaccine czar.” Inatasan niya si Galvez na maging kinatawan ng gobyerno sa direktang pakikipag-negosasyon sa mga kumpanya para sa pagkuha ng mga bakuna. (Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: Ang vaccine czar, ipinaliwanag)
Sinabi ni Galvez na sisimulan ng gobyerno sa huling bahagi ng Pebrero ang pagbabakuna ng 50 milyon hanggang 70 milyong mga Pilipino, gamit ng hindi bababa sa 148 milyong dosis ng mga COVID-19 vaccine mula sa pitong mga manufacturer, kabilang ang AstraZeneca, Sinovac, at Pfizer-BioNTECH. Sa pitong kumpanya, ang Pfizer-BioNTECH lamang ang nakakuha ng EUA, na pinapayagan itong magdala ng mga bakuna sa Pilipinas.
5. Bakit mahalagang kumuha lamang ng mga awtorisadong o nakarehistrong bakuna?
Nang tanungin tungkol sa mga peligro at panganib ng pagtanggap ng mga hindi pinahihintulutang bakuna, sinabi ni Domingo sa CNN Philippines sa isang pakikipanayam na mayroong “mataas na posibilidad” na “peke” o “sira” ang mga jab, at walang paraan para subaybayan kung saan nanggaling ang mga produkto sakaling magkaroon ng mga side effect.
Ang lahat ng mga bakuna na dadaan sa regulatory process ng FDA ay sasailalim sa post-authorization o post-marketing surveillance para masubaybayan ang kanilang paglulunsad, at mga potensyal na masamang epekto sa mga tatanggap ng bakuna, bukod sa iba pang mga nauugnay na detalye.
Ang FDA at DOH, kasama ang National Adverse Events Following Immunization Committee (NAEFIC) sa ilalim ng COVID-19 Vaccine Cluster ng NTF, ang magiging nangungunang ahensya sa pagmamanman ng masamang epekto ng mga bakuna na gagamitin sa pambansang COVID-19 immunization program ng gobyerno.
Mga Pinagmulan
GMA News, Dobol B Sa News TV Livestream: December 29, 2020 | Replay, Dec. 29, 2020
Guevarra’s order to NBI
- Rappler.com, NBI ordered to probe illegally obtained vaccines in PH, Dec. 30, 2020
- Inquirer.net, NBI to probe unlawful entry, use of Sinopharm vaccine, Ded. 31, 2020
- Philstar.com, NBI to probe entry, use of unregistered vaccines, Dec. 31, 2020
Melo Acuna official YouTube channel, 100,000 POGO workers inoculated with COVID-19 vaccine, Jan. 4, 2021
AFP Spokesperson Edgard Arevalo official Twitter account, AFP Chief General Gilbert Gapay called-off scheduled fact-finding investigation …, Jan. 5, 2021
Presidential Communications Operations Office, Talk to the People of President Rodrigo Roa Duterte on Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), Jan. 4, 2021
Presidential Communications Operations Office, Meeting of President Rodrigo Roa Duterte With Emerging Infectious Diseases Experts on Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) – Part II, Dec. 26, 2020
Presidential Community Group, PSG OFFICIAL STATEMENT On The Vaccine Issue, Dec. 28, 2020
ANC 24/7 , PSG vaccinated against COVID-19 without Duterte’s knowledge – PSG Head | ANC, Dec. 29, 2020
ANC 24/7, PH Interior Chief Año: PSG vaccinations not part of rollout; Priority list remains | ANC, Dec. 28, 2020
ANC 24/7, https://www.youtube.com/watch?v=xDlBW0Sreh8&list;=ULqhn2B9RmEbE&index;=20, Dec. 30 ,2020
CNN Philippines, The Source: Eric Domingo and Rontgene Solante, Dec. 28, 2020
Food and Drug Administration, Caution on use of unauthorized vaccines, Dec. 28, 2020
Professional Regulatory Commission, Republic Act No. 2382, Accessed Jan. 8, 2021
Professional Regulatory Commission, General practice of Medicine, Accessed Jan. 8, 2021
PMA GUIDELINES FOR DOCTORS IN ADVERTISING/PEDDLING/POSTING SERVICES AND/OR PRODUCTS DURING THE PANDEMIC OR POST-PANDEMIC:, Accessed Jan. 8, 2021
Food and Drug Administration, RA 9711, Accessed Jan. 8, 2021
Bureau of Customs, RA 10863, Accessed Jan. 8, 2021
ABS-CBN News, Only nat’l gov’t can buy COVID vaccines under emergency use but LGUs can partner: DOH | ABS-CBN News, Jan. 4, 2021
Official Gazette, Executive Order 121, Series of 2020, Dec. 12, 2020
LGUs allocated funds for COVID-19 vaccines
- CNN Philippines, LIST: LGUs allot funds for COVID-19 vaccination, Jan. 5, 2020
- Philstar.com, Makati, other LGUs allot funding for COVID-19 vaccines, Jan. 5, 2020
- Rappler.com, As LGUs move to get COVID-19 vaccines, DOH asks: Work with us on rollout, Jan. 4, 2020
RTVMalacanang, Situation Briefing and Talk to the People on Typhoon ‘Rolly’ 11/2/2020, Nov, 5, 2020
Galvez: COVID-19 vaccination to begin in February
- Inquirer.net, PH can achieve herd immunity vs COVID-19 in 2021 if vax supply is enough — Duque, Jan. 11, 2021
- Manila Bulletin, COVID-19 vaccination to start by end-February, says Galvez, Jan. 11, 2021
- CNN Philippines, Vaccine czar eyes jabs by February, but Filipinos may need to endure pandemic until 2023, Jan. 11, 2021
Presidential Communications Operations Office, Public Briefing #LagingHandaPH: “Laging Handa: Covid-19 Vaccines Explained” hosted by PCOO Undersecretary Rocky Ignacio, Jan. 6, 2021
Food and Drug Authorization, FDA Circular No. 2020-036 || Guidelines on the Issuance of Emergency Use Authorization for Drugs and Vaccines for COVID-19, Dec. 14, 2020
Department of Health, DOH, FDA welcome EO on emergency use authorization, Dec. 3, 2020
Senate of the Philippines, Committee of the Whole (January 11, 2021), Jan. 11, 2021
Department of Health, FDA Special Announcement, Jan. 14, 2021
PTV, Statement of National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer and Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr. clarification on the negotiation with Pfizer, Dec. 18, 2020
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)