Skip to content
post thumbnail

VERA FILES FACT CHECK: Pahayag ng press secretary sa status ng trabaho ng DA exec nangangailangan ng konteksto

WHAT WAS CLAIMED

Nagbitiw si Leocadio Sebastian bilang undersecretary at chief of staff ng Department of Agriculture.

OUR VERDICT

Kailangan ng konteksto:

Sinabi ni Richard Palpal-Latoc, deputy executive secretary for legal affairs sa ilalim ng Office of the President, na hiniling lamang ni Sebastian na tanggalin ang mga tungkulin niya sa Agriculture department. Siya ay “hindi nagbitiw sa posisyon” at “maaari pa ring italaga sa ibang posisyon na katumbas ng kanyang ranggo bilang CESO [Career Executive Service Officer].”

By VERA Files

Sep 14, 2022

5-minute read

Basahin sa Ingles

ifcn badge

Share This Article

:

Sinalungat ni Executive Secretary Victor Rodriguez ang isang anunsyo ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles noong Agosto 12 na si Leocadio Sebastian, sa kaniyang sulat kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ay nagbitiw bilang undersecretary at chief of staff ng Department of Agriculture (DA). Ito ay nangangailangan ng konteksto.

PAHAYAG

Sa isang 20-minutong Facebook livestream noong Agosto 12, sinagot ni Cruz-Angeles, isang dating vlogger, ang mga tanong matapos sabihin na nagpadala si Sebastian ng resignation letter kay Marcos noong nakaraang araw. Nang tanungin ng isang manonood ang press secretary kung nagbitiw na si Sebastian o humiling na ma-relieve, sinabi niya:

“Nag-resign po siya. ‘Yon po ang nakalagay sa kaniyang sulat.”

 

Pinagmulan: Office of the Press Secretary official Facebook page, Live with Press Secretary Trixie Cruz-Angeles (August 12, 2022), Agosto 12, 2022, panoorin mula 13:00 hanggang 13:05

Makalipas ang mahigit dalawang linggo noong Agosto 30, sinabi ni Cruz-Angeles sa isang press briefing na nagbitiw si Sebastian.

Gayunpaman, sinabi niyang hindi tinanggap ni Marcos ang pagbibitiw ni Sebastian dahil ang undersecretary ay napatawan ng preventive suspension sa loob ng 90 na araw. Sinabi niya na nasuspinde si Sebastian dahil sa imbestigasyon sa mga pangyayari na nakapalibot sa Sugar Order No. 4 na inaprubahan niya at ng tatlong dating miyembro ng SRA board.

ANG KATOTOHANAN

Sinabi ni Rodriguez sa mga senador sa isang pagdinig sa Senado noong Setyembre 6 na hiniling lamang ni Sebastian na “ma-relieve” sa kaniyang mga posisyon sa Agriculture department.

“Iyong sulat ho niya kasi noong Agosto 11 … ang sinasabi lang ho niya ay hindi naman po resignation,” sagot ni Rodriguez nang tanungin siya ni Sen. Alan Peter Cayetano para linawin kung si Sebastian ay nagbitiw o natanggal sa trabaho.

Sa pagsipi sa isang bahagi ng sulat ni Sebastian, sinabi ng executive secretary:

“‘Kaya buong kababaang-loob kong inaalok na ma-relieve sa akin ang mga itinalagang awtoridad at ang mga atas at responsibilidad sa aking kapasidad bilang Chief of Staff at Undersecretary ng Department of Agriculture.’”

 

Pinagmulan: Senate of the Philippines official YouTube channel, Blue Ribbon Committee (September 6, 2022), Setyembre 6, 2022, panoorin mula 4:02:48 hanggang 4:03:22


Sa parehong pagdinig, sinabi ni Richard Palpal-Latoc, deputy executive secretary for legal affairs sa ilalim ng Office of the President, na “sa paghiling na ma-relieve, hindi nagbitiw si [Sebastian] sa posisyon” at “maaari pa ring italaga sa ibang posisyon na katumbas ng kaniyang ranggo bilang CESO [Career Executive Service Officer].”

Bilang isang CESO 1, si Sebastian ay itinuturing na permanenteng empleyado ng gobyerno na may garantisadong security of tenure anuman ang kaniyang posisyon o ranggo sa burukrasya.

BACKSTORY

Dalawa sa mga miyembro ng SRA board na nag-apruba sa Sugar Order No. 4 ang nagbitiw noong Agosto. Tinawag ni Cruz-Angeles na “illegal” ang kautusan dahil inaprubahan ito nang walang awtoridad ni Marcos bilang SRA board chairman. Pinirmahan ni Sebastian ang utos “para” kay Marcos bilang kaniyang kahalili sa SRA board.

