Matapos isiwalat na “halos lahat” ng mga sundalo ay nabakunahan laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), iniba ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang pahayag — “hindi niya alam” ang tungkol sa pagbabakuna ng kanyang mga close-in security.
PAHAYAG
Sa kanyang pampublikong pahayag noong Enero 4, ipinagtanggol ni Duterte ang pagbabakuna ng mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG), sinabing siya ay “hindi magtataka kung talagang ginawa nila ito” dahil sa likas na katangian ng kanilang trabaho.
Sinabi niya pagkatapos:
“I don’t know really if they were injected with the vaccine. What brand (Hindi ko talaga alam kung sila ay naturukan ng bakuna. Anong brand), hindi ko alam. Hindi ko talaga — huwag kayong — do not presume na (huwag ipalagay na), sabi kino-cover up. Putang ina kayo … hindi ako gago na maglaro ng ganito.”
Pinagmulan: Presidential Communications Operations Office, Talk to the People of President Rodrigo Roa Duterte on Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), Enero 4, 2021, panoorin mula 14:37 hanggang 14:58
Sinabi ng pangulo na ang desisyon ng PSG na kumuha ng COVID-19 vaccine ay “usapin ng self-preservation” at idinagdag na siya ay “hindi masigasig” sa pagpapahintulot sa mga tauhan nito na tumestigo sa anumang pagsisiyasat sa kongreso tungkol sa isyu.
ANG KATOTOHANAN
Mismong si Duterte ang unang nagbunyag sa publiko na “halos lahat” ng mga sundalo ay nabakunahan na. Sinabi ni PSG Commander Brig. Gen. Jesus Durante III na ipinaalam sa pangulo noon pang Oktubre 2020 ang tungkol sa pagpapabakuna ng mga miyembro ng PSG laban sa COVID-19.
Sa isang pahayag noong Dis. 26, 2020, sinabi ng chief executive:
“Halos lahat ng sundalo natusukan na. I have to be frank and I have to tell the truth. I will not foist a lie (Kailangan kong maging prangka at dapat akong magsabi ng totoo. Hindi ako gagawa ng kasinungalingan). Marami nang nagpatusok … Up to now (Hanggang ngayon), wala akong narinig sa — for the select few (para sa mga ilang piling-pili) — not all soldiers, not all soldiers (hindi lahat ng mga sundalo, hindi lahat ng mga sundalo), hindi pa kasi policy (patakaran), eh.”
Pinagmulan: Presidential Communications Operations Office, Meeting of President Rodrigo Roa Duterte With Emerging Infectious Diseases Experts on Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) – Part II, Dis. 26, 2020, panoorin mula 2:23:48 hanggang 2:24:13
Makalipas ang dalawang araw, sinabi ni Maj. Gen. Edgard Arevalo, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines (AFP), sa isang pahayag na ang mga sundalo na nabakunahan ay mga miyembro ng PSG. Gayunpaman, sinabi niya na ang AFP ay “walang alam kung paano nakuha ang mga bakuna.”
Kinumpirma din ito ni Durante, na sinabing ang PSG ang nagturok ng COVID-19 vaccine sa mga tauhan nito na “nagsasagawa ng close-in security operations sa pangulo.” Hindi niya tinukoy kung anong brand ng bakuna ang ginamit, ngunit sinabi na ang pagbabakuna ng PSG ay nagsimula noong Setyembre ng nakaraang taon.
Sa isang panayam sa ANC Headstart noong Dis. 29, sinabi ni Durante na ang PSG ay “hindi humingi” ng permiso mula kay Duterte, ngunit “ipinaalam sa kanya ang tungkol dito” noong Oktubre, matapos ang ang “ilang” mga presidential security aide ay ganap na na-inoculate.
Sinabi ni Durante na “nagulat” si Duterte nang ipaalam sa kanya ang nangyari, at idinagdag na sinabi niya sa pangulo kung paano nakuha ng PSG ang mga bakuna at “ipinaliwanag… kung bakit ginawa ito ng [PSG].”
Ang mga bakuna ay ‘donasyon mula sa China’
Sa parehong public broadcast noong Dis. 26, sinabi ni Duterte, pa-tungkol kay Food Administration (FDA) Director-General Eric Domingo, na marami sa bansa ang nabakunahan na ng Sinopharm vaccine na gawa sa China, kahit na wala pang naaprubahang COVID-19 vaccine sa Pilipinas.
Bilang tugon, sinabi ni Domingo na nagsagawa ang FDA ng tatlong raid sa Makati at Binondo, ngunit wala pang nahuhuling sinuman na nagbebenta o nagtuturok ng mga hindi nakarehistrong vaccine.
Pagkalipas ng tatlong araw, noong Dis. 29, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa kanyang press briefing na ang mga bakunang ginamit ng PSG ay nagmula sa isang “donasyon na walang mga kundisyon,” na idinagdag:
“[I]yan po ay galing sa vaccine na ginawa po ng Tsina. I think (Palagay ko) sinabi naman po ng presidente eh Sinopharm po iyan.”
