Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Pahayag ng Pangulo na dalawang Duterte ang hahawak ng pinakamataas na posisyon sa gobyerno sa loob ng 11 araw nakaliligaw

WHAT WAS CLAIMED

Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang Pilipinas ay magkakaroon ng dalawang Duterte na uupo bilang presidente at bise presidente sa loob ng 11 araw hanggang Hunyo 30 dahil sa naganap na maagang inagurasyon ng kanyang anak na si Sara Duterte-Carpio noong Hunyo 19.

OUR VERDICT

Nakaliligaw:

Bagama’t ito ang unang pagkakataon sa kasaysayan ng Pilipinas na ang isang papasok na bise presidente ay anak ng pababang pangulo, hindi magsasapawan ang kanilang mga termino sa panunungkulan. Malinaw na nakasaad sa Section 4, Article VII ng 1987 Constitution na ang papasok na bise presidente ay maaari lamang manungkulan “sa tanghali ng ika-30 ng Hunyo kasunod ng araw ng eleksyon at magtatapos sa tanghali ng parehong petsa pagkatapos ng anim na taon.”

By VERA Files

Jun 22, 2022

4-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Nakaliligaw ang pahayag ni outgoing President Rodrigo Duterte na dalawang Duterte ang uupo bilang presidente at bise presidente ng bansa sa loob ng 11 araw dahil sa naganap na maagang inagurasyon ng kanyang anak na si Vice President-elect Sara Duterte-Carpio.

Bagama’t ito ang unang pagkakataon sa kasaysayan ng Pilipinas na ang isang incoming vice president ay anak ng outgoing na presidente, ang kanilang mga termino ay hindi magsasabay.

PAHAYAG

Sa kanyang pambungad na talumpati sa groundbreaking ceremony ng isang bagong sports complex sa Bataan noong Hunyo 17, biniro ng pangulo ang limang miyembro ng Garcia political dynasty na naroon dahil sa “pagkopo ng lahat [ng mga posisyon]” sa panlalawigang pamahalaan. Sinabi niya:

“Bilib ako sa iyong liderato, puro Garcia. Sa amin man rin. Alam ninyo may kakaibang pangyayari sa ating kasaysayan. Siguro ito ang kauna-unahang pagkakataon. Hindi ko alam. Kailangan ko pang tingnan sa archives ng ating bansa, pero si Inday [Sara] … manunumpa sa katapatan niya sa Saligang Batas at sa bansa ngayong [Hunyo] 19.”

Idinagdag niya:

“Si Bongbong Marcos ay manunumpa sa Hunyo 30. Kaya sa panahon na iyan, sa punto  ng ating kasaysayan, ang presidente ako pa. Sa Hunyo 30 pa iyong isa; pero may bise presidente na nanumpa sa tungkulin. Kaya sa loob ng … 11 araw, ang presidente ninyo Duterte, ang bise presidente ninyo Duterte. Kaya sabihin ko kay Inday, ‘ituloy na lang natin ito.’ Hindi, biro lang.”

 

Pinagmulan: Presidential Communications Operations Office official website, Groundbreaking Ceremony of the Philippine Sports Training Center (transcript), Hunyo 17, 2022, panoorin mula 2:28 hanggang 4:37

 

ANG KATOTOHANAN

Bagama’t nanumpa si Duterte-Carpio bilang bise presidente noong Hunyo 19, siya ay mananatiling mayor ng Davao City hanggang matapos ang kanyang termino sa Hunyo 30.

 


Malinaw na nakasaad sa Section 4, Article VII ng 1987 Constitution na ang papasok na bise presidente ay magsisimulang umupo sa tanggapan “sa tanghali ng ika-30 ng Hunyo kasunod ng araw ng eleksyon at matatapos sa tanghali ng parehong petsa pagkatapos ng anim na taon.”

(Tingnan ang VERA FILES FACT SHEET: Can VP-elect Sara Duterte be sworn in before June 30?)

Kinilala ito ni Duterte-Carpio sa isang press conference noong Hunyo 20 nang tanungin kung sino ang kanyang itatalaga sa Office of the Vice President, at sinabing ang kanyang termino ay magsisimula pa lamang sa Hunyo 30. Ito ang unang pagkakataon mula nang maratipika ang 1987 Constitution na ang papasok na bise presidente ay nanumpa bago magsimula ang termino sa opisina.

Noong Hunyo 19, ang babaeng anak ng pangulo ay nanumpa bilang ika-15 bise presidente sa isang seremonya sa kanyang bayan ng Davao City. Ang kanyang running mate, si President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., anak at kapangalan ng namayapang diktador, ay manunumpa sa harap ng National Museum sa Maynila sa Hunyo 30.

Sinabi ni dating election official George Garcia noong Mayo na ang maagang oath-taking ay hindi ilegal “basta ang pag-upo [sa opisina] ay mangyayari sa tanghali ng Hunyo 30.”

 

 

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

 

Pinagmulan

Presidential Communications Operations Office official website, Groundbreaking Ceremony of the Philippine Sports Training Center (transcript), Hunyo 17, 2022

Official Gazette official website, The Constitution of the Republic of the Philippines, Na-access noong Hunyo 21, 2022

ANC 24/7 official YouTube Channel, LOOK: VP-elect Sara Duterte talks to reporters on education agenda, conversations with father, Hunyo 20, 2022

Ferdinand “Bongbong” Marcos official website, Marcos to take oath at historic National Museum building, Hunyo 2, 2022

GMA News Online official website, Comelec affirms presumptive VP Sara Duterte could take oath before June 30, Mayo 17, 2022

CNN Philippines official website, Comelec exec: Not illegal for winning candidates to take oath before June 30, Mayo 17, 2022

Inquirer.net official website, Comelec: ‘No problem’ with Sara Duterte’s inauguration as VP ahead of June 30, Mayo 17, 2022

Office of the Vice President official website, Previous Vice Presidents, Na-access noong Hunyo 21, 2022

Official Gazette official website, Executive Branch, Na-access noong Hunyo 21, 2022

 

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.