Matapos magpa-relieve si Sebastian, nagbitiw sa pwesto ang noo’y SRA administrator na si Hermenegildo Serafica. Ang miller’s representative sa board, ang abogadong si Roland Beltran, ay nagbitiw din sa kadahilanang pangkalusugan.

Ang dalawang pagbibitiw ay tinanggap ng Pangulo. Ang pang-apat na board member, ang planter’s representative na si Aurelio Gerardo Valderrama Jr., ay hindi muling itinalaga sa binagong komposisyon ng SRA board.

Noong Setyembre 8, inirekomenda ng Senate blue ribbon at agriculture, food and  agrarian reform committees ang paghahain ng mga reklamong administratibo sa Ombudsman laban sa apat na dating miyembro ng SRA board dahil sa serious dishonesty, grave misconduct, gross neglect of duty, conduct prejudicial to the best interest of the service, at gross insubordination sa ilalim ng Revised Rules on Administrative Cases in the Civil Service. Inirekomenda rin ng mga komite ang mga kasong kriminal na graft and corruption, smuggling at usurpation of official functions bunga ng pagpapalabas ng importation order.

Nais ng mga komite na mailagay ang mga dating opisyal sa immigration lookout bulletin sakaling subukan nilang umalis ng bansa.

Ang SRA ay isang korporasyong pagmamay-ari at kontrolado ng pamahalaan sa ilalim ng Department of Agriculture. Ito ay itinatag noong 1986 upang bumuo at bumalangkas ng mga patakaran, kabilang ang iba pa, para matiyak ang sapat na supply ng asukal sa bansa.

 

Nakakita ka na ba ng anumang kahina-hinalang pahayag, larawan, meme, o online post na gusto mong i-verify namin? Sagutan ang reader-request form na ito.

 

Mga Pinagmulan

Senate of the Philippines official YouTube channel, Blue Ribbon Committee (September 6, 2022), Setyembre 6, 2022

Office of the Press Secretary official Facebook page, Live with Press Secretary Trixie Cruz-Angeles (August 12, 2022), Agosto 12, 2022

Office of the Press Secretary official Facebook page, (Announcement on the “resignation” of Agriculture Undersecretary Leocadio Sebastian) (archive), Agosto 13, 2022

Office of the Press secretary official website, WATCH: Press briefing of Press Secretary Atty. Trixie Cruz-Angeles | August 30, 2022 (transcript), Agosto 30, 2022

Office of the Press secretary official website, Probe underway over ‘unauthorized’ importation of 300,000 MT of sugar, Agosto 11, 2022

Career Executive Service Board official website, FREQUENTLY ASKED QUESTIONS ON CAREER EXECUTIVE SERVICE OFFICER (CESO), Na-access noong Setyembre 9, 2022

Philippine News Agency, SRA administrator Serafica resigns, Agosto 16, 2022

Inquirer.net, SRA chief Serafica resigns following sugar importation mess, Agosto 16, 2022

Philstar.com, Sugar administrator resigns following import mess, Agosto 16, 2022

Inquirer.net, Sugar board member linked to importation reso mess resigns due to ‘health reasons’, Agosto 15, 2022

Philippine News Agency, SRA board member resigns due to ‘health reason’, Agosto 15, 2022

Philstar.com, Sugar administrator resigns following import mess, Agosto 16, 2022

GMA News Online, Another Sugar Order 4 signatory resigns from post, Agosto 15, 2022

People’s Television official website, Pres. Marcos reconstitutes Sugar Regulatory Board with 3 new appointees, Agosto 20, 2022

Philippine News Agency, SRA Board planters’ rep leaving fate to PBBM, Agosto 16, 2022

Daily Guardian, Fate of SRA board’s ‘last man standing’ up to Marcos Jr., Agosto 17, 2022

Senate of the Philippines official YouTube channel, Blue Ribbon Committee (September 8, 2022), Setyembre 8, 2022

Senate of the Philippines official website, Committee Report No. 3 (19th Congress), Setyembre 8, 2022

Sugar Regulatory Administration official website, Officials of the SRA Board, Na-access noong Setyembre 8, 2022

Sugar Regulatory Administration official website, About Us, Na-access noong Setyembre 8, 2022

Official Gazette official website, Executive Order No. 18, s. 1986, Mayo 28, 1986

 

(Ginagabayan ng code of principles ng International Fact-Checking Network sa Poynter, ang VERA Files ay sumusubaybay sa mga maling pahayag, flip-flops, nakaliligaw na mga pahayag ng mga pampublikong opisyal at kilalang personalidad, at pinasisinungalingan ang mga ito gamit ang tunay na ebidensya. Alamin ang inisyatibong ito at aming pamamaraan.)

Get VERAfied

Receive fresh perspectives and explainers in your inbox every Tuesday and Friday.