Pinagmulan: Office of the Presidential Spokesperson, Press Briefing of Presidential Spokesperson Harry Roque, Dis. 29, 2020, panoorin mula 14:09 hanggang 14:16
Noong Setyembre ng nakaraang taon — noong sinabi ni Durante na nagsimula ang pagbabakuna ng PSG — ang Sinopharm vaccine ay binigyan ng isang emergency use authorization sa United Arab Emirates habang nasa ikatlong yugto pa lang ito ng trial. Ang mga developer nito ay umalis sa pakikilahok sa mga clinical trial sa Pilipinas nang sumunod na buwan.
Sa kanyang panayam noong Dis. 29 sa ANC Headstart, tumanggi si Durante na sabihin ang brand ng bakuna na ginamit sa PSG, bagaman pinanindigan niya na “walang ginamit na pampublikong pondo” sa pagkuha nito.
Ayon kay Roque, ang bakunang ginamit ng PSG ay isang “token donation” na aniya, ay pinapayagan sa ilalim ng Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corruption Act “lalo na kung panahon ng Pasko … ‘yung mga walang masyadong halaga.” Sinabi ni Durante na ang mga miyembro ng PSG ay nabakunahan noong Setyembre at Oktubre, o dalawa hanggang tatlong buwan ang layo mula Pasko, “upang maisakatuparan ang aming misyon (upang protektahan ang pangulo) anuman ang halaga.”
Bili man o bigay, ang mga bakuna ay kailangang sumailalim ng clearance mula sa FDA at Department of Health (DOH) bago magamit ang mga ito sa bansa, ayon kay Domingo.
Sa ilalim ng isang DOH administrative order (AO) noong 2007, ang mga donasyon ng health at medical related goods sa mga panahon ng emergency ay “pangunahing responsibilidad” ng departamento. Sinasabi nito na “walang donasyon,” maging mula sa international o lokal na mapagkukunan, maliban kung ang health secretary o isang itinalagang kinatawan ay maglalabas ng isang “pormal na pagtanggap” para sa nakasaad na hangarin.
Sa pagpirma sa kautusan, si Health Secretary Francisco Duque III, na humawak sa parehong posisyon noong 2007, ay “ginamit” ang kanyang “kapangyarihan bilang ‘alter ego’ ng pangulo hinggil sa kapakanan ng kalusugan ng lahat ng mga Pilipino.”
Nauna nang nagbabala ang DOH sa publiko na hindi ligtas na mabakunahan ng isang hindi nakarehistrong COVID-19 vaccine dahil hindi masisiguro ng kahit na sino ang kaligtasan o pagiging epektibo nito.
Ang mga opisyal ng PSG, na nasasailalim sa kategorya ng uniformed personnel, ay pang-lima sa listahan ng prayoridad sa programa ng gobyerno ng pagbabakuna ng COVID-19, sa likod ng mga frontline health worker, senior citizen, at mahihirap.
Sunod sa utos ni Duterte sa PSG na huwag tumestigo sa anumang imbestigasyon na isasagawa ng Kongreso, kinansela ng militar ang sarili nitong pagsisiyasat sa kontrobersya.
Gayunpaman, sinabi ng National Bureau of Investigation na ipagpapatuloy nito ang imbestigasyon tungkol sa isyu, maliban kung iatras ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang kanyang utos na pagsisiyasat, ayon sa tagapagsalita ng ahensya na si Ferdinand Lavin.
Gayundin, sinabi ni Domingo na magpapatuloy ang imbestigasyon ng FDA alinsunod sa “proseso” nito.
Samantala, sinabi ni Duque na ang PSG ay magsusumite ng buwanang ulat tungkol sa mga epekto ng COVID-19 vaccine na natanggap ng mga miyembro nito halos apat na buwan na ang nakalilipas.
Sa ngayon, ang Pfizer-BioNTech COVID-19 vaccine lamang ang nabigyan ng isang EUA, isang pansamantalang permiso na iniisyu sa mga hindi rehistradong gamot o bakuna, ng FDA. (Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: Alamin ang mga prospect na COVID-19 bakuna sa Pilipinas)
“Without the proper authorization, there is no guarantee on the safety, quality and efficacy of [a vaccine against COVID-19] as [it] has not undergone the required technical evaluation by the FDA.
(Kung walang wastong pahintulot, walang garantiya sa kaligtasan, kalidad at pagiging epektibo ng [isang bakuna laban sa COVID-19] dahil [ito] ay hindi pa sumailalim sa kinakailangang teknikal na pagsusuri ng FDA.)”
Pinagmulan: Food and Drug Administration, Caution on Use of Unauthorized Vaccines, Dis. 28, 2020
Sa isang briefing noong Enero 14, sinabi ni Domingo, ayon sa EUA, ang mga Pfizer-BioNTech vaccine ay ibibigay lamang sa “mga emergency response stakeholder,” kabilang ang DOH at National Task Force Against COVID-19 o kanilang mga itinalaga, at hindi dapat ibinebenta sa commercial market.
Mga Pinagmulan
Presidential Communications Operations Office, Talk to the People of President Rodrigo Roa Duterte on Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), Jan. 4, 2021
RTVMalacanang YouTube, Meeting on COVID-19 Concerns and Talk to the People on COVID-19, Jan. 4, 2020
Presidential Communications Operations Office, Meeting of President Rodrigo Roa Duterte With Emerging Infectious Diseases Experts on Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) – Part II, Dec. 26, 2020
RTVMalacanang YouTube, Meeting with the Emerging Infectious Diseases Experts (Full Program) 12/26/2020, Dec. 27, 2020
Armed Forces of the Philippines Official Twitter, AFP Statement from Spokesperson
@atty_edarevalo on COVID-19 vaccine to AFP Personnel…, Dec. 28, 2020
PTV News, PSG on the vaccine issue, Dec. 28, 2020
ANC 24/7 YouTube, PSG vaccinated against COVID-19 without Duterte’s knowledge – PSG Head, Dec. 29, 2020
Timeline of PSG vaccination statements
BBC News, Covid: What do we know about China’s coronavirus vaccines?, Dec. 30, 2020
The New York Times, How the Sinopharm Vaccine Works, Jan. 4, 2021
The Guardian, China’s Sinopharm Covid vaccine: how effective is it and where will it be rolled out?, Dec. 14, 2020
Office of the Presidential Spokesperson, Press Briefing of Presidential Spokesperson Harry Roque, Dec. 29, 2020
Reuters, UAE announces emergency approval for use of COVID-19 vaccine, Sept. 15, 2020
Fortune, China’s controversial emergency-use program for COVID vaccines is going global, Sept. 16, 2020
CNBC, The UAE has approved a Chinese-made coronavirus vaccine for emergency use, Sept. 15, 2020
ABS-CBN News, Sinopharm calls off COVID-19 vaccine clinical trials in PH, Sinovac awaits ethics review, Oct. 16, 2020
CNN Philippines, China’s Sinopharm won’t conduct COVID-19 vaccine trials in PH, Oct. 16, 2020
Inquirer.net, ‘Change of mind:’ China-based pharma firm will not join vaccine trials, Oct. 17, 2020
CNN Philippines, FDA, DOH clueless on unregistered vaccine source, insist donated doses need gov’t clearance, Dec. 29, 2020
GMA News Online, Donated vaccine should still be registered —FDA chief, Dec. 30, 2020
Manila Standard, FDA ’compassionate permit’ allows unregistered vax, Jan. 6, 2021
Department of Health: Office of the Secretary: Administrative Order No. 2007-0017, Guidelines on the Acceptance and Processing of Foreign and Local Donations During Emergency and Disaster Situations, May 28, 2007. Retrieved on Jan. 12, 2020
GMA News Online, DOH: Unregistered COVID-19 vaccines could do more harm than good, Dec. 18, 2020
PTV News, DOH warns vs. used of unregistered COVID-19 vaccines, Dec. 18, 2020
Manila Bulletin, Public warned on unregistered COVID vaccines, Dec. 18, 2020
Department of Health, Priority Eligible Groups for vaccination. Retrieved on Dec. 6, 2020
GMA News Online, AFP calls off probe on PSG inoculation, Jan. 5, 2021
Inquirer.net, PH military stops probe on use of unregistered COVID-19 vaccines after Duterte order, Jan. 5, 2021
News 5, CANCELLED | Military calls off probe on PSG vaccination mess after Duterte briefing, Jan. 5, 2021
CNN Philippines YouTube, The Source: Ferdinand Lavin, Jan. 4, 2021
ABS-CBN News, Guevarra: No liability for those inoculated with unauthorized vaccines, Jan. 4, 2021
Philstar, Despite Duterte’s order, NBI probe into PSG’s use of unauthorized vaccine to continue, Jan. 5, 2021
Business Mirror, PSG spared, but NBI, senators’ vaccine probe seen to go on, Jan. 6, 2021
PTV YouTube, PANOORIN: The Laging Handa COVID-19 Vaccines Explained | January 6, 2021, Jan. 5, 2021
ABS-CBN News, PSG to submit monthly reports on men who got COVID-19 vaccines | ANC, Jan. 6, 2021
Food and Drug Administration Philippines Facebook, Press statement: FDA Philippines Grants Emergency Use Authorization to Pfizer-BioNTech COVID19 Vaccine, Jan. 14, 2021
Food and Drug Administration Philippines, Press Statement: Caution on Use of Unauthorized Vaccines, Dec. 28, 2020
Department of Health, FDA Special Announcement, Jan. 14, 2021
Food and Drug Administration Philippines, FDA Circular No. 2020-036: Guidelines on the Issuance of Emergency Use Authorization for Drugs and Vaccines for COVID-19, Dec. 14, 2020
(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)